“SOLEDAD?”
Hindi alam ni Soledad ang mararamdaman sa tuwing tatawagin ni Governor Elizalde ang kanyang pangalan sa napakalalim nitong boses. Boses ng lalaking tila ba napakasarap pakinggan at nakakaengganyong ulit-ulitin sa kanyang tainga. Pangalawang beses na. Pangalawang beses na nitong binanggit ang kanyang pangalan; ang una ay noong nangyari ang kagabi at pangalawa ang ngayong muli silang nagkita. Subalit hindi dapat siya magpadala sa silakbo ng damdamin ng nakaaakit na tinig ng lalaking kaharap kundi mas dapat siyang kabahan sa muli nilang paghaharap. Ano na lang ang sasabihin niya oras na itanong nito kung bakit ginawa niya ang bagay na iyon kagabi lamang. Hindi niya alam kung paano niya malulusutan ang bagay na iyon.
“G-Gov., ikaw pala ’yan.” Hindi niya magawang tingnan nang diretso sa mga mata ang gobernador. Kahit ang mga paa niya ay napako sa kinatatayuan at pakiramdam niya ngayon ay namanhid ang buong katawan niya sa hiya. Doon niya mas lalong hiniling na sana nga’y bumukas ang lupang kinaroronan niya at tuluyan siyang lamunin nang buhay.
“We meet again.” Pormal lang siyang kinausap ni Governor Elizalde na para bang walang naganap kagabi. Panaka-naka niyang tinitingnan ang gobernador at nakangiti lang ito sa kanya. Nakalimutan na ba niyang hinalikan ko siya kagabi? Dahil sa kaba, hindi napigilan ni Soledad na laruin ang kanyang mga daliri. Isa iyon sa weird habit niya sa tuwing makararamdam siya ng kaba. Minsan nga dahil sa kakaibang habit na iyon ay hindi niya sinasadyang masugatan ang kamay. Kapag nagdugo ang iyon, ibig sabihin ay grabeng kaba ang kanyang nararamdaman.
Bahagyang lumapit sa kanya ang gobernador na mas lalong nagpabilis ng t***k ng kanyang puso noong mga oras na iyon. Nakapagtataka namang nasundan siya nito sa CR ganoong pilit naman niyang itinago ang sarili rito at sinugaradong hindi siya nakita nito. Habang papalapit ang gobernador sa kanya ay mas lalo nitong nasasamyo ang pabangong gamit nito. Pamilyar iyon dahil matagal na itong ginagamit ng gobernador magmula pa noong makilala niya at hangaan ito. Marahil iyon din ang isa sa naging dahilan kung kaya hindi niya napigilan ang sariling nakawan ng halik ang gobernador. “Gov., baka hinahanap na po ako. Maiwan ko na po kayo.”
Akma siyang aalis pero mabilis nahawakan ng gobernador ang kanyang braso dahilan para mapatigil siya. Napapikit siya at napakagat sa ilalim na bahagi ng kanyang labi nang maramdamn ang kamay ng gobernador na humawak sa kanya. Kulang na lang ay matunaw siya sa mga oras na iyon dahil nasilayan niya kung gaano kaganda ang braso ng gobernador sa malapitan kahit pa nakasuot ito ng long-sleeve na bahagyang nakaataas ang laylayan hanggang sa ibaba ng siko. Bakas kasi roon ang napakatikas nitong bisig at ang maugat nitong braso. D’yos ko! Ilayo n’yo po ako sa tukso. Hindi siya dapat magpadala pa sa nararamdaman dahil alam niyang bawal at hindi na dapat pa niyang kausapin ang gobernador. Pero paano niya ito maiiwasan kung ito mismo ang lumalapit sa kanya at ayaw siyang lubayan.
“I want you to clear something with me. Why did you kiss me last night?” Tila napalitan ng seryosong tinig ang boses nito. Paano niya sasagutin ang tanong na iyon? She was caught off guard right at that moment. Kung puwede lang bumagyo o lumindol noong mga oras na iyon niya gustong mangyari para maiwasan ang tanong ng gobernador.
Nagkatitigan sila ng mata sa mata at kitang-kita niya kung gaano kapursigidong malaman ni Governor Elizalde ang kasagutan sa kanyag katanungan. Mukhang hindi siya pakakawalan nito hanggan’t hindi nito nakukuha ang sagot na gustong makuha sa kanya. Ramdam niya ang pagdiin ng kamay ng gobernador sa braso niya na para bang ipinahihiwatig nito na wala na siyang kawala.
“Hon?” Naputol ang nag-uusap nilang mga mata nang marinig ang tinig ng babaae na bigla na lang pumasok sa CR. Kaagad na binitawan ni Governor Elizalde ang kamay niya nang makita ang asawa nito.
“Hon!” Napatikhim ang gobernador na tila ba nabalisa sa biglang pagdating ng kanyang esposa. Kaagad nitong nilapitan ang asawa na kakamot-kamot pa sa batok.
“Is there any problem here?” tanong ng asawa nito.
Panay naman ang iling ng gobernador. “Nothing. I was just asking kung nalabhan na ba niya iyong shirt ko,” pagsisinungaling nito sabay turo sa kanya. “She was the one I told you a while ago.”
Nabaling naman ang tingin sa kanya ng asawa ng gobernador na tila ba iniisip ang sinabi ng asawa. Maya-maya lamang ay nanlaki ang mga mata nito na tila ba may naalala. “Ah! That girl who accidentally bumped you last night!”
“Yes.”
Kaagad na lumapit sa kanya ang asawa ng gobernador at inabot ang kamay. “Hello. I am Veronica Elizalde,” pakilala nito.
Nagadadalawang-isip pa si Soledad kung iaabot niya ang kamay niya pero naisip niyang wala namang masama kung magpapakilala siya rito. “S-Soledad po. Soledad Francisco.” Malapad ang ngiti ng babaeng nagpakilala sa kanya at para bang balewala lang ang nakita nito kanina. Kung sa bagay, sa tagal na nilang kasal ay hindi na siguro ito maghihinala sa asawa dahil wala naman siyang nababalitaan na nambabae ito. Kaya siguro ganoon ang pakikitungo nito sa kanya.
“Pasens’ya ka na rito sa asawa ko, ha? Is he terrorizing you?” natatawa nitong tanong.
“N-Naku! Hindi naman po. Ang totoo niyan, dala ko po ang shirt niya.”
“Gano’n ba? Isumbong mo sa akin kapag tinakot ka nitong asawa ko, ha? Hindi ito makakatabi sa akin ng isang linggo,” pabiro nitong saad sa kanya sabay tingin sa gobernador. Napailing na lang ang gobernador sa sinabi ng asawa at ngingisi-ngisi pa itong tumingin sa kanilang dalawa.
“Huwag po kayong mag-alala. Hindi naman po niya ako tinakot,” sambit ni Soledad kay Veronica. “S-Sige po. Baka hinahanap na po ako sa area ko. Ibibigay ko na lang po mamaya ang shirt ninyo, Governor. Nalabhan ko na rin naman poi yon,” paalam niya sabay tingin sa gobernador.
“Sige. Salamat,” wika ni Veronica bago iniwan ang dalawa. Mabilis naman siyang bumalik sa area niya para ayusin ang mga gamot na kakailanganin sa medical mission. Habang abala siya sa ginagawa ay napansin niyang nakatitig sa kanya ang gobernador sa kinaroroonan niya. Naroon pa rin ang mga titig nitong tila ba nagtatanong. Hindi niya alam kung paano niya sasalubungin ang titig nito dahil pakiramdam niya ay matutunaw siya hindi dahil sa malagkit nitong tingin kundi dahil sa hiyang nararamdaman.