Martyr

1670 Words
Napagdesisyunan kong mag-grocery ngayong katatapos ko lang kumain ng tanghalian. Wala na kasing stock sa bahay at wala rin naman na akong gagawin. Pumunta ako sa malapit na grocery-han dito sa bahay. Naglakad lang ako. Habang namimili ako ng mga kailangan sa bahay, nakarinig ako ng boses ng babae na parang ang lambing pang magsalita. "Babe, gusto ko kumuha ng dalawang ganito," malamabing niyang wika. Hindi ko alam kung anong tinutukoy niya. Mukhang nasa kabila lang sila. "Sure, kuhanin mo lang 'yong gusto mo." Napaka-familiar na boses no'n. Bigla na akong kinutuban na maaaring si Gio 'yon na asawa ko. Todo iling ako para mawala sa isip ko iyon, at mag-focus na lamang sa pamimili ko. Napatingin ako sa right side ko nang parang lumalapit sa akin ang boses ng babaeng naririnig ko kanina. Nanlaki ang mga mata ko nang makita si Gio na may kasamang ibang babae na todo kapit pa sa braso nito. Nakangiti ng matamis habang pareho silang nakatingin sa mga naka-display na mga delata. Hindi nila ako nakita kaya kinuha ko na ang pagkakataon na 'yon na mabilis na tumakbo papunta sa ibang section. Mabuti na lamang ay basket lang ang dala ko kaya mabilis lang akong nakalayo sa kanila. Hindi ko alam kung bakit sa puntong ito ako pa ang mismong nagtatago? Hindi ko alam ang gagawin ko. Gusto ko silang harapin na ayaw ko. Mas iniisip ko pa rin kasi 'yong pagsasama namin ni Gio. Ilang years na kami wala man lang akong kaideya ideya na may ganito na palang nagaganap. Naramdaman ko na lamang ang pagtulo ng luha ko at mabilis ko 'yong pinunasan gamit ang palad ko dahil may dumating na babae. Pagkatalikod ko para makakuha na ng mga kailangan kong kunin, biglang tumunog ang cellphone ko. Nang kinalkal ko iyon sa suot kong sling bag napatingin ako sa left side ko at nakita ko ang sleeve ng polo ni Gio na nakita kong suot niya kanina. Bigla akong nataranta. "W-wait... cellphone mo ba 'yong tumutunog?" tanong ni Gio sa kasama niyang babae. "No, bakit?" "Tinatawagan ko kasi si Katrina at sa tingin ko naririnig ko ang ringtone niya ngayon. Napalapit lang," wika nito kaya mas lalo akong nataranta. Mabilis akong tumakbo at ang ilang nakakasalubong ko ay hindi maiwasan na hindi mapalingon sa akin na may halong pagtataka pa. Hindi ko naman sila masisisi dahil nakakapagtaka naman talaga kung bigla bigla ka na lang makakakita ng mabilis tumakbo sa loob ng grocery-han. Kahit naman ako ay mapapalingon talaga. Namatay ang tawag at tumawag muli siya kaya nanginginig na ang kamay ko habang kinukuha ko ito sa aking sling bag. "H-hello?" nauutal kong sagot sa tawag niya. Habang nasa tenga ko ang cellphone ko naglalakad ako papunta sa mga box at doon nakapagdesisyon na magtago habang kausap siya. "Bakit ang tagal mong sagutin ang tawag?" tanong niya. "Anong ginagawa mo?" "Sorry, naglilinis kasi ako ng kusina kaya ngayon ko lang nasagot ang tawag mo," pagsisinungaling ko. "Gano'n ba? Oh sige magpahinga ka na rin niyan." "Oo, magpapahinga na ako niyan. Bakit ka pa napatawag?" tanong ko sakto namang nakita ko silang dahan-dahan na naglalakad habang nakaakbay siya sa babae at ang babae naman ay tumitingin ng gusto niyang bilhin. "Gusto lang kitang kamustahin. Baka maaga rin akong makauwi mamaya," sagot niya. Nagtaka ako. Gusto ko na sanang tanungin siya kung wala ba silang plano ng babae niya mamayang gabi. "Mukhang hindi ka busy ngayon?" Nakita kong umiling siya sabay tingin niya sa kasama niya. "Oo, kaya baka magsabay tayong kumain mamaya." "Sige, maaga na lang ako magluluto mamaya." "Sige. Mamaya na lang, okay? Mag-message ako sa'yo mamaya kung pauwi na ako." "Okay, ingat ka." Ako na mismo ang nagpatay ng tawag. Nakatingin pa rin ako sa dalawang aswang habang nilalagay ko ang cellphone ko sa sling bag na walang tingin. Para silang newlyweds na dumadaig pa sa amin ni Gio. "Sure na ba talaga? Hindi ka ba talaga mag-stay sa bahay ko after ng work mo?" tanong ng isang aswang habang naka-pout siya. Tiningnan naman siya ni Gio at napahinto silang dalawa. Hinawakan niya ang pisngi nito habang nakangiti ng matamis. "Hindi ba ang sabi ko mag-iingat lang tayo? Mahirap na kung mahuli tayo ni Katrina. Pahirapan tayong magkikita niyan kaya mas mabuti kung mag-ingat tayo para hindi rin siya magduda." Nagkibitbalikat siya. "Sabagay. Sige na nga, basta matutuloy tayo bukas ah?" nakangiti niyang wika. "Of course." Nagsimula na muli silang maglakad. Kaya naman pala maagang uuwi, akala ko naman talaga hindi na busy pero aagahan niya lang pala para hindi ako magduda. Wala silang kaalam-alam na alam ko na kung anong meron sa kanila. Hindi na ako mapakali at hindi ako makakapag-grocery ng maayos kung alam kong nandito lang silang dalawa. Alam kong kilala rin ako ng babae sa mukha kaya hangga't maaari ay hindi ako magpapakita sa kanila. Napagdesisyunan kong umalis na lamang at iwan na muna ang basket na may laman ng ilang kailangan ko sa bahay pero dahil sa kagustuhan kong iwasan sila at hindi magpakita sa kanila, umalis na lamang ako. Ako na lang ang mag-a-adjust. Hindi ko alam kung bakit ganito... Hindi ba dapat ako ang may lakas ng loob para magpakita sa kanilang dalawa dahil sa aming dalawa ng babae niya, ako ang may karapatan, pero bakit? Bakit hindi ko magawang gawin 'yon? Tama ang desisyon ko na mas piliin kong manahimik na lamang at maging martyr? Pumunta na lamang ako sa ibang grocery-han at doon na lamang mag-grocery. Hindi pa rin mawala sa isip ko lahat ng nakita ko at narinig ko ngayon at pati ang mga nalaman ko kahapon. Masakit isipin na lolokohin ako ng asawa ko na ilang taon ko nang kasama. Kahit pala ibinigay ko na lahat parang kulang pa rin para sa kan'ya at talagang naghanap ng iba. Magsisinungaling ako kung sasabihin kong hindi maganda ang kasama niyang babae. Maganda siya, sobrang ganda, maganda ang kan'yang pangangatawan niya. Maliit ang beywang at masasabi ko na mukhang mayaman ito. Maganda ang buhok, makintab na mahaba na kulay light brown. Sa pananamit din niya ay napakaganda. Bigla ko tuloy naisip ang sarili ko... ni hindi man lang ako kumalahati sa kan'ya. Lahat ng meron siya ay wala ako. Alam ko na kung bakit siya nag-cheat. Napahinga ako ng malalim. Dumiretso na ako kaagad sa bahay at nang mapatingin ako sa orasan ay magfi-five na. Malapit nang umuwi si mokong. Hindi ko namalayan ang oras. Mukhang ang tagal ko nga rin nag-grocery dahil may kasama pang pag-iisip 'yon sa nangyari. Naglakad lang din ako para naman kahit papaano ay makalanghap ako ng sariwang hangin para makapag-isip isip ako pero wala talagang pumapasok sa isip ko kundi ang kalagayan ko ngayon na kahit kailan ay hindi pumasok sa isip ko na mangyayari. Inayos ko na ang mga pinamili ko. Nagluto na rin ako dahil ilang minuto na lang din ay uuwi na siya. Ano pa nga ba? Syempre aarte na naman ako na walang alam sa pinaggagawa niya. MAKALIPAS ang forty-five minutes, narinig ko na ang motor niya kaya sinilip ko ito sa bintana. Nakauwi na nga siya at tama ang sinabi niya. Nanginginig ako sa galit pero ayaw ko iyon ipakita sa kan'ya dahil gusto ko pa rin na magkapamilya kaming dalawa. "Hello, magpahinga ka na niyan para kakain na tayo mayamaya," nakangiti kong wika nang salubingin ko siya. Ngumiti siya. "Anong niluto mo?" "Nagluto ako ng adobong manok." "Wow! Paborito ko pa 'yan ah! Sige kain na tayo niyan. Na-miss ko na rin kumain kasama ka." Nakangiti pa rin siya sabay kiss niya sa akin sa noo ko. "Bihis na muna ako." Ngumiti na lamang ako at tumango. Pinapanood ko siyang pumasok sa kuwarto namin. Amoy babae siya, amoy matamis na candy. Hindi niya ba naaamoy sarili niya? Huminga ako ng malalim habang nakatingin sa kuwarto namin habang nakagat sa ibabang labi ko. Kaya ko ba 'to? Pumunta na lamang ako sa kusina at tinuloy ang niluluto ko. Mukhang magiging plastic na lang kami sa isa't isa. Ginagawa ko lang naman ito dahil ayaw kong masira ang pagsasama naming dalawa at gusto ko siya lang ang lalaking mamahalin ko habang buhay. Inayos ko na ang lamesa at naghain na rin ako. Ilang saglit lang ay lumabas na siya sa kuwarto namin. Pagkauwi niya kasi dati kumakain na kami kaagad dahil gutom siya kaya gano'n din ang nangyayari ngayon. "Kain na tayo," saad niya. Tumango ako. "Tara." Umupo ako sa tabi niya. Nilagyan ko ng kanin at ulam ang plato niya at nilagyan ko na rin siya ng tubig sa baso niya. Bigla akong napahinto habang nilalagyan ko ng tubig ang basa niya... ginagawa rin kaya ito ng babae niya sa kan'ya? Sa tuwing magkasama ba kami ang babae niya ang naisip niya? "Anong nangyayari sa'yo? Okay ka lang?" tanong niya dahilan para bumalik ang diwa ko. "Oo naman. S-sorry." Tinuloy kong nilagyan ang baso niya ng tubig sabay upo ko para kumuha ng kanin at ulam para kumain na. Tahimik kaming kumakain na dati naman ay hindi kami ganito. May kasamang kuwentuhan kasi dati. "Kamusta araw mo ngayon?" tanong ko. Ako na mismo ang nag-open ng topic. "Okay naman." Tumango-tango siya. "Anong kinain mo ng tanghalian? Hindi ka na nakapagbaon e." "Kumain kami sa labas ni Alfred. Ulam namin tinola," sagot niya. Alfred ba pangalan niya? Hmm. Tumango-tango ako. "Bukas ba? Maaga ka ba ulit uuwi o gagabihin ka ulit?" "Ay buti natanong mo 'yan." Uminom siya ng tubig. "Hindi ako makakauwi bukas at sa susunod na araw dahil pupunta kami ng Tagaytay ng mga katrabaho ko. Napagdesisyunan kasi namin kanina na mag-relax muna kahit dalawang araw lang. Uuwi rin naman kami ng linggo ng hapon." "Gano'n ba? Oh sige. Ingat na lang kayo. Update mo na lang ako." Ngumiti ako ng matamis. "Oo naman," nakangiti niyang wika. Nagpapanggap na lang ako na naniniwala ako sa kan'ya. Hahayaan ko lang lahat ng gusto niyang gawin kasama ang mistress niya basta in the end sa akin pa rin siya. Martyr na kung martyr.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD