“Grabe Sir, ang gwapo mo pa rin. In fairness, mas hot and yummy ka ngayon,” bubulong-bulong kong wika sa sarili habang ginagaya pa ang maarteng pananalita ni Mitch.
Daig ko pa ang bubuyog na bubulong-bulong habang naglalakad sa may tabi ng kalsada pauwi sa amin.
Nakakainis na babaeng 'yon akala mo talaga kung sinong kagandahan na kung makakapit kay Christian ay wagas lang din.
Ito namang Christian ay nakipaglandian din naman talaga at sa harap ko pa!
"Bw*sit ka talaga!" malakas na hiyaw ko sa paligid.
“Sino’ng kausap mo?” Napalundag ako sa gulat nang magsalita si Steven.
“Hah? Wala! May nakita ka bang kausap ko?” mataray na turan ko sa kaniya.
“Teka nga..." Nilapitan ko ito at inikutan siya na parang sinusuri lamang.
"Ba’t nandito ka na naman? Huwag mong sabihing may ibabalik ka na namang ID ko?” patuloy sa pagtataray kong tanong sa kaniya.
Ngumisi naman ito sa akin.
“Inimbita ako ni Bryan dahil kaarawan niya ngayon. Eh kaso nakita kitang naglalakad na parang baliw lang na kinakausap ang sari…“ hindi ko na pinatapos pa ang sasabihin nito at malakas kong binatukan siya sa kaniyang ulo.
“Sh*t! Bakit ba ang hilig mong mambatok?” sabay haplos nito sa ulong binatukan ko.
“Iyang bibig mo kasi kahit kailan napakabast*s talaga!” asar kong turan sa kaniya.
“Pa’no naman naging bast*s 'yon eh wala naman akong sinabing nakahubad ka?” anas naman niya sa akin.
Muling naglanding ang kamay ko sa ulo niya para batukan ulit siya.
Dumilim ang anyo ng mukha nito. Nakaramdam naman ako ng kaba kung kaya dali-dali akong umatras palayo sa kaniya.
Ngunit mabilis niya akong nahawakan sa aking braso at saka hinila pabalik sa kaniyang katawan.
Napahawak tuloy ako sa matigas niyang dibdib.
"Shocks! Alaga ba sa gym 'to kaya ganito katigas ang kaniyang katawan?!" ani ko naman sa isipan.
Ang lakas ng dagundong ng puso ko na parang may ilang kabayong nag-uunahan sa pagtakbo roon.
Napalunok pa ako ng ilang ulit at parang itinulos sa aking kinatatayuan paharap sa kaniya.
Napasinghap ako nang itaas niya ang aking mukha.
Nagsalubong ang aming mga mata at dahan-dahang lumapit ang kaniyang mukha sa aking mukha.
Lumapat ang kaniyang mga labi sa aking mga labi.
“Jana, sino siya?” Mabilis kong itinulak si Steven palayo sa akin nang marinig ang tanong na 'yon ni Christian.
Pakiramdam ko'y pulang-pula na ang aking mga pisngi ng mga sandaling iyon.
Nag-aalangan pa ako kung sasagutin ang tanong ni Christian o magpapaalam na lamang sa kanila.
Pinili kong gawin ang una.
“Siya si Steven, Steven siya naman si Christian.”
Pagpapakilala ko sa kanilang dalawa sa nauutal na tinig.
Ramdam ko pa rin ang panginginig ng aking katawan gawa ng halik na iginawad sa akin ni Steven.
Lihim kong tiningnan si Steven at nakita ko ang nakakalokong ngiti sa kaniyang labi.
"Bw*sit ka! Nagawa mo na ngang nakawan ako ng halik kanina, ngayon naman ay nagagawa mo pang ngumiti nang nakakaloko," inis kong anas sa sarili.
“Ikinagagalak kitang makilala, Bro!” Tinig ni Christian ang nagpabalik sa nililipad kong diwa.
Inilahad ni Christian ang kanang kamay niya kay Steven.
“Nice to meet you, too!” Inabot naman ni Steven ang pakikipagkamay ni Christian.
Matagal na nagkamay ang dalawang lalaki at halos nagsukatan pa sila nang tingin bago binitiwan ang kamay ng isa’t-isa.
“Ako naman si Mitch!” Nagulat kami sa biglang pagsulpot ni Mitch sa tabi ni Steven.
Hinalikan nito ang binata sa pisngi at napangiwi naman ang isa sa ginawi nito.
Napangiwi rin ako sa kagaslawang ipinakita ng babae.
“Bruha talaga!” nagngingitngit kong bulong sa sarili.
“In fairness, gwapo ka rin Steven pero mas gwapo pa rin si Sir Christian, sa'yo.” Lumingon pa ito kay Christian at kumindat pa talaga ang bruha.
Nagsimula na naman akong makaramdam ng ngitngit sa aking dibdib kaya nagpaalam na ako sa kanilang tatlo.
Walang lingon likod na tumakbo ako palayo sa kanila hanggang sa matanaw ko ang gate ng aming bahay.
Malakas na ibinagsak ko pasara ang gate kung kaya naman napaigtad pa ang kapatid kong abala sa pakikipaglandian sa kaniyang cellphone.
“Oh Jana, ano’ng nangyari sa’yo? Ba’t parang hinahabol ka ng sampung kabayo riyan?” Puna sa akin ni Mama na sinalubong ako papasok sa pintuan ng aming bahay.
“Ah... eh… Wala po, Ma!” hinihingal ko pang sagot sa kaniya.
"Kumain ka na ba?" tanong pa sa'kin ni Mama.
"Tapos na po, Ma!" tugon ko naman sa kaniya.
“Akyat po muna ako sa kwarto Ma, magpapahinga na po ako.” Sabay halik ko sa pisngi ng aking ina.
Nakasalubong ko naman ang aking ama na pababa sa hagdanan.
“Mano po, Pa!” Inabot ko ang kamay nito at nagmano sa kaniya.
"Kaawaan ka ng Diyos, Anak!" Basbas sa'kin ni Papa.
"Akyat po muna ako sa kawarto, Pa," saad ko kay Papa.
Tumalikod na ako at humakbang paakyat sa aking silid.
“Ano’ng nangyari ‘ron? Ba’t parang nagmamadali ang isang 'yon?” dinig kong tanong ni Papa Kay mama.
“Hindi ko rin alam diyan sa anak mo,” rinig ko namang sagot ni Mama kay Papa.
Nagkibit balikat na lamang ako sa kanila at ipinagpatuloy na ang paghakbang papunta sa aking silid.
Narinig ko ang malakas na pagtunog ng caller ringtone ng aking cellphone.
Hindi naka-save ang numero sa phone ko kung kaya naman sinagot ko iyon.
"Hello?" sagot ko sa kabilang linya.
"Hello, Jana?" tanong naman ng nasa kabilang linya.
Hindi pamilyar sa akin ang numero pero parang pamilyar naman sa akin ang boses ng nasa kabilang linya.
"Hello, sino 'to?" mataray kong tanong sa kabilang linya.
"Si Steven 'to!" magiliw niyang sagot sa'kin.
"Oh ba't napatawag ka? Ano'ng kailangan mo? Saka teka, pa'no mo pala nalaman ang number ko?" sunod-sunod kong tanong sa kaniya at tinarayan pa ito dahil alam kong si Steven ang aking kausap.
"In fairness, ang ganda ng boses niya ha, parang DJ lang sa radyo. Buong-buo ang boses!" ani ko sa isipan.
"Hindi na mahalaga 'yon, ang importante ay nakausap kita," ani naman niya sa akin.
"Oh eh ba't ka nga napatawag?" mataray ko nang tanong sa kaniya.
"Nasa loob ka na ba ng bahay niyo?" balik tanong naman niya sa akin na ikinataas ng dalawang kilay ko.
"Praning ka ba, Steven?" nauubusan na ng pasensiyang turan ko sa kaniya.
"Malamang nasa bahay na ako. Nagpaalam pa nga ako sa inyo 'di ba na mauuna nang umuwi?" bagot ko pang sabi sa kaniya.
Narinig ko ang malakas na pagtawa nito at parang kaysarap lang pakinggan sa tainga niyon dahil madadala ka rin sa sobrang saya nang pagkakatawa niya.
"Umayos ka nga, Jana! Kung anu-anong kabaliwan na ang naiisip mo. Si Steven lang naman ang kausap mo!" asik ko naman sa sarili.
"I'm just make sure na nakauwi ka na nga nang maayos," sabi pa niya sa'kin.
"Lah?! Ano daw?! Daig mo pa ang boyfriend lang ang peg sa'kin?" Patuloy sa pagtataray kong wika.
Muli kong narinig ang malakas niyang pagtawa.
"Kainis!" ani ko sa sarili.
"Sabi ko naman kasi sa'yo na pwede naman talaga nating totohanin ang pagiging mag-boyfriend girlfriend kung gugustuhin mo lang eh. Pwede na rin kitang pagtiyagaan kung magkagayon man!" Muling tawa nito sa kabilang linya.
"Bw*sit!" sigaw ko sa kaniya sabay patay ng tawag nito.
Nagngingitngit na hinagis ko ang cellphone sa unan.
"Kainis!" Malakas kong sigaw.
Katok sa pinto ang pumukaw sa aking pagngingitngit.
Binuksan ko ang pinto at mukha ni Papa ang bumungad sa'kin.
"Ano'ng nangyayari sa'yo at sumisigaw ka? Sinong kaaway mo?" magkasunod na tanong nito sa akin at sumilip pa sa loob ng kwarto ko.
"Wala po, Pa! kakamot-kamot sa ulong tugon ko sa kaniya.
"Wala? Pero ang sigaw mo ay daig mo pa ang may mga kalaban dito na hinaharap," naiiling na wika ni Papa.
Nakangiwing nginitian ko na lamang ito.
"Matutulog na po ako, Pa! Good night po!" Sabay halik ko sa pisngi nito.
"O siya matulog ka na at may klase ka pa bukas." Ito na ang kusang nagsara ng pinto.
Pagbalik ko sa kama ay napansin kong umiilaw ang cellphone hudyat na may nag-text sa'kin.
Nakita kong galing lahat ang messages kay Steven.
Agad kong binura ang message nito at 'di ko na pinagkaabalahan pang basahin ang mga iyon.
"Bahala ka sa buhay mo!" gigil kong sambit sa sarili.
Ilalagay ko na sana ang cellphone sa ibabaw ng cabinet nang muling tumunog ang caller ringtone niyon.
Agad kong pinindot ang end button call nang 'di man lang tinitingnan kung sino ang natawag.
Muling naulit ang pagtunog ng caller ringtone ng cellphone ko at akmang pipindutin ko na ulit sana iyon nang makitang pangalan ni Christian ang rumehistro sa may screen ng cellphone.
Sa sobrang pagkataranta ko na sagutin ang tawag ni Christian ay nabitiwan ko ang cellphone.
Bumagsak iyon sa sahig at sumabog ang bawat bahagi niyon sa bawat bahagi ng aking kwarto.
"Shocks!" Malakas kong tili.
"Ang cellphone ko!" Maluha-luha kong sabi habang dinadampot ang bawat bahagi ng cellphone na nagkawasak-wasak.
"Badtrip!" nakaingos kong sabi sa sarili.