Chapter 7

1745 Words
Malapit na ang foundation day ng campus kung kaya naman abala na rin ang lahat ng mga guro at estudyante. Ang mga nasa marketing student ang naka-assign sa pagpo-promote ng mga activity na magaganap sa araw na ‘yon. May kani-kaniyang tokang naka-assign sa bawat section. Kami ng mga kaklase ko ang nakatoka sa paghahanap ng mga pwedeng imbitahang umawit para sa gaganaping concert sa foundation day. “Ang mahal naman kasi nang arkila sa mga banda hindi ba pwedeng tayo na lang ang mag-concert tapos samahan na lang natin ng pagsayaw?” Nagbibirong reklamo ni Ice. “Pwede naman basta siguraduhin mo lang na mauubos benta ang mga tiket natin,” nang-aasar na tugon naman ni Kiko rito. “Bakit nga ba hindi na lang tayo kumuha ng hindi sikat na banda pero magaling namang umawit?” tanong naman ni Jessa. "Eh kasi nga po kailangan natin maubos benta ang mga tiket at the same time ay kailangang dumugin ang concert na 'yon para maganda rin ang grado natin," turan naman ni Ryan. "Eh saan naman tayo hahanap ng murang banda?" sagot naman ni Alyssa. Humahangos na lumapit sa amin sina Lyn at Rizza. “Guys, pumayag na si Dean sa request natin na kahit ‘di kilalang banda ang kunin basta siguraduhin lang daw na maubos natin benta ang mga tiket,” natitilihang wika ni Lyn. "At siguraduhin lang natin na 'di langawin ang concert na 'yon para hindi naman daw nakakahiya sa kukuning bandang aawit." Segunda naman ni Rizza. “Yown!” Sabay-sabay na hiyawan ng mga kaklase ko at nag-appear pa sa isa't isa. “Meron akong kilala na banda,” sabad ko naman sa kanilang paghihiyawan. “Sigurado ka ba riyan, Jana?” dudang tanong ni Lyn sa akin. Tumango naman ako sa kaniya bilang pagtugon. “Magagaling silang kumanta at mga gwapo pa silang lahat!" namimilog ang mga matang saad ko sa kanila. Pumasok sa isipan ko si Christian at ang grupo niya sa banda. “Oy, siguraduhin mo lang na mga gwapo ‘yan ha!” nandidilat ang mga matang wika ni Ice. “Oo nga, mga gwapo silang lahat. Baka nga isa pa sa kanila ang forever mo.” Sabay kindat ko sa kaniya. Namula naman ito sa aking sinabi. Nagkatinginan pa silang lahat at lumawak ang mga ngiti sa kanilang mga labi. Natapos namin ang meeting at napagkasunduang ako ang hahanap nang bandang aawit para sa concert na gaganapin sa araw ng foundation day. Naisip kong si Christian at ang banda nito ang aking aarkilahin sa araw na ‘yon. "Lord, sana mapapayag ko po siya!" Piping dalangin ko. -------- Kasalukuyan kaming magkasama ngayon ni Christian sa isang high school na aming tuturuan. Pahapyaw ko nang sinabi sa kaniya ang tungkol sa plano kong arkilahin sila ng mga kagrupo niya sa banda. "Pumayag ka na, please!” Pakiusap ko pa kay Christian. Tumitig ako sa kaniyang mukha at pinapungay ang aking mga mata. “Hindi ba nakakahiya sa mga kaklase mo?” tanong naman niya sa akin. “Hindi naman! Saka ba’t ka naman mahihiya sa kanila eh magagaling naman kayong kumanta." Kuntodo puri ko pa sa banda nila para tuluyan ko siyang mapapayag. “Tiyak na agaw pansin agad kayo sa pintuan pa lang,” dagdag na sabi ko pa sa kaniya. Kinindatan ko pa siya at ipinaskil ang pagkatamis-tamis na ngiti sa aking mga labi. Mahinang tinampal ako nito sa noo at natawa naman ako sa kaniyang ginawa. "Pumayag ka na please..." Pagsusumamo ko pa sa kaniya at pinagdikit ang dalawang palad ko. "Kakausapin ko muna ang grupo para riyan," ani naman niya sa akin. Kunwa'y naluluhang tumingin ako sa kaniyang mga mata. "Pagbigyan mo na ako please. Tutal malapit na rin naman na akong grumadweyt. Kahit yan na lang ang gift mo sa'kin," nangongonsensiya kong sabi sa kaniya. "Tsk! Ikaw talaga! Dinadaan mo ako sa mga taktika mong ganiyan," naiiling niyang saad sa akin. "Sige na please..." Hinawakan ko siya sa kaniyang braso at inihilig ang ulo ko roon. Akala ko ay 'di na 'to papayag dahil nakabalik na kami ng campus lahat ay wala pa rin siyang sagot sa akin tungkol doon. Kaya't tuwang-tuwa ako nang mapapayag ko rin si Christian sa bandang huli na sila ang kukuhanin naming banda. Sigurado naman akong mabebenta namin ang tiket dahil tiyak na hindi rin naman papayag ang mga kaklase kong hindi iyon maubos benta. Alam ko rin naman na hindi ako mapapahiya sa pagrekomenda sa grupo ni Christian dahil sadyang magagaling silang umawit lahat. Bukod pa riyan ay mga gwapo rin naman talaga sila at walang itulak kabigin ang kanilang mga kakisigan. Narinig ko nang umawit ang banda nila ng minsang may activity kami sa samahan. Nang una ko ngang makilala ang mga kagrupo ni Christian sa samahan ay halos tumulo pa ang mga laway naming mga babaeng volunteers. Sinaway lang kami ni Pinuno 'non eh. Pero nang sumunod naman na magkita kami ng grupo ni Christian sa bar na minsan nilang pinag-awitan ay lubusan ko na silang nakilala. Mga mababait silang lahat pero siyempre para sa akin si Christian pa rin ang mas gwapo sa kanilang lahat. ‘Di ko nga lang alam kung bakit hindi sila nagpapakilala sa larangan ng banda gayong sigurado namang sisikat sila roon. ------- Dahil malapit na nga ang foundation day, halos lahat kaming mga estudyante ay abala na sa pag-aasikaso para rito. Halos hindi ko na rin nadadaluhan pa ang mga klase namin ni Christian kung kaya naman tini-text ko na lang ito at humihingi nang pang-unawang intindihin muna ako sa ngayon sa pagliban ko sa aming pagtuturo. Mabuti na lamang at mabait sina Christian at Pinuno dahil naiintindihan naman daw nila ang sitwasyon ko lalo pa nga at graduating na rin ako. Pero minsan ay 'di ko maiwasang ma-miss ang makukulit kong mga estudyante at nami-miss ko na ring makita si Christian. "Kumusta na kaya siya?" napapabuntong hininga kong tanong sa isipan. ****** Sumapit ang araw ng foundation day at abala na halos ang lahat sa pagsasaayos ng Quadrangle kung saan gaganapin ang mismong concert. Nakita kong papalapit sa pwesto namin si Steven. "Ang swerte naman nila wala silang nakatokang activity para sa araw ng foundation day!" anas ko sa sarili. Binati ito ng mga kaklase kong lalaki at nakipag-high five pa sa kaniya ang ilan sa mga ito. "Sikat lang ang peg!" inis kong hayag sa aking isipan. "Kunsabagay, varsity player nga pala ito ng campus namin," biglang bawi sa aking sinabi. Sumimangot ako ng biglang maalala ang cellphone kong nahulog sa sahig. "Kasalanan niya kung bakit nasira ang cellphone ko!" gigil kong anas sa sarili. “Kumain ka muna at mukhang hindi ka pa nagla-lunch," wika ni Steven na pumukaw sa aking pagmumuni-muni. Inabot niya sa akin ang isang paper bag na may lamang pagkain. Tinanggap ko ang inabot niya upang 'di ito mapahiya. "Salamat!" Sabay irap ko sa kaniya. 'Choosy pa ba ako gayong ako na nga ang naalalang bigyan ng pagkain.' Binuksan ko iyon at inilabas ang mga pagkaing nasa loob ng paper bag. Inihain ko sa may lamesa ang laman niyon. “Tara, sabay na tayong kumain.” Alok ko sa kaniya. Inabot ko ang isang tupperware sa kaniya na nilagyan ko ng pagkain. Umupo ito sa aking tabi at sabay naming kinain ang pagkaing dala niya. Paglingon ko sa kaniya ay napansin kong titig na titig siya sa akin lalo na sa may bandang labi ko. Nailang tuloy ako sa kaniya kaya iniwas ko ang paningin sa kaniya. Nagitla ako nang biglang dumampi ang isa niyang daliri sa gilid ng aking bibig. “May ketchup na dumikit sa gilid ng bibig mo,” sabi niya sa akin. Napalunok naman ako sa sinabi niya at parang gusto kong mataranta ng mga sandaling iyon. Tumayo ako at niligpit ang aming pinagkainan. Ibinalik ko sa loob ng paper bag ang mga tupperware at kubyertos na aming ginamit. Inabala ko ang sarili sa paglinis ng aming pinagkainan upang mawala ang tension na aking nararamdaman. Nagulat ako sa malakas na tilian ng mga babaeng estudyante sa isang tabi. Napalingon ako sa may bandang pintuan at natanaw kong papasok si Christian kasama ang kaniyang mga kagrupo sa banda. Sinalubong sila ng mga babaeng estudyante at dinumog ng mga ito sa may pintuan pa lamang. May mga nagpa-picture pa na akala mo’y mga artista talaga ang nagsipagdatingan. Kinawayan ko si Christian nang mapansing palinga-linga ito sa paligid at tila may hinahanap. Ngumiti siya sa akin at nagsimulang humakbang ako papunta sa kanila upang salubungin sila. Halos hindi na ako makasingit sa mga estudyanteng nagkukumpulan sa grupo nila Christian. Natabig pa ako ng isang estudyante dahilan para mapaatras ako at muntik nang mawalan ng balanse. Mabuti na lang at maagap din si Christian na lumapit sa'kin kung kaya mabilis niya akong nahawakan sa aking braso at napayakap sa kaniyang dibdib. "Iba talaga 'pag gwapo, dinudumog!" naiiling kong wika sa kaniya upang pagtakpan ang kabang nararamdaman ko. Mahinang tinampal naman niya ako sa aking noo. Tinawag ko ang mga kaklase ko at nagpatulong sa kanila na hawiin ang mga babaeng nagkakagulo sa grupo nila Christian. "Iba ka rin naman talaga Jana, ang galing mong pumili ng bandang aawit,” kinikilig na wika ni Jessa. "Pinabilib mo kami ng husto!" ani naman ni Alyssa. "Masyado mong ginalingan, gurl!" kumikindat na saad naman ni Stephanie. "Naman!" mayabang kong sagot sa kanila. Nakangiting tumingin ako kay Christian at kinindatan ko pa ito. "Mukhang nakita ko na nga ang forever ko,” namumungay ang mga matang saad ni Ice. “Ipakilala mo naman kami sa kanila, Jana,” natitilihang ani naman ni Lyn. "Oo nga Jana, ipakilala mo naman kami sa kanila," susog pa ni Alyssa. “Tse! Magsipagtigil nga kayo!” Inirapan ko ang mga ito. "Pwede bang tulungan niyo muna akong hawiin ang mga estudyanteng 'to bago kayo magpa-cute riyan." Sabay turo ko sa mga estudyanteng patuloy pa rin na nagkakagulo sa harapan ng mga kagrupo ni Christian. "Hayaan mo lang sila Jana, kaya na nina Albert, Leo at Roy harapin ang mga fans nila," saad naman ni Christian. "Nakakahiya sa kanila," nahihiyang tugon ko naman sa kaniya. "Okay lang 'yan! They can handle it!" Ito naman ang kumindat sa'kin. "Alam mo Jana, mukhang may nagseselos sa may likuran banda,” sabad ni Kiko sa amin ni Christian. Napangiwi naman ako sa sinabing iyon ni Kiko. Paglingon ko sa may bandang gawi ni Steven ay nakita kong nakabusangot ang mukha nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD