PART 5

1889 Words
“IHAHATID MO ako?” Hindi makapaniwala si Sandy habang nakatingin kay Macoy na nasa labas apartment. Hindi ito nakauniporme at sa gilid ng kalye ay ang kotse nito. Pero ang mas hindi niya inaasahan ay nang sabihin nitong ihahatid siya. Pinagre-report siya sa isang kompanya na pinag-applyan niya at umaasa siya na positibo na ang makukuhang sagot. “Oo nga. Pupunta ba ako dito kung hindi?” Hindi makatingin ng diretso na saad ni Macoy. Halatang medyo nahihiya ito dahil sa biglang pagsulpot na ginawa. “Aba ay baka naman ihahatid mo lang ako ng tanaw,” “Tss…” Napangiti siya. “Biro lang. Tara na nga at baka ma-late pa ako.” Hindi ito nagsalita at pinagbuksan na lang siya ng pinto ng kotse. Pagkasakay niya ng kotse ay inayos niya ang kaniyang white long sleeve at black skirts. Habang umiikot si Macoy patungo sa kabilang pinto ay pasimple niyang sinipat ang sarili sa cellphone. Hinayaan niyang nakalugay ang buhok. Hindi siya masiyadong naglagay ng kolorete sa mukha. Bumawi na lang siya sa kilay at lip tint. Malaking bagay din na nakisama muna ang mga pimples niyang maglaro muna ng hide-and-seek. At least kahit sandali ay feeling clear skin siya. “Ready?” tanong kaagad ni Macoy pagkasakay sa kotse. “Yep!” “Seatbelt, please.” Kagyat siyang kumilos at isinuot ang seatbelt. Pinaandar nito ang kotse. Tahimik silang dalawa sa unang dalawang minuto. Sa tinagal-tagal niyang pinapangarap ang lalaki ay ngayon niya lang ito mai-interview. Susulitin niya na ang mga panahong nakakasama ito. “Bakit naisipan mong mag-pulis?” usisa niya. “It flows in the blood. Simula sa lolo ng lolo ko, hindi nawawalan ng pulis.” “Hindi ba boring?” “Mas boring kapag nasa likod ka lang ng mesa at nagkukutingting ng kung ano-ano.” He frowned in grimaced. Base sa sagot ni Macoy ay mas gusto nito sa field. “So, may mga operation kayo na kailangan talaga ng… ganoon… ‘yung mga barilan.” “Minsan kailangan talaga,” tila wala lang na tugon nito samantalang siya ay hindi mapigilan na mag-alala para dito. “Hindi ka ba natatakot?” tanong niya na bahagya pang humarap dito. Ngumiti ito. “Mas nakakatakot kapag dumami ang gumagawa ng masama.” “Bakit kasi nga ang bilis pa nilang dumami kesa sa mabubuti?” “May kaniya-kaniya silang rason kaya ginagawa nila iyon. May mabuti na pakiramdam nila ay ang paghawak na lang sa patalim ang huling alas nila. May mga masasama na likas na talaga sa bituka ang gumawa ng masamang gawain. Minsan lang talaga kapag kasalanan kailangan talagang panagutan.” Tumango-tango siya. Akala niya ay sa telebisyon niya lang napapanood ang ganoong tema. May ganoon din pa lang outlook sa totoong buhay. Hindi niya mapigilang pagmasdan ang lalaki. Dati sa malayo niya lang tinatanaw ito ngayon… “Ako ba kailan mo pananagutan ang puso ko?” Wala sa loob na pabulong niyang tanong. “Ano?” gulat nitong tanong sabay baling sa kaniya. “Ha?” Nakaurap siya. “Wala ha,” painosente niyang wika. “May sinasabi ka diyan kanina.” Tumaas ang sulok ng labi nito. “Wala nga.” Todo tanggi siya kahit na halos mapunit ang labi niya sa pagpipigil na ngumiti. “Oo na. Basta kapag natanggap ka na, dapat may palibreng palabok.” Bumungisngis siya. “Oo naman.” Mag-aala una na ng dumating sina Sandy at Macoy sa kompanya. Nang maihatid ni Macoy ang dalaga ay umalis na ito. Samantalang si Sandy ay panay ang dasal habang sakay ng elevator na sana ay matanggap na siya. Nagsagawa muli ng isang maikling interview ang HR bago inianunsyo na tanggap na siya. Tuwang-tuwa si Sandy pero pinigil niya ang sariling ibalita kaagad kay Mina at Macoy ang resulta. Nang araw ding iyon sinabi sa kaniya ang mga gagawin niya bilang assistant ng operation manager. Medyo may kabigatan ang posisyon para sa gaya niyang walang gasinong experience kaya naman kinailangan pa siyang i-tour at bigyan ng mga booklet na kailangan niyang tandaan at pag-aralan. Bandang alas-singko ay babago pa lang siya nakasakay. Maya’t maya ang tingin ni Sandy sa relo. Mag-aalas sais na ay nasa daan pa rin siya. Hindi niya akalaing gagabihin siya ng ganoon. Bukod kasi hindi pa niya gamay ang sakayan ay naipit pa siya ng traffic. Nungkang nakatulog na siya sa biyahe at magising ay bahagya na umusad ang sasakyan. Eksaktong alas-otso ay narating niya ang kanto. Pagkababa ay nag-text agad siya kay Mina na nasa kanto na siya. Itinago niya ang cellphone at kumuha ng pamusod. Banas na banas na siya kanina pa habang sakay ng jeep. Punuan na at halos wala na siyang maiibo. “Ginabi ka ata, Sandy…” Napakislot si Sandy nang may magsalita mula sa likuran. Nilingon niya ang nagsalita. Naroon si Louie ang panganay na kapatid ni Matet. Sa unang tingin niya pa lang niya ay kinabahan na siya. Bukod kasi sa kakaiba ang tingin nito sa kaniya ay susuray-suray ito. Hindi maiikaila na lasing na naman ito gaya nang madalas mangyari. “Ikaw pala, Louie,” kunwa’y bati niya. Hindi niya pinahalata ang takot na naramdaman. “Pauwi ka na rin?” pagtatanong pa niya habang pasimpleng humahakbang palayo. Sumilay ang ngiti nito. “Ayaw ko pa ngang umuwi. Nakakainip lang sa bahay. Baka gusto mo muna akong samahan?” “Ah. Naku, gabi na eh. Hinihintay ako ni Mina.” “Hindi pa iyan.” Bumaba ang tingin nito sa suot niya. “Maganda ka naman, Sandy kaso masiyado kang pakipot.” Hahakbang na sana palapit ito sa kaniya pero nagsimula na siyang umurong. “Uuwi na ako, Lou—“ “Sabi ng mamaya ka na!” sigaw ni Louie sa kaniya. Akmang hindi niya na ito papansinin pero nagawa nitong hablutin siya sa kamay. “Tigas ng ulo mo no!” “Bitiwan mo nga ako!” “Tumigil ka! Mana—“ Hindi na naituloy ni Louie ang sasabihin dahil tumilapon na ito kung saan. Napairit si Sandy. Hindi niya alam kung tatakbo palayo o hindi nang isang malakas na kamay ang humila sa kaniya. Akmang magwawala siya pero nagsalita habang inihaharap siya. “Calm down, Sandy. Ako ito!” Tumigil si Sandy sa pagwawala. Napatulala siya kay Macoy na hawak siya sa magkabilang pisngi. “M-Macoy…” unti-unting nanlabo ang mga mata niya habang nakatingin sa gwapo nitong mukha na punong-puno ng pag-aalala. “Okay na. Hindi ka na niya mahahawakan ha. Andito na ako. Wala ng kahit sinong makaklapit pa sa’yo,” buong suyong pangako ni Macoy sa kaniya. Dama niya ang matinding pag-aalala sa tinig nito at ang pag-igting ng baga sa pagpipigil na magalit. Tumango siya at bago pa ma-realize ang ginagawa ay yumakap siya dito. Isiniksik niya ang mukha sa dibdib nito at humawak doon nang mahigpit na para bang sa ganoong paraan makakaamot siya ng lakas. Natatakot man siya pero unti-unti ay binalot ang dibdib niya ng kapayapaan. “SUMUSOBRA na sila! Hindi ko na talaga mapapalagpas ito!” Naalimpungatan si Sandy sa malakas na tinig ni Mina. Napabalikwas siya ng bangon ng maalala si Louie pero nang ma-realize niyang sa bahay na siya habang nadidinig ang malakas na boses ni Mina ay alam niyang safe na siya. Dumating si Macoy… Dali-dali siyang bumangon mula sa kama at lumabas ng kwarto. Naabutan niyang naghuhurumentado si Mina. Kasama nito sa salas si Macoy at isa pang lalaki na pinakilala nitong Rex. Matapos patigilin si Mina kaiimik ay pinakiusapan niyang iwan muna sila ni