Kabanata 4

2478 Words
Kabanata 4 Kumuha ako ng kutsara at sumandok ako ng sabaw. Hinipan ko muna ang sabaw ng tinola at pagkatapos ay tinikman ko ito. Napangiti ako noong malasahan ko na masarap ito. Tama lang ang lasa, kuhang kuha ko ang timpla nito. Sana ay magustuhan ni Mama ang niluto ko. Paborito niya ang tinolang manok. Gusto kong masiyahan siya dahil sa effort ko sa pagluluto ng kaniyang paboritong pagkain. Ibinaba ko ang hawak kong kutsara at lumingon agad ako sa mga kasambahay na nasa likod ko. Nakatingin lang sila sa akin habang nakadaop ang mga palad nila. Napansin ko ang pagtaas nila ng hinlalaki. Kapansin pansin sa kanilang mukha ang malawak na ngiti. “Nailagay niyo na ba ang lahat ng niluto kong ulam sa lamesa?” tanong ko sa kanila. Sabay sabay silang tumango sa akin habang hindi pa rin naaalis ang pagkakangiti. “Opo. Handa na po ang lahat,” sagot nila sa akin. Ang mga nauna kong lutuin ay pinauna ko nang ipahanda sa hapagkainan para naman maayos na agad nila ito. Para kung bumaba man si Mama ay mayroon nang nakahandang pagkain. Ang tinolang manok na lang ang ipinanghuli ko dahil mas masarap ito pag bagong luto pa. Iniutos ko sa isa naming kasambahay na ihanda ang tinola sa hapagkainan. Naglakad ako upang pumunta sa dining room. Nakasunod lang sa akin ang dalawang kasambahay. “Nasaan na ang mga utensils?” tanong ko sa kanilang dalawa. Napatigil ako sa paglalakad, at pati sila ay napahinto rin. Dapat ay maayos na nila itong inihanda dahil hindi maaaring mawala ang paborito ni Mama na utensils. Gusto kong ang lahat ng gusto niya ay maibibigay ko. “Nakahanda na rin po. Inaayos na po ni Beberlyn sa lamesa,” sagot sa akin ni Yera. Napakunot ang noo ko noong naalala ang mga bulaklak at kandila na ipinapaayos ko sa kanila. “Nailagay niyo na rin ba ang design? Mamaya ay sisindihan ko na ang mga kandila,” sambit ko. Sabay silang tumango ni Trina. “Opo. May mga bulaklak na rin po na nakalagay sa vase,” wika ni Yera. Napatingin ako sa orasan at pagkatapos ay nagmadali ako sa paglalakad papunta sa dining room. Malapit nang mag-alas diyes, kailangan na naming matapos sa paghahanda. Maganda naman ang pag-aayos nila sa mahabang lamesa. Ang mga iniorder kong pang design ay naka-organize na sa ibabaw ng lamesa. Tinulungan ko na sila sa pagsisindi ng kandila. Noong natapos kami sa pag-aayos ng lahat ay saktong bumaba ang isang kasambahay at ipinaalam niya sa amin na pababa na raw si Mama kasama si Brelline. Agad kong kinuha ang cake sa loob ng refrigerator. Maingat ko itong hinawakan, at sinindihan ko ang kandila sa ibabaw ng cake. Ilalagay ko pa sana sa ibabaw ng lamesa ang cake pero napatigil ako noong nagsimula nang kumanta ang mga kasambahay. Napagpasyahan ko na lang na hawakan ang cake. Lumapit ako sa may hagdan upang salubungin si Mama sa pagbaba. Noong nakababa silang dalawa ni Brelline ay sinubukan kong ngumiti habang nakalahad sa kaniya ang cake na hawak ko. Napatingin lang siya sa cake. Napansin ko na ipinulupot ni Brelline ang kaniyang braso sa baiwang ni Mama. Hindi nakalampas sa aking paningin ang paghigit niya kay Mama na parang ipinapahiwatig na nais niya nang umalis. Sinubukan ko pa rin na palawakin ang aking ngiti. “Mama, happy birthday!” magiliw na bati ko sa kaniya. “Happy Birthday, Ma’am Jenny,” rinig kong bati ng mga kasambahay namin. Nakita ko ang pagngiti niya at pagkatapos ay napatingin siya sa dining room. Napatango siya noong nakita niya ang inihanda namin. “Thank you!” masayang sabi niya. Inilapit ko pa sa kaniya ang cake kaya napansin niya ulit ito. Mabilis niyang hinipan ang kandila kaya nagpalakpakan agad ang mga kasama namin sa bahay. Kinuha ni Yera sa akin ang cake at siya na ang nagpatong sa lamesa. “Let’s eat, Mama,” masayang paanyaya ko sa kaniya. Marahan siyang umiling. Napansin ko na hinawakan ni Mama ang braso ni Brelline. Ang kapatid ko naman ay walang ekspresyon na nakatitig sa akin. Hindi na bago sa aking paningin ang pagtingin niya sa akin ng ganito. Pamula noong bata pa siya ay hindi na siya ngumingiti sa akin. Wala naman akong alam kung bakit ganito ang pakikitungo niya. “Kayo na lang. Lalabas kami ni Brelline kasama ang Papa mo,” sagot ni Mama sa akin kaya napaawang ang aking bibig. Naramdaman ko ang panunuyo ng aking lalamunan. Hindi agad ako nakapagsalita. Ang mariin na pagkirot ng aking puso ay naramdaman ko. Kinagat ko ang ibaba kong labi bago ako nagsalita, “Po? Pero naghanda po ako ngayon. Ipinagluto kita ng mga paborito mong pagkain,” wika ko sa mahinang boses. Itinuro niya ang mga kasambahay namin. “Kayo na lang ang kumain. Nagyaya si Brelline na mag-celebrate kami sa labas. I can’t turn her down,” sambit niya. Mahina akong napasinghap. Nagsalubong ang aking mga kilay. “Pero-” “Marami ka namang makakasama sa pagkain. Pagsalusaluhan niyo na lang iyan,” dagdag pa ni Mama. Mas naramdaman ko ang pagsikip ng aking dibdib. Walang pag-aalinlangan niya talaga itong sinabi sa akin. Hindi man lang ba siya nakakutob na masasaktan ako sa pagre-reject niya sa paanyaya at effort ko? “Bye! Aalis na kami,” maarteng sabi ni Brelline. Hindi na ako nakapagsalita pa noong tumalikod na si Mama at sumama kay Brelline palabas sa bahay namin. Napakuyom ang aking palad. Marahas kong inayos ang aking buhok at pagkatapos ay bumuntong hininga ako. Nasayang lang ang effort ko. Hindi man lang siya kumain kahit na isang subo lang. Kahit noon pa ay ganito rin siya. “Bakit hindi siya isinama?” rinig kong bulong ni Trina. Bago lang kasi siyang pasok sa amin bilang kasambahay kaya hindi niya alam ang drama sa aming bahay. “Sshhh!” rinig kong suway sa kaniya ni Yera. Napalingon ako sa kanila habang nakakunot ang aking noo. Napansin ko na siniko ni Yera si Trina upang suwayin ito. Napailing na lang ako at pagkatapos ay napabuntong hininga ako. Ayokong tingnan ang mga ekspresyon ng kanilang mukha dahil alam kong awa lang ang makikita ko sa kanila. “Ma’am Bri,” rinig kong tawag sa akin ni Yera. “Let’s eat?” wika ko sa walang ganang boses. “Alam ko pong sobrang sarap ng mga niluto mo,” masayang wika nila at naglakad na kami papunta sa dinig room. Kumuha sila ng pagkain at nagsimula na silang kumain. Natingin ako sa cake na ginawa ko. Nahirapan ako sa paggagawa nito pero ibinuhos ko ang lahat ng effort ko para mas mapaganda ito ngunit hindi pa rin niya maappreciate. Kahit yata kumain ako ng pako ay hinding hindi siya hahanga sa akin o matutuwa. Sayang lang ang effort ko. “Ang sarap mo pong magluto, Ma’am Bri! Sana po ay sa birthday ko ay ipagluto mo rin ako,” rinig kong sabi ni Yera kaya naman sumang-ayon ang limang kasambahay. “The best po ang pinakbet mo, Miss Bri. Pwede ka na rin pong mag-business ng restaurant,” sabi ni Trina upang pagaanin ang aking pakiramdam. “Thank you. Kumain lang kayo d’yan,” sabi ko habang itinuturo ang mga pagkain na niluto ko. “Ikaw po ba? Hindi ka po ba sasabay sa amin?” tanong sa akin ni Yaya. Umiling ako sa kaniya nang marahan. “No. Mamaya na lang po ako kakain. Busog pa ako,” sagot ko sa kaniya. Napansin ko na napabuntong hininga siya. Alam na niyang wala ako sa mood. Kilalang