Naabutan ko si Christian na nakatayo sa may labas ng gate ng campus. Nag-text ito kanina na susunduin ako kaya alam kong naroon na ito sa may gate.
“Wala kang pasok sa work?” nakangiting tanong niya sa'kin.
“Restday ko ngayon,” tugon ko naman sa kaniya.
“Tamang-tama pwede pala tayong mamasyal muna,” nakangiting sambit niya sa'kin.
Tumango ako sa kaniya at naglakad na kami papuntang sakayan.
Pinauna ko siyang maglakad kaunti at tinitigan ko ito buhat sa kaniyang nakatalikod na katawan.
Crush ko na ito mula pa noong high school. Dati ay pangarap ko lamang ang mapansin niya.
Nang magtapat ito sa'kin ng kaniyang pag-ibig ay hindi ko alam kung ano ang isasagot.
Bigla akong nalito sa aking damdamin. Naramdaman ko sa aking sarili na hindi pa pala ako handang sumabak sa anumang relasyon.
Nagulumihanan din ako sa aking nararamdaman nang makilala ko si Steven.
Isa pa sa gumugulo rin sa isipan ko.
“Masama ba ang pakiramdam mo, Jana?” tanong ni Christian na umuntag sa aking malalim na pag-iisip.
Umiling ako sa kaniya at napabuntong hininga na lamang sa aking mga naiisip.
Napatingin ako sa kaniya nang hawakan niya ang isa kong kamay.
"Christian!" mahinang usal ko.
Ngumiti lang siya sa'kin at pinauna niya na akong sumakay sa pinara niyang taxi.
Dinala niya ako sa isang Amusement Park at doon ay namasyal kami.
Sumakay kami sa iba't ibang mga rides at para akong batang bumalik ulit sa pagkabata dahil panay lamang ang sigaw at tili ko.
Tawa naman nang tawa si Christian, sa'kin.
Pakiramdam ko ay naiwan sa taas ng ere ang kaluluwa ko nang umikot-ikot ang rides na sinakyan namin.
Pagbaba namin mula doon ay dali-dali akong tumakbo agad sa may damuhan at doon ay sumuka ako nang sumuka.
“Okay ka lang ba, Jana?” nag-aalalang tanong ni Christian.
Nilapitan niya ako at hinagod ang aking likuran.
Inabutan niya ako ng tubig at agad ko naman iyong ininom.
Umiikot pa rin ang aking paningin kaya bigla akong gumewang nang subukan kong tumayo at maglakad.
Maagap naman akong nahapit sa baywang ni Christian palapit sa kaniyang katawan at inalalayan niya akong maupo sa may gilid ng damuhan.
Tumabi siya sa'kin at inakbayan niya ako upang kabigin palapit sa kaniyang dibdib.
“Magpahinga ka na muna para mawala ang hilo mo,” bulong niya sa'kin.
Ipinikit ko ang mga mata at ‘di ko namalayang nakaidlip na pala ako.
Naalimpungatan ako sa pakiramdam na may humahalik sa aking mga kamay.
Biglang bumalik ang reyalidad sa aking isipan na nasa Amusement Park pa nga pala ako!
Pagdilat ko sa aking mga mata ay nakita ko si Christian na hinahalikan ang isa kong kamay.
Bumangon ako mula sa kaniyang dibdib at tinanong ito.
“Anong oras na ba?” Hinawakan ko ang kaniyang braso kung saan nakasuot ang kaniyang relo.
“Maaga pa para bukas,” pabirong sagot niya sa akin.
Kinurot ko ito sa kaniyang hita at natatawang sinalag niya ang kamay ko.
Tumayo kami mula sa damuhan at inaya ko na siyang umuwi.
Habang nasa biyahe kami pauwi ay inaya ako ni Christian na pumunta sa kanila.
Sumama muna ako dahil maaga pa naman.
Pagdating sa kanila ay namangha ako sa itsura ng kanilang bahay. Hindi ko akalaing may kaya pala sila sa buhay.
Malaki ang bahay nila na parang sa isang mansyon lamang kalaki. Mukhang mamahalin ang mga gamit na naka-display roon. Napansin ko rin sa garahe nila ang dalawang uri ng sasakyan.
"May sasakyan pala kayo, bakit 'di mo ginagamit?" manghang tanong ko kay Christian na 'di naman niya sinagot.
Sinalubong kami ng ama niya at nagmano ang binata rito. Nagmano rin ako bilang pagbibigay galang sa nakatatanda.
“Ikaw pala si Jana, Iha? Totoo nga ang sinabi ng aming binata na kaygandang dilag mo nga,” nakangiting wika ng ama ni Christian
“Bolero po pala kayo, Tito,” nakangiting sagot ko rin dito.
Pakiramdam ko ay namumula na ang pisngi ko ng mga sandaling ‘yon.
“Alam mo ba Iha na ikaw pa lang ang dalagang inuwi rito ng binata ko?” Saad pa nito sa'kin.
Tumawa pa ito ng malakas at kumindat sa'kin.
Lalo namang nadagdagan ang pamumula ng aking pisngi.
“Pa, ‘wag mo masyadong biruin si Jana at baka umalis ‘yan.” Saway naman ni Christian sa ama.
“Sige ka ‘pag ‘yan ‘di na bumalik, Pa,” dagdag na sabi pa ni Christian.
Natatawang tumayo ang ama ni Christian at nagpaalam nang tutungo sa may kusina.
Pagbalik nito ay may dala-dala na itong merienda. Akmang tatayo ako upang tulungan ito nang pigilan ako ni Christian sa braso.
"Ako na!" ani nito sa'kin.
Kinuha niya mula sa kaniyang ama ang tray na may lamang merienda. Inilapag niya iyon sa mesa.
Nagpaalam ang Papa ni Christian na iiwanan na muna kaming dalawa sa may sala.
"Maiwan ko na muna kayo, Iha. Sa taas na muna ako para 'di ko kayo maabala ng anak ko." Kumindat pa muna ito sa'kin bago tuluyang tumalikod paalis.
“Pagpasensiyahan mo na si Papa ha. Mabiro lang talaga 'yan,” Hinging dispensa ni Christian para sa ama.
“Okay lang ‘yon," tugon ko naman sa kaniya. "Nakakatuwa nga siya eh."
"Nasaan nga pala si Tita?” kapagkuwan ay tanong ko pa sa kaniya.
“Baka namalengke,” ani nito sa'kin.
“Hindi ko akalain na ganito pala kalaki ang bahay ninyo. Parang mansyon ng mga mayayaman,” humahagikhik kong sabi sa kaniya.
Umiwas ito ng tingin sa'kin. Siguro nailang sa aking tanong.
"Pakadaldal mo kasi, Jana!" asik ko sa isipan.
Bumukas ang pintuan at pumasok buhat doon ang isang dalagita na kamukhang- kamukha ni Christian.
Lumapit ito sa binata at humalik sa pisngi nito.
“Sino siya, Kuya?” mataray nitong tanong at umikot-ikot sa may bandang likuran ko na parang sinusuri akong maigi.
“Mukhang maldita nga lang ang isang ‘to!” bulong ko sa aking isipan.
“Siya si Ate Jana mo,” saad naman ni Christian dito.
Nanlaki ang mga mata nito at ngumiti nang ubod ng tamis sa'kin.
Lumapit ito sa'kin at hinawakan ang isa kong kamay. Nagulat ako nang may kung anong bagay na idinikit ito sa aking kamay at tinatakan niya iyon ng pantatak saka nginitian ako.
"Cristel!" Malakas na bulalas ni Christian.
"Say sorry to your, Ate Jana," utos pa nito sa kaniyang kapatid.
Natatawang napailing na lang ako sa ginawa ni Cristel.
Lumapit si Cristel sa'kin at umupo sa tabi ko. Humawak ito sa aking braso at humilig doon.
“Ate Jana, maganda ka pala talaga sa personal, akala ko kasi ay niloloko lang ako ni Kuya,” nakalabing wika nito.
Namula naman ako sa sinabi nito at hinarap ko ito. Kinandong ko siya sa aking kandungan at hinaplos ang kaniyang buhok.
"Pareho tayong maganda, Cristel." Patuloy kong hinaplos ang kaniyang buhok.
"Talaga ba, Ate Jana?" namimilog ang mga matang bulalas nito.
"Yep, tanungin pa natin ang Kuya Christian mo," nakangiti kong sagot sa kaniya.
"Eh si Kuya nga nagsabing ikaw lang ang pinakamagandang babae sa balat ng lupa," nakasimangot na turan nito.
Pinamulahan naman ako ng pisngi sa sinabi nito at saka ako tumingin sa gawi ni Christian.
Natatawang hinila ni Christian si Cristel at dinala niya ito sa kaniyang tabi.
Kiniliti nang kiniliti ni Christian sa tagilirang beywang si Cristel at napuno nang ingay ang buong paligid ng sala dahil sa harutan nilang dalawa.
"Dinig na dinig ko ang harutan ninyong dalawa mula sa labas," ani ng tinig na nagmula sa isang ginang na papasok sa may pintuan.
"Si Kuya po kasi Ma!" sumbong agad ni Cristel sa kanilang ina nang makalapit agad dito.
"May bisita pala tayo." Tumingin ito sa'kin at tila sinusuri ako mula ulo hanggang paa.
Parang si Cristel lang din sa first impression ko sa kaniya.
Tumakbo pabalik sa akin si Cristel at hinawakan ako sa braso.
"Siya po si Ate Jana, Ma!" Pagpapakilala ni Cristel sa'kin sa kanilang ina.
"Ikaw pala si Jana, Iha," nakangiting sabi nito at lumapit pa sa aking pwesto.
"Mano po!" Tumayo ako sabay hawak sa kaniyang kamay at nagmano.
"Tama nga ang sinabi ni Christian. Napakaganda mo nga, Iha!" Bigla akong niyakap nito.
"Hindi naman po," nahihiyang tugon ko sa kaniya at ginantihan ko rin ang yakap nito.
"Mukhang mabait ka rin na bata." Hinaplos niya ako sa pisngi kagaya nang madalas gawin sa'kin ni Christian.
"May pinagmanahan naman pala 'tong si Christian," ani ko sa isipan.
Hindi pumayag ang Mama ni Christian na hindi ako sumabay sa kanilang maghapunan.
Nagluto ito ng iba't ibang putahe at talaga namang napalaban ako ng kain dahil halos lahat ay masasarap.
Bukod pa sa panay rin ang lagay ng pagkain ni Christian sa aking pinggan na sinabayan pa ng masayang kwentuhan nila.
Halos hindi ko naramdaman na na-out of place ako sa kanila. Bagkus mas naramdaman ko pa nga na bahagi ako ng pamilya nila.
"Salamat po sa masaganang hapunan!" bulalas ko sa kanila habang nasa hapag kainan pa kami.
"Salamat din sa pag-unlak mo sa aking paanyaya. Salamat sa pagpunta mo rito sa bahay," nakangiting tugon naman ni Christian.
"Oo nga, Ate Jana! Salamat at nakilala na rin kita," nakangiting turan din ni Cristel.
"Dalasan mo ang pagpunta rito, Iha," ani naman ng Mama ni Christian.
"Mas mainam kung kami naman ang mamamanhikan sa inyo, Iha." At malakas na humalakhak pa ang Papa ni Christian.
"Pa!" magkapanabay na bulalas naman nina Christian at ng Mama niya.
"Joke lang!" Sabay peace sign nito ng kaniyang mga daliri.
Naiiling na natawa na lamang ako. Tumingin ako sa gawi ni Christian na nakatingin na rin pala sa'kin.
Hinawakan nito ang kamay ko at marahang pinisil iyon. Gumanti lamang ako sa kaniya ng ngiti.
"Ang sweet naman ni Kuya!" natitilihang sambit ni Cristel.
"Cristel!" Tikhim ng Mama nila Christian.
"Kanino pa ba magmamana si Kuya, 'di ba kay Papa?" saad naman ng Papa ni Christian.
Hinampas naman sa braso ng Mama ni Christian ang Papa nito.
Nagkatawanan naman kaming lahat.
Nang medyo malalim na ang gabi ay nag-aya nang ihatid ako ni Christian sa'min.
Nagpaalam na ako sa kaniyang mga magulang ganoon na rin kay Cristel.
Gusto pa sanang sumama nito ngunit tinanggihan iyon ni Christian.
Ang dahilan niya rito ay maglalakad lamang kami kung kaya't agad ring tumanggi si Cristel sa pagsama.
Kasalukuyan na naming tinatahak ang daan papunta sa bahay namin nang magsalita ito.
“Salamat sa pagsama mo sa bahay,” wika ni Christian, sa'kin.
Huminto ako sa paglalakad at humarap sa kaniya.
"Gusto kita, Jana!" madamdaming wika nito sa'kin.
Ngumiti ako sa kaniya dahil hindi ko alam ang isasagot sa kaniyang sinabi.
Hinawakan nito ang kamay ko at dinala niya iyon sa kaniyang bibig upang dampian doon ng halik.
"Christian..." Tumingin ako sa kaniyang mukha at nagtama ang aming mga paningin.
Bahagya siyang lumapit sa akin at kinabig ako palapit sa kaniyang katawan.
"Gusto kita, Jana!" muling usal nito at dahan-dahang bumaba ang mukha niya sa'kin.
"Christian..." Napapikit na lamang ako nang maramdaman kong lumapat ang kaniyang labi sa aking mga labi.