Astrid
"Pa, napaparami yata 'yang inom n'yo," puna ko nang makitang nagbubukas si Papa ng panibagong bote ng gin.
Nag-iinuman sila ni Croft sa likod-bahay habang iniihaw nila ang bangus na binili namin kanina sa palengke. Ito talagang si Papa, halatang nasabik sa kainuman. Paano ay hindi naman siya nag-iinom kung wala ako rito sa bahay.
"Hayaan mo na ako, anak. Ngayon lang naman," hirit niya.
Croft smiled at me. Medyo namumula na ang pisngi dahil hindi naman talaga sanay uminom ng gin. Pinagbibigyan lamang si Papa. Ang dalawang ito, kapag sila ang magkasama ay parang wala akong kakampi.
I sat next to Croft. "Pahingi nga ako ng pulutan n'yo, mahal. Magpapapak ako."
Kumurot siya sa isda. Inalis din niya lahat ng tinik bago niya isinubo sa akin. Ngumisi tuloy si Papa bago ininom ang alak sa kanyang baso.
I stayed for a few minutes before I went in to take a shower. Pabalik na sana ako sa kanilang pwesto nang marinig ko ang usapan nila ni Papa.
"Hindi na ho talaga kayo kinontak?" tanong ni Croft.
Narinig ko ang pagsinghot ni Papa. "Hindi na. Ang sa akin lang, hindi naman ako hihingi ng suportang pinansyal kahit na mas nakakaluwag siya sa buhay. Mano man lang bigyan niya ng kalinga si Astrid dahil kahit naman hindi naghahanap ng ina ang anak ko, alam kong may mga gabi pa ring napapaisip siya kung naaalala man lang siya ng Mama niya."
My chest tightened because that is true. Kahit na mas pinili kong manatili sa poder ni Papa ay hindi ko pa rin maalis sa sarili kong magtanong kung itinuturing pa rin ba akong anak ng Mama ko. Kahit man lang kasi batiin ako kapag birthday ko ay hindi niya ginagawa. It was like the moment I chose Papa over her, kinalimutan na niyang anak niya ako.
"Hayaan na lang ho siguro natin, Tito. Hindi ho natin mapipilit ang mga tao, pero ito ho sana ang palagi ninyong tatandaan. Mahal na mahal ho kayo ni Astrid at ang ganda ho ng pagpapalaki ninyo sa kanya kahit na mag-isa lang kayo," ani Croft na nakapagpaluha kay Papa.
"Sa tingin mo ba ay nagawa ko nang maayos ang tungkulin ko, Croft?"
"Oho. Bilib ho ako sa inyo dahil baka kung ibang tatay ho 'yan, isinuko na si Astrid sa nanay noong kinukuha siya sa inyo. Pero hindi ninyo ginawa. Inilaban n'yo si Astrid at ginawa ninyo ang lahat para mapunan ang pagiging magulang sa buhay niya."
Suminghot si Papa. "Alam mo, Croft? Kung wala si Astrid sa buhay ko ay baka . . . matagal na akong bumigay." Namaos ang boses ni Papa kaya pati ako ay naluha na. "Mahal na mahal ko 'yan. May pagkakataon noon na wala na akong pera pero noong nakita kong gusto niya 'yong damit na nadaanan namin sa palengke, nangalakal ako ng basura maibili ko lamang siya noong damit na nais niya. Hindi ako mayaman at hindi rin ako naghahangad na suklian niya ang mga sakripisyo ko dahil lahat ng ginawa ko para sa kanya ay ginawa ko dahil ako ang tatay niya, pero sana balang-araw, kapag naabot niya ang mga pangarap niya, maiisip niya palagi kung gaano ko siya kamahal."
Tinapik ni Croft ang balikat ni Papa. "Ngayon pa lang ho, alam na alam na ni Astrid kung gaano n'yo siya kamahal. 'Yong respeto at pagmamahal ho niya sa inyo ang isa sa mga bagay na nagustuhan ko sa kanya. Ang totoo nga ho niyan, una ko siyang napansin noong hinatiran n'yo siya ng pagkain noong may activity kami sa school. Nakita ko kung paano niya pinunasan ang pawis sa noo ninyo. Sabi ko sa sarili ko, gano'ng babae ang gusto ko. 'Yong may malasakit sa magulang."
"Mabuti ka rin kasing anak, Croft kaya siguro ganoon din ang nais mo." Suminghot si Papa. "Kilala mo ako, hijo. Hindi ko kayo kokontrolin. Isa lamang ang pakiusap ko. Kung dumating ang araw na magkasawaan kayo't hindi na magkakaintindihan, bago mo pa masaktan ang anak ko ay . . . ibalik mo na lamang sa akin. Ako na lamang ang yayakap sa kanya oras na hindi mo na kayang ibalot sa kanya ang mga braso mo dahil wala na ang pagmamahal mo para sa kanya."
Napaiyak na ako nang tuluyan. Ano ba naman 'tong si Papa. Para naman kaming nasa teleserye nito, eh.
Imbes na lumabas pa ay nagtungo na lamang ako sa kwarto ni Papa para iayos ang hihigaan niya. Ayaw ko ring makita niyang namumula ang mga mata ko. Baka lalo lamang siyang maging emosyonal.
I waited for them to finish drinking their last bottle. Nang pumasok sila ay tinulungan ako ni Croft na iayos si Papa sa higaan niya.
"Tabi na tayo, mahal," alok ko ngunit umiling si Croft.
He cupped my cheeks and kissed my forehead. Maya-maya ay bumuntonghininga siya't tinitigan ako. "Dito na ko sa sala nang makatulog ka nang maayos," aniya.
Hindi ko na kinulit pa. Alam ko rin namang kaya gusto niya sa sala ay dahil gusto niyang magbantay. Siguro ay gustong makasigurong hindi kami mapapasok ng magnanakaw. Palibhasa'y talamak na naman ang nakawan sa bario nitong mga nakaraan.
I kissed him on his lips before I went to my room. Kinabukasan ay maaga akong nagising para magwalis-walis sa bakuran. Nagsibak naman ng kahoy si Croft. Makulimlim daw kasi kaya gusto na niyang siguruhing may sapat na panggatong kung sakaling umulan.
Hindi nga siya nagkamali ng basa sa panahon. Malakas na bumuhos ang ulan pagsapit ng tanghali. Pumunta sandali sa shop si Papa upang siguruhing hindi mababasa ang mahahalagang gamit doon kaya kami lamang ni Croft ang naiwan.
Nagtimpla ako ng kape para sa aming dalawa saka ako lumabas sa may dirty kitchen. Binabantayan niya ang inilulutong kanin habang pinanonood ang patak ng ulan.
"Mahal," tawag ko.
Nilingon niya ako at tinanggap ang cup na iniabot ko sa kanya. We sat on the wooden bench with our cups and watched the rain together.
"Ang sarap ng ganito. Payapa. Kaso ang hirap enjoy-in dahil iniisip ko si Tito. Hindi naman pumayag na samahan ko nang mas mabilis sana," ani Croft bago uminom sa kanyang tasa.
I smiled. Sumandal ako sa kanya matapos niya akong akbayan. "Sana dumating ang araw na hindi na kailangang sumugod ni Papa sa ulan para ma-secure ang mga gamit sa shop."
"Sisiguraduhin natin 'yon, mahal." He pecked a gentle kiss on top of my head. "Pati 'tong bahay n'yo, ipapaayos natin kapag nakasampa na ko."
My heart swelled. That's one of the many things I love about him. Parte kami ni Papa ng mga pangarap niya. Tila ba kahit na hindi pa naman kami mag-asawa ay nakikita na niya ang future niya na kasama ako at ang tatay ko.
We finished our coffees. Nang maipasok ko sa loob ang cups at wala pa rin si Papa ay kinuha ni Croft ang kapoteng nakasabit.
"Bantayan mo muna 'yong kanin, mahal. Check ko lang si Tito."
I nodded. Hindi na ako nagprotesta dahil kanina pa umalis si Papa. Kahit ako ay nag-aalala na.
Croft left his phone on the wooden table. Itinabi ko iyon sa gilid nang hindi mabasa ng anggi ng ulan. Ihinanda ko na rin iyong mga sangkap ng lulutuing sinigang oras na matapos ang pagluluto ng sinaing.
I was busy chopping the ingredients when Croft's phone started ringing. Nagpunas ako ng kamay saka ko iyon dinampot upang sagutin ang tawag.
"Hello?" bati ko sa numerong tumawag.
The woman on the other line sniffed. "Hello? S-Si Croft?"
"Lumabas po sandali. Sinundan po si Papa sa shop. Sino po ito?"
"Si Emmabeth 'to, 'yong pinsan niya." Nakarinig ako ulit ng pagsinghot na tila umiiyak ang kausap ko. "I-Ikaw ba si Astrid?"
"Ako nga po. Uhm, bakit po pala kayo napatawag? Ipapaalam ko po kay Croft pagdating niya."
"Astrid, hindi ko alam kung . . . kung papaano ko ba 'to sasabihin kay Croft. Diyos ko . . ." She sobbed.
Nakaramdam na ako ng kaba. Pakiramdam ko ay mayroong nangyari at iyon ang hirap na hirap niyang sabihin.
"A-Ate Emma, tungkol ho ba saan?" I asked.
Humikbi siyang muli. "Sina Tito at Tita . . ." Her voice cracked. "N-Nagkaroon ng landslide sa Naguillan Road habang pauwi sila galing humakot ng gulang sa La Trinidad. Lumambot daw ang lupa at . . ." Humagulgol siya sa kabilang linya. "Natabunan sila ng gumuhong lupa. P-Patay na nang mahukay ng rescuers . . ."
Natutop ko na lamang ang bibig ko habang pilit na ipinoproseso ang balita.
Diyos ko . . .