kilala niya na ako dahil nakasama ko na siya nang sobrang tagal. “Ipapasok ko po ba sa loob ng ref ang cake na ginawa mo?” tanong sa akin ni Yera habang sumusubo. Naging busy na naman ang ibang kasambahay sa pagkain. “Huwag na. Pwede niyo na itong kainin,” sagot ko sa kaniya. Alam ko na namang hindi ito kakainin ni Mama. “Talaga po ba? Thank you po, Miss Bri,” masayang pagpapasalamat nila sa akin. Tumango lang ako sa kanila at nagpaalam. Idinahilan ko na masama ang pakiramdam ko at kailangan ko nang magpahinga. Habang naglalakad papunta sa aking silid ay hindi ko maalis ang pagtatampo sa kanila. Hindi man lang nila ako isinama. Hindi man lang niya pinahalagahan ang aking inihanda para sa kaniya. Takot siyang tumanggi kay Brelline pero sa akin ay kayang kaya niyang tumanggi ng walang pag-aalinlangan. Maraming beses na nila itong ginagawa sa akin. * Mariin kong hinawakan ang folder na hawak ko noong humarang sa aking harapan ang isang pamilyar na babae. Napatigil ako sa paglalakad. Napakunot ang noo ko noong naalala ko kung sino siya. If I’m not mistaken, she’s my schoolmate in college. “Oh, look who’s here,” maarte niyang wika. Napansin ko ang pagsilay ng ngisi sa kaniyang mukha. Walang ekspresyon ang aking mukha habang pinagmamasdan siya. Hindi nakalampas sa aking paningin ang nanghuhusga niyang tingin. Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa. Maarte niyang pinag-cross ang kaniyang mga braso. Mas kapansin pansin ang pagkakaipon ng kaniyang dibdib. Malaki nga ang kaniyang dibdib pero alam ko naman na peke ito. Walang pakialam na binuklat ko ang folder upang pasadahan ng basa ang nakasulat sa contract. Hindi ko siya titingnan para ma-realize niyang hindi ko siya gustong kausap. Narinig ko ang pagtikhim niya. “Do you have a problem?” seryosong tanong ko sa kaniya. Narinig ko ang maarte niyang pagtawa kaya napataas ang kilay ko. Marahas kong isinarado ang folder. Humalukipkip ako at taas noo ko siyang pinagmasdan. Ngayon ko na lang ulit siya nakita pero hinding hindi pa rin nagbabago ang ugali niya. Hinawakan niya ang kaniyang bibig at umakto siya na parang nagulat. Napairap na lang ako sa ginawa niyang kaartehan. “Wala naman nagulat lang ako. Medyo gumanda ka ngayon, ah!” wika niya ngunit halata sa kaniyang boses ang pang-iinsulto. Muli ko siyang inirapan. Taas noo ko siyang tiningnan. “Medyo maganda? Kung tutuusin nga ay mas maganda pa ako sa iyo,” sambit ko sa mariin na boses. Hinawakan niya ang kaniyang bibig at mahinhin siyang tumawa. “Really? Saan ka ba nagparetoke para naman makapagpagawa rin ako,” nang-iinsulto niyang sabi kaya napangisi ako. Akala niya ba ay maiinis ako sa kaniya? “Ang pangit mo kaya dati tapos ang laki na ngayon ng pinagbago mo,” dagdag na wika niya. Sinuklay ko ang mahaba kong buhok gamit ang kamay ko. Mas lalong lumawak ang aking ngiti. “I don’t do plastic survery. Glow up lang ang nangyari sa akin,” wika ko habang nakatitig nang mapang-asar sa kaniya. “Oh? Hindi na nakakagulat para sa akin na malaman na nagpapagawa ka pala ng parts sa katawan,” dagdag kong sabi. Napansin ko na napatikom nang mariin ang kaniyang labi. Nagsalubong ang kaniyang kilay dahil sa inis. Lumapit siya sa akin at pagkatapos ay mariin niya akong dinuro. “Pakialam mo! May problema ba roon?” malakas niyang tanong sa akin kaya naman nakakuha kami ng atensyon galing sa iba naming kasama sa conference hall. Nawala ang pagkakangisi ko. Sinasayang niya ang oras ko. Mas mabuti pang tapusin na namin ang walang kwenta naming pagtatalo. “Sinabi ko lang. Wala