"Saan ba talaga tayo pupunta, Johan?" Pangatlong beses ko ng tanong kay Johan pero hanggang ngayon ay hindi pa din niya ako sinasagot. Nakangiti lang siya habang nagdrive sa kalsadang paakyat ng mabundok na bahagi ng isla. Sa pagkakaalam ko ay papunta sa farm ni Sir Joe ang kalsadang tinatahak namin ngayon.
"Hindi mo ba talaga ako sasagutin ha, Johan? Naiinis na ako." Nagkunwari akong naiinis na saad kay Johan.
"Ang bilis mo namang mainis. Hindi ba pwedeng ipabaon mo na sa akin sa pagbabakasyon ko yung maging masaya tayo ngayon? Yung hindi ka maiinis sa akin, Ka-MU ko?" Ani ni Johan.
Tila naguilty naman ako sa sinabi ni Johan. "Sorry na. Hindi po sinasadya. Ayaw mo kasi akong sagutin. Kanina pa ako tanong ng tanong." Ani ko habang naka-pout ang lips ko na tila batang humihingi ng sorry sa kalaro niya.
"Mamimiss talaga kita, Ka-MU ko, lalo na yang pagpout ng lips mo. Parang ang sarap halikan ng lips mo. Parang gusto kitang halikan tuloy ngayon sa mga labi mo." Ani ni Johan habang nakangiti nang sulyapan niya ako sa tabi niya. Agad ko namang tinakpan ang labi ko na nakapagpatawa kay Johan. "Kung pwede nga lang talaga na isama kita pauwi sa amin at gagawin ko para hindi kita mamiss saka para maipakilala kita sa pamilya ko. Tiyak na matutuwa ang mga kapatid ko pag nakilala ka nila. Pati sina Mama at Papa." Dagdag pa niya.
Hindi ako sumagot dahil nalulungkot lang ako sa tuwing naririnig ko na aalis siya. Bukod sa alam ko naman na kahit kailan ay hindi mangyayari yung gusto niyang isama ako sa kanila at ipakilala ako sa pamilya niya.
"Huwag ka ng malungkot. Sandali lang naman yung 45 days. Babalik din naman ako. Babalik ako sayo, Rich." Saad ni Johan.
Kahit paano parang napanatag ang pakiramdam ko. Pero ayokong sabihin sa kanya yung nasa sa isip ko na siguraduhin niyang babalik siya. Na babalik siya sa akin dahil ayokong umasa kami pareho. Ayokong umasa kami pareho na may maganda at masayang kapupuntahan ang pagmamahalan namin. Ayokong umasa na ako ang nakalaan para sa kanya.
"Bakit natahimik ka dyan?" Tanong ni Johan.
"Sinabi ko na kasi sayo na huwag ako ang isipin mo. Ang intindihin mo yung promise mo na habang nasa Pilipinas ka eh you would look for The One for you, di ba." Pagpapaalala ko kay Johan. Pero tama yung sinabi nila na tulak ng bibig, kabig ng dibdib dahil deep inside me ay umaasa ako na ako na nga lang talaga ang nakalaan para kay Johan. Kahit na mali. Kahit na kasalanan man. Sana kami na lang ni Johan sa pagbabalik niya dito sa isla.
"Kalimutan na nga muna natin yang The One, The One na yan. Ngayon lang, Rich. Pwede wag na muna natin isipin yang promise na yan. Yung tayong dalawa na lang muna ang isipin natin. Pwede bang isipin muna natin ngayon na tayo ang inilaan para sa isa't isa. Na malaya ka at pwedeng maging tayo hanggang sa huli. Please, Rich, kahit ngayon lang." Tila nakikiusap na saad ni Johan sa akin.
“Sige na. OO na po. Baka magtampo ka pa dyan pag hindi ako pumayag. Ayoko namang magtampo ka pa sa akin kung kelan aalis ka na bukas dahil baka hanggang sa pagbabalik mo dito sa Luta ay hindi mo ako pansinin. Saka baka hindi mo pa ako pasalubungan galing sa Pilipinas.” Nakangiti ko ng saad kay Johan.
“Sus, ikaw pa ba talaga, Rich, ang hindi ko papansinin. Parang pinatay ko na ang sarili ko pag ganoon ang ginawa ko. Anyway, thank you po, Ka-MU ko.” Nakangiting saad ni Johan. "Ano ba gusto mong ipasalubong ko sayo galing Pilipinas? Gusto mo bang dalawin ko si Nanay at ang mga bata?" Tila nanunuksong saad ni Johan.
"Nanay ka dyan. Magtigil ka nga, Johan, sa iniisip mo. Kahit na magandang idea yan e naku wag na wag mong gagawin yan. Baka pauwiin ako bigla ng Nanay ko pag nalaman nya yung pinaggagagawa ko dito sa isla." Babala ko sa kanya.
"Ganoon ba e wag na nga. Hindi ko na sila dadalawin. Kahit isipin na dalawin sila e hindi ko na gagawin yon. Saka na lang kami magmeet ng byenan ko pag kasama na kita sa tamang panahon." Saad ni Johan na ikinangiti ko.
"Byenan ka dyan." Ani ko sabay hampas sa braso ni Johan.
"Ayaw mo ba?" Tanong ni Johan.
"Ewan ko sayo, Johan. Kung ano ano ang sinasabi mo dyan." Ani ko na lang sabay irap sa kanya pero deep inside ay masaya ako sa pagtawag nya ng byenan kay Nanay ko.
“Malay mo mangyari yung meet up namin ni Nanay at maging byenan ko siya talaga in time." Saad ni Johan na buong kumpyansa sa sarili. "Ayan, andito na tayo.” Dagdag pa niya ng itigil niya ang kotseng hiniram niya kay Kuya Nitoy na siyang sinakyan namin papunta dito. Hindi muna niya ako pinababa ng kotse dahil gusto niya na pagbuksan niya ako ng pinto at alalayan na bumaba.
Nang makababa na ako ng kotse at ilinga ko ang paningin ko sa paligid ay napagtanto ko na nasa farm pala kami ni Sir Joe. Yung araw araw na nakikita ko lang sa pictures na nakadisplay sa office ay eto na sa harap ko. Personal ko ng nakikita ngayon. Andito kami sa malapit sa may bangin kung saan tanaw namin ang karagatan. Na kapag tumingin ka sa ibaba ay makikita mo ang white sand beach sa ibaba ng bangin na sobrang linaw ng tubig. Magkahalong kulay orange at gray na ang langit pero maliwanag sa kinalalagyan namin dahil sa poste ng ilaw na malapit sa kinaroroonan namin at sa tatlong A-framed cottages na wooden style ang pagkakagawa na magaganda din.
Ang ganda ng paligid. Bukod sa malawak na karagatan na dark blue ang kulay na nasa harap namin ay ang gaganda din ng mga halaman sa paligid. Ito yung madalas ikwento sa akin ni Ma’am Ancha na garden niya sa farm nila kung saan marami siyang tanim na mga ornamental plants gaya ng bird of paradise, orchids, plumeria, hibiscus at iba pang halaman na hindi ko na alam ang pangalan. Isa ang garden na ito na madalas ipagmalaki sa akin nina Ma’am Ancha at Sir Joe pag kinukwentuhan nila ako pag nasa office sila, bukod pa sa water falls daw na matatagpuan sa bandang itaas ng bundok na sakop din ng farm nila. Sabi nga sa akin nina Ma’am at Sir dati na minsan daw ay isasama nila ako dito para makita ko yung mga kinukwento nila sa akin pero naunahan pa sila ni Johan na isama ako dito. Hahaha. Sobrang amused and amazed ako at the same time sa nakikita kong kagandahan ng kalikasan sa paligid ko. Hindi nakakasawang pagmasdan ang nasa paligid ko.