Dahil ako ang cheer leader, wala akong ibang choice kundi ang hintaying matapos ang laro ng grupo nila Steven.
Panay hiyawan at tilian ng mga kababaihan malapit sa aking kinauupuan.
Gusto ko nang hilahin ang oras dahil naiinip na ako. Wala naman kasi akong hilig manood ng mga ganitong sports.
Napaigtad ako nang hawakan ni Christian ang kamay ko.
"Naiinip ka na ba?" tanong niya sa'kin.
Tumango lang ako sa kaniya bilang tugon.
"Panoorin mo na muna sila." Inginuso pa nito ang grupo nila Steven.
"Wala kasi akong hilig sa sports kaya 'di rin ako maka-relate sa kung ano ang dapat isisigaw sa kanila," nakangiwi kong sabi sa kaniya.
"Pero ikaw ang cheer leader nila." Pinisil pa nito ang kamay kong hawak niya.
Bigla tuloy akong nahiya sa kaniyang sinabi.
Totoo nga naman ang sinabi nito. Naturingang cheer leader ng grupo nila Steven pero hindi ko magawang i-cheer ang mga 'yon.
"Kailangan nila ang sigaw ng maganda nilang cheer leader at natambakan na sila ng puntos ng kanilang kalaban," saad pa ni Christian.
Napabuntong hininga naman ako sa sinabi nito. Tumingin ako sa kaniya at ngumiti bilang pasasalamat.
Muli niyang pinisil ang kamay kong patuloy lamang niyang hawak.
Tumingin ako sa score board at nakita kong malaki nga ang lamang na puntos ng kalaban sa grupo nila Steven.
"Bryan!" Nag-aalalang sigaw ni Lyn.
Napalingon ako kay Bryan at nakita kong nakahiga ito sa sahig habang hawak ang kaniyang braso.
Humingi ng time out si Steven dahil nadulas sa sahig si Bryan at hindi nito maigalaw ang kaniyang braso.
Dahil hindi maigalaw ni Bryan ang brasong tumama sa sahig, si Steven ang pumalit sa kaniyang maglaro.
Umugong ang malakas na hiyawan nang pumasok si Steven.
Tumingin ito sa bandang gawi ko at nakipagtitigan sa'kin.
Inirapan ko naman ito.
Nagsimula itong maglaro at bawat galaw niya ay pinanood ko.
Lihim akong napahanga sa bilis niyang kumilos at ang galing niyang mag-dribble ng bola. Magaling din siyang mag-shoot ng bola at bawat pasok niyon sa ring ay three points ang naririnig kong sigaw ng mga taong nasa paligid namin.
"In fairness, may ibubuga rin naman pala 'to sa basketball," ani ko sa isipan.
Sunod-sunod ang pagpasok nito ng bola sa ring kaya naman tuwang-tuwa ang mga estudyanteng nasa tabi ko.
Naramdaman ko ang pagpisil ni Christian sa'king kamay kaya nilingon ko ito.
Itinaas niya ang kamay kong hawak at dinala iyon sa kaniyang bibig upang halikan.
"Christian!" mahinang usal ko.
Napalunok ako sa ginawa nito at nakagat ang ibabang labi ko.
Napalingon kami pareho ni Christian nang maramdaman namin ang tumalsik na bola sa aming paanan.
Si Steven ang lumapit sa'min upang kunin ang bola.
Nakabusangot ang mukha nito nang humarap sa'kin.
"Ikaw ang cheer leader namin 'di ba?" pagalit niyang tanong sa'kin.
"Gawin mo kaya ang obligasyon mo hindi 'yong nakikipaglandian ka riyan," dagdag pa niyang sabi at tinalikuran ako nito matapos makuha ang bola sa aming paanan.
Napatanga naman ako sa kaniya habang tinititigan ito pabalik sa kanilang laro.
"H'wag mo na lang siyang pansinin," saad naman ni Christian at pinisil ang aking kamay.
Napahiya ako sa sinabi ni Steven. Guilty rin ako kaya lalong nagngitngit ang dibdib ko sa inis.
Inis para sa aking sarili at inis para kay Steven.
Tahimik lang akong nanood sa kanilang laro.
Natabunan na naman ang puntos nila ng kalaban dahil panay sablay na ang pag-shoot ng bola ni Steven.
Halatang mainit rin ang ulo nito at parating binubulyawan ang mga kagrupo niya.
Naiinis akong panoorin 'to ngayon kumpara kanina.
Tumayo ako at umusog malapit sa pwesto niya.
"Steven!" Sigaw ko sa kaniya.
Lumingon sila sa akin at sandaling nahinto sa kanilang laro.
