Dahil sa nangyari kay Steven, hindi ko na muna 'to pinalabas ng tent.
"Magpahinga ka na lang muna rito. Kukuha lang ako ng pagkain mo," ani ko sa kaniya.
Tumango ito sa'kin kaya iniwan ko muna siya.
Paglabas ko ng tent ay pinuntahan ko ang cooler na dala-dala namin para kumuha roon ng pagkain.
Binuksan ko ang isang cup noodle at nilagyan iyon ng hot water saka muling tinakpan para lumambot ang noodles sa loob nito.
"Ayos ka lang ba, Jana?" napaigtad ako sa tanong na 'yon ni Christian.
"Christian..." Hinarap ko ito.
"Ayos lang ako!" turan ko pa sa kaniya.
Lumapit ito sa'kin, "Hindi ka ba nasugatan o nagalusan?"
Hinawakan nito ang braso ko at sinipat ang mga 'yon.
"Ano ka ba, ayos lang ako. H'wag masyadong OA!" paismid kong saad sa kaniya.
Narinig ko ang mahinang pagtawa nito.
"Kumusta naman siya?" tanong niyang muli sa'kin.
Napatingin ako sa kaniya, "Ayos na rin siya. Nagamot na rin ang sugat niya at kasalukuyan na lang siyang nagpapahinga sa loob ng tent."
"Mabuti naman kung gano'n." Hinaplos nito ang pisngi ko at dinampian niya ako ng halik doon.
"Christian!" paanas kong usal sa kaniya.
"I miss you!" malambing nitong sabi.
"Christian..." Tumingin ako sa kaniyang mukha at nagtama ang aming mga paningin.
Hinapit ako nito sa aking baywang at dahan-dahang inilapit sa kaniyang katawan.
"Sabay na tayong umuwi bukas," masuyong bigkas pa nito at ramdam ko ang kaniyang mainit na hiningang bumubuga sa aking mukha.
Ilang ulit akong napalunok ng laway bago tumango-tango sa kaniya.
Ngumiti ito sa'kin at hinaplos niya ang aking labi gamit ng kaniyang isang daliri. Bumaba ang kaniyang labi sa aking mga labi at saka kinintilan iyon ng halik.
"Jana!" Rinig kong tawag ni Steven mula sa loob ng tent.
Bigla kong naalala ang pagkain ni Steven.
Dahan-dahan akong kumalas mula sa pagkakahapit ni Christian sa'king baywang.
"Pakainin ko muna si Steven ha..." Inayos ko ang pagkain ni Steven.
"See you, tomorrow!" Hinawakan niyang muli ang kamay ko at dinampian ng maliliit na halik.
Nakangiting tumango ako sa kaniya at tumalikod pahakbang patungo sa may tent.
"Jana!" Tawag sa'kin ni Christian.
Lumingon ako sa kaniya at nagtatanong ang mga mata kong tumitig sa kaniyang mga mata.
"I trust you!" mataman nitong wika.
"Thank you!" nakangiting tugon ko sa kaniya at muli ko nang tinalikuran ito.
Pagpasok ko sa loob ng tent ay naabutan kong nakaupo si Steven.
Napansin ko siyang nakasimangot pero 'di ko na lamang iyon pinansin at baka kumikirot lang ang kaniyang sugat kaya ganoon ito.
"Kumain ka na muna," nakangiting saad ko sa kaniya.
Umupo ako sa kaniyang harapan at hinalo ang laman ng cup noodle.
Matapos kong haluin ang cup noodle ay inabot ko iyon sa kaniya, "Kain na!"
Hindi niya inabot ang cup noodle na ibinibigay ko.
"Hindi mo ba gusto ang cup noodle? Teka, sandali ipagluluto na lang kita ng ibang pagkain." Akmang tatayo ako nang pigilan niya ang braso ko.
"Bakit?" muling tanong ko sa kaniya.
"H'wag ka nang magluto. Okay na 'yang pagkain na 'yan," turan niya sa'kin.
"Eh ba't ayaw mong kainin?" nakalabing anas ko sa kaniya.
"Sinabi ko bang ayaw ko?" pasuplado nitong wika.
"Sandali nga..." Tiningnan ko siya sa kaniyang mukha.
"Bakit, parang feeling ko, sinusupladuhan mo ako?" kunot noong tanong ko sa kaniya.
Tumahimik ito at nakipaglabanan ng titigan sa'king mga mata.
Akmang patayo na ako nang hilahin niya ang aking kamay.
"Ay kabayo!" natitilihang bulalas ko at napadausdos ako sa kaniyang kandungan.
"Mas gwapo naman ako sa kabayo," pabulong na anas nito.
"Bakit ka ba nanghihila?" pabulyaw kong bigkas.
Ramdam ko ang pagkailang dahil halos magkadikit na ang aming mga katawan.
Tatayo na ako nang muli niyang hapitin ang aking baywang dahilan para hindi ako makatayo mula sa kaniya.
"Steven!" Pilit kong inalis ang kamay niya sa aking baywang.
"Dito ka lang pwede?" bulong nito sa aking tainga.
"Hah?" Napatanga naman ako sa kaniyang sinabi.
"Sabi ko, rito ka lang sa tabi ko," ulit pa niyang sabi.
Tiningnan ko ang position naming dalawa. Nakakandong ako sa kaniyang kandungan at halos nakadikit ang kaniyang mukha sa aking balikat.
Kung nasa labas ako ng tent ay maaaring isipin ko na may iba kaming ginagawa rito sa loob. Ang awkward tingnan!
"Steven, wala kaya ako sa tabi mo. Can't you see, nasa kandungan mo ako nakaupo," pataray kong saad sa kaniya.
Tinanggal ko ang braso niyang nakahapit sa aking baywang at saka tuluyang tumayo mula sa katawan nito.
Hindi nito binitawan ang aking kamay at patuloy lamang niya iyong hinawakan.
"Alam mo malamig na ang cup noodle, hindi na 'yan masarap kainin." Kinuha ko ang cup noodle at inabot iyon sa kaniya.
"Subuan mo ako..." Paglalambing nito sa'kin.
"Likod mo lang ang may sugat, hindi naman ang kamay mo 'di ba?!" nakataas ang kilay kong saad sa kaniya.
"Hindi ako kakain kung 'di mo ko susubuan," nakalabing wika nito na tila isang batang hindi pinagbigyan ng kendi.
"H'wag kang abuso!" asik ko sa kaniya.
"Hindi talaga ako kakain kung 'di mo ako susubuan." Patalikod na ako nang marinig ko ang kaniyang sinabi.
Bumuntong hininga muna ako ng ilang beses bago muling umupo sa kaniyang harapan.
Kinuha ko ang cup noodle sa kaniyang kamay at hinalo-halo ang laman niyon.
"Nganga!" sabay dukwang ko ng kutsara sa kaniyang bibig.
Ngumanga naman ito at sinubo ang pagkaing isinubo ko sa kaniya.
Ngiting-ngiti si Kolokoy at parang natutuwa pang inisin ako.
Pinaubos subo ko ang laman ng cup noodle at inabutan ko siya ng tubig sa plastic cup.
"Salamat!" Dumighay pa ito ng malakas.
"Kadiri ka talaga!" ani ko sa kaniya.
"Gwapo naman!" nakangising wika nito.
"Aysus!" Natampal ko ang noo sa sobrang lakas ng hangin nito sa katawan.
"O siya lalabas na muna ako roon at baka kung ano na ang nangyayari sa kanila. Ako pa naman ang lider nila pero inasa ko na lahat kay Bryan. Nakakahiya!" mahabang litanya ko sa kaniya.
"Sasama ako!" Tumayo ito mula sa pagkakaupo.
Nanlaki ang mga mata ko ng biglang maghubad ito ng t-shirt kung kaya mabilis akong tumalikod sa kaniya.
"B*stos!" pabulyaw kong asik sa kaniya.
"Bakit ka biglang naghuhubad sa harap ko. W*langhiya ka!" muling asik ko sa kaniya.
"Magpapalit lang ako ng damit alangan naman na itong may dugo pa rin ang suot-suot ko." Paliwanag pa nito sa'kin.
"Bilisan mo nang magbihis ng hindi ako na-eeskandalo sa'yo rito." Patuloy kong daldal sa kaniya.
Narinig ko ang malakas na pagtawa nito.
Dinig na dinig ko naman ang pagtambol ng aking dibdib at parang may kung ilang kabayo ang nag-uunahang tumakbo roon.
Napaigtad ako ng biglang yumakap ito mula sa aking likuran.
"Ay kabute!" gulat kong usal.
"Masyado kang kabado bente. Bawas-bawasan mo nga ang pag-inom ng kape," pabulong na anas nito sa'kin.
"Ang hilig mo rin kasing manggulat eh noh!" mataray kong tugon sa kaniya.
"Bakit ba kahit suplada ka ay maganda ka pa rin?"
Siniko ko 'to sa kaniyang dibdib.
"Argh!" malakas niyang usal.
"Steven!" Hinarap ko siya at nakita kong nakangiwi ito.
"Sorry!" Lumapit ako sa kaniya at hinawakan ang kaniyang braso.
"Natamaan ko ba ang sugat mo?" nag-aalalang tanong ko sa kaniya.
Nagitla ako ng bigla niya akong hapitin sa aking baywang at nakangising idinikit nito ang mukha niya sa aking mukha.
"Steven!" bulalas ko sa kaniyang ngalan.
"Kainis ka, naloko mo na naman ako!" gigil na gigil kong saad sa kaniya.
"Ang cute mo talaga!" nakangisi niyang tugon sa'kin.
Sinimangutan ko 'to at dahan-dahang itinulak palayo sa'kin.
"Tara na!" ani ko sa kaniya.
"Kiss ko muna," anas nito sa'kin.
"Kiss mong mukha mo!" Tinalikuran ko na 'to at humakbang palabas ng tent.
Malalaki ang mga hakbang kong naglakad patungo sa pila ng mga kagrupo namin.
"O, Jana, kumusta si Steven?" tanong ni Lyn.
"Pre, kumusta na ang pakiramdam mo?" tanong ni Bryan kay Steven na nasa likuran ko na pala.
"Ayos na ako, Pre. Malayo sa bituka," tugon naman ni Steven kay Bryan.
"Magaling bang doktor si Jana?" sabad naman ni Kiko.
"Oo, Pre!" Inakbayan pa ako nito.
Mahinang siniko ko 'to kung kaya nagtawanan sila.
"Bryan, kumusta naman ang grupo?" tanong ko kay Bryan.
"Ayos lang naman Jana, may bagong activity tayo," tugon naman nito sa'kin.
"Ah talaga, ano ba ang bagong activity natin?" muling tanong ko sa kaniya.
"May aawit mula sa grupo, isang babae at isang lalaki. Partner sila dapat." Paliwanag pa nito.
"Kayo ba ni Lyn ang representative natin?" Nilangkapan ko pa nang panunukso ang aking tinig.
"Hindi eh!" Kakamot-kamot sa ulong tugon nito sa'kin.
"Ha? Eh sino pala?" tanong ko pa.
"Wala ngang may gusto sa kanila. Nahihiya raw sila." Patuloy sa pagkamot sa ulo ito.
"Hala, eh sinong representative natin?" malungkot kong tanong sa kanila.
"Eh 'di tayong dalawa!" Malakas na sabi ni Steven.
"Yown!" Sabay-sabay na hiyawan ng mga kagrupo namin.
"Bakit tayo?! Marunong ka bang kumanta?" tanong ko naman kay Steven.
Nginisihan naman ako nito.
Natahimik ako nang maalala ang pagkanta nito noong grad ball. Bigla kong natampal ng aking isang kamay ang noo.
"Bakit, Jana?" pabulong na tanong ni Ice sa'kin.
"Hindi ako kumakanta," nakangiwing turan ko.
"Anong hindi? Eh narinig ka na kaya naming kumanta," saad naman ni Jessa kaya napatanga ako sa kanila.
"Hah? Saan? Kailan?" sunod-sunod kong tanong.
"Okay lang naman Jana, kahit boses palaka ka. Tiyak namang papasa ka sa isang judges." Kumindat pa si Alyssa sa'kin.
"Tse!" paismid kong wika sa kanila.
Nagtawanan naman silang lahat sa'kin.
Binigyan muna kami ng isang oras na dinner break bago ang sumunod na activity.
"Maglalakad-lakad muna ako ha," wika ko sa kanila at tinanguan naman nila iyon.
Naglakad-lakad ako hanggang sa marating ko ang rotonda ng campus.
Inilinga ko ang paningin sa paligid at sa tulong ng mga ilaw na nagbibigay liwanag ay naaninaw ko ang ganda ng istruktura ng campus.
Sadyang kaylaki nga ng campus na 'to kumpara sa campus namin.
"Bakit ka narito?" napaigtad ako sa tanong ni Christian.
"Naglakad-lakad lang ako. Ang ganda ng campus na 'to noh?" balik tanong ko sa kaniya.
"Oo, isa ito sa mga exclusive campus dito," tugon naman nito sa'kin.
"Gusto mong samahan kitang libutin?" tanong pa niya sa'kin.
"Pwede ba?" balik tanong ko naman sa kaniya.
Lumapit ito sa'kin at hinawakan ang aking kamay. Hinila niya ako palakad patungo sa parang madilim na bahagi ng campus.
"Uy, saan mo ako dadalhin?" tanong ko sa kaniya.
"Lilibot tayo!" nakangiting tugon nito sa'kin.
"Pa'no naman natin lilibutin 'yang area na 'yan eh madilim?" muling tanong ko sa kaniya.
"Akong bahala sa'yo!" Kumindat pa siya sa'kin.
Tumahimik na ako at nagpahila na lang sa kaniya patungo sa kung saan niya ako dadalhin.
Namangha ako sa ganda ng lugar nang marating namin ang lagoon ng campus. Napaka-romantic dito dahil napaiilawan ito ng romantic lights at tila sinadya na madilim sa bandang labas upang pagpasok dito sa bandang loob ay mas lalong ma-appreciate ang ganda ng lugar.
"Ang ganda!" humahangang anas ko at tumakbo ako palapit sa mismong lagoon.
Nakita ko roon ang iba't ibang uri ng maliliit na isda na mayroong iba't ibang kulay. Nakatutuwang pagmasdan ang mga iyon na pabalik-balik sa kanilang paglangoy.
Inilublob ko ang aking kamay sa lagoon at naglapitan doon ang mga isda. Nakakakiliti ang pagdikit ng kanilang mga nguso sa aking kamay. Tunay ngang kahanga-hangang pagmasdan ang mga iyon.
"Nagustuhan mo ba?" tanong ni Christian ang umuntag sa nakatutuwang ginagawa ko.