"Chioni? Napaka-weird na pangalan," anang Aella habang kaswal na sumisipsip sa straw ng buko juice na kaniyang iniinom.
Sa halip kasi na dumiretso sa klase ay napili ng dalawa na tumambay na lamang muna sa likuran ng kanilang paaralan kung saan nila nakita ang nagtitinda ng buko.
Inilibre na rin ni Aella si Chioni bilang kapalit ng pagligtas nito sa kaniya laban sa mga bully'ng babae kahit na hindi naman niya kailangan. Hindi naman din magawang paalisin na lamang ni Aella o iwan na lamang niya ang babae ng hindi man lang ito napapasalamatan.
"Matagal ka na ba sa paaralang ito? Bakit parang ngayon lang kita nakita?" Mababakas ang kuryosidad sa mukha ni Chioni nang kaniyang titigan si Aella.
Nagkibit balikat ang diwata, "matagal na. Bahay-paaralan lang ang palagian kong ginagawa kaya siguro hindi mo ako nakikita," sagot niya.
Ibinuhol niya ang plastik na pinaglagyan ng kaniyang inumin saka iyon malakas na inihagis, sinusubukang i-shoot sa isang sakong nakasabit sa bakod ngunit bigo siya.
Walang imik siyang tumayo at nilapitan iyon saka mabilis na pinulot at maayos na ipinasok sa sako bago muling bumalik sa kinauupuan kanina.
Hindi iyon ang naging huling pagkikita ng dalawa. Halos araw-araw ay madalas na nilang nakakasalubong ang isa't isa na siyang ipinagtataka ni Aella. Hindi niya mawari kung nagkakataon lamang ba o sadyang matagal na silang nagkakasalubong ngunit walang pakialam sa isa't isa noon.
"Ang init." Pinaypayan ni Chioni ang kaniyang sarili gamit ang kanang kamay habang ang kaliwa ay nakahawak sa banana que na siyang kinakain niya.
Nakaupo sila ngayon sa likuran ng paaralan kung saan sila unang nagkausap ni Aella. Napagkasunduang tumambay panandalian doon bago umuwi.
Nais sanang manood ni Aella ng laro ng basketball upang makita ng mas maayos kung paanong maglaro si Sherwin ngunit dahil hinatak siya ni Chioni, wala siyang nagawa.
Isa pa, nilalamon siya ng kuryosidad niya sa babae. Nakakapagtaka para sa diwata ang mabilis nilang pagkakaintindihan sa maraming bagay na siyang nais niyang alamin. Tila may kung anong nagtutulak sa kaniya na makipagkasundo sa dalaga.
"Ate, tatlong 'tig kinse raw, para sa mga prof..." Sabay nilang pinagmasdan ang isang mag-aaral na lumapit sa babaeng nagtitinda ng halo-halo. Nag abot ito ng limang daan sa nagtitinda na tila litong-lito na sa kung sino uunahin niyang bigyan ng halo-halo. "'Yung isa ay ubo raw po at hindi yema," dagdag pa nito.
Tumayo si Aella at kaswal na pinagpagan ang puwitang bahagi ng kaniyang uniporme. Tiningala siya ni Chioni habang abala sa pag nguya ng banana que. "Aano ka?"
Inosenteng tinuro ni Aella ang ngarag na nagtitinda, "tutulungan ko. Nakakaawa, eh," at nagkibit balikat kasunod ang mabilis niyang paglapit doon.
Ang akala niyang hindi papayag na tindera ay pumayag din. Siguro'y wala na talaga itong choice kundi ang tanggapin ang tulong na iniaalok sa kaniya ni Aella pagkat kung hindi, mawawalan siya ng iilang customer na hindi marunong maghintay.
Ikinatuwa ni Aella ang kaniyang ginagawa. Siya ang inatasang maglagay ng yelo sa mga basong inihahanda ng ale. Nakakudkod na agad ang mga yelo at nakalagay sa malaking cooler kaya naman kahit papaano ay mabilis niyang nalalagyan ng yelo ang bawat baso.
Bawat paglapat ng mga tumatalsik na yelo sa kamay ay nagbibigay ng matinding kaginhawaan sa kaniya. Napakainit kasi at talaga namang presko sa pakiramdam ang lamig na dala ng yelo.
"Mukhang tuwang-tuwa ka sa iyong ginagawa, ah?"
Nakangiting iniangat ni Aella ang kaniyang tingin. Si Chioni ay nasa tapat na niya, nakikisingit sa mga bumibili. "Bibili ka ba?" Natatawang ani ni Aella na agad sinuklian ng iling ni Chioni.
"Manonood lang," anito.
Tinanguan lamang siya ni Aella at nag focus na ulit sa paglalagay ng yelo. "Dalaga, may yelo pa ba?" Anang ale habang abala sa paglalagay ng mga sangkap sa baso.
Tinignan ni Aella ang isa pang cooler na nasa tabi lamang ng cooler na kaniyang ginagamit ngayon at nakitang wala na iyong laman. "Paubos na po, wala na pong laman iyong isang lalagyan," sagot niya.
Natigilan ang matanda at tila nag isip ng ilang sandali. "Mukhang kailangan ko ng magsara," anito saka binalingan ang ibang mga bumibili. "Pasensiya na po, paubos na ang yelo at mukhang hindi na maaabutan ang lahat!"
Isang kalabit ang natanggap ni Aella galing kay Chioni. Sinulyapan lamang niya ito pagkat natatambakan na siya ng gawain.
"May yelo pa kaya 'yung isang lalagyan. Bakit mo sinabing wala?" Anito na siyang ikinakunot ng noo ni Aella.
Muli niyang tinignan iyon at literal na napatitig at napaatras ang diwata sa lalagyanan. Sigurado siyang wala ng laman iyon kanina kaya paanong naging puno ito ngayon?
Puno man ng pagtataka, pinili na lamang ni Aella na ipagkibit balikat iyon. "Ale, may yelo pa po pala, hindi ko po napansin," aniya, hindi makatingin sa tindera. Tinanguan lamang siya nito at inanunsiyo na hindi pa sila magsasara.
Naulit ang ganoong pangyayari ng isa, dalawa, hanggang tatlong beses. Hindi mawari ni Aella kung paanong ipapaliwanag ang nangyayari ngunit isa lang ang naiisip niya. May kagaya siyang nilalang na hindi normal na tao sa paligid.
Sa gitna ng pagtatrabaho ay pilit niyang tinititigan ang bawat taong bumibili, naghahanap ng maaaring dahilan ng kababalaghang nangyayari.
Imposibleng hindi maubos agad nag mga yelo pagkat mainit ang panahon at masyado ring marami ang bumibili. Isa pa, siya lamang ang gumagalaw sa mga ito kaya batid niyang nauubos ang yelo ngunit sa tuwing babalingan ay palagi itong puno.
Nang mag desisyong tuluyan na ngang magsara pagkat gabi na ay agad siyang nagpaalam sa ale nang hindi tinatanggap ang alok nitong tulong.
Nag-aagaw na ang dilim at liwanag. Huli na siya sa oras na dapat ay nasa bahay na siya ngunit wala namang magagalit kaya ayos lang.
Siguradong si Diana lamang naman ang dadatnan niya sa kanilang tinutuluyan. Sabay silang naglakad pauwi ni Chioni at nang makarating sa daan kung saan sila maghihiwalay pagkat magkaiba ng tirahan ay masaya silang nagpaalam sa isa't isa.
Kinawayan lamang siya ni Aella, hindi na kayang magsalita pa dahil sa pagod mula sa pagtitinda. Iyon ang unang pagkakataon na naranasan niya iyon at masasabi naman niyang worth it ang lahat. Kung may pagkakataon ay gugustuhin pa niyang maulit iyon.
Isa pa, bumabagabag sa kaniya ang kababalaghang nangyari kanina. Hindi niya talaga mawari kung paanong hindi sila naubusan ng yelo sa kabila ng pagdumog ng mga mamimili.
Hindi niya alam kung ikatatakot ba niya iyon dahil sigurado siyang hindi iyon normal o ikatutuwa pagkat kung hindi nangyari iyon ay maagang magsasara ang tindera at masasayang ang iilang kita pagkat mababawasan ang kaniyang mga customers.
Sa ilang taon niyang pananatili sa mundo ng mga tao ay ngayon lamang siya nakaranas ng ganoon. Iyon ang dahilan kung bakit nakumbinsi siya na hindi lang siya ang nilalang na hindi normal na tao ngunit naninirahan sa mundo ng mga tao. Ang buong akala kasi niya noon ay nag-iisa lamang siyang ganoon dito sa mundong ito.
"Bakit ngayon ka lang?" Bahagyang napatalon at napahawak sa dibdib si Aella nang biglang sumulpot si Sherwin mula sa kung saan.
Sinulyapan ni Aella ang mga halaman sa gilid ng gusali na bahagyang gumagalaw. Mukhang galing doon si Sherwin at hindi niya lamang napansin pagkat madilim.
"Bakit ka nagtatanong?" Masungit na ani ni Aella.
"Utos ng landlady dahil anong oras na, wala ka pa. Hindi mapakali si Diana."
"Edi sana sinamahan mo siya't pinakalma." Batid niyang masyadong masungit ang pakikitungo niya ngunit hindi niya mapigilan ang sarili. Marahil ay dala ng pagod mula sa ginawang aktibidad kanina.
"Ang sungit mo," anang lalaki, nangingiti.
Nagkibit balikat lamang si Aella at akmang uunahan na sa paglalakad ang binata nang bigla na lamang siya nitong hatakin.
Magagalit na sana siya kung hindi lamang niya nakita ang humaharurot na kotseng palapit sa kanila.
Mabilis na iniangat ni Aella ang kaniyang kanang kamay sa gulat at walang alinlangang ginamit ang kapangyarihan upang mapigilan ang pagbangga ng nasabing sasakyan sa kanila.