C5: Ang bagong desisyon!

1564 Words
----- ***Azalea's POV*** - Papasok na sana ako sa munti naming kubo nang mapansin kong may mga bisita sa loob—sina Don Savino at Donya Saskia. Kaharap nila sina Inay at Itay. Napahinto ako sa paglalakad. Aalis na sana ako, pero hindi ko mapigilang makaramdam ng matinding kuryusidad. Kaya imbes na pumasok, napatabi na lang ako sa sulok, sa gilid ng dingding kung saan hindi ako agad mapapansin. Tahimik akong nakinig. "Mareng, Jose, nandito kami para—" "Don Savino, Donya Saskia," putol ni Inay sa Donya, "plano rin sana namin ni Jose na puntahan kayo sa mansion para kausapin." "Anong kailangan ninyo sa amin, Mareng?" tanong ni Don Savino, malamig ngunit may paggalang ang tinig. Tumahimik ang paligid. Parang biglang huminto ang mundo sa loob ng bahay. Nagkatinginan sina Inay at Itay, tila ba nag-uusap gamit lamang ang mga mata. Saka marahang bumuntong-hininga si Inay bago nagsalita muli. "Tungkol ito sa napagkasunduang pagpapakasal ni Azalea kay Senyorito Yashir... gusto na sana naming umatras. Ayaw na naming ituloy ang kasal ng anak namin. Ayaw na naming mas lalo pa siyang masaktan dahil sa desisyong ito." Hindi ko napigilan ang pagtulo ng luha ko. Ramdam ko ang bigat ng boses ni Inay. Ramdam ko kung gaano kasakit para sa kanya ang mga salitang iyon. Kahit anong pilit kong kontrolin ang sarili ko, sunod-sunod ang pag-agos ng luha sa pisngi ko. "Napagtanto naming mag-asawa na hindi tama na ipakasal ang anak namin sa isang lalaking hindi man lang siya magawang tingnan nang walang pandidiri. Sapat na ang pagdurusa niya sa nangyari sa kanya. Ayaw na naming habang-buhay pa siyang magdusa." Pilit kong pinigil ang paghikbi. Tinakpan ko ang bibig ko, baka marinig nila ako. Hindi ko kayang ilarawan ang bigat sa dibdib ko habang pinakikinggan ang lahat ng ito. Parang sinasakal ako. Parang gusto kong pumasok at yakapin si Inay. "Pero, Don Savino, Donya Saskia, alam naming mabubuti kayong tao. Hindi kami galit sa inyo sa nangyari. Alam naming hindi niyo rin ginusto ang lahat ng ito. Pero may hihilingin sana kami. Pakiusap... tulungan niyo ang anak namin. Ilayo niyo siya sa lugar na ito—ayaw naming maging tambakan siya ng panlalait at pangungutya. At kung maaari, tulungan ninyo siyang makapagtapos ng pag-aaral upang mabigyan niya ng magandang kinabukasan ang magiging anak niya. Iyon lamang po ang hiling namin—para lang sa anak namin." Umiiyak si Inay habang mahigpit siyang yakap ni Itay. Hindi ko na alam kung paano ko pipigilan ang sarili kong hindi humagulgol. Gusto kong sumigaw. Gusto kong tumakbo palayo. Pero nanatili akong nakaupo sa sulok, luhaan, tahimik na nakikinig. Nakita ko ring tumulo ang luha ni Donya Saskia. Hindi rin siya nakapigil. Halatang mabigat din ang loob niya. Kaya si Don Savino na ang nagsalita. "Patawad sa ginawa ni Yashir sa anak ninyo. Hiyang-hiya kami sa inyo," aniya. Ramdam ko ang sinseridad sa tinig niya—hindi ito pakunwari. "Sa katunayan," dagdag pa niya, "kaya kami nandito ay para sabihin sa inyo na hindi na matutuloy ang kasal... pero huwag kayong mag-alala. Hindi namin pababayaan si Azalea. Ipapadala namin siya sa Switzerland. Sasamahan namin siya ni Saskia roon hanggang sa siya'y makapanganak at makapag-adjust. Doon din namin siya paaralin. At kapag natapos na siya, saka siya babalik dito sa San Martin. Ililipat ko sa pangalan ni Azalea at ng magiging apo namin ang buong farm." Parang biglang nawala ang lahat ng ingay sa paligid ko. Napaurong ako sa kinatatayuan ko. Hindi ako makagalaw. Maging sina Inay at Itay ay tila nawalan ng kakayahang magsalita. "Sana," basag ni Donya Saskia sa katahimikan, "huwag ninyong isipin na kabayaran ito sa puri at dignidad ng anak ninyo. Walang halaga ang pera o kahit ano pang yaman para tumbasan iyon. Gusto lamang naming bigyan ng magandang buhay si Azalea at ang magiging apo namin." Matatag ang tinig ni Don Savino nang muli siyang magsalita, ngunit ramdam ko ang damdamin sa likod ng kanyang mga salita. "Isa lang ang hiling namin. Sana'y pumayag kayo na gamitin ng apo namin ang apelyidong Montreal. Ipakikilala namin siya bilang isa sa amin—bilang isang Montreal." Naiiyak ako. Wala akong magawa kundi ang umiyak. Masakit, dahil malalayo ako sa pamilya ko. Pero kahit papaano, nakaramdam ako ng ginhawa sa katotohanang hindi ko na kailangang magpakasal kay Senyorito Yashir. Aaminin ko, may paghanga ako sa kanya. Crush ko siya, oo—pero hindi ko kailanman ginusto na siya ang maging asawa ko. Ang nararamdaman kong paghanga ay hindi umabot sa puntong nais ko siyang makasama habang buhay. -------- Sa susunod na araw na raw ako dadalhin nina Don Savino at Donya Saskia sa Maynila. May mga kailangang asikasuhin pagdating sa mga dokumento ko, kaya kailangan na akong sumama sa kanila. Kaya ipinahanda na nina Inay at Itay ang ilan sa mga gamit ko—lalo na ang mga mahahalagang papeles gaya ng birth certificate at iba pa, dahil kakailanganin ko raw ang mga iyon. Matapos kong mailigpit ang mga gamit, lumabas na ako ng bahay. Naabutan ko sina Inay at Itay na tahimik na nakaupo sa mahabang upuang kawayan sa labas. Kapwa silang nakatanaw sa malayo, wari’y ninanamnam pa ang mga nalalabing oras na magkasama kami. “Nay, Tay,” mahina kong tawag. Napalingon sila pareho sa akin. “Tapos ka na?” tanong ni Inay, bahagyang pumipigil ng emosyon sa tinig. “Opo,” sagot ko habang tumango. Panandaliang katahimikan ang bumalot sa aming tatlo. Tahimik ang paligid, pero sa puso ko’y may bagyong gumugulo. Pilit kong pinipigilan ang pag-iyak, pero ramdam kong nanginginig na ang boses ko. “Tay, Nay… patawad po. At salamat po.” Patawad, dahil sa hindi ko kayo masasamahan at matutulungan sa loob ng ilang taon. At salamat, dahil hindi ninyo ako pinilit o hinayaang ipakasal kay Senyorito Yashir. Ito ang mga salitang gusto kong sabihin pero hindi ko naipahayag. Namimigat ang dibdib ko. Lumapit si Inay sa akin at marahang hinawakan ang magkabila kong kamay. Mainit at mahigpit ang pagkakayakap ng kanyang palad—parang ayaw niya akong pakawalan, parang nais niyang pigilin ang paglalakbay na kinakailangan kong tahakin. “Kami ng Itay mo ang dapat humingi ng tawad sa ’yo, anak,” mahinang sabi ni Inay, nangingilid ang mga luha sa kanyang mga mata. “Dahil hindi ka namin inintindi noong una… dahil nagawa ka pa naming saktan. At salamat… salamat sa pagiging mabuti mong anak. Sa lahat ng sakripisyong ginawa mo para sa amin.” Hindi ko na napigilan pa. Tumulo na ang mga luha ko. Ramdam ko ang matinding paninikip sa dibdib ko habang pilit kong nilulunok ang bawat hikbing nais kumawala. “Mamimiss ko po kayo… kayo nina Itay… pati si Yasmin…” bulong ko, halos hindi na lumalabas ang boses ko sa pagitan ng mga luha at hikbi. “Mamimiss ka rin namin, anak,” sagot ni Inay habang pinupunasan ang pisngi ko. “Sana… sana ’wag mo na kaming alalahanin. Ayos lang kami rito. Ang sarili mo ang isipin mo. Magpakabait ka, ha? Alam kong ipinangako nina Don at Donya sa ’yo ang farm… pero patunayan mo sa kanila na tama ang naging desisyon nila. Na hindi sila nagkamali sa ’yo.” Tumango ako, pilit isinasantabi ang lungkot, kahit patuloy lang ang pag-agos ng luha ko. Wala akong ibang magawa kundi tanggapin ang bigat ng paghihiwalay na ito. Napatingin ako kay Itay. Magaan ang ngiti niya, ngunit hindi iyon maitatago sa mga mata niyang puno ng sakit, lungkot, at pagtitimpi. Kita ko—ayaw rin niya akong umalis, pero nauunawaan niyang kailangan ito. Ayaw ko rin naman talaga. Pero kailangan kong umalis. Para sa sarili ko. Para sa anak ko. At para na rin sa kanila. ---------- Nasa labas kami ng bahay ng aking kapatid na si Yasmin. Tahimik ang paligid, maliban sa huni ng mga kuliglig at ihip ng malamig na hangin. Nakaupo kami sa upuang gawa sa kawayan habang nakatingin sa mga bituin. “Ate—” aniya, mahina ang boses, “—malayo po ba ang pupuntahan mo?” Ramdam ko ang lungkot sa tinig niya. At dumagdag din ito sa lungkot na naramdaman ko. “Isipin mo na lang na kahit saan ako magpunta, pareho lang ’yong bituin na tinitignan nating dalawa,” nakangiti kong sabi sa kanya kahit nagsimula nang mamasa ang mga mata ko, “at hindi ako ganun kalayo sa’yo.” “I will miss you, Ate,” tugon niya, tinig niyang nanginginig habang ang mga luha ay dahan-dahang bumagsak sa pisngi niya. “Ako din,” sagot ko, nilunok ang namumuong hikbi sa lalamunan. “Pero mabilis lang ang panahon. Babalik din ako agad dito, Yasmin.” “Hihintayin kita, Ate,” aniya habang tumutulo pa rin ang luha niya. “Lalabanan ko ang sakit ko… magpapalakas ako… gusto kong makita ang tagumpay mo. Hihintayin kita, pangako.” Napatitig ako sa kanya. Tumulo na rin ang luha ko. “Ano ba ’yang pinagsasabi mo,” pilit kong ngumiti kahit sunod- sunod na ang pagtulo ng luha ko, “of course, pagbalik ko, nandito ka pa rin… at kasama kita hanggang sa pagtanda ko.” Niyakap ko siya nang mahigpit. Mahigpit din ang yakap niya pabalik sa akin. Para bang ayaw na niya akong pakawalan. Iiwan ko pansamantala ang pamilya ko, pero ipinangako ko—babalik ako. Dala ang tagumpay ko. Dala din ang aking anak. At hindi na ako aalis pa. (Please Read the Author's Note)
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD