" Sarah! "
Nabitiwan ni Sarah ang hawak na blow dryer nang mapapitlag sa gulat sa magkakasunod na katok sa banyo. Nalaglag iyon sa lababo kaya kaagad niyang dinampot at pinatay.
Namumula ang bahagi ng leeg ni Sarah na natapatan ng blow dryer nang mawala siya sa sarili habang tinutuyo ang bagong kulay na buhok. Sa pagkakataong iyon ay pula ang ipinalit niya.
Nang lumabas siya sa banyo ay ang naiinip na mukha ni Bianca ang nabungaran niya. Tumaas ang kilay nito habang nakatingin sa buhok niyang bagong kulay.
"Ilang beses ka kung magkulay ng buhok mo?"
Anito.
"Dipende, bakit?"
"Parang papel lang ang kinukulayan mo eh. Ay, oo nga pala, may damit ka na ba para sa party?"
"Wala pa, madali na lang iyon. Hindi din naman ako pupunta. Eh ikaw? Hindi ba dapat ay abala ka sa pagpapaganda ngayon? Malay mo ipangalandakan na ng asawa mo ang titulo mo sa kanya. Mrs. Bianca Lastimosa Caballero."
"Tingin mo?"
Malawak ang ngiting aniya kaya napatirik ang kanyang mga mata.
"Who knows.."
Kibit-balikat niyang sagot. Sinusubukang huwag kumawala ang ngiti sa sariling labi. Nungka na sabihin niyang may inihahandang sorpresa ang asawa nito.
"Oo nga pala, Sarah."
"Bakit?"
"May itinanong sa akin si Joseph kung ano ang work mo."
"Ano naman sinagot mo?"
"Sabi ko sa club. Hostess."
"Gaga, entertainer."
Singhal niya dito.
"Ganoon din naman iyon ah."
Dipensa ng mahadera niyang pinsan. Siguro ay inalam ni Joseph kung bakit nasabi ni Erick na client siya nito kaya nagtanong sa pinsan niya.
"Bakit kase nagti-tyaga ka sa club? Hindi ba't tapos ka naman ika mo ng kolehiyo?"
Napasiring siya sa sinabing iyon ni Bianca, bago napakamot sa ulo. Eh, ano naman kung sa club siya nagta-trabaho? Ang akala siguro nito ay nagta-trabaho pa din siya sa tuwing umaalis siya sa gabi. Hindi niya nabanggit na sa Japan iyon at hindi sa Maynila.
Ang totoo ay hindi siya nakatuntong sa kolehiyo. Hindi nga niya nasipot ang graduation sa highschool kaya hindi niya tiyak kung kasama ba siya sa mga nakapagtapos sa sekondarya. Sinabi na lang niya sa pinsan iyon para hindi na ito magtanong ng kung anu-ano pa.
"Hindi mo din nabanggit na magkakilala pala kayo ni Erick?"
Pabulong na anito. Natitigilang napaharap siya kay Bianca at saka nag-iwas ng tingin.
"Wala namang importante doon."
"Anong wala?
Gulat pa na anas nito.
"Syempre importante iyon. Akalain mo, sa kay tagal nang panahon, nagtagpo ulit kayo.."
"Para namang big deal, ex-boyfriend na nga 'di ba? Ex, past, nakaraan na."
Halos mag isang guhit ang kilay na aniya. Kung hindi pa sumingit ang pag-ring ng cellphone ng pinsan niya ay hindi siya nito titigilan.
Sinagot nito iyon nang hindi inaalis ang paningin sa kanya, at napilitan lang na magpaalam nang marahil ay hanapin na ito ng kausap sa kabilang linya.
"Hindi pa tayo tapos. Magku-kwento ka pa sa akin. I mean it, Sarah."
"Oo na, matahimik ka lang.
Matapos niyon ay nagpaalam na ang pinsan niya. Kung wala pa sigurong tumawag ay wala din itong balak na umalis. Hindi din ito nagbanggit ukol sa gaganaping kasiyahan, pabor sa kanya iyon dahil sa pa-surprise ng asawa nito.
Nang sumapit ang gabi ay sinubukan niyang tawagan si Chris, subalit gaya ng inaasahan na niya ay hindi ito sumasagot. Malamya niyang inilagak ang cellphone sa pink purse at saka sinipat ang repleksyon sa salamin.
Paniguradong sasabunin siya ni Bianca sa oras na makita ang suot niyang damit. Slip-on dress iyon na mababaw ang tabas sa dibdib at umaabot lamang sa gitna ng kanyang hita ang haba. Baby pink ang kulay kaya mas lalong lumitaw ang putlain niyang kutis. Nagmistula siyang naglalakad na regalo sa kulay ng buhok at kasuotan.
Napapailing na tumalikod na siya sa harap ng salamin bago pa magbago ang isipan. Napangiti siya nang hindi sa kalayuan ay umibis sa sasakyan ang isa sa kaibigan ni Joseph. Nag-message ito sa kanya at sinabing si Rony ang magiging sundo niya.
"Hi.. You must be, Sarah."
Taas ang isang kamay na bati ng binata sa kanya habang papalapit.
"Yup, nice to meet you."
Nang akmang yuyuko ito upang halikan siya sa pisngi ay mabilis niyang inabot ang kamay nito. Nagtataka man ay natatawang iginiya na lamang siya nito patungo sa sasakyan.
Habang daan ay hindi nakaligtas sa dalaga ang mga pa-simpleng nakaw tingin na ginagawa ni Rony. At nang mag tama ang mga mata nila, sa halip na magkunwari ay ngumisi pa ito.
"You look different."
Anito na ikinataas ng kilay niya. Ilang beses na niyang naririnig ang ganoong komento at wala siyang balak na ipaliwanag o alamin kung ano sa different ang ibig nitong sabihin.
"Erick.. My friend doesn't talk about you alot. I mean, he seldom talks about his love life anyway."
"Uhh, okay?"
Alanganing aniya. Ano ba ang gusto nitong marinig sa kanya? At kailangan pa nitong magsalita tungkol doon? Nangunot ang noo niya nang maisip na baka kinakasangkapan ni Erick ang mga kaibigan nito. Pero siya din ang nag-alis ng isiping iyon dahil hindi ganoon ang binata. Iyon ay ayon sa pagkakakilala niya dito..
Makalipas ang ilang sandali ay inihimpil na ni Rony ang sasakyan sa parking ng isang matayog na gusali. Inalalayan siyang maka-baba ng binata, at hindi nito inalis ang kamay sa siko niya hanggang sa mapa-tapat sila sa entrada ng gusali.
Sa bungad pa lamang ay dinig na ang musika mula sa function hall. Ang entrada ay nalalatagan ng red carpet hanggang sa marating ang pinaka-venue. Humahalimuyak ang pasilyo sa amoy ng rosas.
"Well, maiwan na muna kita. Hahanapin ko lang ang mga kaibigan ko. Ah, no.. How about you come with me?"
Nakangiting yuko ni Rony sa kanya.
"Mauna ka na, pupunta lang ako doon."
Turo niya sa booth na nagmistulang mini-bar, katabi ang mga sweets sa pinagta-trabahuhang cakeshop ni Bianca.
"Sure. Huwag kang mahiyang lumapit sa amin mamaya, okay?"
Tapik nito sa likod niya at saka kumakaway na naglakad palayo.
Naiiling na dumiretso siya ng lakad patungo sa mga inumin. Sa lahat yata ng naroon ay siya ang natatanging nakasuot ng tila isang pantulog. Gusto niyang matawa dahil sa mga matang ini-usyoso ang postura niya. May ilang kalalakihan ang nagtutulakan, nagtutuksuhan upang lapitan siya.
Subalit sa lupon ng mga bisita maluwang na bulwagan na iyon ay nahagip ng kanyang paningin si Chris. May kausap ito na isang babae na nakatalikod sa kanyang gawi kaya hindi niya nakita ang mukha nito. Wala sa loob na ibinaba niya ang hawak na inumin at sinimulang tahakin ang direksyon kung saan niya nakita ang binata. Subalit nalingat lang siya ng ilang saglit ay wala ito doon.
Iniikot niya ang paningin sa pag-asang muling makita si Chris ngunit nabigo siya. Sa halip ay ang kunot-noong si Erick ang namataan niya. Hindi niya alam kung gaano na siya nito katagal minamasdan, subalit ang reaksyon nito nang huli silang magkasama ay ganoon pa din. Para bang ubos na ubos na naman ang pasensya nito sa kanya.
Upang mas lalo pa itong inisin ay tinamisan niya ang pagkakangiti, sinimulang lumapit patungo sa mesa na inu-okupa ng grupo nito. Katabi ng binata ang ama nito na noon ay nakikipag-usap sa isang ginang. Habang ang mga kaibigan nito ay abala sa kung ano man'g pinag-uusapan.
Tumaas ang kilay niya nang lalong sumama ang tingin na ipinupukol ni Erick sa kanya. Hirap man sa paglakad sa mataas na takong ay mas inartehan niya ang bawat hakbang. Ultimo magkabunggo-bunggo ang mga tuhod maging perfect eight lang ang paglakad.
Bago pa man siya makalapit sa grupo ni Erick ay tumayo na ang binata habang pinapanood ang paglakad niya. Doon niya nakuha ang atensyon ng iba pa sa mesa'ng iyon. Ang gulat sa mga mukha ng mga naroon ang habang palipat-lipat ang tingin sa kanya at kay Erick ay nais niyang ingusan.
"Hello, everyone.."
Magiliw na bati niya.