Macoy. Pinasama naman ni Macoy si Rex dito na nagsabing may bibilhin sa labasan. “Easy-go-lucky si Rex pero mabait ‘yun.” Sinulyapan niya ito. “Pinagma-match mo ba si Mina at Rex?” Macoy chuckled. “I’m not good with that. I’m just saying na hindi mo kailangang kabahan na kasama ni Mina si Rex.” “Kaibigan at kasamahan mo siya kaya hindi ako nag-aalala.” “Kahit pagkatapos ng mga nangyari?” nananantiyang tanong ni Macoy. Ngumiti si Sandy at naupo sa sofa katabi si Macoy. “Hindi lahat ng lalaki pare-parehas. May mabuti, may hindi gaano. Pero isang bagay lang ang napatunayan ko. Mabuti kang tao, Macoy, at hindi ko alam kung paano mababayaran lahat ng ginawa mo para sa akin, para sa amin ni Mina.” Ilang sandaling walang salita si Macoy. Nagsisimula nang mag-alala si Sandy nang biglang hawakan nito ang kamay niya. “You don’t have to pay me. All you need to do is to be safe, for me, for Mina, and for yourself.” “Macoy…” “Nag-iisa akong anak. My parents gave me everything kaya hindi ko kinailangang pagpaguran ang mga bagay na pinagpapaguran ninyo ni Mina. Maybe that’s also the reason why I entered the camp. I wanted to know what responsibility means and gradually, naunawaan ko iyon. Pero mas naunawaan ko iyon nang makilala ko kayo ni Mina.” Bumaba ang tingin nito sa kamay niya at masuyong ginagap iyon. “Hindi kayo magkadugo pero kung paano ninyo tratuhin at mahalin ang isa’t isa, alalahanin ang isa’t isa na para bang malaki ninyong responsibilidad ang bawat isa. It made me realized that when you love or care for someone or something, you’ll take the full responsibility.” Wala siyang maapuhap na sagot kaya nanatili siyang tahimik. “Sandy… From now on ‘till then… Let me make you my full responsibility… Let me take care of you…” “A-ano…?” Hindi maunawaan ni Sandy kung anong gagawin o sasabihin. Nagririgodon ang dibdib niya. Nag-iinit ang pakiramdam niya. Pinagpapawisan siya. “Hindi ko alam kung kailan, kung paano nagsimula…Pero ako ang uri ng lalaki na kapag kailangang kumilos o magsalita, hindi na ako magpapatumpik-tumpik pa… So, Sandy,” tumaas ang kamay ni Macoy sa pisngi niya pababa sa baba niya. Marahan nitong itinaas iyon para magpantay ang tingin nila. “Will you let me take care of you? Will you be my girlfriend?” “Seryoso ka?” bago pa napigilan ni Sandy ay naibulalas niya. Umarko ang isang kilay ni Macoy. “Mukha ba akong nagbibiro?” Umiling-iling siya. “H-Hindi… Kaso…” “Kaso ano?” Bumitaw siya dito at pinagsalikop ang dalawang kamay. Naging mailap ang mga mata niya. “Hindi ba pwedeng ligawan mo muna ako? Masiyado kang nagmamadali.” Dumaan ang sandaling katahimikan bago napunit iyon nang malakas na halakhak ni Macoy. Tiningnan niya ito. “Hoy! Anong nakakatawa?” “Wala,” saad nito sa pagitan ng pagtawa. “Wala daw. Tatawa ka ba kung wala lang.” “Really. It’s nothing.” “Macoy!” Tumigil si Macoy sa pagtawa. “Inalok lang kita pero hindi ibig sabihin nito ay hindi na kita liligawan. Kagabi ko pa iniipon lahat ng lakas ng loob para masabi ko lahat ng ito.” “Pero seryoso ka na gusto mo talaga akong… hmmm… maging girlfriend mo?” Nag-alangan pa siyang itanong ang huling salitang iyon. “I’m more than serious, Sandy…” Tinitigan niya ang lalaki na hindi niya akalaing magliligtas sa kaniya nang paulit-ulit at sa huli ay magtatapat ng pag-ibig. Feeling niya ay punong-puno ang dibdib niya. Huminga siya nang malalim pero bago pa niya napigilan ang sarili, nagbagsakan ang masaganang luha sa mga mata niya. She’s beyond grateful and blessed.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD