Chapter 4

2453 Words
Third Pov Sa grocery, habang tinutulak ko ang grocery cart, isa-isa kong inilalagay ang mga sangkap na kakailanganin ko para sa pagbebake ng cake. Gusto kong subukan ang bagong recipe na nakita ko sa isang cookbook na naitago ko mula pa noong dalaga ako. Kahit papaano, gusto kong abalahin ang sarili ko. Mas mabuting maging produktibo kaysa magpakalunod sa lungkot at kawalan ng pag-asa. Habang nasa aisle ng harina at asukal, biglang may boses na nagsalita sa tabi ko. "Excuse me, Miss, mukhang seryoso ka sa pagbebake ah," sabi ng isang lalaki na may malalim ngunit magaan na boses. Napatingin ako sa kanya. Matangkad siya, maayos ang bihis, at may mapaglarong ngiti sa kanyang mukha. Para bang kaya niyang gawing mas magaan ang kahit na anong sitwasyon. "Ah, oo. May susubukan lang akong recipe," sagot ko, medyo nagulat sa hindi inaasahang pakikipag-usap niya. "Christian," pakilala niya, sabay abot ng kamay. "Mahilig din kasi akong mag-bake kaya napansin kita." Napatigil ako, tinitingnan ang inabot niyang kamay bago ito marahang tinanggap. "Melissa," mahina kong sabi. "Mukhang espesyal ang gagawin mong cake, Melissa," sabi niya, habang sinusulyapan ang laman ng cart ko. Napangiti ako nang bahagya. "Hindi naman. Para lang sa sarili ko... at baka para sa mga tao sa bahay." "Sigurado akong masarap 'yan," aniya, at bigla siyang ngumiti nang mas malawak. "Pero kung kailangan mo ng tips, nandito lang ako." Natawa ako nang mahina sa biro niya. Hindi ko akalaing may ganitong klase ng tao na parang natural na nagpapagaan ng paligid. Sa tagal ko nang hindi nakikipag-usap nang ganito, parang refreshing na may nakilala akong bagong tao. "Salamat," sabi ko, habang inilalagay ang isang pakete ng harina sa cart ko. Patuloy kaming nag-usap habang namimili ako ng iba pang kailangan. Napunta ang usapan namin sa iba't ibang bagay—mula sa mga paboritong cake hanggang sa mga simpleng kalokohan na nagpapatawa sa akin. Sa ilang minutong iyon, parang nawala ang bigat na laging dala ko. Nakalimutan ko ang malamig na pakikitungo ni Hugo, ang mga pangungutya sa mansyon, at ang lungkot na araw-araw kong nararamdaman. Natapos ang pamimili ko nang hindi ko namamalayan ang oras. Nang maghiwalay kami ni Christian, may ngiti sa labi ko na matagal ko nang hindi naramdaman. Sa isip ko, sino ba talaga si Christian? At bakit parang ang gaan ng loob ko sa kanya? Sa mansyon Pagpasok ni Melissa sa mansyon, may ngiti sa kanyang labi. Bagama't simpleng usapan lang ang nangyari sa grocery store, tila gumaan ang pakiramdam niya. Sa wakas, kahit papaano, may isang tao na nakapagpasaya sa kanya kahit sa maikling sandali lang. Hindi niya namalayang napansin siya ng mga katulong na abala sa kanilang mga gawain. "Uy, ang saya mo ngayon, Ma’am Melissa," biro ng isa sa kanila, si Carla, habang naglalampaso sa sahig. "May magandang nangyari ba?" Napatingin si Melissa kay Carla, bahagyang nagulat sa tanong nito. "Wala naman," sagot niya, pilit na pinapakalma ang ngiti sa kanyang labi. "Namili lang ako ng mga kailangan ko." Pero hindi iyon sapat para tigilan siya ng mga katulong. "Talaga? Eh, parang iba ang ngiti mo ngayon, Ma’am. Parang... in love?" sabat naman ni Mara, na nag-aayos ng mga bulaklak sa may salas. Biglang uminit ang pisngi ni Melissa. "Ano ba kayo? Wala naman akong ibang ginawa kundi mag-grocery," sagot niya, sabay iwas ng tingin para maitago ang pagkapahiya. Ngunit patuloy lang ang mga bulong-bulongan ng mga katulong habang sinusundan siya ng tingin. Hindi nila sanay makita si Melissa na masaya, kaya’t para sa kanila, isang malaking palaisipan ang bigla niyang pagbabago ng mood. Pagdating niya sa kusina, inilapag niya ang mga pinamili sa counter. Napabuntong-hininga siya at bahagyang napangiti ulit habang inaalala ang mga sinabi ni Christian. "Kahit sandali lang," mahina niyang bulong sa sarili, "masaya rin pala ako." Ngunit sa likod ng kanyang isip, alam niyang panandalian lang ang kaligayahang ito. Sa sandaling bumalik si Hugo, babalik din ang bigat ng realidad na kailangan niyang harapin araw-araw. Habang inaayos ni Melissa ang mga sangkap para sa pagbebake, unti-unting bumalik ang bigat sa kanyang dibdib. Sa bawat paghalo ng harina at asukal, hindi niya maiwasang mag-isip. Malapit na ang kanyang kaarawan—isang araw na dati niyang inaasam, ngunit ngayon ay tila wala nang saysay. Pinilit niyang ngumiti habang hinahalo ang batter, ngunit sa kaloob-looban niya, ramdam niya ang lungkot. Wala siyang inaasahang selebrasyon. Alam niyang walang mag-aalala para sa araw na iyon, lalo na si Hugo. "Siguro, wala namang magbabago," mahina niyang sabi sa sarili, habang inilalagay ang batter sa baking pan. Ang dating masayang araw na puno ng mga sorpresa at pagmamahal mula sa pamilya, ngayon ay tila isa na lang ordinaryong araw. Habang hinihintay na maluto ang cake, naupo siya sa isang sulok ng kusina. Nakatingin siya sa kawalan, at hindi niya napigilan ang luhang pumatak sa kanyang pisngi. Pilit niyang pinunasan ito gamit ang likod ng kanyang kamay, ngunit parang walang katapusan ang mga patak. "Gusto ko lang naman ng kahit konting kasiyahan," bulong niya sa sarili. "Kahit isang araw lang na maramdaman kong may nagmamahal sa akin." Bigla niyang naalala ang ngiti ni Christian kanina sa grocery store. Kahit papaano, nakapagbigay iyon ng liwanag sa kanyang madilim na mundo. Ngunit alam niyang hindi iyon sapat para mapunan ang kakulangan sa kanyang puso. Nang tumunog ang oven, agad niyang kinuha ang cake. Hinipan niya ang mainit na singaw, pero tila ba mas malamig ang pakiramdam niya kaysa sa hangin sa kusina. Nilagyan niya ng icing ang ibabaw ng cake, pilit binubuo ang disenyo kahit nanginginig ang kanyang kamay. "Happy birthday, Melissa," mahinang sabi niya sa sarili habang inilalagay ang huling detalye. Wala mang ibang magdiwang para sa kanya, alam niyang kahit papaano, kailangan niyang ipagdiwang ang araw na iyon para sa sarili niya. Pero sa kaloob-looban niya, umaasa pa rin siya. Baka sakaling maalala ni Hugo ang kanyang kaarawan... kahit papaano. Pagkatapos tapusin ni Melissa ang cake, inayos niya ito sa isang plato at naglagay ng simpleng dekorasyon sa ibabaw. Kahit maliit at payak lang, alam niyang espesyal ito dahil ginawa niya ito ng buong puso. Habang bitbit ang cake, lumabas siya ng kusina at tinawag ang mga katulong. "Pwede ba kayong sumama sa akin sandali?" tanong niya, pilit na pinapakalma ang kaba sa kanyang dibdib. Nagkatinginan ang mga katulong, halatang nagtataka. Pero sumunod pa rin sila sa kanya sa dining area. Pagdating doon, inilagay ni Melissa ang cake sa gitna ng mesa. Napatingin ang lahat dito, at kahit simpleng cake lang, tila nagbigay ito ng kakaibang liwanag sa paligid. "Gusto ko sanang magpasalamat sa inyo," simula niya, nakangiti pero halatang may lungkot sa kanyang mga mata. "Kayo lang naman ang palaging nandito para sa akin... Kaya naisip ko, baka pwedeng magkasama tayo ngayon kahit sandali." Nagulat ang mga katulong sa sinabi ni Melissa. Hindi nila inasahan na gagawin niya ito, lalo na’t bihira siyang magsalita o magbukas ng damdamin sa kanila. "Ma’am, para saan ito?" tanong ni Carla, na halatang naantig sa simpleng gesture ni Melissa. "Malapit na kasi ang birthday ko," mahina niyang sabi, pilit na iniwasan ang pagtulo ng luha. "At naisip ko, baka mas maganda kung ipagdiwang ko ito nang kasama kayo... kahit maaga pa." Biglang nagkaroon ng katahimikan sa paligid. Pero makikita sa mukha ng mga katulong ang bahagyang pagkahiya at kasiyahan. "Ma’am, napakabait niyo," sabi ni Mara, habang nakangiti. "Hindi niyo na dapat ginawa ito." "Oo nga, Ma’am. Pero salamat, ha," dagdag pa ni Carla. Nagtipon sila sa mesa, at nagsimula silang magbahagi ng cake. Habang kumakain, nagkaroon ng masayang kwentuhan. Nawala ang mga alitan at bulong-bulungan sa mansyon kahit sandali lang. Sa unang pagkakataon, naramdaman ni Melissa na hindi siya nag-iisa. Sa gitna ng kanilang tawanan, isang simpleng hiling ang pumasok sa isipan ni Melissa. "Sana, sa susunod na birthday ko... hindi na ganito kalungkot." Habang masaya nilang pinagsasaluhan ang cake, biglang tumunog ang cellphone ni Melissa na nakapatong sa mesa. Agad niyang kinuha ito at napatingin sa screen. Nang makita ang pangalan ng tumatawag, mabilis niyang sinagot ang tawag. "Mel?" tanong ni Melissa, may halong gulat at tuwa sa boses niya. "Melissa! Kumusta ka na? Hindi ka na nagpaparamdam, ha," sagot ni Mel, ang matalik niyang kaibigan mula sa probinsya. "Pasensya na, medyo naging abala lang dito," sagot ni Melissa, pilit na itinatago ang lungkot sa likod ng kanyang boses. "Abala o ayaw mo lang talagang mag-open up? Alam mo, Mel, kahit nasa malayo ako, nararamdaman ko kapag hindi ka okay," sabi ni Mel, may halong pag-aalala. Napatingin si Melissa sa mga katulong na abala sa pagkain at tawanan. Bahagya siyang lumayo upang makapag-usap nang mas maayos. "Hindi naman sa gano'n," sagot niya, mahina ang boses. "Alam mo namang... hindi madali ang sitwasyon ko dito." "Melissa," malumanay na sabi ni Mel, "hindi mo kailangang itago sa akin ang nararamdaman mo. Kaibigan mo ako, di ba? Nandito lang ako para sa'yo." Biglang tumulo ang luha ni Melissa. Kahit hindi niya nakikita si Mel, ramdam niya ang init ng malasakit nito. "Mel, ang hirap," bulong niya, pilit na pinapakalma ang boses para hindi marinig ng iba. "Parang wala nang halaga ang sarili ko. Hindi ko alam kung paano pa ako magtitiis." "Melissa, kaya mo 'yan," sagot ni Mel, puno ng kumpiyansa. "Kung kailangan mo ng kausap o may magpapasaya sa'yo, tawagan mo lang ako kahit kailan. Hindi mo kailangang harapin 'yan mag-isa." Napangiti si Melissa sa kabila ng kanyang luha. "Salamat, Mel. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko kung wala ka." "Anong wala?" biro ni Mel. "Baka bukas bigla na lang akong sumulpot diyan sa mansyon niyo para makita kita." Napatawa si Melissa sa sinabi nito. Kahit papaano, gumaan ang pakiramdam niya. "Mag-iingat ka palagi, ha?" sabi ni Mel bago magpaalam. "Oo, salamat ulit," sagot ni Melissa bago ibaba ang tawag. Pagbalik niya sa mesa, mas maaliwalas na ang kanyang mukha. Naisip niya, kahit gaano kahirap ang buhay niya sa mansyon, may mga taong handang damayan siya, kahit sa simpleng paraan. Maghapong naghintay si Melissa sa pagdating ni Hugo. Gaya ng nakagawian, inaliw niya ang sarili sa mga gawaing bahay at sa pagbabasa ng libro. Ngunit habang lumilipas ang oras, hindi niya maiwasang tumingin-tingin sa orasan at mag-abang sa pag-uwi ng asawa. Nang sumapit ang gabi, napuno ng katahimikan ang mansyon. Habang nakaupo siya sa sala, narinig niya ang maingay na pagbusina sa labas. Agad siyang tumayo at tinungo ang pintuan. Pagbukas niya, nakita niya si Hugo na pababa mula sa sasakyan, halatang lasing. Namumula ang mukha nito, at medyo pasuray-suray ang lakad. "Hugo," mahinang tawag ni Melissa, pero hindi siya nito pinansin. Nagmamadaling pumasok si Hugo sa loob, deretso sa sala. Napansin ni Melissa ang amoy ng alak na bumalot sa paligid. "Late ka na naman," sabi ni Melissa, pilit na pinipigilan ang boses na magkalat ng emosyon. "Anong pakialam mo?" malamig na sagot ni Hugo, hindi man lang siya tinitingnan. "Hugo, hindi ka pa kumakain. Baka gusto mong maghapunan muna," alok niya, umaasang kahit papaano ay maging maayos ang usapan nila. Ngunit imbes na sagutin siya, naupo si Hugo sa sofa at humalukipkip. Kita sa mukha nito ang galit at inis. "Bakit ba ang kulit mo? Hindi mo ba nakikita? Hindi kita kailangan!" mariing sabi ni Hugo, na parang punong-puno ng sama ng loob. Napaatras si Melissa, ramdam ang sakit ng bawat salitang binitiwan nito. "Alam ko naman," mahina niyang sagot, halos bulong. "Pero asawa mo ako, Hugo. Kahit papaano, may responsibilidad ako sa'yo." "Responsibilidad? Huwag kang magpanggap na parang mahalaga ka sa akin," sagot ni Hugo, bago tumayo at naglakad papunta sa hagdan. "Hugo..." mahinang tawag ni Melissa, pero hindi na ito lumingon. Nanatili siyang nakatayo sa sala, pilit na pinipigilan ang luhang nagbabadyang tumulo. Napaupo siya sa sofa, iniisip kung hanggang kailan niya kayang tiisin ang malamig at masakit na pakikitungo ng asawa. Pagpasok ni Melissa sa kanilang silid, nadatnan niyang nakahiga na si Hugo sa kama, nakapatong pa ang isang braso sa noo nito. Kahit lasing, makikita pa rin ang tensyon sa kanyang mukha. Dahan-dahan siyang lumapit at tumingin sa kanya nang ilang sandali. "Hanggang kailan kita aasikasuhin nang ganito?" tanong niya sa sarili, pero alam niyang ang sagot ay habang kaya pa ng puso niyang magmahal. Tahimik niyang hinubad ang sapatos ni Hugo, sinigurong hindi ito magising. Kasunod nito, inayos niya ang kuwelyo ng damit nito at tinanggal ang necktie na bahagyang nakatali pa. "Hugo," mahinang bulong niya habang pinagmamasdan ang mukha ng asawa. Sa kabila ng galit at malamig na pakikitungo nito, hindi niya maiwasang maalala kung paano siya nahulog dito noon. Hanggang mahal pa kita, hayaan mong gawin ko ito para sa'yo, bulong niya sa isip habang pinupunasan ang pawis sa noo nito gamit ang malamig na bimpo. Nang matapos siyang asikasuhin ito, tumayo siya at inayos ang kumot para matakpan ang katawan ni Hugo. Tumitig siya sa kanya nang matagal, pilit na inaalala ang dahilan kung bakit niya piniling magtiis. "Mahal kita," bulong niya, na para bang inaasam na kahit sa panaginip lang ay marinig ito ni Hugo. Pagkatapos, tahimik siyang umupo sa gilid ng kama, pinapahid ang sariling luha. Sa gabing iyon, muli niyang piniling magtiis at magmahal, kahit walang katiyakan kung kailan ito magiging sapat para kay Hugo. Kinabukasan, maagang nagising si Melissa upang magluto ng almusal. Kahit pagod mula sa pag-aasikaso kay Hugo kagabi, sinigurado niyang magiging espesyal ang umaga nito. Habang nasa kusina, maingat niyang inihanda ang paboritong breakfast ni Hugo—fried eggs, crispy bacon, at garlic rice na may kasamang freshly brewed coffee. Ilang beses niyang tinikman ang bawat luto, siniguradong perpekto ang lasa. Pagkatapos ay inayos niya ang mesa, inilagay ang mga plato at tasa nang maayos, at nilagyan pa ng maliit na bulaklak bilang dekorasyon. Umaasa siyang kahit papaano, magugustuhan ito ni Hugo. Pagbaba ni Hugo mula sa hagdan, agad siyang sinalubong ni Melissa ng ngiti. "Good morning," bati niya, pilit na tinatago ang kaba. "Pinagluto kita ng paborito mong almusal." Ngunit imbes na sagutin siya, dumiretso si Hugo sa mesa at tumingin sa pagkain. Sa halip na maupo, kinuha nito ang tasa ng kape at uminom nang mabilis. "Hindi na ako kakain," malamig nitong sabi, saka tumalikod. Napako si Melissa sa kinatatayuan niya, hawak pa rin ang serving spoon. "Hugo... paborito mo 'yan," mahinang sabi niya, umaasang magbabago ang isip nito. "Hindi ko kailangan ng effort mo," sagot ni Hugo nang hindi lumilingon, at nagpatuloy ito palabas ng bahay. Naiwang nakatayo si Melissa sa harap ng hapag, ang ngiti sa labi niya unti-unting nawala. Napaupo siya, pilit na nilulunok ang kirot sa puso. Tahimik niyang binalingan ang pagkain. Sa kabila ng sakit, kinuha niya ang isang kutsara ng kanin at pilit na ngumiti sa sarili. "Ayos lang, Melissa. Hindi pa naman katapusan ng mundo," bulong niya, ngunit hindi na napigilan ang pagpatak ng kanyang luha.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD