Umugong ang ingay at tilian ng mga kaklase ko sa loob ng aming silid aralan.
Pagtingala ko mula sa pagkakayuko sa pagsusulat ng mga notes ay bumungad sa akin ang isang pagkalaki-laking teddy bear.
Idinungaw ni Steven ang kaniyang ulo mula sa likurang bahagi ng teddy bear at malaking ngumiti ito sa akin.
“Ano ‘yan?” maang kong tanong kay Steven.
“Can’t you see, a teddy bear?” sagot niya naman sa akin.
“Alam kong teddy bear ‘yan pero para kanino? Eh hindi ko naman birthday ngayon para magdala ka ng ganiyan dito,” mataray kong turan sa kaniya.
“May birthday lang ba ang pwedeng bigyan ng teddy bear?” balik tanong naman niya sa akin.
“Siyempre hindi, Papa Steven. Pati kaya ang nililigawan ay binibigyan din!” nangingiting sagot naman ni Lyn.
Sinamaan ko nang tingin si Lyn at nagtawanan naman ang mga kaklase kong lalaki.
Ngumisi naman si Steven at nakipag-high five pa sa kanila.
“Ang tanong Pre, para ba talaga kay Jana ‘yan?” nang-aasar na sabi naman ni Ryan.
“No!” mabilis na tugon ni Steven at lumingon ito kay Lyn.
“This is for you, Lyn!” wika ni Steven sabay abot kay Lyn ng teddy bear.
Kinikilig-kilig naman na tinanggap iyon ni Lyn.
Naghiyawan ang mga kaklase kong lalaki at kinantiyawan nila ng husto si Lyn.
"Para sa'yo pala 'yan Lyn eh," hiyaw ni Louie kay Lyn.
"Eh ano pala ang para kay Jana, Pre?" tanong pa ni Louie kay Steven.
Umupo si Steven sa katabing silya ko.
"Pwede ba umalis ka na nga rito at marami pa akong gagawing notes," asik ko kay Steven.
Pero ang totoo ay naiinggit ako sa teddy bear na yakap-yakap ni Lyn.
Favorite color ko pa naman 'yon. Pink!
Nanlaki ang mga mata ko nang ipatong ni Steven ang pumpon ng mga bulaklak sa aking mesa.
Nilingon ko itong ngingiti-ngiti sa akin.
"Gosh! Ba't ba parang ang gwapo niya yata ngayon?!" puri ko pa sa kaniya sa aking isipan.
Nagtatanong ang mga mata ko at walang boses na itinuro ko pa sa kaniya ang mga bulaklak.
Nginitian niya ako at isang mabilis na halik sa pisngi ang iginawad niya sa akin.
Napatanga naman ako sa kaniyang ginawa.
"See you later, Jana!" Kumindat pa siya sa akin.
Tumayo ito at malalaki ang mga hakbang na lumabas ng aming silid aralan.
Nahinto naman ang mga kaklase kong lalaki sa pang-aasar kay Lyn dahil nakita nila ang ginawang paghalik sa akin ni Steven.
Sa akin tuloy natuon ang kanilang buong pansin.
Panay ang kantiyaw nila sa akin habang panay naman din ang sundot ni Ice sa aking tagiliran.
Si Lyn naman ay patuloy na kinikilig at niyakap pa ng husto ang teddy bear.
"Mga bruha talaga!” naiiling kong anas sa sarili.
“Ikaw Jana ha, naglilihim ka na sa amin ngayon,” nakalabing wika ni Ice at pinalungkot pa ang kaniyang boses na animo'y totoong-totoo.
“Huh? Anong lihim? Sorry, wala akong maalala,” mataray kong sagot sa kaniya.
Pero parang alam ko na ang tinutumbok nang mga sinasabi nito.
“Kunwari ka pa riyan pero may pabulaklak at teddy bear naman,” nakangising sagot naman ni Lyn.
