"Aray ko ah!" Hinimas niya ang ulo niyang binatukan ko.
"Kung anu-ano kasi 'yang lumalabas sa bibig mo!" Tumayo ako at lumayo sa kanya. Tumayo ako ng nakapamaywang sa harapan niya. "Umuwi ka na nga sa unit mo!" Tinuro ko ang direksyon ng pinto ko.
Inis siyang napakamot sa ulo niya. "Badtrip ka naman e. Manong sinabi mo na lang na 'okay, I will run away with you' edi mas romantic sana at nakakakilig 'yung eksena natin!"
"Ah. So gusto mo ng nakakakilig na eksena?" humakbang ako palapit sa kanya. "Kaso gusto ko yata ng action. O kaya thriller? Mystery? Yung tipong hahanapin ng mga pulis kung saan ko itinago ang mga parte ng katawanan mong-"
Tumayo siya at nabigla ako roon kaya muntik na akong bumaligtad sa kinatatayuan ko. Kaso mabilis na nasaklaw ng kanyang braso ang baywang ko.
"Romance talaga ang gusto kong genre e. Paano ba 'yan?" halos maramdaman ko na ang malamig niyang hininga sa balat ko. Oh jusko. Ilayo niyo ho sa akin ang tuksong ito.
Nag-iwas ako ng tingin para malayo iyong mukha ko sa kanya. "T-Tigilan mo kasi 'yang mga pagbibiro mo."
"Hindi naman ako nagbibiro. Seryoso akong itatanan ka sa ayaw at sa gusto mo."
Sinamaan ko siya ng tingin. "That's k********g. Hindi mo 'ko pwedeng itanan nang walang permiso ko."
"Edi bigyan mo na 'ko ngayon ng permiso."
Tinanggal ko iyong hawak niya sa 'kin.
"Hindi pwede."
"I'll give you a day to think about it. Whether you agree or you agree, itatanan kita."
"Wow. Nasaan ang choice ko do'n?"
"Syempre wala. Gwapo ako e." bigla niya ako hinalikan sa pisngi at saka siya mabilis na tumakbo paalis. "Ibalik mo bukas 'yan ah!" sigaw niya bago tuluyang isara iyong pinto ko.
Napahawak ako sa pisngi ko habang tulala sa kinatatayuan ko. Kinagat ko ang ibabang labi ko para pigilan ang kumukurbang magkabilang sulok nito. Oh, Lord. Nababaliw na ba ako at feeling ko may mga insektong nagliliparan sa tiyan ko?! Tinakbo ko ang salamin sa tabi ko at tignan ang repleksyon kong nakangiti. Naloko na talaga!
Pagkatapos kong makapaglinis ng sarili at makapagbihis ay tinawagan ko agad si Auntie dahil saktong umaga ngayon doon. Diniscuss ko sa kanya iyong problema namin sa branch manager sa Caramoan.
[Why don't you go there for at least a year?]
"P-Po?!"
[I think ikaw ang pinaka-best na mag-handle muna doon pansamantala. Kapag build up na 'yung branch natin do'n pwede ka ng bumalik dito at siguradong sa loob ng isang taon makakapag train ka ng mga aspiring managers.]
"P-Pero, Auntie, p-paano naman iyong trabaho ko rito?"
[Wag mo ng alalahanin 'yan. Pinayagan na 'ko ng boss ko dito na mag file ng resignation.]
"Uuwi na po kayo for good?!"
[Finally yes! After long years sa wakas magagawa ko na kung ano talaga ang gusto ko!] sobrang excited ang boses niya na lalong nagpalukot naman ng mukha ko. Paano na ako ngayon makakatanggi sa hiling na ito ni Auntie sa akin? Parang kahit na anong ipagawa niya sa 'kin ay wala akong lakas ng loob na tumanggi sa laki ng utang na loob ko sa kanya. Huhu.
"Masaya po ako para sa inyo, Auntie," sabi ko kahit feeling ko ay hindi naman halata sa tono ko.
[So, it's a deal? You'll be transferring to our Caramoan branch this week.]
"T-This week po agad?"
[We can't afford a longer delay, anak. Sorry kung na-pe-pressure ka.] lumungkot ang boses niya kaya mabilis akong nag panic.
"No, Tita! Okay lang po. Actually feeling ko tama naman ang sinabi ninyo."
[Really?! Napakaswerte ko talaga sa 'yong bata ka!]
Tuwang tuwa siya at feeling ko nga ay nagtatalon pa siya sa kabilang linya. Napasapo na lang ako sa noo ko pagkababa ko ng tawag.
PAGPASOK ko kinabukasan ay nagpatawag agad ako ng meeting before kami nag-open. Pinagmasdan ko ang opisinang kahit papaano ay napamahal na sa akin kahit na ilang buwan pa lang din ang inilagi ko rito. Hindi ko maiwasang hindi malungkot. Inayos ko ang sarili ko nang pumasok sina Shayne at ang mga staff. Ibinahagi ko sa kanila ang napag-usapan namin ni Auntie kagabi. Ibinilin ko kay Shayne at sa lahat ang mga trabahong kailangan nilang panatilihin lalo na at parating na si Auntie para mag manage. Kumpara sa akin ay mas istrikta kasi iyon.
"Ma-mi-miss namin kayo, Ma'am Cindy!"
Malungkot akong tinignan ng lahat. Kung nalulungkot sila ay lalo naman ako. Mabilis pa naman akong ma-attach sa mga bagay bagay at mga nasa paligid ko. Huhu. Ipinatong ko sa lamesa ang malaking kahon na lalagyan ko ng mga gamit kong nandito sa opisinang ito. Naluluha kong inilulan lahat sa loob. Di bale. Mabilis lang naman ang isang taon. At saka sinearch ko kanina sa internet iyong Caramoan at nakita kong napakaganda ng lugar. Siguro ay may ibang plano talaga sa 'kin si Lord kung bakit niya ako ipapatapon doon.
Pagkatapos kong mailigpit ang lahat ng gamit ko rito, inayos ko naman iyong mga trabahong iiwan ko. Wala akong ibang ginawa maghapon kundi linisin lahat ng iiwan ko rito sa Maynila.
"Ano 'to?" Sinalubong ako ni Jasper at kinuha iyong dala kong box. Sumakay ako sa passenger seat habang nilalagay niya iyong kahon ko sa back seat.
"Mga gamit ko. Pinapa-transfer ako ni Auntie sa ibang branch."
Paano ko ba sasabihin sa kanya na sa malayo ako inassign ni Auntie? Tapos isang taon pa!
"Saan ka itatransfer?" tanong niya pagkaupo sa driver's seat.
"Caramoan." Nakayukong sagot ko.
Nakita ko mula sa peripheral vision ko ang pagharap niya sa 'kin. "Saan?"
"S-sa Caramoan. Isang taon."
Ipinikit ko ang mga mata ko at inihanda ang tenga ko sa eksaherada niyang pagrereklamo. Siguradong katakot takot na panunumbat na naman mula sa kanya na wala akong ginagawa para suportahan itong relasyon naming dalawa. Na lagi na lang siya ang lumalaban samantalang ako ay tila walang pakialam.
"Kelan tayo aalis?"
"This week daw sana sabi-" wait. Ano daw? Hinarap ko siya na ngiting ngiti sa 'kin. "Anong tayo?"
"Kelan tayo magtatanan papuntang Caramoan?"
"Magtatrabaho ako doon at hindi magtatanan!"
"Pareho lang 'yon. So, kelan nga tayo aalis?"
"Hindi ka aalis."
"You want to leave me again? Cinderella naman. Mahabag ka naman sa prince charming mo."
"1 year lang naman."
"1 year?! Alam mo ba ang pwedeng mangyari sa loob ng isang taon? Baka pagbalik mo dito ay ipinakasal na ako ng nanay ko sa iba!" asar na asar na naman sa 'kin ang itsura niya. "Hindi ka man lang ba nababahalang may mang-akit sa 'kin dito?!"
Umiling ako. "Sanay na 'ko. Babaero ka naman."
"Hoy! Ang judgmental mo!"
"Bakit? Hindi ba? Ni hindi ka nga yata nabakante sa loob ng limang taong wala ako!"
"Oyyy! Walang ungkatan ng nakaraan! Past is past na, Cinderella! Ikaw nga pinatawad na kita kahit hindi mo 'ko pinaglaban e."
"At least ako walang nakalandian, e ikaw? Landi dito, lando doon, landi everywhere!" kinumpas kumpas ko pa ang mga kamay ko habang dini-describe kung gaano kalawak ang kalandian niyang taglay.
"Talaga ba? Wala kang nakaano do'n?"
"Anong nakaanong sinasabi mo d'yan?!"
"Nakaano...nakilala! Nagustuhan gano'n! Ikaw talaga 'yang utak mo madumi." Tinulak niya ng bahagya ang noo ko sa kanyang daliri. Ano ba kasing magagawa ko kung dahil sa pagsama sama ko sa kanya naiimpluwensyahan pag-iisip ko!
"Wala. Focus lang ako sa studies ko ro'n. Hindi katulad ng isang d'yan."
"Malinis pa rin naman ako. I always put safety-"
"Subukan mong ituloy 'yang bwisit ka!"
Tumawa siya ng malakas habang itinuturo ang mukha kong pulang pula na siguro sa kahihiyan. Mabilaukan ka sana ng hanging walangya ka! Ano na lang ang mangyayari sa araw araw kong pamumuhay kung itong hangal na 'to ang makakasama ko? Jusko hindi ko ma-imagine kung gaano kagulo ang magiging buhay ko kung saka-sakali. Ngayon pa nga lang na kapit-bahay ko pa lang siya ay mabaliw-baliw na 'ko sa mga pinaggagagawa niya, tapos magtatanan pa kami?! Baliw na lang siguro talaga ako kapag pumayag ako sa gusto nito.
"Kasya na siguro ang isang maletang damit ko ano? Doon na lang ako bibili ng extra."
Isinarado niya ang maleta niyang malaki pa sa maleta ko. Pagdating namin ng condo kanina ay dumiretso agad siya sa unit niya at nag-empake! Nauna pa siyang makapag-empake kaysa sa 'kin!
"Alam mo bang wala pa 'kong naeempake?"
Sinulyapan lang niya 'ko sandali bago ibinalik ang tingin niya sa ginagawa niya. "Punta tayo sa unit mo pagtapos ko. Tulungan kitang mag-empake."
"Adik ka ba? Seryoso ka talagang sasama sa 'kin?!"
"Seryoso ka rin ba? May nagtatanan bang mag-isa lang?"
"Pumayag ba 'kong makipagtanan ha?"
"Wala ka namang choice." Inirapan pa 'ko ng loko. Pabagsak akong naupo sa kanyang sofa habang pinapanood ko siyang super busy sa pagre-ready. Ako yung aalis, pero ako yung walang karapatang mag-desisyon kung isasama ko ba siya o hindi. Wow lang talaga. Napakakapal ng mukha ng hangal na 'to!
Pagkatapos niyang maiayos iyong maleta niya, tumayo siya at nakapamaywang ang isang kamay habang may tinatawagan naman iyong isa.
"Hoy, Dennis? Book mo nga 'ko ng dalawang flight pa-Caramoan." inilayo niya sandali ang cellphone niya sa tenga at tumingin sa 'kin. "Kelan ba tayo aalis?"
"Ako talaga tinatanong mo?"
"O sige sarili ko na lang ang tatanungin ko. Jasper, kelan kayo aalis?" Tapos ibinalik ng siraulo ang cellphone sa tenga niya. "Bukas. Magtatanan na kami ni Cinderella. Oo, pare totoo na 'to. Salamat, pare. Minsan the best ka rin talaga."
Handa ko na sana siyang tadyakan kapag lumapit siya kaso hindi pa pala tapos mag-cellphone. May tinawagan pa ulit siya.
"Guess what, John? Magtatanan na kami bukas!"
"Thanks, King. I know na suportado mo talaga ako. Oo naman! Basta yung pangako mong bahay ipaumpisa mo na. Babalik kami in a year."
"Tangina mo kang uod ka. Wag kang mamasyal doon at ipapatuka kita sa maraming kalapati!"
"Huy anong best wishes ka d'yan!" para siyang tangang tinatakpan ang bibig at nagpipigil ng tawa. "Magtatanan pa lang kami, Kris. Yes pare this is it! I know I know. Thank you!"
Sobrang lapad ng ngiti niya pagkatapos niyang ichismis sa buong Bloodshed Gang ang plano niyang pagtatanan. Hindi ako makapaniwalang tumingin sa kanya.
"Grabe nakaka-excite pa lang magtanan!"
"Sa lahat ng nagtatanan, ikaw lang Jasper ang nagpapaalam!"
"Bakit? Gusto mo ba sikreto lang? Wag kang mag-alala hindi naman madaldal ang mga 'yon." Umupo siya sa tabi ko at ipinatong pa ang mga paa niya sa legs ko. Huwaw!
"Paano ang trabaho mo dito?"
"Sinesante na 'ko ng walang awa kong ina."
"Jasper! Please naman 'wag mong gawin 'to. Bumalik ka sa inyo at humingi ka ng tawad sa mga magulang mo!"
"Kapag ginawa ko 'yan, they'll see me as a big joke."
"Ano naman? Just tell them you were wrong at nagsisisi ka sa lahat ng sinabi mo!"
"Eeeh hindi naman ako nagsisisi bakit ko sasabihin 'yon?"
"Ang sakit mo sa ulong kausap!" Humarap ako sa kabilang side para hindi ko makita ang pagmumukha niyang pang-asar kaso hinawakan naman niya ang ulo ko at pilit na ipinaharap sa kanya.
Bigla siyang nagmukhang batang kawawa na nakanguso pa.
"Sorry na. Galit ka na?"
"Ang tigas kasi ng ulo. Bakit ayaw mong makinig?"
"Kasi kapag nakinig ako sa 'yo, dalawa tayong masasaktan. Di bale sana kung ako lang ang makakamiss sa 'yo habang nasa malayo ka. Kaso alam ko namang patay na patay ka sa 'kin at hindi ko kayang masaktan ka dahil lang miss na miss mo na 'ko."
Dahan dahan kong itinaas ang braso ko at isinukbit sa leeg niya at saka ko siya sinakal. "Hayop ka talagang abnormal ka!! Kelan ka ba magiging normal kausap?! Ha?!"
"Ahhh!! Sorry na!! Joke lang po! Sige na ako na lang 'yung patay na patay sa 'yo!"
"Punyeta ka papatayin na talaga kita ngayon!"
"Ah-aray!! Wag muna! Hawak ko pa ang future generation mo, Cinderella! Ano ba!"
Nilamukos ko ang buong mukha niya ng mga kamay ko at tawang tawa ako sa bilis niyang mamula. Ang puti kasi niya kaya kitang kita agad ang pag-iiba ng kulay ng skin niya. Binitawan ko siya nang medyo naawa na ako ng kaunti.
"Yan ang hirap sa inyong mapuputi. Kaunting kurot lang namumula agad kayo." Inismiran ko siya at inirapan.
"Kurot ba ang tawag dun sa ginawa mo sa gwapo kong mukha?!" Tumakbo siya papunta do'n sa malaking salamin niya at awang awa ang itsura niya sa repleksyon niya. "Tignan mo ginawa mo! Mukha akong poging apple!"
May gender ba ang apple?! Siraulong 'to!
"Ang sabihin mo, weak lang talaga kayong may mga lighter skin."
"Ang sabihin mo, kapag kasi kayo ang kinurot, mas nangingitim lang kayo kaya hindi halata!"
"Ah ganon?!"
"Oh! Tama na! Ano ba?!" Hindi pa nga ako tumatayo sa kinauupuan ko ay tumatakbo na siya palayo. HAHAHA. Hay nako Jasper!
"Pasalamat ka na lang natural talaga 'tong kagwapuhan ko."
Kapag nagtagal pa 'ko dito ay masisiraan na ako ng ulo katulad ng lalaking ito. Kaya tumayo na ako at naglakad palabas ng pinto.
"Tulungan kitang mag-empake!"
"Wag na! Subukan mong sumunod at ihuhulog kita sa veranda ko!"
"Sabi ko nga see you tomorrow e! Good night, my majesty! Sleep with me-este tight!"
"Siraulo!" Ibinagsak ko ng malakas ang pinto.
Pagdating ko sa unit ko ay naligo agad ako at nagbihis ng pantulog. Aba't talagang seryoso sa pagsama ang Jasper na 'yon sa 'kin?! Ayoko siyang sumama na medyo gusto ko rin. Kasi naman sobrang laki ng consequence nito sa kanya kapag sumama siya! Naisip ba niyang hindi na magiging katulad sa nakagawian niyang pamumuhay ang buhay doon? Minsan padalos dalos talaga ng desisyon ang lalaking 'yon e.
Naisandal ko ang ulo ko sa pader habang inaayos ang mga damit na ilalagay ko sa maleta. Lord, ano pong dapat kong gawin kay Jasper? Kahit pigilan ko siya ay hindi 'yon makikinig sa 'kin. Mag-aaway lang kami panigurado.
E kung isama ko na kaya siya? Siguradong maninibago siya sa buhay doon tapos kapag hindi na niya kaya ay magkukusa na siyang bumalik ng Maynila! Magandang ideya yata itong naisip ko ah. Gano'n na lang siguro kaysa mag-ubos ako ng enerhiya sa kakasaway sa kanya!
Kinaumagahan ay tinawagan ko agad si Amega para magpaalam. Pero hindi ko sinabi sa kanya na kasama ko si Jasper. May pagka-advance din kasing mag-isip ang babaeng 'yon at baka kung anu-ano pa ang maisip niya.
"Wala ka na bang nakalimutan?" tanong ni Jasper na handang handa na sa pag-alis namin.
"Ikaw. Nakalimutan kitang iligaw."
"Sus. Ililigaw kuno tapos hahanap hanapin naman. Nukaya 'yun?"
"Bilisan mo nga sumakay ka na!" pinagtulakan ko siya papasok dahil babagal bagal siya masyado. Inuuna pa kasi ang daldal. "Bakit ba ganyan ang suot mo?" tukoy ko sa suot niyang floral na polo shirt. Bagay naman sa kanya lalo pa't naka-cap siya, pero bakit gan'to ang suot niya?
"Syempre we're going to the beach!"
"Hindi ka magbabakasyon do'n FYI."
"Hindi naman talaga dahil mamumuhay tayo do'n ng mapayapa."
"Shut up."
"Shut down."
Kalma, Cindy. Kalma.
Pagsakay namin sa eroplano ay napa-wow agad ako. Ito ang unang beses na sasakay ako sa business class na plane!
"Malapit ka na ngang maghirap, business class pa pinabook mo!" singhal ko sa kanya pagkaupo namin sa seats namin. Grabe napaka-comfortable! Tapos may sarili pang TV na may madaming movies! Kaso saglit lang naman ang byahe kaya mabibitin lang ako kung manonood ako.
"Libre lang 'to don't worry. Nakalimutan mo na bang sponsored na lahat ng kakailanganin natin for life? Anak na lang kulang. Di bale aasikasuhin natin 'yan pagdating natin do'n."
"Mag-isa ka!"
"Uy mahirap 'yun ah. Paano ko gagawin 'yon ng ako lang?"
"Discover it yourself. Tantanan mo 'ko." Ipinikit ko ang mga mata ko at gugustuhin ko na lang na umidlip kaysa ma-high blood ako sa lalaking ito. "I-silent mo nga 'yang tone ng phone mo. Ang ingay."
Picture kasi siya ng picture eh dinig na dinig ko ang shutter niya sa bawat click!
"Ayoko nga."
Hay jusko. Gawaran niyo po ako ng pinakamahabang pasensya, Panginoon. Ayokong magkasala nang dahil sa hangal na ito. Sa wakas ay dininig naman agad ng langit ang panalangin ko at naramdaman ko na ang katahimikan niya. Sinilip ko siya sa gilid ko at nakapikit na rin siya.
Kinuha ko ang cellphone ko nang hindi na ako makatulog. May internet access kasi dito kaya nagconnect agad ako. Pagbukas ko ng messenger ko, nakita ko agad na may bagong My Day post ang bwisit na Jasper. Talagang nakuha pa niyang makapag My Day ha? Kahit nakapikit siya ay inirapan ko siya at saka ko binuksan iyong post niya.
Gusto kong agad na ipukpok sa gwapo niyang mukha ang cellphone ko pagkakita ko sa post niya. Window shot ng plane na kuha ang kalahati kong side na nakapikit tapos ang caption pa niya...
My Majesty. #eloping
Narinig ko siyang kala mo'y nautot ang bunganga sa pagpipigil niya ng tawa, pero hindi niya napigilan. Sinapak ko siya braso at nagmulat siya nang nakangiti.
"Seriously, Jasper? Sharing to everyone you're eloping?!"
"Why not coconut? Cool kaya! Masyado ng makaluma 'yung nagtatanan ng patago. At least tayo legal ang pagtatanan natin."
"Hindi nga tayo nagtatanan!"
"Wag ka ng kumontra. Sa isang bahay lang naman din tayo titira pagdating doon."
"Ano?!"
"Wala ng bakanteng bahay malapit sa branch ninyo. Unless gusto mong tumira sa tent? O kaya sa gubat?"
Kalma, Cindy. Kalma ulit. Hayaan mo na at isang linggo lang naman ay kusang uuwi 'yan. Baka nga wala pang isang linggo ay umalis na 'yan. Hahalakhak talaga ako ng malakas kapag nangyari iyon. Tinignan ko na lang siya ng masama at hindi na sinagot.
After a more than an hour flight, we landed at Naga City Airport. Maliit lang itong paliparan kaya hindi kami nahirapang hanapin iyong mga van na patungong Caramoan. Deretso na raw ito hanggang sa Brgy. Paniman kung saan naro'n 'yung nakitang bahay ni Jasper.
Hinawakan niya ang ulo ko at inihilig sa malapad niyang braso. "Gutom ka na?" he asked, while slighty caressing my face with his thumb.
"Medyo," nakapikit kong sagot. Nabitin yata ako sa tulog ko kanina.
"Manong, padaan muna kami sa pinakamalapit na resto."
"Sige po, sir."
Nang huminto ang van sa isang bistro ay saglit na bumaba si Jasper at bumili ng pagkain. Pagbalik niya ay para akong batang excited sa pasalubong dahil gutom na gutom ako nang ilapag niya sa harapan ko iyong mga binili niya. Pinanood lang niya akong kumain at kung hindi ko pa siya susubuan ay hindi siya kukuha.
Kulang apat na oras ang naging byahe namin kaya't pahapon na nang nakarating kami ng Paniman. At dahil pahapon na at wala na ang matinding sikat ng araw, nagkalat na ang mga tao sa labas ng kani-kanilang mga bahay. Nakatingin ang lahat ng mga ito nang huminto ang van na sinasakyan namin. Namangha agad ako sa lugar pagkaapak na pagkaapak ko sa mabatong buhangin at pagkasilay ko sa asul at berdeng karagatan.
Napakaganda! Jusko po. Nabighani agad ako sa lugar at feeling ko tuloy ay hindi ako magsisising tumira dito ng isang taon. Bumaba si Jasper at pinalibutan kami ng mga batang tila manghang mangha sa amin. O baka kay Jasper lang dahil maputi siya.
Iminuwestra niya sa 'kin ang isang nipa house na nasa beachfront. Nilingon ko ito at masaya akong napangiti sa kanya.

"Yan na ang bahay natin?!"
"Yes...bahay natin." Malapad ang ngiting pagkumpirma niya. Nilapitan kami ng isang babaeng may edad na siyang kausap pala niya rito sa bahay.
"Mr. Perez?"
"Aling Tonyang po?"
Nagkamay silang dalawa at iginiya kami nito papasok do'n sa bahay. Nagpirmahan sila ng kontrata siguro iyon. Nakaramdam ako ng sobrang excitement nang papasok na kami at napansin yata iyon ni Jasper dahil sa pagpisil pisil ko sa braso niyang hawak ko. Natatawa niyang hinawakan ang kamay ko habang nililibot kami ni Aling Tonyang sa loob.
"Welcome to our humble abode, my Majesty."
***