"Inaantok ka na ba?" Napansin ko ang paghikab ni Jana.
Mapupungay ang mga matang tumingin ito sa'kin.
"Sh*t! H'wag mo akong titigan ng ganiyan, Jana," mahinang usal ko sa sarili.
"Doon ka na muna sa tent ko matulog. Ako na ang magbabantay rito," anas ko sa kaniya.
"Huwag na! Sasamahan na lang kita rito at wala kang kasama," tanggi nito.
Napangiti naman ako sa sinabi niya. Hinila ko siya palapit sa akin.
"Steven!" bulalas nito.
"Sshh... H'wag kang maingay at baka magising sila." Inilagay ko ang isang hintuturo sa labi nito.
Kasalukuyan nang natutulog ang lahat at tanging kaming dalawa na lamang ni Jana ang gising dahil nagprisinta rin kaming magbantay para sa grupo.
"Dito ka na lang matulog sa tabi ko. Ako nang bahalang magbantay rito." Inihilig ko siya sa aking dibdib at masuyong hinagod sa kaniyang buhok.
"Wala ako sa tabi mo Steven, nasa kandungan mo kaya ako." Kahit inaantok na ay nagawa pa rin talaga niyang magtaray sa'kin.
Parang anak na kinandong ng kaniyang ama ang itsura namin ng mga sandaling iyon.
"Dalawa na tayong magbantay." Pagpupumilit pa niya sa'kin.
"Matulog ka na kung ayaw mong halikan kita," bantang bulong ko sa kaniya.
"Heto na nga, matutulog na. Umayos ka nang pagkakasandal mo para maayos akong makasandig sa'yo," paismid nitong tugon.
Lumawak ang ngiti sa aking labi. Inayos ko ang pagkakasandal sa upuan at isinandig siya sa aking dibdib. Hinaplos-haplos ko ang kaniyang buhok upang tuluyan itong makatulog.
Nang maramdaman ko ang mabini nitong paghinga tanda ng payapa niyang pagtulog ay tinitigan ko ang kaniyang maamong mukha.
Para siyang isang anghel na bumagsak mula sa langit. Unang beses ko pa lamang itong nakita sa gym ay alam ko nang tinamaan na agad ako sa kaniya.
Napadako ang aking tingin sa kaniyang mapupulang mga labi. Ilang beses akong napalunok at gusto kong paulit-ulit iyong hagkan sapagkat napakalambot ng mga ito.
Muli kong hinaplos ang malambot niyang buhok at doon pinagsawa ang mga kamay ko na magpabalik-balik.
"Sana tayo na lang," paanas kong sambit sa kaniya.
Unti-unti nang pumipikit ang mga mata ko hanggang sa tuluyan na nga iyong bumagsak.
********
Nagising ang diwa ko nang sa paggalaw ko ay wala na akong naramdaman na bigat sa aking katawan.
"Jana!" Napabalikwas ako ng bangon at pagdilat sa aking mga mata ay sinalubong agad ako ng liwanag na nagmumula mula sa sinag ng araw.
"Jana?" mahinang tawag ko sa dalaga.
Napalingon ako nang marinig ang parang paglapag ng kung anong bagay sa aking likuran.
"Good morning!" nakangiting bati nito sa akin at inabot ang tasa ng kape.
"Good morning!" malambing kong tugon sa kaniya.
"Nakatulog ka ba ng maayos?" tanong ko pa sa kaniya at saka hinigop ang kape sa tasa.
"Uhm... Sakto lang! tugon naman niya sa'kin.
"Anong oras raw pala tayo matatapos?" tanong ko sa kaniya at inilapag ang tasa sa mesa.
"Maya-maya tapos na rin tayo at pwede nang umuwi after awarding," turan nito sa akin.
"Bakit? Gusto mo na bang umuwi?" nakataas ang kilay niyang tanong sa'kin.
"Ako uuwi?" Turo ko pa sa sarili.
Tumayo ako at hinapit ko 'to sa kaniyang baywang. "Of course not!"
"Gusto kong mas matagal na makasama ka," bulong ko sa kaniyang tainga.
"Steven!" natitilihang bulalas niya sa'kin.
Napangiti ako sa kaniyang reaksyon.
"Bakit ba napakataray mo sa'kin?" paanas kong bulong sa kaniyang tainga at lalo ko pang idinikit ang aking labi roon.
Nasamyo ko ang mabangong amoy ng kaniyang buhok.
"Steven!" Naramdaman ko ang panginginig ng mga kamay nito habang pilit inaalis ang aking braso na nakahapit sa kaniyang baywang.
"Steven, ang aga mong mambw*sit!" pagalit kuno nitong sabi.
Napatawa naman ako lalo sa kaniyang itsura dahil nakalamukos na halos ang kaniyang mukha.
"Bitiwan mo nga ako." Patuloy sa pagpupumiglas ito.
Inisang buhat ko siya papunta sa loob ng aking tent.
"Hoy Steven! Ibaba mo nga ako!" malakas na tili nito.
Ibinaba ko siya ng nasa loob na kami ng tent. Humakbang ako patungo sa kinalalagyan ng bag ko at hinubad ang suot kong t-shirt.
Nagulat ako nang batuhin niya ako nang napulot na matigas na bagay.
"Aray!" daing ko sa kaniya nang tumama iyon sa aking ulo.
"B*stos!" sigaw nito sa'kin.
"Stop it!" turan ko naman sa kaniya.
"L*tse ka! Dinala mo ako rito para lang diyan sa masama mong balak sa'kin." Patuloy sa pagbato ito ng kung anong mapulot.
"Jana! Stop it!" Inilang hakbang ko 'to at hinawakan sa kaniyang mga braso.
"Bitiwan mo ako!" hiyaw nito.
"Stop it, Jana!" malakas kong sabi sa kaniya at niyugyog pa ito.
"Manyak!" saad nito sa'kin.
"Manyak?! Bakit minanyak na ba kita?" tanong ko sa kaniya.
Natigilan naman ito at saka tumingin sa'kin.
"Oo! Maraming beses na!" nakalabing saad pa nito.
"What?!" pabulalas kong sabi. "I can't do that to you."
Lumabi ito at tila natuwa naman ako sa kaniyang inakto kaya napapailing na ngumiti na lang ako.
"Pwede ba, magbihis ka na nga ng damit mo." Paismid nitong sabi.
"Bakit ba kinasasanayan mo yatang maghubad ng damit sa harapan ko?" dagdag pa niyang turan.
Napatanga ito sa akin nang malakas na tawanan ko siya.
"Anong nakakatawa?" maang niyang tanong sa'kin.
"B*stos ka talaga!" Lumapit pa siya sa akin at pinagbabayo ako sa dibdib.
"Stop it, Jana!" At marahan kong inilayo 'to sa aking katawan.
"Masyado kang green minded, alam mo 'yon? Hindi ba pwedeng magpapalagay lang ako ng gamot sa sugat at nararamdaman ko na naman ang pagkirot sa aking likuran." Tumingin ako sa kaniyang mga mata.
"Magpapalagay ka lang ng gamot?" Tumango ako sa kaniya bilang tugon at narinig ko ang mahinang pagtawa nito.
"May creame ako para sa sugat na nakatago sa aking bag kaya iyon na ang ilalagay mo at h'wag alcohol dahil mahapdi iyon," saad ko sa kaniya.
"Ba't kasi 'di mo sinabi agad," nakaismid nitong sambit.
Naiiling na kinuha ko ang creame sa bag at inabot iyon sa kaniya.
"Tumalikod ka na para malagyan ko ng gamot iyang likod mo," utos niya sa'kin.
Umupo ako patalikod sa kaniya at naramdaman ko ang pagdampi ng kaniyang mga daliri sa aking sugat.
"O tapos ko nang lagyan ng gamot ang sugat mo, magbihis ka na!" utos nito sa akin matapos niyang malagyan ng creame ang mga sugat ko sa likod ng aking katawan.
Kumuha ako ng damit sa bag at saka iyon isinuot. Nakangiting hinarap ko ito pero inirapan naman niya ako.
Humakbang na 'to palabas ng tent kung kaya sinundan ko siya.
"Papa Steven, kumain ka na oh." Inabot sa akin ni Ice ang pinggan.
"Sige thank you, sabay na kami ni Jana kakain," ani ko naman sa kaniya.
"Kumain na ako," sagot naman ni Jana.
Nalungkot ako nang marinig ang sinabi nito.
"Hindi mo man lang ako sinabay," malungkot kong anas sa kaniya.
"Tulog ka pa po kasi. Saka 'di naman talaga ako kumakain sa umaga noh. Diet kaya ako!" turan pa nito.
Lihim naman akong napangiti sa narinig na dahilan nito.
"Hindi na ako kakain." Pinalungkot ko pa ng husto ang aking anyo.
"Pre, kumain ka na para 'di mo masyadong maramdaman ang kirot ng sugat mo." Kumindat sa'kin si Bryan na halatang nakikisakay rin sa drama ko.
"Ayaw akong sabayan ni Jana, Pre." Pinahaba ko ang nguso at pinalungkot ng husto ang aking anyo.
"Jana, sabayan mo na nga si Papa Steven kumain. Kawawa naman 'yan kung maramdaman pa niya ang kirot ng sugat niya sa likod," ani naman ni Ice.
"Hindi nga ako kumakain sa umaga." Patuloy na tanggi ni Jana.
"Okay lang, 'wag mo na akong alalahanin." Tumayo ako at tumalikod na sa kanila.
"Saka ka na mag-diet, Jana!" malakas na saad ni Lyn.
Akmang hahakbang na ako nang maramdaman ko ang pagpigil ng kamay ni Jana sa aking braso.
Narinig ko ang ilang beses nitong pagbuntong hininga.
"Kung napipilitan ka lang, 'wag mo nang gawin dahil kaya ko namang tiisin ang sakit," wika ko sa kaniya at humakbang ng isa.
"Kumain na tayo!" turan nito sa'kin.
Lihim akong nangiti at pinipigilan kong mapabunghalit ng tawa.
Nagawi ang aking paningin kina Bryan, Lyn at Ice na pawang mga nakangiti habang pakindat-kindat pa sa'kin.
Kumuha ng pinggan si Jana at nagsandok ito ng pagkain. Inabot niya sa'kin ang pinggan at inaya akong umupo sa mesang malapit upang doon kumain. Sabay kaming kumain at maganang inubos namin ang pagkain.
Makalipas ang ilang oras ay nagsimula na ang awarding para sa lahat ng mga nakilahok sa overnight camping na 'yon.
Tinawag si Jana bilang pagkilala sa kaniyang dedikasyon bilang isang lider ng grupo.
Masayang pinagmasdan ko ito na tinatanggap ang kaniyang certification at token.
Tuwang-tuwa rin ang grupo na kahit pa'no ay napasama naman ang campus namin sa mga nanalo.
Bago tuluyang matapos ang program na iyon ay humirit pa ng isang awitin ang isang VIP guest kay Christian na pinagbigyan naman ni kumag.
Lumapit pa ito kay Jana at kinuha ang kamay ng dalaga upang hilahin sa gitna.
Hiyawan at kiligan lang ng mga taong naroon ang maririnig sa aming paligid habang ako naman ay patuloy na nakabusangot lamang.
"Kung ako sa'yo Pre, 'di ako magpapatalo kay Christian. Alam naman natin na lamang ka sa kaniya pagdating kay Jana," bulong sa'kin ni Bryan.
"Kung ako sa'yo, liligawan ko rin si Jana dahil hindi pa naman sila ni Christian," dagdag pa nitong sabi.
Nangunot ang noo ko sa sinabi nito, "Anong sinabi mo?"
"Hah? Alin? balik tanong naman ni Bryan.
"Iyong hindi pa sinasagot," ulit ko sa sinabi niya.
"Ah, akala ko kung ano na. Hindi pa naman sila dahil hindi naman ito sinagot ni Jana kagabi," natatawang saad ni Bryan.
"Inuna mo pa kasing harapin ang puno bago makinig sa sagot ni Jana," habol na sabi pa nito.
Kung gano'n ay hindi pa sila ng kumag na Christian na 'yan. Humawak ako sa aking baba at nangiti sa aking naisip.
Panay picture taking at group hug ang nangyari bago namin tuluyang inayos ang aming mga gamit upang maghanda sa aming pag-uwi.
"Sumabay ka na sa'kin, Jana," ani ko sa dalaga.
"Nakatango na ako kay Christian, sa kaniya ako sasabay pauwi," tugon naman nito sa'kin.
"E 'di sumabay na kayo sa'kin sa sasakyan." Pamimilit ko pa sa kaniya.
"Tatanungin ko muna siya pagdating," turan naman nito.
"Ikaw bahala," ani ko sa kaniya.
Maya-maya'y dumating si Christian at kinausap ito ni Jana.
Nakita ko ang pag-iling nito, tanda na hindi ito pumapayag. Lumapit sa'kin si Jana.
"May dala siyang sasakyan, Steven. Magkita na lang tayo sa campus. Ingat ka sa pag-uwi!" Paalam nito sa'kin.
"Ingat din kayo pauwi," turan ko naman sa kaniya.
"Salamat!" tugon pa nito sa'kin.
Tumalikod na ito at humakbang pabalik kay Christian.
Nagngingitngit ang kalooban ko sa nakikitang sweetness nilang dalawa.
Malungkot na binuhay ko ang makina ng sasakyan at pinaharurot paalis doon sa lugar.
Muli kong sinulyapan si Jana na nakatanaw sa aking sasakyan. Paliit nang paliit ito sa aking paningin dahil sa papalayong sasakyan ko.
"Liligawan kita, Jana!" Nakangiting hayag ko sa sarili.