“Bakit sa akin ba binigay ang teddy bear?” nakairap kong tanong sa kaniya.
“Sus, as if naman na para talaga sa akin ito.” Sabay abot sa akin ni Lyn ng teddy bear.
"Kayo na talaga ni Lyn ang maganda!" Narinig ko pang buska ni Ice.
Sinulyapan ko ang teddy bear pati na rin ang pumpon ng bulaklak sa mesa.
Napangiti ako nang maalala ang mabilis na paghalik ng binata sa aking pisngi.
Lihim naman akong kinilig at 'di ko iyon pinahalata sa kanila.
Pauwi na ako nang biglang bumuhos ang malakas na ulan.
"Gosh, kung kailan ang dami kong bitbit ay saka ka pa talaga sumabay sa'kin ulan." Piping reklamo ko sa isipan.
Napansin kong malapit na ako sa gym kaya dali-dali akong lumakad patakbo papunta roon upang makisilong.
Pagpasok ko sa loob ay nakita kong naglalaro ang grupo nila Steven.
Kumaway ang binata sa akin nang mapansin niya ako.
Inismiran ko naman ito bilang tugon.
“Bakit kasi ngayon pa bumuhos ang malakas na ulan kung kailan wala akong dalang payong,” inis kong bulong sa sarili.
"Isa pa 'tong mga bitbit ko. Dapat pala iniwan ko na lang muna sila sa locker," patuloy ko pang reklamo.
"May sa malas 'ata talagang dala sa'kin 'to si Steven." Nakunsensiya naman ako sa aking naisip.
"Well kasalanan mo rin naman 'yan Jana, dahil napakatamad mo ring magdala ng payong." Kutya ko pa sa sarili.
“Manonood ka ba ng laro namin kaya ka narito?” napaigtad naman ako sa tanong ni Steven.
‘Di ko namalayang nakalapit na pala ito sa akin.
“Hindi noh! Nandito ako para makisilong lang. Ang lakas kasi ng ulan sa labas. Wala akong dalang payong tapos ang dami ko pang bitbit," Pasaring ko pa sa kaniya at ipinakita ang mga dala kong gamit na ito rin naman ang nagbigay.
Natawa naman ito sa akin.
"Akala ko pa naman manonood ka ng laro kaya ka narito," paanas niyang sabi sa akin.
Tumingin ako sa kaniya at nakita ko ang paglungkot ng anyo nito.
Nakunsensiya naman ako sa mga sinabi niya kung kaya hinila ko siya patungo sa upuan nilang mga player.
Umupo ako sa isa sa mga upuan doon at tinapik ko ito para paupuin din.
Nagtataka man ito ay sumunod pa rin siya sa akin.
Kinuha pa muna niya ang mga gamit ko at inilapag ang mga iyon ng maayos sa katabi niyang bakanteng silya.
“Habang naghihintay akong tumila ang malakas na ulan ay manonood na muna ako ng laro ninyo rito,” bulong ko sa kaniya.
Dahan-dahang gumuhit ang ngiti sa kaniyang mga labi.
"Dito ka lang muna ha, babalik lang ako sa laro namin," malambing niyang sabi at ngumiti pa nang pagkatamis-tamis sa akin.
"OMG! Ngiti pa lang mapapatalon ka na heart," ani ko sa sarili.
"Magtigil ka Jana at bawasan ang landi sa katawan," dagdag ko pang saad sa sarili.
Tumayo si Steven at sa aking pagkagulat ay mabilis niya akong dinampian ng halik sa aking mga labi saka ito tumakbo pabalik sa laro ng kanilang grupo.
"Kainis! Ninakawan na naman niya ko ng halik sa aking labi," asar kong sambit.
Naiiling na lamang akong pinanood ito sa kanilang paglalaro.
Makalipas ang ilang oras tapos nang maglaro ang grupo nila Steven ngunit patuloy pa rin naman sa pagbuhos ang malakas na ulan.
