FROILAN'S POV
Five days na rin ang lumilipas simula nang magpasukan. Five days na ring sakit sa ulo ko si Lily. Bakit pa ba kasi siya bumalik? Okay na sana ang buhay ko. Himbis si Rouin lang ang sumusira ng araw ko nadagdagan pa ng isang babae mula sa nakaraan. Oo nga pala may isa pa, si Sophia. Kahit kailan talaga ang mga babae, sakit sa ulo. Buti na lang walang pasok ngayon dahil sabado at wala kaming schedule ng pasok kaya makapagpapahinga ako. Three days na rin pala kaming hindi nagkakausap at nagkikita ni Rouin. Iniiwasan kasi ako ng bruhang ‘yon dahil do’n sa nangyari. Nagkasabay nga kaming umuwi pero parang wala namang nangyari. Halos hanggang makauwi, hindi kami nagpapansinan. Nilalamon pa rin kasi talaga ako ng pride ko. Ang kulit kasi niya kaya kasalanan niya ‘yon. Never akong hihingi ng sorry sa kaniya.
Makalipas ang limang oras…
Sa bahay nila Rouin…
"O, Froi, napadalaw ka." Si kuya Ice nakangiti na naman. Tuwing nakikita niya na lang ako lagi siyang nakangiti. Minsan gusto ko nang isiping nababakla na sa akin ‘to.
"Si Stupid Girl?" tanong ko.
"Nako! Wala siya e. Maaga umalis kasama sila Brigette," sagot niya.
"Saan daw pupunta?" tanong ko na naman.
"Kina Kitkat yata. Magkakabisado ng lines. May small play yata sila sa English. Bida si Rouin," pagkukwento ni Kuya Ice. “Aba, mukhang interesado ka ha?”
Hindi ko na lang pinansin ang huling sinabi niya. Ang importante ngayon ay alam ko kung nasaan siya ngayon. Kailangan ko siyang puntahan.
"Ah salamat. Puntahan ko na lang," sabi ko saka nagpaalam na aalis na.
"T-teka, Froi." Tinawag pa ako ni Kuya Ice pero hindi ko na siya pinansin. Kailangan naming mag-usap ng babaeng ‘yon.
Makalipas ang isang oras na paglalakad, doon ko lang naalalang hindi ko nga pala alam kung saan ang bahay ni Kitkat.
"Bwiset! Saan ba bahay no’n? Bakit ba kasi hindi ko naitanong kay Kuya Ice? Hindi pa naman siguro ako nahahawa kay Stupid Girl?” Natigilan ako sa paglalakad at makailang ulit na umiling. “Pero sure ako taga rito sila sa subdivision na ‘to," sabi ko habang naglalakad palingalinga sa paligid.
Nakakapagod. Kaya naman nang makakita ako ng tindahan naupo na muna ‘ko. Nakaramdam na rin ako ng uhaw dahil sa pagod.
"Manang, pabili po ng Coke Mismo."
"O eto, pogi." Inabot niya sa akin ang coke. Buti na lang hindi pa malabo ang mata ni manang at hindi marunong magsinungaling.
"Ah salamat, Manang." Tanungin ko kaya si manang? Malay ko kung kilala niya pala si Kitkat. "Manang, may kilala po ba kayong KItkat Perez? Saan po kaya ang bahay niya rito?"
"Kitkat? Kitkat..." mukhang nag-iisip naman si manang.
"Opo. Kitkat po," pag-uulit ko.
"Hindi ba, Iho, chocolate ‘yon?" seryoso niyang tanong.
Halos hindi maipinta ang mukha ko sa tanong niya. Napakamot na lang tuloy ako ng ulo.
"Tao po ‘yong hinahanap ko, Manang. Ang pangalan niya ay Kitkat Perez," paglilinaw ko.
"Kitkat Perez? Ah… Si Tsong," sabi ni manang. Sa wakas. Mukhang may clue na siya. Pero Tsong daw? Tsonggo lang gano’n? Hindi ko naiwasang mapangiti sa isiping ‘yon.
"O-opo." Umoo na lang ako.
"Taga roon siya sa Dollar Street." Wow! Para namang alam ko kung saan ‘yon.
"Saan po ‘yong Dollar Street?" tanong ko naman.
"Diyan sa susunod na kanto kumaliwa ka, tapos sa ikatlong kanto kumanan ka tapos sa unang kanto na may puno ng mangga kumaliwa ka ulit. Sa dulo no’n ang bahay nila," paliwanag ni manang. Ang kailangan ko na lang gawin ay tandaan ang itinuro niyang lugar.
"Ah… SIge, salamat po." Makapunta na nga.
So, eto ako ngayon sa kanto. Kakaliwa ako gaya ng sabi ni manang kaya iyon ang ginawa ko. Nasa ikatlong kanto na ‘ko ngayon kaya kumanan na ‘ko. Ang kaso sa unang kanto walang puno ng mangga kaya dumeretso ako ng lakad, pero wala pa ring puno ng mangga. Pinagloloko yata ako ni manang e. Saan na ba yon? Bwiset naman! Ang init pa naman. Tanghalian na o.
"Kainis!" Napadabog pa ko sa inis.
"Arf! Arf!"
Bigla akong natigilan nang marinig ‘yon. Isang aso, malaking aso na diretsong nakatingin sa akin habang nanlilisik ang mga mata sa galit. Kung minamalas ka nga naman. Sa tingin ko sa breed nito ay isa itong Rottweiler at mukhang nagugutom pa yata siya.
"Uhm... Good dog… Here!" Naghagis ako ng stick na nadampot ko ngunit mukhang hindi siya natuwa bagkus ay lalo pa siyang nagalit at nagtatahol. Kitang-kita ko pa ang matutulis niyang pangil habang nakatingin sa akin.
"Ggrr... Arf! Arf!"
Bwisit naman o. Kapag minamalas ka nga naman talaga. Wala na ‘kong pagpipilian kung hindi tumakbo hanggang sa abot nang makakaya ko.
ROUIN'S POV
"Rouin... kanina pa tayo rito o. Wala ka pa rin name-memorize?" sabi ni Brigette.
"Ikaw na matalino," sabi ko naman.
Ang totoo, nabubwiset ako. Porket hindi ko siya kinakausap, aba! Hindi rin niya ‘ko kakausapin. Ang yabang-yabang niya talaga. Tatlong araw na kasi kaming hindi nag-uusap. Aminado naman akong iniiwasan ko siya. Ewan ko ba pero masama talaga ang loob ko ng sigawan niya ko ng dahil sa Lily na ‘yon. Akala ko naman no’ng niyaya niya akong sabay kaming uuwi ay makikipagbati na siya, pero nakauwi na kami at lahat para lang kaming piping dalawa.
"Lumilipad na naman ang isip mo." Napuna ni Kitkat. Well, tama naman siya e. "Kaya hindi ka maka-memorize ng line mo e," dagdag pa niya.
"Naiirita kasi ako. ‘Pag naiisip ko ‘yong Lily na ‘yon, parang gusto ko siyang kalbuhin," sabi ko.
Tumawa naman si Louise. "Selos lang yan."
"Oy! Anong selos? Pakialam ko ba sa kanila ni Froilan? Kahit na anong gawin nilang dalawa, wala akong pakialam," sabi ko. Pero totoo ng aba? Talaga nga bang wala akong pakialam?
"Talaga lang ha?" Duda si Louise. Hindi ko siya masisisi dahil kahit ako nagdududa na rin sa sarili ko.
"Kontra ka talaga, Lou, kahit kailan," iritang sabi ko. "Hindi na kita pahihiramin ng Tekken Dark Resu ko.”
"Hala! Joke lang naman ‘yon. Sabi ko nga wala kang gusto sa kaniya at isa pa, sino naman siya para magselos ka ‘di ba?" Ang bilis niyang kumambyo. Well, I know her weaknesses.
"Alam mo, Sissy Rouin, curious lang ako, bakit nga ba iniiwasan mo siya?" tanong ni Kitkat.
"Nakakainis nga," sabi ko habang pinipindot-pindot ang cellphone ko.
The doorbell rings…
Sabay-sabay kaming napalingon sa pintuan.
"Kitkat may bisita ka yata," sabi ni Brigette.
"Sino kaya ‘yon? Wala naman akong ine-expect na darating," wika naman ni Kitkat habang tinutungo ang pintuan.
At pagbukas niya ng pinto, mas lalo kaming nagulat sa presensyang sumulpot mula sa kaniyang harapan.
"Anong nangyari sa ‘yo?"
FROILAN'S POV
"Huwag mo nang itanong dahil naba-badtrip ako." Pagkasabi ko no’n ay pumasok na ako sa loob ng bahay nila. Hindi na ako naghintay ng go signal niya dahil ang gusto ko na lang ay makapagpahinga. Feel at home lang.
"Froilan?" Si Rouin. Ang stupid na ‘to ang may kasalanan ng lahat.
"Kasalanan mo ‘to!" singhal ko.
"Hoy! At paano ko naman naging kasalanan ang nangyari sa ‘yo? Ang sabihin mo kasalanan mo dahil mayabang ka. Karma ang tawag diyan." Aba! At nakuha niya pang tarayan ako ngayon.
"Aba at may karma-karma ka pang nalalaman diyan ha…" Mapapatulan ko na talaga ‘to.
"Talaga naman e," sabi pa niya.
"Hep! Hep! Mamaya na ‘yan." Natigilan kami sa pagtatalo nang pumagitna si Louise. Iisipin ko bang right timing siya o bad timing?
"Tamang-tama ang dating mo, Froilan. Pero bago ang lahat mag-shower ka muna. Ang dungis mo." Tumayo naman si Brigette at kaagad na lumapit sa akin. Tinulak niya pa ako palapit kay Kitkat habang sinesenyasan ito.
Napabuntong-hininga na lang ako. Si Kitkat naman, tuwang-tuwa na magsa-shower ako. Isusuot ko raw kasi ang damit niya. Pagnasahan daw ba ‘ko. Kaso ano bang gagawin ko? Tamang-tama raw ang dating ko e. Hindi ko talaga ma-gets.