Dala ng galit, biglang nagdilim ang paningin ko at sinugod ang dalawang malandi na ‘yon.
Batid kong nagulat silang dalawa sa biglaan kong pagsulpot sa harap nila, pero mas na-surprise ‘yong babae nang kuhanin ko sa kamay niya ang ice cream at itinampal sa pagmumukha niya.
“Aya, stop---”
“You, stop!”
Pinanlakihan ko ng mata si Carlo. “All this time, napaniwala mo akong nagbago ka na talagang gago ka! All this time, akala ko ay hindi mo na ako magagawang pagtaksilan!
Pinagkatiwalaan kita sa kabila ng panggagago mo sa akin nang ilang beses. Pinatawad kita kahit sobrang pagka-martyr na iyon! Gano’n kita kamahal, Carlo…” huminga muna ako sandali dahil napagod ako sa ginawa kong pag-rap.
“Pero ang ulitin pa ang kagaguhan mo sa akin sa hindi ko na mabilang na beses, hindi ko na ito kaya pang palampasin.”
Ikinagulat ko nang tawanan niya ako. “Ang tanga mo nga talaga, Aya.
Hindi mo ba napapansin na kaya kita paulit-ulit na niloloko ay para pilitin kang sukuan ako at makipaghiwalay sa akin?
Kaya lang ang bilis mo kasing mapaikot sa mga mabubulaklak na salita, mas lalo mo lang tuloy pinagmumukhang tanga ang sarili mo.”
Sobra na ang masasakit na salitang sinabi niya kaya hindi na nakapagpigil ang kamay ko na sampalin siya.
“Ang kapal ng mukha mo! Wala kang kasing sama---” Pinigil niya ang mga kamay ko sa paghampas sa dibdib niya.
“Tama na!” At malakas niya akong itinulak papalayo sa kanya.
“Ngayong alam mo na ang lahat, tigil-tigilan mo na ang pagngawa sa harap ko.
Tapos na tayo, Aya. Matagal na dapat tayong tapos kung hindi ka lang sana ipinanganak na tanga!
Kasalanan mo rin naman kung bakit ako naghanap ng iba… kasi wala kang ginawang paraan para maging sapat ka at makuntento ako sa iyo.
Masyado kang focus sa pag-aaral mo, to the point na hindi mo na ako nabibigyan ng oras, kaya hindi mo ako masisisi kung maisip ko man na palitan ka.
Masyado akong gwapo para magtiis sa isang boring na kagaya mo!”
Matapos sambitin ang mga salitang ‘yon ay iniwan nila ako ng babae niya sa playground… sa playground kung saan nagsimula at magtatapos ang lahat sa pagitan namin ni Carlo.
Wala akong ibang ginawa kung hindi ang umiyak nang umiyak, hindi ko magawang makatayo man lang dala ng sobrang panghihina.
Deadma na sa mga taong nakakakita sa akin ngayon, masyado akong sinaktan ni Carlo para makaramdam ng kahihiyan.
“Aya, ano’ng nangyari?”
May isang tao na kaagad lumapit sa akin tiyaka ako iniupo nang maayos sa bench. “Hoy, ano’ng nangyari kako?”
Imbes na sumagot ay yumakap na lang ako kay Jazz. Umiyak ako nag umiyak sa balikat niya, hanggang sa tuluyang maubos ang luhang kayang ipatak ng mga mata ko.
“Edi nalaman mo rin kung gaano kagago ‘yang Carlo na ‘yan?”
Pilit niya akong iniharap sa kanya. “Ang kapal ng pagmumukha para mambabae, e ‘di naman siya gwapo!
Alam mo, bestie… ‘wag mo na siyang iyakan. Hindi niya deserve ang bawat patak ng luha mo.
Hindi mo dapat siya pagluksaan kasi next year pa siya mamamatay. Hayop siya!”
“Madali lang sabihin sa iyo ‘yan kasi wala ka naman sa sitwasyon ko ngayon. Hindi naman ikaw ‘yong nasasaktan kaya ang dali lang para sa iyo na sabihing kalimutan ko na siya.
Alam mo naman, ‘di ba? Saksi ka kung gaano ko kamahal si Carlo kaya sobrang hirap para sa akin na kalimutan na lang siya nang gano’ng kabilis.
Ang hirap kalimutan lahat ng masasakit na memories na ibinigay niya sa akin simula no’ng maging kami… hanggang ngayon na opisyal na hiwalay na talaga kaming dalawa.
Parang gusto ko na lang mamatay, Jazz.”
“Ano ka ba! ‘Wag ka ngang mag-isip ng ganyan, Aya! Kung may deserving man na mamatay sa inyong dalawa, si Carlo ‘yon at hindi ikaw.
Alam kong hindi madali para sa iyo na maka move-on kaagad. Marami kang oras para gumaling, ‘yon na lang ang isipin mo.
Kung ang sariwang sugat nga ay bumibilang ng ilang araw o linggo bago gumaling, ang puso rin ay gano’n.
Naniniwala akong makakalimutan mo rin siya. Deserve mo ang lalaking kaya kang itrato ng tama, Aya.”
Umiwas na lamang ako sa kanya ng tingin, hinayaang lumutang ang isip ko sa kawalan.
Naging masakit man ang pagtatapos ng relasyon namin ni Carlo, marahil ay tama si Aya sa sinabing kailangan kong mag move-on.
Hindi magiging madali ang proseso at hindi ko ito instant na magagawa, ngunit dapat kong subukan na palayain na ang sarili ko sa relasyon naming dalawa na kanya nang tinapos sa araw na ito.
“Siguro ang pagtatapos ng relasyon naming dalawa ay magiging daan para magsimula ako ng bagong buhay na hindi na siya kasama.
Dapat siguro ay simulan ko na ang bagong kwento ng buhay ko at piliting tanggapin na hindi na si Carlo ang leading man ko.”
Masakit, oo… pero naniniwala akong maghihilom din ang sugat na iniwan ni Carlo sa puso ko.
Gagawin ko ang lahat para kalimutan siya at sa oras na mangyari ‘yon, magagawa ko na ring ipamukha sa kanya na ginto na nga ang hawak niya, pinakawalan niya pa.
Kung naging boring man ako na girlfriend sa kaniya noon, pwes ngayon ay sisikapin kong maging isang babae na kahit annual salary niya sa trabaho ay hindi magiging sapat para lang makausap, makita o lapitan ako.
---
Gabi bago ang graduation day namin ay nasa campus pa rin ako para tapusin ang ipinapa-revise na thesis paper sa akin ng Prof ko.
Pang-siyam na beses ko na yatang ni-r-revise ito pero hindi magawang makuntento ng Prof ko, kaya ngayon ay kailangan kong matapos ito upang makahabol ako na makapagmartsa bukas.
Nagpaalam naman ako kina Mama at Papa na gagabihin ako ng uwi ngayon, sinabi kong magpapasundo ako kay Papa ng bandang alas-dyes ng gabi although hindi pa naman ako sure kung hanggang anong oras ako aabutin dito.
“Matagal pa ba ‘yan, Aya?”
“Nag-c-check na lang ako ng mga grammatical errors,” sagot ko kay Jazz na batid kong inip na inip na kahihintay sa akin na matapos.
Nasa library kami ngayon, buryong-buryo na siya sa kahihintay sa akin kasi hindi niya magawang mag-cellphone dahil lowbat na.
“Prof na natin tiyak ang bahala sa mga errors mo,”
“Nasa conclusion na ako, okay? Kaunti na lang ito.”
Ilang minuto pa ang lumipas bago ako tuluyang ma-satisfy sa paper ko. Inayos ko na ito at i-p-in-rint bago muling ipinasa sa Thesis Adviser namin.
Buti na lang at tinanggap niya na ito kaya naman nagpaalam na kami ni Jazz sa kanya na uuwi na dahil kailangan naming matulog nang maaga para bukas.
Ganyan ako ka-excited!
“7:30 pa lang naman, Aya. Daan muna tayo saglit sa bar, please.”
Kinunutan ko siya ng noo. “Akala ko ba ay gusto mo nang umuwi? Bakit bigla kang mag-aaya sa bar, huh?”
“Nauhaw ako bigla sa alak,” aniya na batid ko namang nagpapalusot lang siya.
“Okay, fine! Nakita ko kasi ‘yong recent post ng crush kong CEO, tapos nasa bar siya ngayon.
Pagkakataon ko na ito na makita siya, hindi lang sa cellphone, kung hindi sa personal mismo. Samahan mo na ako, oh?”
“Graduation natin bukas---”
“Aya, hindi naman tayo aabutin ng hanggang alas-dose roon!”
Hinila niya na ang kamay ko patungo sa sinasabi niyang bar kahit na alam niyang ayaw ko pa rin sumama.
Pero hinayaan ko na lang din siya since matyaga naman niya akong hinintay hanggang sa matapos ako sa pag-r-revise ng thesis paper ko.
Sa totoo lang, hindi ako ang tipo ng babae na laman ng bar. Ito ang first time ko, actually, na makatuntong sa isang bar kaya sobrang naninibago ako sa kapaligiran na nakikita ko.
Hindi ako uminom ng alak o kahit ano pero nahihilo na ako dala ng disco light matapos makapasok sa loob.
May ilang mga nagsasayawan sa dance floor, naghahalikan sa mga table na nasa dulo, at mga nag-iinuman sa bar counter.
“Oh, nasulyapan mo na ba ang pantasya mo?” Tanong ko kay Jazz nang makaupo kami sa bar counter, kahilera ang mga kalalakihan at kababaihan na umiinom ng alak.
“Hindi ko siya makita,” linga siya nang linga sa paligid.
“Sige, hanapin mo muna ‘yang prince charming mo. Mag-c-cr lang ako, may cr ba rito?”
“Doon sa kanan,”
Tinungo ko ang sinabi niyang direksyon dahil ihing-ihi na ako kanina pa. Nakalimutan ko kasing mag-cr muna bago kami umalis sa campus, kung hindi ba naman ako saksakan ng tanga, e.
Nang marating ko ang restroom ay agad akong pumasok sa cubicle at ginawa ang ritwal ko, napapikit pa ako dahil sa biglang pagkirot ng ulo ko.
Masyado ko yatang nababad ang mata ko sa pagtitig kaya’t gan’to ang ulo ko at kumikirot na naman.
Nang makalabas ako nang tuluyan sa restroom, bumalik ako sa bar counter kung saan ay nandoon pa rin si Jazz. “Ano na, bestie?”
“Uminom ka na muna, mahahanap ko rin siya.” At iniabot sa akin ang isang baso ng alak… pero kulay pink.
“Raspberry Cosmopolitan ang tawag sa drink na ‘yan, Aya. Hindi ‘yan masyadong nakalalasing, parang juice lang.”
“Sigurado kang juice lang ito?”
Tumango siya. “Parang ano lang… Tang na Four Season.”
Nagkibit-balikat na lang ako bago ininom ang drink na ibinigay ni Jazz. Tama nga siya, lasang juice nga ang drink na ibinigay niya sa akin---
Pero bakit bigla akong nahilo?
Biglang nanlabo ang paningin ko hanggang sa bumagsak na ang katawan ko sa kung kaninong kamay… bago tuluyang nagdilim ang paligid.