-----
***Azalea’s POV***
-
Halos hindi ako humihinga nang napatingin sa akin si Senyorito Yashir. Matalim ang kanyang titig, parang gusto niya akong sakalin sa sandaling ito. Hindi ko kailangang hulaan kung ano ang nararamdaman niya—nakaukit sa bawat kurba ng kanyang mukha ang matinding pagkamuhi. At aminado ako, ngayon pa lang, takot na agad ang unang gumapang sa akin.
Tahimik akong nakaupo sa bangkong kahoy ng aming munting kubo, habang nakaharap ang mga magulang niya sa amin nina Inay at Itay. Nandito daw sila para pag- usapan ang tungkol sa kasal naming dalawa.
Ni hindi ko nga maipako ang tingin ko sa kanya. Hindi ko kayang tignan si Yashir nang diretso. Nahihiya ako. Sa sarili ko. Sa buong sitwasyon. Ang liit-liit ng tingin ko sa sarili ko. Sa bawat minuto ng katahimikan, paulit-ulit kong iniisip kung paano ba nauwi ang lahat sa ganito.
Kung hindi lang siguro ako nabuntis... kung hindi lang nangyari iyon... kung hindi siya nalasing... kung hindi niya ako nagalaw—walang ganito. Walang kami. At lalong walang kasal na pinag-uusapan ngayon.
"Azalea," sambit ni inay sa pangalan ko, kaya para akong nagising sa malalim na pag- iisip. "May tanong si Donya… sagutin mo nang maayos, anak."
Napalingon ako sa ina ni Yashir, bahagya akong yumuko, saka mahina ang boses kong sumagot.
"Opo... po."
Tango lang. Maikling tugon. Ito lang naman ang naisip kong sabihin simula kanina pa. Sumasang- ayon lang ako sa kung ano ang gusto nila kahit sa kaloob-looban ko, gusto kong tumanggi, gusto kong suwayin sa kung ano ang gusto nila.
Samantala, si Yashir naman—ramdam na ramdam kong wala siya sa mood. Halatang aburido. Pikon. Galit. Lahat na ata ng pwedeng itawag sa isang lalaking napipilitan, siya na iyon. Kahit ang paraan ng pagsagot niya ay parang may tinik, pabalang, paiksi, para bang bawat segundo dito ay parusa sa kanya.
"Tsk," narinig kong napangiwi siya, at kita ko kung paano siya napalingon palayo nang matauhan siyang tinitingnan ko siya. Na para bang ang titig ko sa kanya ay isang nakakahawang sakit na kailangan niyang iwasan.
Alam kong hindi niya ako gusto. Alam kong hindi niya nagustuhan ang hitsura ko. Hindi ko siya masisisi. Ako rin naman, kung ako ang lalaking gaya niya—mayaman, edukado, gwapo, tagapagmana ng lahing Montreal—baka ni hindi ko rin titingnan ang isang gaya kong... katulad ko na ganito lang.
Hindi ko na namalayan na may tumulo na palang luha sa gilid ng mata ko. Agad ko itong pinunasan, baka makita pa nila ito at isipin pa nila na umiiyak ako sa tuwa. Mas lalong ayaw kong makita ni Yashir ito, baka nga iyon ang isipin niya.
"Pwede bang tapusin na ‘to?" biglang sabi ni Yashir, walang paggalang, kahit may mga nakatatanda. "Nakaka- bored. Kasal lang naman yan, I don't think na kailangan pang paghandaan ng sobra. The result is still the same, napipilitan lang ako."
"Yashir!" Galit na saway ni Don Savino kay Yashir.
Saglit ang katahimikan. Ramdam ko ang paghigpit ng hawak ni nanay sa kamay ko.
"Tumigil ka Yashir. Nakakahiya sa mga magulang ni Azalea. Hindi kita pinalaki na walang modo." Ani ni Don Savino, pigil ang galit. Pero nakikita ko ang mahigpit na pagkuyom ng kamao niya.
Wala na akong narinig na kahit ano mula pa kay Yashir, naging tahimik na siya pero sandali niya akong tinapunan ang napakatalim na titig. Parang tumagos hanggang sa buto ko ang sandaling titig na iyon. Nasaktan ko.
Bumaling naman sina Don Savino at Donya Saskia sa mga magulang ko at humingi ng pasensya ang mga ito sa sinabi ni Yashir. Wala naman nagawa ang aking mga magulang kundi ang ngumiti ng pilit. Na para bang walang magagawa sa sitwasyon.
----------
Nang nakaalis na sina Yashir at ang kanyang mga magulang, agad akong tumungo sa likod-bahay—sa lugar kung saan madalas akong nagpupunta kapag nalulungkot ako at wala akong mapagsabihan. Umupo ako sa batong palagi kong inuupuan, habang nakatitig sa kawalan.
Nalulungkot ako sa katotohanang ikakasal ako sa anak ng amo ko.
Totoong may paghanga ako kay Yashir, at masasabi ngang napakaswerte ko kung siya ang mapapangasawa ko. Pero hindi ito ang nararamdaman ko ngayon. Paano ko mararamdaman ang saya kung hindi pa nga kami ikinakasal, para na akong nilulunod ng sarili kong mundo? Naramdaman ko nang isang kalbaryo ang pagdadaanan ko sa piling niya.
Hindi ko ginusto ang nangyari. Hindi ko ginusto na mabuntis niya ako. Hindi ko rin ginusto na mapilitan siyang pakasalan ako.
Nung hindi ko na napigilan ang sarili kong aminin sa mga magulang ko ang totoo, alam kong labis silang nasaktan sa mga narinig nila. Pakiramdam nila ay napagsamantalahan ako, lalo na’t sinabi ko ang buong katotohanan. Hindi ko rin naman ginustong sabihin sa kanila ang bawat detalye nang ginawa ni senyorito Yashir pero sobra akong nasaktan at natakot nang panahon yon. Kailangan ko ng pag-unawa. Kailangan ko sila, dahil hindi ko alam ang gagawin ko. May buhay sa loob ko— hindi nila ako pwedeng paalisin, palaysin.
Hindi ko inaasahan na agad susugod ang aking mga magulang sa mansyon ng mga Montreal. Tamang-tama raw at dumating doon ang mag-asawang Savino at Saskia. Hindi ako sumama sa kanila. Nahihiya ako. Natatakot. Paano kung husgahan nila ako? Paano kung palabasin nila na ako ang nang-akit kay Senyorito Yashir?
Pag-uwi ng mga magulang ko, sinabi nila sa akin na maghanda ako—dahil ikakasal ako kay Senyorito Yashir. Ayon sa kanila, may mga kasambahay na sumaksi para sa akin. Inamin daw ng mga ito ang narinig nila noong araw na iyon, pero natakot silang magsalita noon dahil kay Senyorito Yashir. Ngayon, inuusig daw sila ng konsensya nila, lalo na kapag nakikita ako.
Bukod pa roon, may CCTV daw sa pasilyo papunta sa kwarto ni Yashir. Kitang-kita raw dito ang pagpasok ko para maglinis, pagkatapos ay ang pagpasok ni Yashir na tila wala sa sarili. Ilang minuto lang, lumabas na ako—halatang wala rin sa sarili at umiiyak.
Ayon kay Itay, kinausap daw ni Don Savino ang mga kasambahay at pinakiusapang manahimik tungkol sa mga nasaksihan nila. Saka naman kinausap ng mag-asawang Savino at Saskia ang aking mga magulang. Nangako raw sila na pananagutan ni Yashir ang ginawa nito sa akin. At dahil 17 pa lamang ako, sila na raw ang bahala upang maging legal ang kasal naming dalawa ni Yashir.
Mayamaya, pumasok na ako sa bahay. Amoy ng ginisa ni inay ang sumalubong agad sa ilong ko. Ginisang kangkong na kinuha lang sa tanim ni Itay ang ulam namin.
Nakatalikod si Inay sa akin habang abala sa paghalo ng ulam sa kawali. Si itay naman, nakaupo sa may mesa, tahimik na umiinom ng kape— ito talaga ang ginagawa niya sa mga ganitong oras.
Nang mapansin ako ni inay, agad siyang lumingon, hawak pa ang sandok.
“Saan ka ba galing, Aza? Kanina ka pa hinahanap ng kapatid mo.”
Humigop muna si itay ng kape, hindi tumingin pero halatang nakikinig.
Kinalma ko ang sarili ko. Kinuyom ko ang aking palad habang humihinga ng malalim. Ito na ang tamang pagkakataon. Dapat ngayon habang matatag pa ang loob ko. Kaya imbes na sagutin ko ang tanong ni inay, ibang salita ang kusang lumabas sa bibig ko.
“Nay… Tay…” nilunok ko ang kaba. “Ayaw ko pong magpakasal kay Senyorito Yashir.”
Biglang naurong si itay, parang nabulunan sa iniinom. Napalingon siya sa akin.
Si inay naman, napalingat, nabitiwan ang sandok sa mesa. Nanlaki ang mga mata niya na para bang hindi siya makapaniwala sa narinig.
“Ano? Anong sinabi mo?"
Humugot ako ulit ng lakas mula sa dibdib ko. Hindi ako pwedeng umatras ngayon.
“Hindi ko po kayang magpakasal kay Senyorito Yashir,” ulit ko, mas buo na ang boses. “Nakikiusap po ako… 'Wag niyo akong ipakasal sa kanya.”
Mabilis ang pag-ikot ni inay paharap sa akin. Namumula ang pisngi niya—hindi ko alam kung dahil sa init ng kalan o sa galit.
“Azalea, naririnig mo ba ang sarili mo?” halos sigaw na niya. “Gusto mo bang lumabas na isa kang—” saglit siyang tumigil, pero itinuloy din, “isa kang desgrasyada?”
Napalunok ako. Tila may bara sa lalamunan ko. Umuusok ang paligid sa tindi ng tensyon.
“Alam mo naman siguro ang tingin ng mga tao dito sa probinsya natin sa mga babaeng nabuntis pero hindi pinanagutan. Naalala mo ba 'yong anak ni Aling Cynthia? Hindi kinaya ang mga panlalait, mga tingin, mga bulungan. Kaya napipilitan na umalis sa lugar natin. Saan ka pupulutin kung saka-sakali?”
Doon na bumigay ang mga luhang kanina ko pa pinipigilang pumatak.
Masakit. Parang may patalim sa dibdib ko na unti-unting nilulubog.
“Nay,” sabi ko, pilit kong pinapakalma ang boses ko, “hindi naman po ako mahal ni Senyorito Yashir. Hindi kami nagmamahalan… ni hindi nga po namin kilala ang isa’t isa. Hindi po tama na magpakasal kami.”
Pero mas lalong nagdilim ang mukha ni inay.
“At anong plano mo sa anak mo? Ha, Azalea?” nanginginig ang boses niya. “Alam mong wala tayong pera. Wala tayong koneksyon. Ipagkakait mo ba sa anak mo ang magandang buhay na kaya nilang ibigay? Ipagkakait mo ba sa kanya ang kompletong pamilya?”
Napayuko ako. Ang mga luha ko, sunod-sunod ang bagsak. Hindi ko na halos marinig ang sarili kong hininga sa sikip ng dibdib ko.
“Gusto mo bang lumaki ang anak mo na tapunan ng mga panghuhusga? Na walang apelyido? Walang ama? Sa tingin mo ba magiging madali para sa kanya ‘yon?”
Hindi ako makasagot. Parang nawala ang boses ko. Naramdaman ko ang panginginig ng mga tuhod ko.
Ang anak ko… Ang kawawa kong anak… Hindi siya nabuo dahil sa pagmamahal. At paano ba maging masaya ang pamilya niya kung ayaw sa akin ng ama niya?
Tahimik si itay, pero ang mga mata niya, nakatingin lang sa tasa ng kape—malalim, mabigat.
Muling nagsalita si inay, mas mababa na ang boses pero mas masakit pakinggan.
“Tandaan mo, Azalea. Hindi pantay ang mundo. Hindi lahat ay uunawa sa sitwasyon mo. Lalo na’t malaman nilang 17 ka pa lang nung nabuntis ka… at hindi ka pinanagutan. Paano mo ipagtatanggol ang anak mo kung sakali?”
Isang buntong-hininga ang pinakawalan niya. Nakita ko rin ang pamumuo ng luha sa kanyang mga mata.
“Siguro… iniisip mo ngayon na masama kaming mga magulang mo. Dahil mas pinili naming ipaubaya ka sa lalaking lumapastangan sa'yo. Pero kung kaya lang namin, anak…” napatingin siya kay itay, “…kung kaya lang namin, hinding-hindi ka namin ipapakasal sa kanya.”
Tiningnan niya ako, at sa wakas ay tuluyang pumatak ang kanyang luha.
“Pero anong magagawa natin? Alam naming mas magiging maayos ang buhay mo—at ng anak mo—sa pamilya ng mga Montreal. Mahirap sa simula, oo. Masakit. Pero lilipas din yan. Pag makita ni Yashir ang anak niyo, magiging maganda din ang trato niya sayo."
Napatakip ako ng kamay sa bibig. Napakasakit.
Parang ginugupit ang puso ko. Pakiramdam ko ang hina ko at wala akong magawa sa sitwasyon ko.
Hindi ko alam kung ano pa ang dapat kong sabihin.
Pero ang alam ko… sa mga sandaling ito, tuluyang nadurog ang puso ko.