CHAPTER 7
Third Person POV
Matapos ang mga nangyari sa mansyon, dinala ni Miguel si Isabel sa isang ligtas na lugar—isang bahay na sa unang tingin ay tila kinalimutan na ng panahon. Tahimik lang si Isabel habang papalapit sila sa pinto ng bahay. Alam niyang ito ang dating tahanan niya, ngunit may kirot pa rin sa puso niya tuwing natatanaw ang mga alaala ng kanyang nakaraan.
Habang nasa tapat sila ng pinto, tinitigan ni Miguel ang lumang bahay. May mga bakas ng panahon sa mga pader nito, at halatang hindi na ito nagagamit nang matagal na panahon. “Ito ba ang tahanan mo?” tanong ni Miguel, bagaman alam na niya ang sagot.
“Oo,” sagot ni Isabel, mababakas sa kanyang boses ang bahagyang saya at kalungkutan. “Dito ako dati nakatira... bago ang lahat ng nangyari.”
Pumasok sila sa loob, at habang binubuksan ni Miguel ang pinto, sumalubong sa kanila ang malamig na hangin na tila ba puno ng mga alaala. Tahimik lang si Isabel habang sinusuri ang bawat sulok ng bahay. Sa bawat pader, sa bawat kasangkapan, tila ba buhay ang mga alaala ng kanyang nakaraan.
Naglakad-lakad sila sa loob. Si Isabel ay tahimik, habang si Miguel ay maingat na pinagmamasdan ang bawat galaw ng kaluluwa. Nang makarating sila sa sala, huminto si Isabel at tumitig sa isang larawan sa pader.
“Dito ako dati masaya,” bulong ni Isabel, nakatitig sa isang lumang larawan ng kanyang mas batang sarili. “Pero ngayon, parang ibang tao na ako.”
Bago pa man makapagsalita si Miguel, tumunog ang kanyang cellphone. Tumawag ang kanyang boss.
"Excuse me, Isabel," sabi ni Miguel habang mabilis na sumagot sa tawag. "Hello, boss?"
"Miguel, kamusta ang kaso sa mansyon ng Perez?" tanong ng boss niya. "Napa-alis mo na ba ang kaluluwa doon?"
Saglit na tumingin si Miguel kay Isabel, na tahimik lang na nakatayo sa tabi niya. Alam niyang hindi pa oras para sabihin ang buong katotohanan. Kaya’t nagpasya siyang itago muna ang totoo.
"Ah, oo, boss," sagot ni Miguel, pilit pinapanatiling normal ang boses. "Napa-alis ko na ang kaluluwa. Ligtas na ang mansyon."
"Good job, Miguel," sabi ng boss niya. "Siguraduhin mong tapusin ang report tungkol dito. Dapat maisulat mo ang lahat ng nangyari."
"Yes, boss," sagot ni Miguel bago ibaba ang tawag. Huminga siya ng malalim, ramdam niya ang bigat ng pagsisinungaling. Pero alam niyang hindi pa oras para malaman ng iba ang nangyayari.
Pagkatapos ng tawag, lumapit siya kay Isabel. "Ligtas ka na rito," sabi niya. "Sa ngayon, magpahinga ka muna. Hindi mo kailangang mag-alala."
Ngumiti si Isabel, at sa unang pagkakataon, may nakita si Miguel na kakaibang liwanag sa kanyang mga mata. "Salamat, Miguel," bulong ni Isabel. "Hindi ko alam kung ano'ng gagawin ko kung wala ka."
"Kasama mo ako," sabi ni Miguel, at sa pagkakataong iyon, ramdam niya na hindi lang ito isang pangako kundi isang bagay na kaya niyang tuparin. "Hindi kita iiwan hangga't hindi ka handa."
Tumango si Isabel, at naglakad sila patungo sa kusina. Sa bawat hakbang nila, ramdam ni Isabel ang mga alaala ng dati niyang buhay. Pero sa kabila ng lahat, alam niyang may kasama na siya. May tiwala na siyang hindi na siya nag-iisa.
Habang naglalakad sila sa loob ng bahay, napansin ni Miguel ang pagbabago sa aura ni Isabel. Mula sa pagiging galit at puno ng poot, unti-unti na itong nagiging kalmado. Ngunit alam niyang hindi pa tapos ang kanilang pakikipagsapalaran.
"Miguel," sabi ni Isabel habang nakatitig sa kanya. "Alam kong marami pang tanong sa isip ko. Pero ngayon... pakiramdam ko, may tiwala ako sa’yo. May dahilan kung bakit nandito ka."
Tumango si Miguel. "At ako, nandito para tulungan ka," sagot niya. "Magkasama nating hahanapin ang mga sagot. Hindi kita pababayaan."
Habang lumalalim ang gabi, nanatili silang magkasama sa loob ng bahay. Alam nilang marami pa silang haharapin na pagsubok, ngunit sa pagkakataong iyon, buo na ang kanilang tiwala sa isa’t isa.
