Chapter One
“SINO ba kayo? Ano’ng kailangan n’yo sa akin?” magkasunod na tanong ni Cassy sa tatlong lalaking nasa harap niya. Pauwi na siya mula sa bar kung saan siya nagtatrabaho bilang lead vocalist ng isang banda. Dahil kinausap pa siya ng bar manager ay nagpaiwan siya sa mga kasamahan niya. Habang naglalakad siya patungo sa sakayan ng taxi ay hinarang siya ng tatlong hindi niya nakikilalang lalaki. Natakot siya pero hindi niya ipinahalata. Kahit malakas ang kabog ng dibdib niya ay pinanatili niyang relaxed ang sarili.
“Miss, huwag kang matakot sa amin. Hindi ka namin sasaktan. Sumama ka na lang,” anang maitim at matangkad na lalaki. Sa hilatsa pa lang ng pagmumukha nito ay halatang halang na ang bituka nito. Gayundin ang iba pang mga kasama nito.
“Miss Beautiful, halika na. Paliligayahin ka namin,” sabi ng isa, sabay halakhak.
“Puwede ba? Padaanin n’yo `ko! Kung hindi, sisigaw ako!” pagbabanta niya. Mamamatay muna siya bago maisakatuparan ng mga ito ang masamang balak sa kanya.
“Huwag ka nang pumalag. Hindi ka namin sasaktan,” sabad ng ikatlong lalaki.
Diyos ko po, tulungan Ninyo ako. Ayokong mapunta sa mga masyonget na ito! Ganoon na lang ang tili niya nang sugurin siya ng mga ito at hawakan siya sa magkabilang pupulsuhan. “Tulungan n’yo ko!” malakas na sigaw niya. Tinakpan ng isa ang bibig niya upang hindi siya makapag-ingay. Pilit siyang nagpumiglas nang simulan siyang hilahin ng mga ito papunta sa nakaparadang owner-type jeep. Lord, ipadala N’yo na po ang knight in shining armor ko! Now na po!
“Saan n’yo siya dadalhin?” tanong ng baritonong boses mula sa likuran nila.
Ganoon na lang ang tuwang naramdaman niya nang makita niya si Leo na nakatayo at magkasalubong ang mga kilay. Nagpumiglas siya nang husto hanggang sa mabitiwan ng lalaki ang bibig niya. “Leo, tulungan mo ako!”
“Huwag kang makialam dito! Kami ang unang nakakita sa babaeng `to!” anang maitim na lalaki. Binalingan nito ang isa sa mga kasamahan nito. “Pare, upakan mo na ang pakialamerong `yan!”
Tumalima ang lalaki.
“Leo!” malakas na sabi niya.
Agad itong nakailag sa suntok ng lalaki. Umigkas ang kamao nito at tinamaan sa mukha ang lalaking duguan ang bibig nang bumagsak sa lupa. Binitiwan siya ng dalawang lalaki at sinugod ng mga ito si Leo. Hindi natinag si Leo sa kinatatayuan nito. Sinalubong nito ng malakas na sipa at suntok ang dalawang lalaki. Kapwa bumagsak sa lupa ang tatlo. Tila noon lang nag-sink in sa kanya ang takot at kaba. Parang hinipan ng hangin ang lakas niya kaya bigla siyang napaupo at tinutop ang kanyang noo.
“Cassy…” Nilapitan siya ni Leo at hinawakan siya sa magkabilang balikat. “Sinaktan ka ba nila?”
Hindi niya napigilan ang sarili na yakapin ito at mapaluha. Muntikan na siyang mapahamak. Mabuti na lang at dumating ito para iligtas siya.
“You’re safe now.” Hinagod-hagod pa nito ang likod niya.
“Salamat. Mabuti na lang at dumating ka.”
“You’re supposed to be at home by this time. Bakit nandito ka pa? Alas-tres y medya na ng madaling-araw, ah. Wala ka bang sasakyan? Mabuti na lang at hindi ko pa pinaaandar ang kotse ko. Kung hindi, baka pinagpasa-pasahan ka na ng mga sira-ulong `yon!”
Kumalas siya sa pagkakayakap dito, saka natatawang pinahid niya ang kanyang mga luha. “Ewan ko sa `yo. Nakita mo nang muntik na akong mapahamak, nakukuha mo pa akong sermunan. Nag-meeting kasi kami ng manager ng bar kaya late akong umuwi. Iyong kotse ko, nasa talyer. Mamaya ko pa lang makukuha,” paliwanag niya.
Bumuntong-hininga ito, saka umiling-iling. “Next time, call someone to accompany you kapag alam mong male-late ka ng uwi, lalo na kapag wala kang sasakyan.”
“Okay. I’ll keep that in mind.” Inilabas niya mula sa bag ang kanyang cell phone at saka niya iyon iniabot dito.
“Ano’ng gagawin ko riyan?” nagtatakang tanong nito.
“Type in your number. `Sabi mo, next time, tumawag ako ng makakasama. Paano kung sa next time na iyon, ikaw ang una kong maisip? Mabuti na `yong sigurado,” paliwanag niya.
Umiiling na nagkamot ito sa batok. Pero hindi ito nagprotesta. Kinuha nito ang cell phone niya at t-in-ype doon ang number nito. “Here. But don’t call me if it’s not necessary. Busy akong tao. Ang ayoko sa lahat ay iyong iniistorbo ako, lalo na kapag oras ng trabaho.”
“Okay,” nakangiting sagot niya. Bigla niya itong hinalikan sa pisngi.
“What was that for?” nagtatakang tanong nito.
“Wala lang,” nagkibit-balikat na sagot niya. “Pa-thank you lang.”
Hindi na ito sumagot. Sa halip ay tumawag ito sa pinakamalapit na presinto. Ilang sandali pa ay may dumating nang police car. Dinampot ng mga pulis na sakay niyon ang tatlong lalaki. Bago maisakay ang tatlo sa police car ay isa-isa pa niyang hinampas ng bag ang mga ito.
“Mga walanghiya kayo! m******s!”
“Tama na `yan,” awat sa kanya ni Leo.
Napangiti siya nang makita niyang nakatitig ito sa kanya. “`Buti na lang at dumating ang knight in shining armor ko! Ikaw pala `yon, Leo.” Yumakap pa siya sa baywang nito at saka inihilig niya ang kanyang ulo sa matipunong dibdib nito.
“Hey, ano ba? Huwag ka ngang yumakap sa akin,” saway nito sa kanya, saka pilit na inilayo siya.
“Hmp! Ang KJ naman!” reklamo niya.
“Ihahatid na kita. Tutal ay pauwi na rin ako.”
Habang nasa biyahe sila ay panay ang sulyap niya rito; ang lalaking pinakamamahal niya. Naalala niya kung kailan nag-umpisa ang pag-ibig niya para dito…
Eight years ago
HINDI alam ni Cassy kung ilang beses na siyang bumuntong-hininga. Sa isang gabi na ang graduation ball nila pero wala pa rin siyang escort. Maraming nagpiprisinta sa kanya pero kahit isa sa mga iyon ay wala siyang gustong maging escort. “Kung bakit kasi ayaw pumayag nina Kuya Dingdong, eh,” pagmamaktol pa niya. Ilang Tanangco Boys na ang kinausap niya para maging escort niya pero isa man ay walang pumayag para maging escort niya. Naputol ang pag-iisip niya nang dumating ang Ate Chacha niya. Isang mapanuksong ngiti ang isinalubong niya rito nang makita niyang inihatid ito ni Dingdong. May gusto ang huli sa ate niya. Ang hindi lang niya sigurado ay kung nanliligaw ba ito sa ate niya.
“Nakita ko `yon, Ate,” tudyo niya rito. Nasa hardin siya sa harap ng bahay nila at kanina pa nakaupo sa wooden bench doon habang nag-iisip.
“Ang alin?” kunwa’y tanong nito.
“Kunwari ka pa, Ate. Nakita kong inihatid ka ni Kuya Dingdong. Kayo na ba?”
“Heh! Tumahimik ka nga riyan, Cassandra! Hindi, `no! Magkaibigan lang kami.”
Natawa siya. “Ikaw naman, masyado kang defen-sive.”
“Usisera ka kasi. Nasaan si Mommy?” Umupo ito sa tabi niya.
“Sumama siya sa office ni Daddy. Doon yata sila magkikita ng amiga niya na business partner naman ni Daddy,” sagot niya.
“Gano’n ba? Teka, may nahanap ka na bang escort para sa graduation ball mo? Sa isang araw na `yon, ah.”
Napakamot siya sa kanyang sentido. “Wala pa nga, eh. Iyon nga ang kanina ko pa iniisip.”
“Puwede ka naman kasing pumunta roon nang walang escort. Ikaw lang itong maarte.”
“Ay, ayoko nga! Iyong mga classmate ko, may escort sila. `Tapos ako, wala?” Nabaling ang atensiyon niya sa labas ng bakuran nila nang dumaan doon si Leo. Nakasakay ito sa bisikleta nito at mabagal na pinapatakbo iyon. Ito na lang sa mga Tanangco Boys ang hindi pa niya nakakausap. Napangiti siya sa biglang naisip. Tumayo siya at mabilis na tumakbo palabas ng bakuran nila. “Leo! Sandali lang!” tawag niya rito.
Narinig nito ang pagtawag niya dahil huminto ito at lumingon sa kanya. “Bakit?”
Nilapitan niya ito. “May gagawin ka ba sa Sabado ng gabi?”
“Bakit?” tanong uli nito.
“Basta! Sagutin mo muna ang tanong ko.”
Tila sandaling nag-isip ito bago umiling. “Wala naman.”
“Yes! Ikaw na lang ang escort ko sa grad ball!”
Kumunot ang noo nito, saka dinutdot ang noo niya ng isang daliri nito. “Ayos ka rin, ah. Talagang hindi mo na ako tinanong kung payag ako o hindi.”
“Eh, kasi baka tumanggi ka pa. Mahirap na. Sige na kasi!”
“Bakit ako ang kinukulit mo? Marami namang nanliligaw sa `yo, `di ba? Bakit hindi na lang isa sa kanila ang piliin mo?”
“Ayoko nga sa kanila. Kapag isa sa kanila ang pinili ko, baka isipin pa nilang may pag-asa sila.”
Umiling-iling ito. “Bahala ka nga.” Pinaandar na uli nito ang bisikleta nito.
“Hoy! Ano na?” malakas na tanong niya rito.
“Pag-iisipan ko!”
“Ang labo naman, eh! Basta, ha? Sa Sabado, dapat, six thirty, nandito ka na. Seven PM ang simula ng graduation ball!” pahabol na sabi niya rito. Hindi ito sumagot; sa halip ay kumaway lang ito sa kanya. Napabuntong-hininga siya. Malabo rin pala na maging escort niya si Leo. Sana ay makonsiyensiya ito at pagbigyan siya sa kahilingan niya.
ALAS-SAIS y kinse na ng gabi ay hindi pa rin dumarating si Leo sa bahay nina Cassy. Malapit na siyang maiyak. Mukhang pupunta siya sa graduation ball nang walang escort. Ano kaya kung huwag na lang siyang um-attend? Pero sayang naman ang ganda ng damit niya. She was wearing a light pink tube gown. Simple lang ang ayos ng buhok niya na nilagyan ng maliliit na ipit na may diamonds. Ang sabi ng mommy niya, nagmukha raw siyang prinsesa sa ayos niya. Sumulyap uli siya sa wall clock. Alas-sais y medya na ng gabi. Pero wala pa rin ang hinihintay niya.
“Hmp! Mukhang hindi talaga pupunta ang isang `yon. Nakakainis talaga!” pumapadyak na sabi niya. Napalingon siya nang bumukas ang pinto ng silid niya. Nakangiti ang ate niya nang pumasok ito roon.
“Ang suwerte mo talaga, sis. I’m sure maiinggit sa iyo ang mga classmate mo!” kinikilig na sabi nito.
“Ano bang suwerte ang sinasabi mo? Eh, wala nga akong escort!”
“Iyon ang akala mo. Bakit hindi ka bumaba at tingnan mo kung sino ang dumating?”
Napuno ng pag-asa ang puso niya na si Leo ang dumating na tinutukoy ng kapatid niya. Bigla ay naging abot-tainga ang ngiti niya. Walang sali-salitang tumakbo siya palabas ng silid. Napahinto siya nang makita niya si Leo na naghihintay sa ibaba ng hagdan. He looked so gorgeous in his simple black suit. Hinayaan lang nitong nakabukas ang tatlong butones ng long sleeves sa ilalim ng amerikana nito na lalong nakadagdag sa malakas na dating nito.
Nang tumingala ito sa kanya at magtama ang kanilang mga mata ay bumilis ang t***k ng puso niya. Natulala siya rito nang ngumiti ito sa kanya. Dahan-dahan siyang bumaba ng hagdan nang hindi kumukurap at inaalis ang tingin dito. Baka kasi isang panaginip lang iyon at kapag kumurap siya ay maglaho ito. Sinalubong siya nito sa gitna ng hagdan at inilahad nito sa harap niya ang isang kamay nito.
“Hey, Miss Gorgeous. You look stunning tonight. I guess I’m lucky na ako ang gusto mong makasama ngayong gabi.”
Sinubukan niyang ibuka ang kanyang bibig para magsalita, pero tila nagkaroon ng bara ang kanyang lalamunan. Napakurap pa siya nang kurutin nito ang baba niya.
“Itikom mo `yang bibig mo. Baka mahipan ka ng hangin.”
Tumikhim siya upang kahit paano ay makabawi sa pagkakatulala niya rito. Pero ang puso niya ay patuloy pa rin sa pagtibok nang mabilis.
Ano ba’ng nangyayari sa akin? Bakit ba ganito na lang ang nararamdaman ko? “Tse!” kunwa ay pagsusuplada niya rito. “Pinakaba mo `ko. Ang akala ko, hindi ka pupunta.”
He chuckled. “Iyon talaga ang balak ko. Kaya lang, na-bore ako sa bahay kaya naisip kong sunduin ka. Besides, masarap balikan ang high school days.”
“Ah, gano’n? Ang ibig sabihin, dapat ko pa palang ipagpasalamat na na-bore ka?”
Tumawa ito at saka uli siya kinurot sa pisngi. “Don’t stress yourself out, sweetheart. Ang importante ay narito na ako.”
Ngumiti siya rito. Tama ito. Wala nang dahilan para malungkot siya o mag-inarte pa. Dahil nasa harap na niya ito. Hindi niya magawang alisin ang tingin niya rito.
“Let’s go?” pukaw nito sa kanya.
“Okay,” sagot niya.
CASSY felt very proud. Napakaguwapo ng escort niya. Walang panama kay Leo ang escort ng mga kaklase niya. Pero hindi na iyon ang concern niya. Ang mas pinagtuunan niya ng pansin ay kung paano siya tratuhin nito. Leo treated her like they were on a real date. He was such a gentleman. Tuwina ay palagi itong nakangiti at nakaalalay sa kanya.
“Uy, ano ka ba? Wala ka bang ibang gagawin kundi titigan ako? Sige ka, baka mamaya, isipin kong nagkakagusto ka na sa akin,” pukaw nito sa kanya. Pumitik pa ito sa tapat ng mukha niya.
Napapitlag siya at agad na nag-iwas ng tingin. Nag-init ang magkabilang pisngi niya. Napalingon siya rito nang bigla itong tumawa. “Ano naman ang nakakatawa?”
“Wala naman. Pero nakakatuwa ka,” sagot nito.
“Tse!” pairap na sabi niya.
“Because you look cute when you blush.”
Bumilis ang t***k ng puso niya. Huminga siya nang malalim para kahit paano ay makalma ang sarili. Pero tila bale-wala rin iyon.
“Ang mabuti pa, magsayaw na lang tayo,” sabi ni Leo.
“Ha?”
“Don’t tell me, magbubutas lang tayo ng bangko rito? Sayang ang pag-imbita mo sa akin dito. Besides, para lalong mainggit ang mga classmate mo sa `yo.”
“Mainggit?”
“Oo. Kasi pogi ang escort mo.” Hinimas pa nito ang baba, saka ngumisi sa kanya.
Napangiti siya. Ang alam niya ay masungit ito. Kapag kausap nito ang mga kaibigan ay saka lamang niya ito nakikitang tumatawa. Hindi niya akalain na hindi nito ipagkakait sa kanya ang ngiti nito. “Sige na nga,” pagpayag niya.
Tumayo ito at inilahad uli nito sa kanya ang isang kamay nito. “May I dance with the most beautiful girl I’ve ever met?”
Tumalon ang puso niya sa tuwa. Pinaunlakan niya ang paanyaya nito sa kanya. Dinala siya nito sa gitna ng dance floor. Nakihalo sila sa mga kaklase niyang nagsisipagsayaw rin sa saliw ng malamyos na musika. Isang Tagalog love song ang pumapailanlang sa ere. Rumehistro sa kanya ang bawat lyrics ng kantang iyon—ang “Ipagpatawad Mo” na inawit ni Janno Gibbs.
Pakiramdam niya ay naglaho ang mga tao sa paligid nila ni Leo at silang dalawa na lamang ang naroon at nagsasayaw habang nakatitig sa isa’t isa. Tila nagkulay-rosas ang buong paligid. Daig pa niya ang nakalutang sa alapaap habang nakatitig si Leo sa kanya. Hindi man siya pamilyar sa bagong damdamin na iyon na gumugulo sa kanya, hindi muna niya aalamin kung ano iyon. Basta ang importante sa kanya, masaya siya na si Leo ang kapiling niya nang gabing iyon…
NAPABUNTONG-HININGA si Cassy. Iyon ang unang beses na naramdaman niyang iniibig niya si Leo. Hanggang sa dumating ang araw na kinailangan niyang umalis para sumama sa mga magulang niya sa Amerika. Ayaw man niyang iwan si Leo—kahit sabihin pang hindi nito alam ang lihim na pag-ibig niya rito—ay wala siyang nagawa kundi sundin ang utos ng kanyang mga magulang. She left the country with a broken heart. Umasa na lang siya na darating ang araw na pagtatagpuin uli sila ng tadhana.
At sa pag-uwi niya sa Pilipinas, pagkaraan ng ilang taong pamamalagi niya sa Amerika, ibang Leo na ang dinatnan niya. Wala na ang kislap sa mga mata nito at ang ngiti sa mga labi nito. Animo binalot ng lungkot ang buong pagkatao nito. Alam niyang may dahilan ang lahat kung bakit bigla itong nagbago. Ipinangako niya sa sarili na ibabalik niya ang saya sa mga mata nito. Lalong lumalim ang pagtingin niya rito. Lalo niyang minahal ito sa kabila ng pagtataboy at pagsusungit nito sa kanya. Pilit na binabale-wala niya iyon. Masokista nga yata siya. Kahit nasasaktan siya, hayun pa rin siya at nananatili sa tabi nito. Minamahal pa rin niya ito. Ang sabi ng mga kaibigan niya, malapit na raw siyang patayuan ng mga ito ng rebulto sa gitna ng Tanangco Street para sa dakilang pagmamahal niya para kay Leo. Pero wala siyang pakialam kahit ano pa ang sabihin ng ibang tao sa kanya. Dahil ang importante sa kanya, mahal niya si Leo. Kahibangan man iyong maituturing, wala siyang pakialam.
“Wala ka bang gagawin diyan kundi titigan ako habang nagmamaneho?” walang emosyong tanong sa kanya ni Leo.
Napakurap-kurap siya. Bumalik sa kasalukuyan ang diwa niya. Paglingon niya sa paligid ay malapit na pala sila sa Tanangco Street. Alas-kuwatro na ng umaga. “H-ha? B-bakit? Masama ka bang titigan habang nagda-drive ka? Lalo ka kasing gumuguwapo.”
Inihinto nito ang kotse nito sa tapat ng bahay niya. “You can step out of the car now.”
“Sige na nga. Bye! Maraming salamat uli. I owe you big time. Iniligtas mo ako. Kung hindi ka dumating, malamang nagpipiyesta na ang mga hayop na `yon!” Wala itong sinabi. Pagbaba niya ay agad na pinasibad nito ang sasakyan nito palayo. “Hmp! Ang sungit talaga n’on. `Pasalamat ka, mahal kita!” sabi niya habang tinatanaw ang palayong sasakyan.
Pumasok na siya sa kanilang bahay at dumeretso sa kanyang silid. Humiga siya sa kama niya. Bigla niyang naramdaman ang pagod. Napapikit siya. Nakita niya ang nakangiting imahe ni Leo kaya bigla rin siyang napadilat. She missed the old Leo. Kailan kaya niya masisilayan uli ang ngiti nito? Nagdesisyon siya noon na kalilimutan na ang pag-ibig niya para dito. Pero ilang buwan pa lang siyang nasa Korea noon, hindi niya kinaya ang kalungkutan. Hindi niya kinaya ang buhay na malayo kay Leo. Kaya kahit hindi pa tapos ang kontrata niya ay umuwi uli siya sa Pilipinas, isang bagay na ikinagulat ng ate niya. Katakot-takot na paliwanag ang ginawa niya rito. Hanggang sa huli ay napilitan na rin siyang umamin sa tunay na damdamin niya para kay Leo. Hindi nagalit ang kapatid niya. Pinagsabihan at pinaalalahanan lang siya nito na hindi madaling mahalin ang isang Leonardo Apilado.
Ngayon ay alam na niya iyon. Pero kahit sinasabi ng isip niya na tigilan ang kahibangan niya, kabaligtaran niyon ang idinidikta ng kanyang puso. Wala na nga yata siyang ibang mamahalin kundi si Leo.