Magkasalubong ang kaniyang mga kilay at nagtatanong ang mga matang nakatingin sa'kin.
"Kapag kayo ang nanalo..." Bumuntong hininga muna ako bago muling nagsalita.
"Papayag na akong maging escort ka sa grad ball," nakaismid kong sigaw sa kaniya.
Napanganga naman 'to sa aking sinabi.
Akmang tatalikod na ako nang hilahin niya ang kanang braso ko.
Pagharap ko sa kaniya ay sinibasib niya ako ng halik sa aking labi.
"Jana!" Tawag ni Christian ang pumukaw sa aking isipan.
Mabilis akong kumalas kay Steven.
"Ako ang magiging escort mo sa grad ball," ani niya sa'kin.
"Kung mananalo kayo!" Paismid kong tugon sa kaniya.
"Mananalo kami!" paniniyak niyang sabi at mabilis na dinampian ako ng halik sa pisngi.
"Ang hilig mo talagang mangnakaw ng halik!" Gigil kong bulyaw sa kaniya.
Ngumisi lang siya sa'kin at tumakbo pabalik sa kanilang laro.
Napailing na lamang ako habang pinagmamasdan itong palayo sa'kin.
"Jana!" Napalingon ako kay Christian.
Nakita ko ang lungkot sa mukha nito.
Lumapit ako sa kaniya, "Masama bang pakiramdam mo?"
Napansin ko kasing pinagpapawisan siya kahit aircon naman dito sa loob ng gym.
Lumapit ako sa kaniya at sinalat ang kaniyang leeg. Umiling-iling siya sa'kin.
"Okay lang ako," paanas niyang sabi.
"Kumusta nga pala kayo ng bago mong leader?" tanong pa niya sa'kin.
"Okay lang, bukas balik na ulit ako sa pagtuturo," nakangiting tugon ko sa kaniya.
"Mabuti naman kung gano'n. Sorry, kung hindi na kita masamahan sa pagtuturo," ani niya sa'kin.
"Ayos lang! Isa pa may klase ka rin namang tinuturuan 'di ba?" turan ko sa kaniya.
Saglit na natulala ito ngunit agad ding ngumiti sa akin.
Hindi ko na kasi inalam kung may hawak pa siyang klase dahil na-busy rin ako sa mga gawain dito sa campus.
"Yown!" Malakas na hiyaw nina Lyn at Bryan na magkatabing nakaupo sa upuan.
"Ang galing mo talaga, Papa Steven!" Hiyaw rin ni Ice.
"I love you, Steven!" Sabay-sabay na sigaw ng mga kababaihan mula sa isang sulok.
Napatingin ako sa gawi ni Steven at nakita ko ang nakangising mukha nito.
Humaba ang nguso nito sa'kin na tila hahalik. Inismiran ko siya at nagawi ang mga mata ko sa score board.
Nanlaki ang mga mata ko at napatayo mula sa pagkakaupo nang makitang panalo na ang grupo nila Steven.
"Patay! Napasubo yata ako!" nanlulumong bulong ko sa sarili.
Naramdaman kong humawak si Christian sa'king kamay kung kaya't tiningnan ko siya.
"Mukhang panalo ang campus niyo," nakangiti niyang sambit sa'kin.
"Napasubo yata ako," nakangiwi kong turan sa kaniya.
"I trust you!" Pinaulanan niya ng maliliit na halik ang kamay kong hawak niya.
"Sandali nga, pansin ko lang..." Saglit akong tumahimik at saka muling nagsalita.
"Kanina ka pa halik nang halik sa kamay ko," nakaingos kong wika at pinanliitan ito ng aking mga mata.
Natawa naman siya sa'kin.
"Ms. De Castro, please come over here." Tinawag ako ni Ms. Lynette at pinalapit sa kanila.
"Sandali lang, Christian ha." Paalam ko sa kaniya.
Tumango naman ito sa akin at muling dinampian ng halik ang kamay ko.
Paglapit ko kay Ms. Lynette ay iginagawad na ang trophy kina Steven.
"Uy Jana, nariyan ka pala!" mapang-asar na sabi ni Steven.
"Baka gusto mong bawiin ko ang sinabi kanina," nang-iinis kong sagot sa kaniya.
"Hindi mo na mababawi 'yon dahil marami nang nakarinig," nakangisi niyang turan.
"Bw*sit!" Sabay irap ko sa kaniya.
Matapos ang picture taking ay nagpaalam na ako kay Ms. Lynette at mabilis na bumalik sa upuan namin ni Christian.
"Uwi na tayo!" Aya ko kay Christian.
Tumango ito sa'kin at tumayo. Nilingon ko sina Ice at Lyn upang magpaalam sa kanila.
"Uwi na kami, kayo?" tanong ko sa kanila.
"Mamaya na lang. Sige mauna na kayo," wika ni Lyn.
"Oy, ingat kayo ha," ani naman ni Ice.
"Uwi diretso sa bahay ha, hindi kung saan-saan," nandidilat pa ang mga matang sabi muli ni Lyn.
"Lyn!" bulalas ko naman sa kaniya.
Humagikhik lang ito. Lumapit pa siya sa'kin at nakipagbeso-beso. Ganoon din ang ginawa ni Ice.
Inalalayan pa ako ni Christian sa mga dala kong gamit.
Palabas na kami nang tawagin ako ni Steven.
Hinarap ko ito at nagtatanong ang mga mata kong naghintay nang sasabihin nito.
"Hindi ka pa maaaring umuwi," saad niya sa akin.
"At bakit naman?" mataray kong tanong sa kaniya.
"Dahil ikaw ang cheer leader namin at kailangan mong sumama sa'min." Tumingin pa ito kay Christian.
"Uuwi na kami!" mariin kong anas sa kaniya.
"Kailangan mo ngang sumama sa'min," matigas nitong sabi.
"Hindi ka rin makulit noh?" inis ko nang sabi.
"Uuwi na kami dahil gusto ko na ring magpahinga," seryoso kong sabi sa kaniya.
Hinawakan nito ang isa kong braso at hinila ako.
"Bro, ayaw nga sumama ni Jana, kaya h'wag mo sanang pilitin," saad naman ni Christian at hinawakan rin ako sa kabilang braso ko upang hilahin.
"Siya ang cheer leader namin kaya kailangang naroon din siya," matigas na sabi ni Steven.
"Pagod na si Jana at kailangan na rin niyang magpahinga," mariing tugon naman ni Christian.
Nagpalitan nang tingin ang dalawa at kung wala lang siguro ako sa gitna nila ay malamang kanina pa sila nagsuntukan.
Pakiramdam yata ng dalawang 'to ay isa akong manika na pwede nilang pag-agawan.
Hila-hila ng bawat isa sa kanila ang braso ko at walang gustong bumitaw
"Ang swerte naman ng cheer leader na 'yan!" nadinig kong bulalas ng isang babae mula sa kung saan.
"Ako na lang pag-agawan niyo, mga Fafa!" wika naman ng isang bakla.
"Sana ako na lang si Ate Girl!" Impit na tili ng ilang babae.
Paglinga ko sa aking mga mata ay nakita ko ang mga tingin sa amin ng mga taong naroon.
Dala ng sobrang hiya sa mga taong naroon ay agad kong tinabig ang mga kamay nilang nakahawak sa'kin.
"Magsitigil kayo!" malakas kong sabi sa kanilang dalawa.
Humarap ako kay Steven.
"Kanina ko pa gustong umuwi dahil pagod na ako. Hindi ba pwedeng pass muna ako sa pagsama at gusto ko na talagang magpahinga," litanya ko sa kaniya.
"Masama ba pakiramdam mo?" Lumapit siya sa'kin at sinalat ang noo ko.
"Steven!" Malakas na bulalas ko sa kaniya.
Umusog ako palayo sa kaniya, kaya napasandal ako sa dibdib ni Christian.
"Tara na Jana, para makapagpahinga ka na." Hinawakan ni Christian ang balikat ko at pinisil ako roon.
Umabante ako konti para maalis sa pagkakadikit sa katawan ni Christian.
"Ihahatid na kita, pauwi!" wika ni Steven.
"Ako na maghahatid sa kaniya pauwi," ani naman ni Christian.
Nagsimula na namang magbatuhan nang matatalim na tinginan ang dalawang binata at walang gustong sumuko isa man sa kanila.
"Jana!" Tawag sa'kin nina Ice at Lyn.
"Pauwi na ba kayo?" tanong ko sa kanila.
Sabay silang tumango sa akin bilang tugon.
Kinuha ko ang ibang mga gamit ko na hawak ni Christian at humarap ako sa kanilang dalawa na patuloy pa ring nagpapalitan nang matatalim na tinginan.
"Uuwi ako mag-isa at walang susunod sa inyo. Maliwanag?!" ani ko sa kanila.
"Pero..." angal ni Steven.
"Jana!" usal naman ni Christian.
"Sa oras na sundan ninyo akong dalawa, h'wag na kayong umasa na kikibuin ko pa kayo," mariin kong sabi at tinalikuran na ang dalawang binata.
Naiiling na humakbang ako palayo kina Steven at Christian.
"Mga pasaway!" bulong ko sa sarili na animo'y isang bubuyog.