naman akong problema sa usapang plastic surgery. Ang hindi ko lang gusto ay panlalait mo sa akin,” mahinahon ngunit mariin kong sabi. “Hindi naman panlalait iyon. I’m just stating facts!” may kalakasan niyang sabi. Mabuti na lang at medyo malayo kami sa ibang businessman na umattend ng Entrepreneur Summit. Huwag naman sana siyang maging eskandalosa. Hindi ko gustong mapasama ang imahe ko. “Stating facts? Balikan mo ang sinabi mo. Panlalait pa rin ang sinabi mo,” mahina kong wika sa kaniya. “Totoo naman ang sinabi ko! Pangit ka dati! Kaya nga hiniwalayan ka ni Kelmon,” maarte niyang sabi. Napangisi ako dahil sa kaniyang sinabi. I know that she’s just insecure about me. Hanggang ngayon ba ay pilit pa rin siyang lumilingon sa nakaraan? Sobrang tagal na noon. Hindi pa rin ba siya binibigyan ng assurance ng lalaking iyon kaya bitter pa rin siya sa akin? “Bakit tuwing nagkikita tayo’y binabalik mo ang past? Hindi ka pa ba nakaka-move on? Sobrang tagal na niyan, nililingon mo pa rin ang nakaraan,” sabi ko sa kaniya habang nakangisi. Tiningnan ko siya mula ulo hanggang paa. “Kaya hindi ka umuusad sa buhay,” dagdag ko. Napansin ko na nanlisik ang kaniyang mga mata. “Wala na akong pakialaman sa past!” pagtanggi niya. Ang kaniyang sinabi ay kabaligtaran naman ng kaniyang ginagawa. “Wala? Kung totoo ngang wala, bakit mo pa sinasabi at pinapaalala sa lahat?” tanong ko sa kaniya. Muli kong naalala ang huli naming pagkikita. Four years ago, we had our college reunion. Ang lumalabas lang naman sa kaniyang bibig ay puro pagbabalik tanaw sa nakaraan namin ni Kelmon. Lagi rin siyang nagmamagaling tuwing reunion. Sinasabi niyang siya ang pinakamaganda sa buong campus. Nagbubuhat siya ng bangko, at pilit binabalikan ang lahat sa nakaraan. Wala naman akong pakialam sa kaniyang sinasabi. Ako na nga ang nahihiya sa kagagahan niya. Masyado kasi siyang pabibo. Nagiging awkward tuloy ang pagkikita naming lahat dahil hindi rin nagugustuhan ng mga dati naming kaklase ang usapan. Natahimik siya sa aking sinabi. Kinagat niya ang ibaba niyang labi. Napagtanto na ba niya ang kaniyang pagiging desperada? “We are getting married,” sabi niya noong nakabawi siya. “Congratulations, Klarise. Good for you,” wika ko habang ikinikipit ang folder sa may underarm ko. Pumalakpak ako nang mahina. “Ikaw ang pinangakuan pero sa akin ginawa,” pang-iinggit niya sa akin. Napatawa ako nang mahina. Akala niya ba ay maaapektuhan ako sa mga sinasabi niya? “Ang nakaraan ay wala na para sa akin. Ngayon ay masaya naman ako sa buhay ko,” mahinahon kong sabi sa kaniya. Napatingin siya sa akin nang mariin. Kinagat niya ang ibaba niyang labi dahil sa pagkainis. “Ang ex mo noon ay fiance ko na ngayon,” hindi nagpapatalo niyang sabi. Nagkibit balikat na lang ako. Taas noo ko siyang tiningnan. Naglakad ako palapit sa kaniya. Noong nagkapantay kami ay napangisi ako. “Binigyan ka na ng assurance pero putak ka pa rin nang putak. Move on kung ayaw mong multuhin ka ng nakaraan,” payo ko sa kaniya at mahina akong tumawa. Taas noo na naglakad ako palayo sa kaniya. Hindi na siya sumunod at narinig ko na lang ang pagtili niya. Napangisi na lang ako habang eleganteng naglalakad sa red carpet. Ang mga humahangang mga mata ay nakasunod sa akin. Maraming nais na makipag-usap sa akin ngunit nauunahan sila ng hiya, nahalata rin yata nila na wala ako sa mood para makipag-usap. Alam din naman ng iba na hindi ako kumakausap ng mga lalaki. Bumabati lang sila sa akin o kaya ay ngumingiti.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD