Chapter 8

1755 Words
Mabuti na lang at nahawi rin namin ang mga estudyanteng nagkakagulo sa grupo nila Christian. Pinasunod ko sila Christian at ang mga kagrupo niya kina Ice at Lyn sa may bandang stage. Pero nanatili lang sa tabi ko si Christian. "Sabay na tayong pumunta roon," ani ni Christian. "Hah? Pa'no sila?" Sabay turo ko sa mga kagrupo niyang kausap na nina Ice at Lyn habang naglalakad patungong stage. "Matatanda na 'yan sila!" At tumawa pa ito. Mahinang hinampas ko naman siya sa kaniyang braso. Patuloy lamang ito sa pagtawa at inalalayan pa ako sa pagdala ng mga gagamitin kong pandagdag dekorasyon sa stage. “Hi Jana!” Masayang bati ni Albert sa akin, isa sa mga guitarista ng banda. “Ang daming magaganda rito sa campus niyo, Jana,” turan naman ni Roy, ang drummer ng banda. “It’s time to shine!” sabi naman ni Leo, ang pianista ng grupo. “Oy, nandirito tayo para kay Jana hindi para mambabae.” Sita naman sa kanila ni Christian, ang siyang bokalista ng banda. Namula naman ang mga pisngi ko sa sinabi nito. “Salamat at pinagbigyan niyo akong umawit kayo rito,” maluha-luhang saad ko sa kanila. Pumayag silang lahat na umawit at hindi talaga nila tinanggap ang ibinibigay kong bayad para sa talent fee nila. “Basta ikaw Jana, walang problema!” sabay-sabay nilang sagot. "Malakas ka kaya sa amin." Kumindat pa sa akin si Leo. "Ehem!" Tumikhim naman si Albert sa kaniya. "H'wag mo kasing kindatan si Jana kung ayaw mong magulpi ni Christian, Bro!" nang-aasar na turan naman ni Roy. "H'wag kang mag-alala Bro, she's all yours!" saad naman ni Leo kay Christian. Pulang-pula na ang pisngi ko sa mga biruan nila. Pero sa loob-loob ko lang ay lihim na akong kinikilig sa kanilang mga biro. Lumapit sa amin ang mga kaklase kong babae. "Jana, beke naman!" Parunggit ni Jessa sa akin. "Oo nga, Jana. H'wag mo namang solohin sila." Kantiyaw pa ni Alyssa. "Baka naman pwede mo rin kaming ipakilala sa kanila," natitilihang wika ni Erika. "Tse! Magsitigil nga kayo riyan!" Inirapan ko ang mga ito. Tumayo si Christian kasunod ang mga kagrupo niyang sina Albert, Roy, at Leo. Nakipagkilala sila sa mga kaklase ko at lumapit pa talaga upang kamayan nila ang mga 'yon isa-isa. Kinikilig na naghiyawan at nagtilian ang mga haliparot kong mga kaklaseng babae sa grupo nila Christian. "Nice to meet you, Christian!" kinikilig na wika ni Alyssa. "Ikaw pala 'yong Kuya na madalas makasama ni Jana sa tuwing nawawala siya sa oras ng breaktime," singit naman ni Lyn. "Kaya naman pala halos liparin niya na ang gate mula sa room namin ay dahil may anghel palang naghihintay sa kaniya sa labas," kinikilig na hayag naman ni Ice. 'Ang mga bruha ibinuko pa talaga ako kay Christian!' Nilapitan ko ang mga ito at pasimpleng kinurot ng pino sa kanilang mga tagilirang bahagi ng baywang. "Aray!" Reklamo ni Lyn. "Jana, masakit!" bulalas naman ni Ice sa'kin. "Pakadaldal niyo kasi noh?!" saad ko habang nandidilat ang aking mga mata. Nagtawanan naman silang lahat sa amin nina Ice at Lyn. Samantalang ako naman ay hiyang-hiya na ng mga sandaling 'yon. "Gusto ko na lang maging bula!" ani ko sa isipan. Sumapit ang oras ng concert at punong-puno ng tao ang Quadrangle. Puro mga kababaihan ang manonood at dinaig pa talaga ang may artistang aawit ng mga sandaling iyon. Tuwang-tuwa naman ang Dean namin dahil naubos benta ang lahat ng mga tiket. Nangako pa itong bibigyan kami ng plus points sa grades kaya