Masaya si Isabel at Miguel kahit magkaiba sila ng mundo—ang isa'y kaluluwa at ang isa nama'y buhay pa. Sa kabila ng lahat ng misteryo at takot, natagpuan nila ang kakaibang koneksyon sa isa’t isa. Sa kanilang pananahimik, alam nilang may bagay na higit pa sa nakikita.
Habang nakaupo si Isabel sa sofa, pinagmamasdan niya si Miguel na abala sa paghahanda ng tsaa sa maliit na kusina ng lumang bahay. Para kay Isabel, nakakapanibago ito—ang pakiramdam ng pagiging malapit sa isang tao muli. Ang simpleng kilos ni Miguel, na para bang normal lang ang lahat, ay nakakapagbigay sa kanya ng kapayapaan kahit papaano.
“Miguel,” mahinang tawag ni Isabel mula sa sala. Lumingon si Miguel habang hinahalo ang tsaa. “Bakit mo ginagawa ‘to? Bakit mo ako tinutulungan? Alam mong iba ako… na hindi na ako nabubuhay tulad mo.”
Napabuntong-hininga si Miguel at lumapit kay Isabel, dala ang dalawang tasa ng tsaa. Ibinigay niya ang isa sa babae, na tinanggap ito nang may bahagyang pagdududa. Tumingin siya kay Isabel, hinahaplos ng kanyang mga mata ang maputlang mukha nito, na may bakas pa ng sakit at pagkagalit mula sa nakaraan.
“Hindi ko rin alam,” sagot ni Miguel, tinititigan ang kanyang tasa. “Pero may nararamdaman ako sa’yo na hindi ko maipaliwanag. Para bang... may mas malalim pa na dahilan kung bakit tayo nagkita. Hindi ko lang kaya na pabayaan ka sa kalagayan mo ngayon.”
Tumingin si Isabel sa tasa ng tsaa na nasa kanyang kamay, na tila ba iyon ay isang bagay na mula sa ibang mundo. Nakakatawa para sa kanya na kahit na hindi na siya buhay, ang simpleng bagay tulad ng isang tasa ng tsaa ay nagdudulot pa rin ng kaunting aliw. Natawa siya ng bahagya, isang mahinang tunog na nagpalambot sa bigat ng kanilang sitwasyon.
“Tsaa?” tanong ni Isabel habang iniangat ang tasa. “Parang hindi ko na kailangan ‘to, di ba? Hindi na naman ako buhay.”
Ngumiti si Miguel. “Alam ko. Pero minsan, kahit ang mga simpleng bagay, nakakatulong para maibalik ang pakiramdam ng pagiging normal.”
“Normal?” Tumawa si Isabel. “Miguel, wala nang normal sa sitwasyon natin. Isang kaluluwa ako, at ikaw, isang investigator na siguro hindi mo rin inasahan na ganito kahirap ang magiging kaso mo.”
Napangiti si Miguel. “Oo nga, tama ka. Hindi ko inaasahan ‘to. Pero... hindi ko rin inaasahan na magiging masaya akong kasama ka.”
Nagulat si Isabel sa sinabi ni Miguel. Hindi niya alam kung paano siya magre-react, pero naramdaman niya ang kaunting init sa kanyang puso, isang damdaming hindi niya naramdaman ng napakatagal na panahon. “Masaya? Sa isang kaluluwa?”
Tumawa ng mahina si Miguel. “Oo. Hindi mo ba napapansin? Masaya ako dahil... hindi ka lang basta kaluluwa. Ikaw si Isabel, at ngayon, mahalaga ka sa akin.”
Natahimik si Isabel. Mula sa pagiging isang galit na kaluluwa, hindi niya akalaing makakaramdam siya ulit ng ganito—isang bagay na mas malalim pa sa takot o paghihiganti. Bumuntong-hininga siya at tumingin sa mga mata ni Miguel. Nakita niya doon ang katotohanan, ang isang bagay na hindi niya nahanap sa mga taong minahal niya noon.
“Miguel...” bulong ni Isabel, “Matagal na akong galit, matagal na akong takot. Hindi ko na maalala kung paano maging masaya o kung paano magtiwala ulit. Pero sa’yo... nararamdaman kong iba ka.”
“Isabel, hindi kita bibitawan,” sabi ni Miguel. “Hindi ako aalis hangga’t hindi kita natutulungan na makahanap ng kapayapaan.”
Napaluhod si Isabel sa harap ni Miguel, iniabot ang kanyang kamay na tila ba ito’y may bigat mula sa lahat ng taong pagkabilanggo sa kanyang galit at poot. Si Miguel naman, maingat na hinawakan ang kanyang kamay. Bagama’t malamig ito, naramdaman ni Miguel ang bigat ng emosyon na bumabalot kay Isabel.
“Gusto ko nang maging malaya,” bulong ni Isabel. “Gusto kong malaman kung ano pa ang naghihintay sa akin. Pero natatakot ako, Miguel. Natatakot akong baka hindi ko makayanan ang katotohanan.”
“Haharapin natin ‘yan nang magkasama,” sabi ni Miguel, tinitigan siya ng seryoso.