Kung may makakakita lamang kay Sarah sa mga sandaling iyon ay iisipin ng sinuman na may humahabol dito. Halos hindi magkanda-tuto ang dalaga sa pagsuksok ng susi sa doorknob sa panginginig ng mga kamay.
Nakalayo, at naka-uwi na siya sa apartment ay hindi pa rin nagno-normal ang t***k ng puso niya. Halos atakihin siya ng panick attack habang kaharap si Erick, mabuti na lamang at nakatalikod na siya sa binata bago pa man siya tuluyang pangapusan ng hininga at mamaluktot sa sahig.
Kahit pa nakita na niya si Erick, bagaman hindi siya nito nakilala noon ay hindi pa din siya naging handa sa biglaang pagkikita nila ng araw na iyon. Kahit na nga yata paghandaan niya ang pagkakataon kung sakali man, ay hindi pa din siya magiging handa. Sigurado siyang ganoon pa din ang magiging reaksyon ng kanyang katawan.
Nang mapagtagumpayan na mabuksan ang pintuan ay dali-daling pumasok ang dalaga. Muli iyong isinara at sinugurong naka-lock bago tila nahahapong napasandal doon hanggang sa tuluyang manlambot ang mga binti at mapa-dausdos paupo.
Si Erick ang huling taong nanaisin niyang makita o makasama sa iisang lugar, sinasadya man o hindi. Hangga't maaari ay ayaw niyang mag-krus ang mga landas nila. Ilang minuto din siyang nanatili sa pagkakasalampak upang payapain ang sarili nang halos patalon siya sa gulat at kaba nang sunod-sunod na katok ang muling magpa-taranta sa kanya.
"S-sino iyan?!"
Pasigaw niyang tanong kahit na ba nasa likod lamang siya ng pintuan.
"Si Bianca ito!"
Pasigaw din na sagot ng pinsan niya.
Nanlalatang tumayo siya at pahinamad na binuksan ang pintuan. Nakapamewang na pinasadahan siya ng tingin ni Bianca. Hanggang sa humakbang ito papasok sa loob ng bahay ay hindi nito inaalis ang paningin sa kanya.
" Anong nangyari sa iyo? Para kang hinila palabas sa isang horror movie."
Anito matapos maupo sa plastik na silya.
"W-wala.."
Iwas na sagot niya. Subalit, sa isang kagaya ni Bianca na kahit yata milya-milya ang layo niya ay nababatid niyang hindi ito naniniwala. Patunay doon ang nanguusig nitong tingin na para bang hinahalukay na ang kaloob-looban ng utak niya.
Inaasahan na niyang kukulitin siya nito hanggang sa magsalita siya, pero hindi iyon nangyari. Sa halip, para itong nauubusan ng lakas na naglakad papasok sa kwarto. Natitigilang sinundan niya ito ng tingin. Ano't nabaliktad yata ang sitwasyon? Siya na itong nagtataka at naguguluhan sa pangyayari.
Nakalimutan niya ang sariling problema, mas nakuha na ngayon ni Bianca ang atensyon niya. Tiyak niyang may kinalaman na naman ang asawang hilaw nito sa inaakto ng pinsan. Marahan siyang lumapit sa bungad ng silid, mula doon ay pinanood niyang dumapa sa katre si Bianca at impit na magtitili sa unan na nakataklob sa mukha nito.
"Ano'ng nangyari sa iyo?"
Siya na ngayon ang may tanong niyon. Nagulat pa siya nang bumalikwas ito nang bangon at nakasimangot na tumitig sa kanya bago humugot ng hangin at tila maiiyak na. Hindi siya komportable sa mga ganoong eksena. Sa pagkakatanda niya, siya ang madalas na kino-comfort, umiiwas siyang nakipag-kaibigan o makihalubilo sa iba. Kaya nga ba kahit matagal siyang nanirahan sa Japan ay wala siyang partikular na matatawag na kaibigan. Kaya kahit na hindi niya alam kung paano magre-react nang magsimulang magkuwento si Bianca tungkol sa asawa nito at sa ex-girlfriend nitong may maluwag na turnilyo sa ulo ay sinubukan niyang mag-isip nang dapat ipayo kahit na ba, hindi siya magaling pagdating doon.
Nang makaalis ang pinsan matapos siyang gawing *love advisor* ay tsaka lamang siya nakahinga nang maluwag. Naiiling na binuksan niya ang bag at inilabas doon ang pakete ng itim na kaha ng sigarilyo at ang maliit na metal lighter at saka siya nagtungo sa kusina upang magtimpla ng kape.
Ini-unat niya ang mga binti sa mesita ng maliit na sala, dinala sa labi ang sinindihang sigarilyo at malalim na hinithin iyon hanggang sa tila mapuno ng usok niyon ang kanyang baga. Paniguradong magagalit na naman sa kanya si Chris kapag nalaman nitong hindi pa din niya lubusang tinatalikuran ang pagiging smoker.
Pinanuod niya ang usok na unti-unting kumakawala sa kanyang bibig, patungo sa ere. Kumakalat ang matamis na amoy niyon sa hangin. Ipinilig niya ang ulo nang muling lumitaw sa kanyang balintataw ang imahe ni Erick kaya napangiti siya nang mapakla. Mukhang naging mabuti ang kapalaran sa binata..kabaliktaran niya.
***
"Hindi ka pa ba tapos?"
Naiinip nang tanong ni Jeremy sa babaing katabi. Mula sa pagmamasid nito sa bintana ng sasakyan ay lumingon at inalis ang suot na dark glasses.
"Hindi pa nag-iinit ang pwet mo sa upuan Jeremy."
Naiinis na tugon nito.
"Kailangan ko pa ba'ng hintayin na mag-init ang pwetan ko? Kanina pa tayo dito..."
Sinipat nito ang relong pambisig.
"Dalawampung minuto na hindi pa din lumalabas alinman sa mga Sandoval."
"Maghintay ka pwede?"
Napapabuntong-hiningang napakamot sa pisngi si Jeremy.
"You know, you can just show your self to them."
"At ano?"
Pigil ang inis na anito.
"Family reunion.."
Naka-ngising ani Jeremy.
"Mr. Goody two shoes would be morethan welcome to embrace you. After all, it's you Mercy.. He can't say no to you.
Tukoy nito kay Erick, subalit taliwas doon ang iniisip ni Mercy.
Napatuwid nang upo si Mercy nang mula sa mataas na gate ay bumukas ang maliit na pintuan niyon at lumabas doon ang hinihintay niya. Sa kaliwang kamay nito ay may tangan na water botlle habang ang kanan ay hawak ang dalawang tali ng aso. Sa palagay niya ang maglalakad-lakad ang dalagita.
"Follow her."
Utos niya kay Jeremy nang magsimulang maglakad ang dalagita.
"You know, I hate it when I'm being ordered around. "
Kuno-noong anito bago marahang pinaandar ang sasakyan.
Nang makarating sa maliit na dog park ang dalagita ay muling ipinarada ni Jeremy ang sasakyan ilang metro ang layo doon. Walang salitang umibis doon si Mercy, ang mga mata ay nakatutok kay Monica.
Hinintay niyang makatapos ang dalagita sa pagpapadumi sa mga tangay nitong alaga. Inalis nito ang leash sa collar ng mga aso na mabilis na nagtakbuhan patungo sa play pen. Naupo sa isang bench ang dalagita kaya iyon na ang naging hudyat upang makalapit siya nang lubusan dito.
"Monica.."
Tawag pansin niya nang makalapit. Gulat na napaangat ng ulo ang dalagita. Sinubukan niyang ngumiti nang mas malawak sa nais niya upang huwag itong mailang at maiparating na wala siyang ibang intensyon.
Ngunit kahit yata mapunit ang pisngi niya sa lawak ng ngiti sa kanyang labi ay hindi magagawang ngumiti pabalik ni Monica sa kanya. Nakaka-ilang ang tiim nang titig nito, maging ang pagkakataas ng kilay na para bang isang malaking kasalanan na binulabog niya ang pag-iisa nito.
Tumikhim siya at binalewala ang tahimik na banta sa mga mata ng dalagita. Naupo siya ilang dangkal sa tabi nito.
"What do you want?"
Iritadong tanong ni Monica.
"I, Uhm.. Nakita lang kita kaya nagpasya akong lapitan ka.."
"Really?"
Sarkastikong balik nito.
Natitigilang napalingon siya kay Monica. Nang unang lapitan niya ang dalagita, ilang linggo pa lang ang nakakaraan ay hindi ganoon ang reaksyon nito sa kanya. Bagaman hindi siya nagpakilala sa totoong pangalan niya ay hindi naman ganoon ka-hostile ang naging eksena sa pagitan nila.
Subalit iba ang araw na iyon. Tila ba ibang tao ang nasa harapan ni Mercy.
"What's your name again?"
Mula sa pag-iisip ay bahagya pang nagulat si Mercy sa biglaang pagsasalita ni Monica.
Napalunok siya at nag-iwas ng tingin.
"Ana-"
Hindi na natapos pa ni Mercy ang pagsasalita nang biglang tumayo ang dalagita. Pumito ito, ilang saglit pa ay mabilis na tumatakbo papalapit ang mga alaga nito sa kanila.
Muli siyang napalunok nang tuluyang makalapit ang dalawang hayop at uriin siya ng tingin at singhut-singhutin na para bang kinikilala siya at inaalam kung may hindi siya magandang pakay. Umangil ang mga ito at umakto na dadambahin siya ano mang oras.
Inalihan siya ng takot kaya napatayo siya at lumayo. Hindi biro kung aatakihin siya ng mga ito lalo pa at malalaking uri iyon ng mga aso.
"Sit boy!"
Utos ni Monica. Kumawag-kawag ang mga buntot ng mga ito at umayos ng postura upang maikabit ang tali sa collar ng mga ito. Nang matapos ay mahigpit iyong hinawakan ni Monica at hinarap ang babae na alertong nakatingin sa dalawang alaga niya.
"Hinihiling ko'ng ito na ang huling paglapit mo sa akin. Natitiyak ko na nakapasok ka nang walang hirap dito."
Tukoy niya sa subdivision.
"Pero wala nang susunod pa doon dahil hindi ka na makakaulit, anyway.. The last time you introduced your self, your name is Alma. Remember that."
Pagtatama niya sa maling pangalan na nabanggit nito.
Sa pagkabigla ay walang nasabi si Mercy kundi ang sundan na lamang nang tingin ang papalayong anak. Maya-maya pa ay kumawala ang naaaliw na hagikhik niya sa bahaging iyon ng parke.
Her daughter grew so well, and smarter than she thought. Mukhang hindi sapat na ang anak ang amuhin niya dahil batid na niyang kilala siya nito. Patunay doon ang lantarang pagbabanta nito na hindi na siya makakapasok pa sa lugar na iyon.