naman tuwang-tuwa rin ang mga kaklase ko. Nagawa pang magpa-autograph ng mga titser naming babae sa grupo nila Christian partikular na sa binata. "Grabe lang talaga! Kahit saan talaga siya magpunta, marami akong kaagaw sa kaniya." naiiling kong wika sa sarili. Bago sila nagsimulang sumalang ay nag-speech muna ang aming Dean. Nagpasalamat ito sa amin dahil naubos benta ang mga tiket at halos puno ng tao ang concert. Nang matapos ang pambungad na pananalita ni Dean ay tinawag na ng nakatalagang emcee na sina Lyn at Ryan ang grupo nila Christian. Hiyawan at sigawan ang mga babaeng manonood. "I love you, Christian!" hiyaw ng isang babae mula sa likurang bahagi ko. "Ang harot!" inis kong bulong sa isipan at pinaikot ang mga eyeball sa aking mga mata. “This song is dedicated to the special girl of mine,” rinig kong sabi ni Christian sa tapat ng mikropono. Nakaramdam naman ako ng lungkot sa narinig na sinabi nito. "Ang swerte naman ng babaeng 'yon!" ani ko sa isipan. Nagsimulang tumugtog ang mga instrumento at sinundan iyon nang pag-awit ni Christian. Kulang ako kung wala ka 'Di ako mabubuo kung 'di kita kasama Nasanay na ako na lagi kang nariyan 'Di ko kayang mag-isa, puso ay pagbigyan Kulang ako, kulang ako kung wala ka (song credited to the rightful owner) Lalo tuloy akong nakadama ng lungkot nang marinig ang chorus ng kaniyang awitin. ‘Di ko namalayang tumutulo na pala ang mga luha mula sa aking mga mata habang pinakikinggan si Christian sa kaniyang pag-awit. Tagos sa aking puso ang damdaming nakapaloob sa awiting iyon. “Mahilig ka pala sa madramang kanta,” naiiling na wika ni Steven. Sinamaan ko ito nang tingin paglingon ko sa kaniya. Inabot niya sa akin ang kaniyang panyo at saka nag-peace sign. "Salamat nga pala sa pagkain ko kanina." Pasasalamat ko sa kaniya nang maalala ang pagkaing dala nito. Tinanggap ko ang panyong inaabot niya at pinahid iyon sa aking mga luha. "Sa totoo lang, mas gwapo pa ako riyan kay Christian. Lamang lang sa akin 'yan ng edad," natatawang saad niya sa akin. "Ang lakas talaga ng hangin mo sa katawan noh?!" inis kong sagot sa kaniya. 'Okay na sana eh kaso dumiga pa!' Ngumisi lang siya sa akin. Ilang awitin pa ang sumalang at halos basang-basa ko na rin yata ang panyo ni Steven sa kapupunas niyon sa aking mga luha sa mata. "Ang OA mo na, Jana," asar na wika ni Steven. "Pwede ba, kung wala kang masabing matino eh manahimik ka na lang diyan!" asik ko naman sa kaniya. Tumahimik naman ito at 'di na muling nagsalita pa. "Tama yan, manahimik ka na lang at 'di ka na nakakatuwa sa mga sinasabi mo," lihim kong anas sa aking sarili. “Let’s call Ms. Jamie Ann De Castro to come here on stage,” narinig kong tawag ni Christian sa aking pangalan sa tapat mismo ng mikropono. Napanganga naman ako nang marinig ang pangalan kong tinatawag ni Christian mula sa stage. 'Di ko tuloy malaman kung ano ang aking gagawin. Kung aakyat ba ako o mananatili na lang dito sa gilid ng stage. “Please come here, Jana.” Muling tawag ni Christian sa'kin sa tapat ng mikropono. "Jana, tawag ka ng Kuya mo!" bulalas naman ni Lyn sa akin. Tulala pa rin akong nakatanaw kay Christian hanggang sa kawayan na niya ako at naglakad siya palapit sa may hagdan ng stage. "Hoy Jana, masyado ka ng pa-VIP!" nang-aasar na saad ni Ice sa'kin. Inirapan ko ito at saka ako humakbang paakyat ng stage. Sinalubong ako ni Christian at inalalayan sa pag-akayat sa may