Jamie Ann “Jana” De Castro (POV)
“Ano’ng nakain mo Jana, ba’t ang aga mo ‘ata ngayon?” natitilihang tanong ni Lyn sa akin.
Masyado nga akong napaaga ng pasok dahil sa pagsabay sa'kin ni Steven.
“Isinabay ako ni Steven sa sasakyan niya, kaya nakaiwas ako sa mga nag-aagawang pasahero at trapik,” sagot ko naman sa kanya.
Lalo itong tumili ng malakas nang marinig ang pangalan ni Steven.
Muntik pa akong malaglag sa upuan dahil sa malakas na pagyugyog nito roon.
“Ikaw na talaga Jana! Ikaw na talaga ang maganda!” Buska naman ni Ice.
“Nanliligaw na ba siya sa’yo?” kinikilig na tanong ni Lyn sa'kin.
“Hindi noh! Nakita niya lang kaya ako na nag-aabang sa sakayan tapos isinabay niya na ako,” nakalabing tugon ko sa kanila.
Hindi ko na ikinuwento ang buong detalye nang pagsabay ko sa sasakyan ng binata.
Nakakahiya!
Namula pa ang mga pisngi ko nang maalala ang ginawang paghalik ni Steven sa'kin.
‘Di ko namalayang nakangiti na pala ako.
“Mukhang may magandang nangyari kanina sa sasakyan,” humahagikhik na anas ni Ice.
Inirapan ko ang mga ito na tinawanan lamang nila.
Hindi sila tumigil sa pang-aasar sa akin hanggang sa dumating ang professor namin.
Pagsapit ng breaktime ay mabilis kong niligpit ang aking mga gamit.
Naghihintay na si Christian sa labas ng campus para samahan ako sa aming mga tuturuan.
Nag-retouch muna ako ng kaunti at nagpabango pa.
“Nakakahiya naman kung maamoy niyang amoy pawis ako,” usal ko sa sarili.
Mabilis ang mga kilos na humakbang ako palabas ng campus.
Nakita ko si Christian na nakatayo sa may tabi ng gate ng campus.
“Hi Kuya, kanina ka pa?” malambing kong tanong sa kaniya nang makalapit na ako.
“Hmm... Sakto lang! Kararating ko lang din naman," sagot naman niya sa akin.
"Kumusta ang klase mo?” balik tanong niya.
“Ayos naman! Keri lang, Kuya!” Nginitian ko ito nang pagkatamis-tamis.
Paglingon ko sa loob ng fastfood ay napansin ko si Steven na nakatingin sa amin ni Christian.
Inirapan ko ito at tinalikuran upang sundan si Christian nang magsimula nang maglakad at hilahin niya ako sa kamay papuntang sakayan ng jeep.
Napansin ko ang sasakyan ni Steven na nakasunod sa sinasakyan naming jeep.
Hindi ko iyon pinansin kanina dahil baka kako nagkataon lang na parehong daan ang pupuntahan namin.
Nang makapasok kami ni Christian sa aming tuturuan ay napansin ko si Steven na kausap ang guard sa may gate ng school.
Saglit akong lumabas upang tiyaking si Steven nga ang lalaki.
“Si Steven talaga ‘yong nakita ko eh,” bulong ko sa sarili.
Palinga-linga ako sa paligid upang hanapin ang binata.
“Ano kayang ginagawa ng mokong na ‘yon dito?” tanong ko pa ulit sa sarili.
“Ano’ng ginagawa mo rito, Jana?” tanong ni Christian.
Sumunod pala ito sa akin, “Umpisahan mo na ang klase.”
Tumango ako sa kaniya at hinawakan pa ako nito sa braso. Nagpahila na lang ako sa kaniya pabalik sa loob ng klase dahil kinikilig na naman ako sa pagdampi ng kamay nito sa aking braso.
“Ayst! Bakit ba kasi iniintindi ko pa ang mokong na 'yon! Malamang eh namalikmata lang naman siguro ako,” ani ko pa sa isipan.
------------------
“May klase ka pa ‘di ba?” tanong ni Christian sa’kin nang makalapit na ako sa mesa.
Katatapos ko lang magturo sa mga bata at tapos na rin ang oras ng klase namin sa kanila.
“Nag-text si Lyn, wala raw kaming prof kaya tapos na po ang klase namin. Pauwi na rin po ako,” sagot ko naman sa kaniya.
“Grabeh naman sa pagka- 'PO', anyway sabay na tayong umuwi,” natatawa nitong sabi.
Nahihiyang tumango naman ako bilang tugon sa kaniya.
"Pero kumain muna tayo bago umuwi ha. Wait lang, wala ka bang pasok sa work mo?” tanong niyang muli sa'kin.
Umiling naman ako sa kaniya bilang tugon.
Lumabas kami ng school at nagpara ito ng taxi.
Sumakay kami roon at sinabi niya sa driver ang pangalan nang pupuntahan naming lugar.
Nanlaki ang mga mata ko nang dinala ako nito sa isang mamahaling restaurant.
Nakaramdam ako ng pagkailang sa lugar dahil puro mga magaganda ang mga bihis ng mga taong nakikita kong kumakain.
Bigla akong nahiya sa kasuotan kong t-shirt at maong pants.
Napanganga ako sa nakikitang mamahaling mga kagamitan dito.
Bawat madaanan namin ay sinusuri ng aking mga mata. Ingat na ingat ako sa paglalakad at iniiwasang madikit sa bawat mesa.
Pakiramdam ko kasi ay makakabasag ako at sa tingin ko pa lang ay 'di ko na afford ang presyo no'n. Mukhang dalawang buwang allowance ko pa ang katumbas o baka nga higit pa sa inaasahan kong halaga.
Kinalabit ko si Christian at binulungan.
“Kuya, ba’t dito tayo kakain? Mukhang mahal ang mga pagkain dito. Mauubos ang budget mo.” Hininaan ko pa ang aking boses lalo na sa huling sinabi.
“Relax ka lang, pwede naman tayong maghugas ng mga plato ‘pag ‘di natin sila mabayaran,” tumatawa nitong sagot.
Sumimangot naman ako sa kaniyang sinabi.
“Ang pangit mo pala Jana ‘pag nakasimangot,” natatawang anas pa nito.
Lumabi naman ako sa kaniya at akmang tatayo nang pigilan niya ang kamay ko.
Libo-libong boltahe ng kuryente ang dumaloy sa aking kamay sa ginawa niyang paghawak.
Halos hindi ako makahinga sa sobrang kilig na nadarama.
“Ikaw naman, ‘di ka na mabiro,” nangingiting saad pa nito sa'kin.
Dumating ang in-order niyang pagkain at nagdasal kami bago tahimik na kinain ito.
“Ano palang plano mo Jana, pagka-graduate?” tanong niya sa'kin na siyang bumasag sa katahimikan naming dalawa.
“Uhm, siguro mag-a-apply ng work tapos pupunta ng abroad para mas lumaki ang sahod ko,” sagot ko naman sa kaniya.
“Hindi ka na ba magtuturo para sa samahan?” muli niyang tanong sa'kin.
Tumingin ako sa kaniya at umiiling na sumagot, “Hindi ko pa po alam, Kuya!”
Hinawakan nito ang mga kamay kong nasa ibabaw ng lamesa at tumingin sa aking mga mata.
“Basta lagi mo lamang tatandan na kung kailangan mo ang tulong ko, nandito lang ako para sa’yo,” madamdamin niyang turan.
“Salamat, Kuya!” maluha-luha kong sagot sa kaniya.
“Pwede bang 'wag mo na nga akong tawaging 'Kuya', kung pwede Christian na lang. Masyado akong tumatanda sa'yo tuwing tinatawag mo akong 'Kuya'.” Lihim naman akong kinilig sa sinabi nito.
