Pagkatapos ng unang activity ay isinunod na ang cheering.
"Are you ready, Guys?" tanong ko sa mga kasamahan.
"Ready!" Sigaw naman nila bilang tugon sa'kin.
"Group hug!" malakas kong sambit sa kanila.
Nag-group hug kami at naghanda na sa aming gagawin.
"Jana!" Napalingon ako sa tumawag sa'kin.
"Christian!" nakangiti kong anas sa kaniya.
"Galingan niyo ha." Lumapit ito sa'kin at hinalikan ako sa pisngi.
"Thank you!" Nahihiyang pasalamat ko sa kaniya.
"O siya, rito na muna ako at panonoorin ko pa kayo." Ngumiti ito sa'kin kaya muling nakita ko na naman ang biloy niya sa pisngi.
"Teka lang!" Pigil ko sa kaniya at kinapitan ang kaniyang braso.
"Ba't ka nga pala narito? Tapos isa ka pa pala sa mga VIP guest," nakalabing wika ko sa kaniya.
Hinawakan nito ang kamay ko at dinala iyon sa kaniyang bibig at hinalikan.
"Tinatanong kaya kita?!" pataray kong sabi sa kaniya at pasimpleng kinuha ang kamay ko.
Mahinang tumawa ito, "Galingan niyo ha."
Muling lumapit ito sa'kin at hinalikan ako sa pisngi.
Nagpaalam na ito sa'kin at tinanguan ko naman iyon.
Pagbalik ko sa grupo ay nakasambakol ang mukha ni Steven kung kaya inirapan ko ito.
"Kapag siya talaga ang kausap mo nakangiti ka, pero kapag ako naman kaharap mo lagi kang nakairap," malamig nitong sabi.
"Ano bang meron sa Christian na 'yan na wala sa akin?" tanong pa nito.
"Ano bang sinasabi mo?" nakataas ang kilay na tanong ko sa kaniya.
"Sino ba talaga sa aming dalawa, Jana?" muling tanong niya sa'kin.
"Hoy Steven! Nandito tayo para gampanan ang tungkuling ibinigay sa'tin hindi para sa kung ano pa man!" angil ko sa kaniya.
Malakas na ang boses ko kaya naman napatingin na sa'min ang mga taong nasa paligid.
"Ops! Awat na 'yan, Pre at may cheering pa kayo ni Jana." Awat sa'min ni Bryan.
"Wala na akong ganang sumali!" tugon naman nito at tumalikod palayo sa'min.
Nanggigigil ako sa inis ng mga oras na 'yon dahil pakiramdam ko ay mukha akong tanga sa ginawang pag-iwan sa'kin ni Steven.
"Bw*sit!" Sigaw ko sa papalayong bulto ng katawan ni Steven.
"H'wag ka nang babalik!" dagdag ko pang hiyaw sa kaniya.
"Tama na 'yan, Jana!" saway sa'kin ni Lyn.
"Pinagtitinginan na tayo ng ibang mga estudyante ng ibang campus kaya awat na Jana," saad naman ni Ice.
"Kainis!" gigil kong wika sa kanila at tumalikod upang maglakad patungo sa may mga puno.
Umupo ako roon at doon ko ikinubli ang sarili upang 'di nila makita ang mga luhang pinipigilan ko lamang bumagsak mula pa kanina.
Narinig ko ang pagtawag ng emcee at pinasimulan na nito ang cheering.
Nagtagal pa muna ako sa pag-upo roon sa ilalim ng puno dahil alam ko namang matagal pa rin naman bago tawagin ang aming grupo.
"Nakakainis ka na!" gigil kong sabi sa sarili na tila isang bata lang.
Napaigtad ako nang may biglang pumulupot na mga braso sa aking katawan.
Kinilabutan ako dahil sa pamilyar sa'kin ang yakap na 'yon.
"I'm sorry!" pabulong niyang anas sa'kin.
"Steven!" pabulalas kong usal sa kaniya.
"Jana..." Mas lalo niyang hinigpitan ang pagkakayakap sa'kin.
Tuluyang bumagsak ang mga luha ko pababa sa aking pisngi at 'di ko na naiwasang mapahikbi pa.
"Jana!" bulalas nito at iniharap ako sa kaniya.
"Why are you crying?" Pinunasan pa ng kaniyang daliri ang mga luha kong patuloy lamang sa pagdaloy.
"Nakakainis ka!" humihikbing saad ko sa kaniya.
"Akala mo ba nakakatuwa ka na?" patuloy sa paghikbing wika ko.
"I'm sorry!" Hinawakan ng dalawang kamay nito ang aking pisngi at saka niya ako sinibasib ng halik sa aking mga labi.
Marahang halik ang iginawad nito sa'kin at habang tumatagal ay palalim nang palalim iyon.
"Jana!" Sigaw nina Ice at Lyn ang umuntag sa nawawala kong katinuan ng mga sandaling iyon gawa nang paghalik ni Steven.
Marahas kong itinulak si Steven palayo sa aking katawan ngunit muli lang akong nahapit nito sa'king baywang.
"Jana!" Narinig kong muli ang pagtawag sa'kin nina Ice at Lyn.
"Bitiwan mo ako!' tarantang wika ko kay Steven dahil sa pangambang baka abutan kami nina Ice at Lyn sa ganoong ayos.
"Ayoko!" matigas nitong sabi.
"Pwede ba?! Nag-uumpisa ka na namang mangulit, Steven!" nauubusan ng pasensiyang saad ko sa kaniya.
"Sorry na!" malambing nitong sabi at lumabi pa ito.
Binitiwan nito ang paghapit sa aking baywang ngunit ang kamay ko naman ang hinakawan niya.
Pinagdaop niya ang mga palad namin na tila magka-holding hands lamang.
Hindi na ako muling nagsalita pa at napapagod na rin akong makipagtalo kay Steven.
Hinayaan ko na lamang ito sa kaniyang ginawa.
"Jana, nasaan ka na ba? Malapit nang magsimula ang cheering ng grupo." Malakas na sigaw ni Lyn na patuloy lamang sa paghahanap sa'kin dahil 'di pa rin nila ako matagpuan.
"Nandito ako!" Ganting sigaw ko kay Lyn.
Ganoon na ba kalayo ang narating ko kaya 'di nila ako matagpuan?
"Tara, hinahanap na nila tayo!" ani ni Steven.
Nagtaka ako dahil sa ibang direksyon ako hinihila ni Steven.
"Saan tayo pupunta?" takang tanong ko sa kaniya.
"Babalik na tayo sa kagrupo natin," sagot naman nito na patuloy lamang sa paghila sa'kin.
"Sandali! Bakit diyan tayo pupunta eh dito ako dumaan kanina." Pigil ko sa kaniya at hinila ko 'to sa direksyon na alam kong dinaanan ko kanina.
"Jana, narito sina Ice at Lyn. Pakinggan mo kung saan nanggagaling ang kanilang mga boses," aniya.
"Jana!" muling sigaw nina Ice at Lyn. Pinakinggan ko kung saan nagmumula ang kanilang mga tinig.
Saka ko lamang napagtanto na tama nga si Steven, dahil doon ko narinig ang boses ni Ice sa direksyon kung saan niya ako hinihila.
Pero, pa'no nangyari yon gayong tanda kong dito talaga ako dumaan.
"Thank, God at lumabas ka na!" wika ni Lyn.
Napapantastikuhang napatingin ako sa kanila ni Ice.
"Bakit para ka namang nakakita ng multo, Jana?" tanong naman sa'kin ni Ice.
Umiling-iling ako at nanatiling tahimik lamang.
Bumalik na kami sa grupo at nag-aalalang sinalubong nila ako. Ang weird!
"Mabuti naman Jana at natagpuan ka ni Steven," saad ni Jessa.
"Akala namin umuwi ka na," biro naman ni Kiko.
"Sira!" Tinampal ko 'to sa braso.
"Ba't naman ako uuwi eh leader niyo ako? Dahil diyan gawin na natin ang dapat nating gawin. Kaya natin 'to guys! Fight lang!" Masiglang sigaw ko sa kanila.
"Yown!" Hiyawan naman nila.
"Go! Go! Go!" Malakas na sabi ni Oliver.
"Group hug!" Malakas na sigaw ni Steven at hinila na ako patungo sa mga kasama namin saka nagyakap.
Pakiramdam ko ay sa akin lang naman talaga siya nakayakap kaya pasimple ko siyang siniko sa kaniyang dibdib at narinig ko ang mahinang pagtawa niya.
"Tsk! Sabi ko na, para-paraan talaga si Kolokoy!" ani ko sa isip.
We are the B, R, A, V, E, Team!
We are the B, R, A, V, E, Team!
We are the B, R, A, V, E, Team!
We are the BRAVE Team!
Sigaw ko bilang pagtatapos ng aming cheering.
Nakapatong ako sa likod ni Steven habang nakataas ang aking mga kamay na may hawak na ginupit na papel bilang pompoms.
Narinig namin ang malakas na palakpakan at hiyawan ng mga audience. Napangiti ako dahil sa tuwang nakikita ko sa mga nanonood sa'min.
Pababa na ako sa likod ni Steven ng dumulas ang paa ko sa damit nito.
"Jana!" Malakas na sigaw nina Lyn, Ice at Jessa.
Napapikit na lamang ako at naghintay sa pagbagsak ko sa lupa. Narinig ko ang malakas na pagsinghap ng mga taong nasa paligid.
Pinakiramdaman ko ang sarili kung saan banda ang masakit. Wala naman akong naramdaman na kahit ano kaya nakahinga ako nang maluwang dahil wala pang nalasog sa mga buto-buto ko.
Idinilat ko ang mga mata at nag-aalalang mukha nina Ice at Lyn ang aking nasilayan.
"Okay ka lang ba Jana?" tanong nila sa'kin.
Ngumiti ako sa kanila at tumango bilang tugon.
"Hay salamat!" napapahingang bigkas ni Lyn.
Nagitla ako nang may yumakap sa aking baywang. Paglingon ko ay nakita ko si Steven sa aking likuran.
Nakahiga siya sa lupa at tila ito ang sumalo sa'king pagkakalaglag.
"Ano'ng ginawa mo?" Nanlalaki ang mga matang tanong ko sa kaniya at agad akong tumayo upang alalayan itong makatayo.
"Ayos ka lang ba, Pre?" Tanong ni Bryan kay Steven.
"Ayos lang ako, Pre!" nakangiwing anas nito.
"Eh ba't nakangiwi ka kung ayos ka lang talaga?" nag-aalalang tanong ko sa kaniya.
"Malayo sa bituka 'to," nakangising tugon nito sa'kin pero nanatili pa ring nakangiwi ang kaniyang mukha.
Hindi ako kuntento sa sagot nito kaya dali akong umikot sa kaniyang likuran. Itinaas ko ang suot niyang damit sa may bandang likuran at napasinghap ako nang makitang dumurugo ang ilang bahagi ng katawan nito.
"Dugo..." Nanginginig ang mga kamay kong hinaplos iyon.
"Aahh!" Malakas na ungol ni Steven.
"Dumudugo ang likuran mo!" gumagaralgal kong sabi.
"Ilabas ang medicine kita, madali!" rinig kong utos ni Kiko.
Pinagtulungan nina Oliver, Bryan at Kiko na madala sa tent si Steven.
Agad naman akong sumunod sa kanila at dali kong kinuha ang medicine kit sa aking bag.
"Balik na muna kami sa pila, Jana," saad ni Oliver.
"Okay lang ba na maiwan muna namin kayo rito, Jana?" tanong naman ni Kiko.
"Ako nang bahalang gumamot sa sugat niya. Kayo na munang bahala sa grupo, " pakisuyo ko sa kanila.
"Sige, kami ng bahala roon. Maiwan na muna namin kayo rito," turan Naman ni Bryan at tinapik pa ako sa balikat nito.
Paglabas nila Bryan sa tent ay pinadapa ko si Steven upang gamutin ang sugat nito sa likod.
"Argh!" ungol nito habang dinadampian ko ng gamot ang mga sugat nito.
"Sorry!" gumagaralgal ang boses ko na tila nagbabadyang tumulo ang mga luha mula sa aking mga mata.
"Bakit ka nagso-sorry?" Umupo ito mula sa pagkakaupo.
"Nasugatan ka pa dahil sa'kin." Tuluyan nang tumulo ang mga luha ko mula sa aking mga mata.
Hinawakan nito ang mukha ko at pinagtama niya ang aming mga paningin.
"Hindi mo naman ginustong madulas sa likod ko. Isa pa 'di ko rin kasi inalalayan ka agad kaya tuloy nadulas ka pa," ani nito sa'kin.
"Steven..." Lalong umagos ang mga luha sa aking pisngi.
Nakaramdam pa ako ng guilty sa aking dibdib dahil sinusungitan ko ito.
Kinabig niya ako palapit sa kaniyang katawan. Ang kaninang paghikbi ko ay tuluyan nang nauwi sa malakas na paghagulgol.
"Sshh... Tahan na! Ayokong nakikitang umiiyak ka ng dahil lang sa'kin." Pagpapatahan niya sa'kin.
Patuloy naman akong humahagulgol. Kinalas niya ako mula sa pagkakayakap sa kaniya at hinawakan niya ang pisngi ko.
"Jana!" mahinang usal niya at saka ako kinabig palapit sa kaniyang mukha.
Dinampian niya ako ng halik sa aking mga labi.
"H'wag ka nang umiyak, please!" masuyo niyang wika sa'kin at dinampian ng halik ang bawat luhang dumaan sa aking pisngi.
Sumisinok-sinok na tumango-tango ako sa kaniya.
"Ang sugat mo," nag-aalalang bigkas ko sa kaniya.
"Magaling na 'yan, magaling ang mangagamot ko eh." Kumindat pa siya sa'kin.
"Sira!" Mahinang tinampal ko siya sa kaniyang dibdib.
"Salamat ulit!" pasasalamat kong wika muli sa kaniya.
Muli ko siyang pinadapa upang patuloy na lapatan ng gamot ang kaniyang sugat sa likod.