hagdan ng stage. Hawak-hawak pa niya ang kamay kong nanlalamig nang maglakad kami patungo sa may bandang gitna ng stage. "Relax!" bulong niya sa akin. "Bakit mo ba kasi ako pinaakyat dito?" ganting bulong ko rin sa kaniya. “We want to thank you for allowing us here to sing,” sagot naman niya sa akin sa tapat ng mikropono. Nginitian ko siya at nilingon ang kaniyang mga kagrupo. Bumigkas ako ng salitang 'Thank You!' sa aking bibig at itinaas naman nila ang kanilang isang kamay bilang pagtugon sa aking sinabi. Pagharap kong muli kay Christian ay nanlaki ang aking mga mata nang itaas niya ang kamay kong hawak at dalhin iyon sa kaniyang bibig upang dampian ng maliliit na halik. Malakas na kantiyawan at hiyawan ang umugong sa aming paligid. “Before we play our song, gusto kong ipaalam sa kanilang lahat ang aking nararamdaman para sa’yo.” Napatanga naman ako sa kaniyang sinabi. Lumuhod siya sa aking harapan at saka ito tumingala sa'kin. "Christian!" sambit ko sa kaniya. Hindi ko malaman kung ano ang sasabihin ng mga sandaling iyon. “Gusto kita Jana! Gusto kita mula pa noong makilala kita!” madamdaming wika ni Christian sa tapat ng mikropono. Namula ang mga pisngi ko at parang gusto ko na lang maging bula ng mga sandaling iyon upang mabilis na maglaho sa harap ng maraming tao. Hindi ko alam ang sasabihin at para akong napipilan sa aking mga narinig buhat kay Christian. ‘Di ko rin namalayan ang pag-agos ng mga luha mula sa aking mga mata. Tumayo si Christian at pinahid ng kaniyang mga daliri ang mga luhang umaagos sa aking pisngi. "Sshh... Don't cry, please!" Pagsusumamo niya sa akin. Nanatili lamang akong tahimik ng mga sandaling iyon dahil hindi ko rin naman alam ang aking sasabihin. Malakas na tilian at hiyawan ng mga taong naroon ang nagpabalik sa lumilipad kong diwa gawa nang nakabibiglang mga pangyayari. Luminga ako sa aming paligid at makikitang kinikilig ang bawat taong naroon. Tipong akala mo'y sila ang pinagtapatan ng pag-ibig ni Christian. Kung iyon nga ang tawag sa ginawa ni Christian kani-kanina lamang. Nagsimulang tumugtog ang drum at guitara na sinundan din naman agad ng malamyos na pagtunog ng piano. Niyakap ako nang mahigpit ni Christian at naramdaman ko ang init ng kaniyang katawan sabay ng mabangong halimuyak ng pabangong gamit niya. Sinimulan niyang awitin ang ilang piling awit nila para sa concert na 'yon habang patuloy lamang ito sa pagyakap sa'kin. Malakas na hiyawan ng mga kaklase ko ang nagpalingon sa'kin sa gawi nila kung kaya napatingin din ako sa gawi ni Steven. Nakita ko ang pagkuyom ng kaniyang mga kamao at ang malungkot niyang mga matang nakatitig lamang sa'kin. Maya-maya'y tumalikod ito at umalis sa kaniyang kinatatayuan kasunod ng kaniyang kasamahang player na si Bryan. Bigla akong nakaramdam ng lungkot sa pag-alis na 'yon ni Steven. "Dapat masaya ako dahil nagtapat na si Christian ng kaniyang nararamdaman para sa'kin, pero bakit parang nalulungkot pa ako?" tanong ko sa sarili. "Saan naman kaya ang punta 'nun ni Steven? Galit kaya siya?" Muli kong sinundan ng tanaw ang lugar kung saan dumaan si Steven sa pag-asang naroon lamang ito. Ngunit wala man lang bakas ni anino ng binata ang naroon kaya tuluyan na akong napahikbi. Hinigpitan naman lalo ni Christian ang pagyakap sa aking katawan at masuyong hinaplos ang likurang bahagi ko na tila inaalo niya ako.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD