“Saan ba natin siya pwedeng makita at sasamahan kita?” Keith asked Arielle as he smiled genuinely at her. Wala sa loob na napatitig si Arielle sa binata. Hindi maikakailang napakagwapo ni Keith. No doubt, he’s a famous model. Ngunit hindi niya akalaing may ganitong side ang lalaki.
“Thank you,” tanging nasabi niya dito. Hindi pa rin siya makapaniwala sa binata.
Tumango ito at inalalayan siyang makababa ng kama. Gusto niya na sanang bumitaw at medyo naiilang siya dito pero dama niyang groggy pa siya. Pakiramdam niya ay anumang oras, bibigay ang tuhod niya.
Nagawa nilang makalabas ng silid. Nasa hallway sila at nakakasalubong ng ilang mga taong panay ang sulyap sa kanila.
“Pumunta kaya muna tayo sa nurse station,” mahinang aniya habang mahigpit na nakakapit sa braso nito.
“May alam akong paraan para madali mong mahanap kung nasaan ang kapatid mo.”
“Alam ko ang room ng kapatid ko at pwedeng sa mga nurse na lang ako magpatulong,” aniya habang pilit iniignora ang marami ng mga matang panay ang sulyap sa kanila.
Marahil hindi nito pansin pero kanina pa sila pinagtitinginan ng mga tao. Lalo na ng mga babae. Hindi niya mapigilang hindi mag-alala na baka ma-issue o ma-chismis ang lalaki. Napaka-prone pa naman ng mga katulad nitong sikat sa chismis.
“Pwes, sasamahan kita,” pursigidong ani Keith.
"Hindi na kailangan. Hahanapin ko na lamang ang parents ko."
"Sina Mr. and Mrs. Villaluz ba ang tinutukoy mo? I think nakita ko sila kanina. Mas tama nga marahil na sila muna ang iyong puntahan. Sa tingin ko, lubhang nag-aalala sa iyo ang mommy mo." Sunod-sunod na wika nito na para bang wala siyang sinabi na sa nurse na lang siya magpapatulong. Ngunit ang hindi niya lubos-akalain ay kilala nito ang mga magulang niya.
"At first, I thought it was just a coincidence na kaapelyido mo lamang ang may-ari ng university. But I think, hindi ako nagkakamali this time. You're the only daughter of one of the owners of the university, right?"
Hindi siya sumagot sa halip ay nag-iwas na lamang ng tingin.
"Well, I'm sorry. Hindi mo kailangang sagutin. But, I insist na samahan ka. Afterall, sa pagdadala ko pa lamang sa iyo rito ay naging responsibilidad na kita," nakangiti pang saad nito na para bang wala lang ang pananahimik niya.
Muli ay hindi siya nagsalita. Wala rin naman siyang alam na isasagot sa binata. All she knew was something inside her suddenly lifted up. Tahimik na lang siyang tumango bilang pakonswelo sa pagsama at pagdadala sa kaniya sa ospital.
Nag-iba sila ng daan. Sa halip na dumiretso sa nurse station, sa iba sila pumunta. Hindi siya sigurado pero dahil nabanggit nitong nakita ang mga magulang niya kaya nagpatianod na lang siya. Inalalayan siya nito sa buong panahong naglalakad. Sinubukan niya nang bumitaw dito pero naging mapilit ito lalo pa nang mapansing napapangiwi siya. Medyo kumikirot ang sugat niya ngunit balewala iyon. Nag-aalala siya para kay Margaret at tiyak mag-aalala ang mga magulang niya kapag nalaman ang nangyari sa school.
Gayunman, sa paglalakad nila ay hindi pa rin nawawala ang mga kakaibang tingin sa kanila. Maraming babae ang patuloy pa ring nakatingin sa kanila, pinapanood sila. Nakakapagtaka lamang ay tila walang pakialam ang kasama niya. O marahil sanay na talaga ito sa mga atensiyon na nakukuha nito.
Akmang tatanungin pa niya si Keith kung okay lang ba talaga na sinasamahan siya nito nang matanawan ang mga magulang na magkausap sa tapat ng isang silid.
“Sila nga ang parents mo?” tanong ni Keith.
Mabilis na tumango siya, hindi inaalis ang tingin sa mga magulang. Hindi pa siya nakikita ng mga ito pero kitang-kita niya ang lungkot at pait sa mga mata nila. Bahagya niyang binilisan ang lakad at maagap namang umalalay si Keith.
“Mommy! Daddy!” malakas niyang tawag sa mga magulang.
"Kimmy!"
Mas binilisan niya ang lakad at nang tuluyang makalapit ay dagling bumitaw kay Keith at niyakap ang ina.
"Anak! Ano bang nangyari sa iyo?" Hinawakan ni mommy ang mukha niya habang nakatingin sa benda na nasa ulo niya.
“Tumawag kami sa school at sinabi nila ang nangyari,” seryoso pero may halong pag-aalala na dagdag ng ama niya.
“Sorry po pero nag-alala ako kanina ng sobra,” hinging-paumanhin niya. Natahimik naman ang kaniyang mga magulang. “Nasaan po si Margaret? Ano pong nagyari sa kanya?" Palipat-lipat ang tingin niya sa mga magulang
Kahit hindi aminin o sabihin sa kaniya ng mga magulang ang totoo hindi naman maikakaila ang lungkot at sakit nakalarawan sa mga mata nila. Mukhang katitigil lamang nilang umiyak at heto, umiiyak na naman sila.
"My, totoo po ba?"
Alam niya… Nauunawaan niya ang nangyari pero hindi niya magawang aminin sa sarili ang lahat. Hindi niya kayang tanggapin. No, ayaw niyang tanggapin. Hindi niya matatanggap na wala na ang kinakapatid.
Kahapon lang… Kagabi. Masaya pa silang nag-uusap. Masaya silang nagkukwentuhan tapos all along ganito na… Aalis na lamang siya. Mang-iiwan at kahit kailan ay hindi na babalik. Kanina lamang nag-promise si Margaret na magsisimula muli. Magbabagong-buhay. Bagong Margaret. Mas matapang na Margaret. Tapos ganito na…
“Daddy?” nagsusumamong nilingon niya ang ama. Luhaan ang mga matang ikinulong siya nito sa mga braso. “I’m sorry, Kimmy. Huli na ng abutan namin si Margaret. Wala na siya… Wala na siya…” Humigpit ang yakap nito sa kaniya sabay nang pagragasa ng mas matinding sakit.
Ayaw niyang pakinggan ang ama. Ang gusto niya lamang ay ang makita si Margaret. Gusto niyang mayakap at mahawakan ang kinakapatid. Naramdaman niyang hinawakan ng ina ang kamay niya.
"Let's go, hon," bulong ng ina niya sa pagitan ng pagluha.
Inalalayan siya ng mommy at daddy patungo sa isang parte ng ospital. May naka-guide sa kanilang nurse. Tahimik lang silang nakasunod, blangko ang isip. Ni hindi nga niya pansin ang nasa paligid hanggang tumigil sila sa harap ng isang kwarto. Pigil ang mga luha at bahagyang nanginginig ang katawan niya na lumapit sa may pinto. Tumingala siya sa taas ng pinto kung saan nakasulat ang pangalan ng silid na ni sa hinagap ay hindi niya naisip na maaaring kalagyan ni Marg.
‘Morgue...’
Andito na ba talaga si Marg?
O isa lang ito sa mga prank niya? Umiiral na naman ang pagiging isip-bata niya kaya heto at naglalaro na naman siya.
‘Pero pwede ba itigil mo na Marg? Kasi ang sakit-sakit na. Hindi ko na kaya. Hindi ko na kaya ang sakit’.
Ang sakit na alam niyang panahon lamang ang makakapagsabi kung kailan mapapawi. Sakit na alam niyang tatanim hanggang sa kaloob-looban ng puso niya.
Binuksan ng nurse ang pinto at mabibigat ang mga paang humakbang sila papasok sa silid. Batid niya na ang lahat ngunit umaasa pa rin siya. Umaasang sana hindi totoo ang lahat ng ito pero minsan ganoon talaga ang buhay. Napaka-unfair. Dahil kapag si tadhana ang naglaro, lahat maaaring magbago.
Lumapit ang nurse sa isang metal na higaan. May katawang natatakluban ng puting kumot. Sumenyas ito at may sinabi sa mga magulang pero hindi niya naunawaan. Impit ang paghikbi niya habang nakatitig sa higaang natatakpan ng puting kumot. Bumabakat ang katawan ng kung sino mang nasa ilalim nito.
Malakas ang kabog ang ng puso niya habang patuloy na humahakbang palapit sa katawan. Sa bawat hakbang ay nagdarasal na sana magising na siya. Tumigil siya nang makalapit sa higaan. Pumunta sa kasalungat na bahagi niya ang nurse at dahan-dahang binuksan ang kumot. Nang tuluyang maalis ang kumot ay doon na kumawala lahat ng pagtangis niya. Para siyang tinarakan ng sampung matutulis na patalim sa puso. Pumalahaw siya ng iyak habang tinatawag ang pangalan ng kapatid pero tila walang lumalabas na tinig sa lalamunan niya.
Akmang yayakapin niya ang malamig na katawan ng kapatid niya pero ayaw gumalaw ng katawan niya. Naninigas ang buong kalamnan niya at ang kaninang nanlalabong mga mata ay nagdilim na. Kung pwede lang na kasabay ng pagdidilim ay mawala na ang sakit… kung pwede lang…
*****