Jamie Ann “Jana” De Castro (POV)
Kasalukuyang magkakasama kaming mga volunteers dito sa samahan upang magplano ng mga susunod na activities na aming gagawin.
Kasama sa pinagpaplanuhan ang mga eskwelahan na aming tuturuan kung ito pa rin ang aming hahawakan o kailangan na bang magpalit ng leader dito.
“Jana, malapit ka ng grumadweyt, ‘di ba?” tanong ni Pinuno sa akin habang pinipirmahan ang natapos naming i-print na mga activity sheet.
“Opo!” magalang kong sagot sa kaniya.
“Ano’ng plano mo after ng graduation?” tanong nitong muli sa'kin.
"Baka mag-apply po muna ako ng work sa mga company para magamit ko naman ang kursong tinapos ko,” nakangiting sagot ko kay Pinuno.
“Mainam kung ganoon! Pero wala ka na bang planong magpatuloy sa pagtuturo kung sakali?” tanong ulit ni Pinuno sa'kin at saka inilapag ang ballpen sa mesa, senyales na tapos niya nang pirmahan ang mga activity sheet.
“Kung wala pa akong work ay magpapatuloy naman po akong magturo. Pero, kung papalarin na matanggap agad ay baka lumabas na rin po muna ako sa samahan. Susuporta na lang po ako rito at tutulong-tulong sa abot ng aking makakaya,” mahabang hayag ko kay Pinuno.
Napamahal na rin sa akin ang samahan lalo na ang pagtuturo sa iba’t-ibang eskwelahan kung saan naroon ang iba't-ibang mga estudyanteng naging parte na rin ng araw-araw kong gawain.
Paniguradong mami-miss at hahanap-hanapin ko ang pagtuturo sa oras na ito'y aking iwanan.
“Nabalitaan ko ang ginawang pagtatapat sa’yo ni Christian,” turan ni Pinuno.
Nasamid naman ako ng sariling laway sa sinabi ni Pinuno.
”Kayo na ba?” nakangiting tanong pa niya sa'kin.
Namula ang aking mga pisngi at hindi ko malaman ang isasagot kung kaya naman napabaling ang aking mga paningin sa ibang direksyon ng silid.
Huminto sa mga ginagawa nila ang ibang leaders at tumingin sila sa'kin na parang naghihintay rin ng anumang isasagot ko.
Alanganing ngumiti ako sa kanila at pinuno ko muna ng hangin ang aking baga bago muling magsalita.
“Nagtapat po siya sa'kin pero 'di ko pa muna iyon sinagot. Ayoko pong magdesisyon nang pabigla-bigla na pwede ko rin pong pagsisihan sa bandang huli,” matapat kong tugon kay Pinuno.
“Very good decision, Jana! Tama ang naging desisyon mo sapagkat mahirap ang bigla ka na lamang sasagot ng hindi mo napag-iisipan ng husto. Hindi masamang magkaroon kayo ng relasyon at sakaling kayo man talaga ang itinakda, nawa'y alam naman ninyong dalawa ang batas natin dito na umiiral sa loob ng samahan. Ipinagbabawal kayong magsama sa mga activities lalo na sa pagtuturo. Maaaring makaapekto iyon sa performance ninyo bilang mga volunteer. Kung kaya naman napagdesisyunan namin na kinakailangan niyang mapalitan ng ibang leader bilang iyong bagong leader.” Mahabang paliwanag ni Pinuno sa'kin.
“Naiintindihan at nauunawaan ko po 'yan, Pinuno!” nakangiting tugon ko naman sa kaniya.
Biglang dumating si Christian sa loob ng silid at nakipagdaupang palad ito kay Pinuno.
Tumingin ito sa'kin at nginitian niya ako.
"Sabay na tayong umuwi, Jana," saad niya sa akin.
Umugong ang malakas na 'Uy!' mula sa ibang mga volunteer na naroon.
Nakaramdam naman ako ng hiya dahil halos katatapos lang naming mag-usap ni Pinuno eh heto na si Christian.
Namumula ang mga pisnging tumango ako sa kaniya bilang tugon sa sinabi nito.
"Bro, iuwi mo sa bahay nila ha 'wag sa bahay mo," nakangising biro naman ni Pinuno.
Tumawa ng malakas si Christian na sinabayan naman ng iba pang mga volunteer na naroon.
Nadagdagan naman lalo ang pamumula ng aking mga pisngi.
Mula nang magtapat si Christian sa'kin ay mas madalas niya na akong tawagan at i-text.
Binigyan niya ako ng cellphone. Ayoko sanang tanggapin ito dahil nakita ko ang brand at alam kong napakamahal niyon.
Sa paglipas ng mga araw ay pinanindigan nga niya ang panliligaw sa akin.
Sinusundo niya ako madalas sa campus tuwing oras ng uwian.
Pumupunta ito madalas sa bahay pero sila lang din naman ni Papa ang madalas na nag-uusap. Saka ko pa lamang ito kakausapin kapag alam kong pauwi na ito.
'Di ko nga maintindihan ang sarili kung bakit parang bigla akong nailang sa kaniya samantalang ito naman ang hiling ko dati pa.
"Magpahinga ka na Jana at mukhang pagod ka rin." Paalam niya sa akin na siyang pumukaw sa malalim kong pag-iisip.
Ngumiti Ako sa kaniya.
"Sige, salamat! ingat sila sa'yo sa pag-uwi mo." Biro ko naman sa kaniya para alisin ang ilang na nadarama ko.
Mahinang tinampal niya ako sa noo na tinawanan ko lamang.
Papasok na sana ako sa gate nang kabigin niya ako palapit sa kaniyang katawan. Kinintilan niya ako ng halik sa aking mga labi.
Nanlaki ang mga mata kong napatitig sa kaniyang mukha habang patuloy lamang siya sa paghalik sa aking mga labi.
Itutulak ko na sana ito nang kusang kumalas siya sa aking mga labi.
"I'm sorry, Jana!" ani niya at hinawakan ang aking mga kamay.
Dala nang pagkabigla ay 'di ko alam kung ano ang isasagot sa kaniya.
"Nadala lang ako ng damdamin ko para sa'yo. Nararamdaman ko kasing iniiwasan mo ako," malungkot niyang turan.
Tinitigan ko siya sa kaniyang mukha at may kung anong damdamin akong nadama.
Itinaas ko ang isang kamay at dinala sa kaniyang pisngi. Hinaplos ko siya roon nang paulit-ulit.
"Sorry... Hindi lang ako sanay na manliligaw kita," matapat kong wika sa kaniya.
Niyakap niya ako nang mahigpit.
"Hindi natin kailangang baguhin ang anumang ating sinimulan. Ituring pa rin nating kaibigan ang isa't-isa kahit nililigawan kita," bulong niya sa'kin.
*********
“Kumusta naman ang lovelife mo, Jana?” tanong ni Ice sa akin habang gumagawa kami ng project para sa isa naming subject.
“Huh?! Anong lovelife?” balik tanong ko naman sa kaniya.
"Ang ibig sabihin ni Ice, kumusta naman maging boyfriend si Kuya Christian mo?” nakakalokong wika naman ni Lyn at diniinan pa ang salitang 'kuya.'
“Hindi ko pa naman siya boyfriend dahil ‘di ko naman siya sinasagot,” matapat kong turan sa kanila.
“Bakit naman? Akala ko ba ‘yan ang gustong-gusto mong mangyari noon?” tanong muli ni Lyn sa'kin.
“Hindi ko rin alam. Bigla ko na lang naramdaman na hindi pa pala ako handa sa isang relasyon," napapabuntong hininga kong sagot sa kaniya.
“Naku, mahirap ‘yan! Baka naman may ibang taong gumugulo riyan sa puso mo kaya ka na nalilito,” ani naman ni Ice.
“Huh? Ano'ng ibig mong sabihin?" maang ko namang tanong sa kaniya.
"Saka sino naman ang manggugulo sa aking isipan?” dagdag ko pang sabi.
“Sino pa nga ba sa palagay mo?” nakangisi namang sagot ni Ice.
“Ibig sabihin may pag-asa pa si Papa Steven niyan sa’yo?” kinikilig na tanong ni Lyn.
“Ewan ko sa inyo!” Inirapan ko silang dalawa.
"Alam niyo, tapusin na nga lang natin 'tong project nang makakain na rin tayo," anas ko sa kanila.
“Ah basta, kung saan ka masaya doon kami, Girl,” nang-aasar na sabi ni Ice.
“Oo nga! Kung saan ka masaya doon kami. Susuportahan ka namin sa kung sino man piliin mo. Pero siyempre kami dapat ang mga abay mo,” humahagikhik na litanya naman ni Lyn.
Sinamaan ko nang tingin ang mga 'to. "Mga bruha talaga kayo!”
Hindi ko na madalas makita si Steven sa campus kahit anino nito ay bihira ko na rin mapansin mula nang magtapat si Christian sa'kin noong foundation day.
Ayoko namang isipin na dahil lamang doon kaya hindi na 'to pumapasok ng campus.
Masyado naman 'ata akong VIP kung magkagayon.
“Ay! Bakit ba kasi inaalala ko pa ‘yon. Malamang busy rin ‘yon, Jana!” asik ko naman sa sarili.
Bumibili na kami ng pagkain sa cafeteria nang sikuhin ako ni Lyn.
Paglingon ko sa kaniya ay inginuso niya sa'kin si Steven na naglalakad papalapit sa pwesto namin kasama ang kaniyang mga co-player.
Bibili rin siguro ang mga iyon ng pagkain kaya tumalikod na ulit ako upang iabot ang bayad ko sa kahera.
“Hi Lyn! Meron ka na bang escort sa gradball?” dinig kong tanong ni Steven kay Lyn.
“Wala pa nga eh! Ewan ko lang ‘tong si Jana kung meron na.” Pasimpleng turo ni Lyn sa'kin.
Pinandilatan ko naman ng mata si Lyn.
“Malamang meron ng escort ‘yan! Tayong dalawa na lang mag-partner, susunduin kita sa inyo,” malambing na sabi ni Steven kay Lyn.
Hinarap ko si Steven at nakita ko ang mapang-asar nitong ngiti sa labi. Sinamaan ko siya nang tingin at nakabusangot ang mukhang lumayo sa kanila.
Pumunta ako ng library at doon umupo sa may bandang sulok kung saan walang masyadong tao. Sa pagbabasa ko ibinuhos ang inis kay Steven.
"Ang yabang talaga ng kumag na 'yon!" gigil kong anas sa isipan.
Maya-maya ay may umupo na tao sa aking tabi. Hindi ko iyon pinansin at patuloy na itinutok ang mga mata sa binabasang libro.
Narinig ko ang sunod-sunod na pagbuntonghininga ng katabi ngunit ‘di ko pa rin iyon pinansin.
Nanlaki ang mga mata ko nang may biglang humalik sa aking pisngi.
Saka ko pa lamang nilingon ang aking katabi na walang iba kundi si Steven.
"B*stos!" Sabay sapok ko sa kaniyang ulo.
"Aray!" Kakamot-kamot sa ulong reklamo nito.
“Bakit ka ba nanghahalik?” asik ko sa kaniya.
“I miss you!” nakangising wika nito.
Binatukan ko siya ng malakas sabay tayo at mabilis na binitbit ang mga gamit ko paalis doon.
Nalingunan ko itong patuloy na hinihimas ang kaniyang ulo.
"Bleh! Buti nga sa'yo!" Sabay belat ko sa kaniya.
“Mukhang nasaktan ko nga 'ata siya ng husto,” nag-aalalang sabi ko sa isipan.
Lihim naman akong napangiti sa sarili nang maalala ang sinabi nito, 'I miss you!'