“Haist, may duty pa ko. Pa'no naman ako makakapasok kaya nito?” bulong ko sa sarili habang pasilip-silip sa orasang pambisig ko.
“Gusto mo bang ihatid na kita?” Alok ni Steven sa akin na nakalapit na pala mula sa kanilang paglalaro.
Kinuha ni Steven ang tuwalya sa kaniyang bag at ipinunas iyon sa kaniyang pawis sa mukha.
Kinuha ko ang tuwalya sa kaniya at ako na ang nagboluntaryong nagpunas ng pawis niya.
"Ang sweet naman ni Jana." Rinig kong buska ng isang kagrupo nito.
"Sana sinama mo rin si Lyn para may inspirasyon din ako," wika naman ni Bryan.
"Kayo na ba ni Jana, Pre?" tanong pa ng isang kagrupo nito.
Inakbayan ako ni Steven at ngiting-ngiti pang nagsalita ito.
"Malapit na!" Sabay kindat sa akin nito.
Dala nang pagkapahiya at inis ay hinampas ko sa kaniya ang tuwalyang pamunas nito.
Nagtawanan naman ang mga kagrupo nito.
Tumanggi ako sa alok niyang ihatid sa trabaho dahil alam kong pagod na rin siya sa paglalaro at mukhang baha na rin sa bawat kalyeng daraanan kaya tiyak na maiipit lang din kami sa trapik.
Nag-text na lamang ako sa aking manager upang magpaalam na hindi na ako makakapasok pa sa gabing iyon gawa ng malakas na ulan.
Nag-reply naman agad siya sa akin at nagsabing maaga rin silang magsasara ng store sa gabing iyon gawa ng malakas na ulan.
Pagtila ng ulan ay nagboluntaryo na si Steven na ihatid ako sa bahay.
Hindi ko na iyon tinanggihan pa sapagakat gabi na rin.
Nagsabi itong palipasin muna namin sandali ang oras at tiyak na maiipit lang kami ng trapik sa daan kung bibiyahe agad kami dahil katitila lamang ng ulan.
Sumang-ayon naman ako sa kaniyang suhestiyon.
Maya-maya'y biglang namatay ang mga ilaw sa gym.
Napatili ako dahil sa sobrang dilim ng paligid.
"Steven!" Tawag ko sa binata na umalis sa aking tabi dahil pinuntahan ang isa niyang co-player.
Naramdaman kong may biglang humawak sa aking baywang.
Kaya't natitilihang napatayo ako sa upuan.
“Ssshhh… It’s me, Steven!” Nakaramdam naman ako ng ginhawa nang malamang ang binata pala ito.
Kumabog naman ng malakas ang aking dibdib nang maisip na nasa baywang ko ang braso nito.
“Bakit ba ang dilim?” nauutal kong tanong sa kaniya.
“Kung kailan tumila ang ulan saka naman nag-brownout?” dagdag ko pang sabi.
“Nag-short circuit kasi ‘yung fuse ng kuryente dahil nabasa ng tubig ulan kung kaya naman pinatay muna nila sandali ito,” sagot naman niya sa akin.
“Pwede bang umuwi na tayo, Steven?” Pakiusap ko pa sa kaniya.
Tumango naman siya sa akin bilang pagsang-ayon.
Hindi ko alam kung dahil sa dilim ng paligid o dahil sa kaisipang nasa baywang ko ang kaniyang braso kung kaya hindi ako mapakali.
Tumayo ito at kinuha ang kaniyang mga gamit pati na rin ang mga gamit ko.
Inalalayan pa niya ako hanggang sa makalabas kami ng gym.
Gamit ang liwanag mula sa flashlight ng kaniyang cellphone ay tinungo namin ang sasakyan nito.
Nang maayos na kaming makasakay sa front seat ay mabilis na niyang pinaandar paalis ang sasakyan sa lugar na ‘yon.