MUGTO na ang mga mata ni Alondra pero hindi pa rin siya tumitigil sa kaiiyak. Nakakulong sila ni Marlowe sa kuwarto niya. Napasugod ito mula Bulacan dahil sinabi niyang nag-break na sila ni Micah at kailangan niya ng karamay. She refused to accept Micah’s calls. Masama pa ang loob niya hanggang ngayon. Hindi pa siya handang harapin ito. pakiramdam kasi niya ay natraydor siya. Habang buhos ang pagmamahal niya dito, pinag-iisipan siya nito ng di maganda. “Tumahan ka na, girlfriend. Mas maganda na tuloy ako sa iyo. Kamukha ka na ng reindeer ni Santa na si Rudolf,” sabi ni Marlowe at pinunasan ng tissue ang mukha niya. “Unfair sa iyo ang ginawa ni Micah. Unfair sa akin. dahil lang ba sa ginawang pagkakamali ng ex-girlfriend niya, iisipin niya ganoon din tayo?” Tumirik ang mga mata nito.

