COMPUTER
Chen's POV
[/Isang malabong video ang naka-play sa kompyuter.Tila isa itong T.V na nawalan ng signal?/]
Natagpuan ko ang aking sarili na nakaupo sa isang silya at nakaharap sa isang kompyuter. Nakapako ang aking paningin doon na tila may pinapanood ngunit wala namang video na naka-play dito.
Sa gitna ng panonood ko n'on ay biglang may tumawag sa aking pangalan mula sa kompyuter.
"Chen.." napatayo ako mula sa pagkakaupo sa harap ng isang computer. Tsinek ko pa ito ulit kung tama ba ang aking naririnig o baka nahihibang lamang ako.
Ngunit nagulat ako ng marinig ko ulit ang aking pangalan.
"Chen.." paulit-ulit ang pagbanggit niya nito. Kung kaya't napaatras ako. Napapatakip ako sa aking tenga sapagkat hindi ko kaya ang aking mga naririnig.
Napakasakit nito na tila masisira ang aking eardrums. Hindi ko rin mawari kung sino ang nagsasalita sapagkat ang ka-boses nito ang isang robot na lalaki at babae?
Hanggang sa biglang nabaliw ang kompyuter at iba naman ang naririnig ko mula dito. Isang tinnnnggggg na mas lalong nagpasakit sa aking ulo.
Sinubukan kong patayin ito. Tinanggal ko pa ang pagkaka-plug ngunit hindi ito gumana.
Naglakad ako papalayo doon. Hindi ko alam ang nangyayari ngunit takot na takot ako. Hanggang sa isang taong nakamaskara ang lumabas sa kompyuter. Kahit hindi ko naman nakikita ang kanyang itsura ay alam kong nakangiti siya sa likod ng maskarang iyon. Hanggang sa unti-unti nagsisilabasan ang mga bagay na kulay itim mula sa kompyuter. Nang makalapit ito sa akin ay napagtanto ko kung ano 'yun.
Isang itim na buhok.
Nagsitayuan ang aking mga balahibo at ramdam ko ang malakas na pagtibok ng aking puso. Wala sa sariling napatakbo ako papalayo doon.
Ambilis ng aking pagtakbo ngunit hindi parin humihinto sa paghabol sa akin ang itim na bagay na iyon. Tila hindi ito hihinto hangga't hindi pa ako nahuhuli nito?
Nag-unahan sa pagpatak ang aking mga luha. Gusto kong magising kung sakaling panaginip lamang ito ngunit hindi ko magawa. Gusto kong sumigaw para manghingi ng tulong ngunit hindi ko namalayang nakatahi pala ang aking bibig. Ramdam ko rin ang pagdaloy ng malalamig na pawis mula sa aking noo.
Hanggang sa nadapa ako.
Sinubukan kong bumangon ngunit tila na paralyze ang buong katawan ko dahil hindi ko ito maigalaw?
Ngunit kitang-kita ko mula sa aking mga mata na may taong nakatayo sa aking harapan. Sinundan ko ng tingin kung kanino nanggagaling ang mga paang iyon ngunit natakot lamang ako sa aking nakita.
Siya yung taong nakamaskara.
Dahan-dahan niyang tinatanggal mula sa pagkaka-suot ang kanyang maskara. At mas lalo lamang akong natakot sa aking nakita.
Nakikita ko ang aking sarili na nakangiti hanggang tenga. Dumudugo pa ang mga labi nito na tila napilitang ngumiti?
Gusto kong bumangon mula sa pagkakadapa nang masulyapan ko ang matalim na bagay na kinuha niya mula sakanyang bulsa.
Magpupumiglas na sana ako kaso huli na ang lahat.
Ramdam ko ang hapdi ng aking tiyan at ang init ng pagdaloy ng dugo mula sa aking katawan.
At ilang segundo pa ang lumipas, lumalabo na ang aking paningin. Tanging ang nakangiting pagmumukha kong iyon ang huli kong nakita bago nawalan ng malay.
"Chen.." binuksan ko ang aking mga mata at napatakip pa saglit dahil sa nakakasilaw na liwanag na nagmumula sa...kompyuter. Di ko namalayang nakaidlip ako sa harap ng monitor.
"Chen.." nag-unahan sa pagpatak ang aking mga luha at sinubukang manghingi ng tulong nang may napagtanto ako.
It's happening..
..again.