“Hindi yata ako sanay Kuya,” kunwaring anas ko sa kaniya pero deep inside of my heart ay kinikilig na ako ng sobra.
“Hayan ka na naman sa 'Kuya' mo!” Pagalit niyang suway sa'kin.
Napahagikhik naman ako sa kaniya.
Pagkatapos naming kumain ni Christian ay dumaan muna kami sa simbahan upang dumalo sa panghapong misa.
Lihim akong kinikilig sa mga sinasabi nito sa'kin sa restaurant.
Lalo pa nang sabihin nitong h‘wag ko na siyang tawaging 'kuya'.
“Sa wakas, matatawag ko na rin siya sa pangalan niya mismo.” Impit kong tili sa isipan.
Mabuti na lang pala wala kaming prof ngayon at maaga akong nakatanggap ng text mula kay Lyn, sakto pang nagkataon na rest day ko sa work.
Para na rin akong nakipag-date kay Christian at sa isang mamahaling restaurant pa niya ako dinala.
Feel na feel ko ang araw na ‘to at para lang akong nasa alapaap sa sobrang saya.
Akala ko ay ihahatid lamang ako ni Christian sa sakayan kaya ito sumabay sa’kin maglakad hanggang terminal.
Nagpaalam na akong sasakay sa jeep nang sumakay rin ito.
Nagtatakang nakatingin ako sa kaniya.
“H’wag mo na akong ihatid sa amin kaya ko nang umuwi mag-isa.” Pagtataboy ko pa sa kaniya pero hindi ako pinansin nito.
“Dito ang sakayan ko pauwi,” sagot naman niya sa'kin nang makaupo na rin ito sa tabi ko.
Nanlaki ang mga mata ko sa narinig buhat sa kaniya.
“Huh?! Ibig mong sabihin malapit lang ang bahay ninyo sa amin?” At tumango naman ito bilang tugon sa'kin.
"Gosh! Ba’t ‘di ko alam ‘yan?!” tanong ko sa isipan.
“Matagal na po tayong magkalapit baryo, ‘di mo lang namamalayan dahil ‘di ka naman kasi palalabas ng bahay n’yo,” paliwanag naman nito na parang nabasa ang tanong ko sa isipan.
“Ah, kaya pala!” sagot ko naman sa kaniya.
Nang dahil sa trapik ay nagkaroon kaming dalawa ng time na makapagkwentuhan pa ng mas matagal. Naglalakad na kami papunta sa bahay naming nasa may bandang dulo ng subdivision.
Nalaman kong Management pala ang kinuhang kurso nito at nakailang balik na rin siya sa kolehiyo gawa nang papalit-palit niyang kurso.
"Napakasipag mong mag-aral," naiiling kong saad sa kaniya.
"Tamad kamong mag-aral!" Sabay halakhak nito nang malakas.
“Sir Christian, ikaw ba ‘yan?” Napalingon kaming dalawa ni Christian sa taong nagsalita.
“Ikaw pala, Mitch!” Tinapik ni Christian nang marahan sa balikat ang dalaga.
“Grabe Sir, ang gwapo mo pa rin. In fairness, mas hot and yummy ka ngayon.” Tinignan ng babae si Christian, partikular sa katawan nito.
Mas tumagal pa ang mata ng babae sa bandang ibabang bahagi ng katawan ni Christian at kumindat pa ito sa binata.
Namula naman si Christian sa ginawa ni Mitch.
Nakaramdam naman ako ng inis kaya nagpaalam na ko sa kanila.
“Mauuna na akong umuwi sa inyo Christian, marami pa pala akong gagawing reports.” Paalam ko kay Christian.
Tumingin ako kay Mitch at tinanguan naman ako nito.
Nagngingitngit ang kaloobang tinalikuran ko ang dalawa at walang lingon likod na naglakad ako ng mabilis palayo sa kanila.