ALAM ni Soledad na malaki ang magiging parte ni Veronica sa kaniyang buhay. Hindi niya inaasahan ang kabaitang ipinakita nito sa kaniya matapos siyang humingi ng pabor dito. Maaari naman siyang humingi ng tulong pinansyal sa baranggay kung nanaisin niya pero hindi sasapat iyon. Bukod pa roon, matatagalan pa bago niya matanggap ang nasabing tulong dahil sa bagal ng proseso. Sadya nga yatang kapag nasa Pilipinas ang isang tao ay lalo nitong mararamdaman ang kahirapan. Ganoon ang sitwasyon ngayon ni Soledad. Mabuti na nga lang at may nag-alok sa kaniya ng ganoong klase ng trabaho na sa tanang buhay niya, hindi pa sumagi sa isip niya ang maging modelo. Maraming nagsasabi na sa taglay niyang kagandahan, hindi malayong manalo siya sa mga beauty pageant. Pero kahit panay ang panunudyo sa kaniya

