Bea Dean's POV
Tulala ako habang nasa loob kami ng locker nila Beta. Kanina pa kaming umaga rito pero hindi man lang kami tinawag kung may eksena na kami.
"Ito lang meron ako," sabi ni Beta at merong inaabot sa akin na ilang tag-iisang libo.
Dalawang araw na akong tulala lalo't kritikal pa rin hanggang ngayon si Kristina dahil sa hit and run na nangyari sa kan'ya dalawang araw na ang nakakalipat.
Maraming buto ang bali sa katawan niya at natahi rin ang bahagi ng kanang ulo ni Kristina. Sa ngayon marami pang test ang kailangang gawin sa kapatid ko at kailangan pa niyang mapasahan ng dugo.
May ipon naman ako pero alam kong hindi 'yon sasapat sa lahat ng gastusin sa bahay, sa kambal, at kay Kristina. Hindi ko alam kung sino ang lalapitan ko at kung sino ang pwede kong utangan para sa mga gamot na kakailanganin ni Kristina.
Ayaw ko mang pumasok ngayong araw ay hindi ko magawa lalo't kailangan na kailangan ko ng pera ngayon.
Hindi ko nga alam kung makakakuha pa ako ng paunang sahod sa Amo namin ngunit susubukan ko pa rin mamaya.
Kinapalat ko na rin ang mukha ko at kumausap ng ibang mga kasamahan sa trabaho na kung pwede ay pahiramin ako kahit na kaunti lang.
Sayad na sayad lang ako ngayon lalo't naipambayad ko sa tuition ng kambal ang malaking perang naipon ko.
Dahan-dahan kong kinuha ang perang binigay ni Beta.
"Salamat," mahinang sabi ko habang nakatitig sa binigay ni Beta.
"Kamusta naman si Kristina?" mahinang tanong niya at umupo sa tabi ko.
"Hinahanap palang 'yong driver ng van na nakabangga sa kan’ya. Pasensiya ka na Beta, ibabalik ko rin ‘to agad kapag nagkaluwag-luwag ako, kahit patungan mo na ng interest. Gipit lang ako ngayon lalo’t lahat ng mga kapatid ko ay kasalukuyang nag-aaral, ‘yong tuition ng kambal, at sumabay pa ‘tong nangyari kay Kristina,” mahinang sabi ko kaya naman hinawakan ni Beta ang balikat ko.
“Ano ka ba, Dean?! Wala ‘yon! Maliit na tulong lang ‘yan! Kapag nagkataon na mataas ang kikitain natin, mag-aabot ulit ako hanggang sa maging maayos ang lahat kay Kristina,” nakangiting sabi ni Beta kaya kahit papaano ay lumakas ang loob ko.
“‘Yong tatlo raw na kasamang sasayaw ni Miss Betanni,” sigaw sa labas ng locker namin kaya naman nagkatinginan kami ni Beta.
“Akala ko ba hindi pa tayo kukunan ngayong araw?” tanong ko lalo’t sa dami kong iniisip ay hindi ko yata magagawa ng maayos ang scene namin nila Beta.
“Hindi ko rin alam, Dean. Hindi pa tayo nakabihis,” mahinang sabi ni Beta.
Natataranta naman kaming tumayo kaso biglang pumasok si Akira at nakangiti pa siya na halatang kinikilig na naman.
“Akira, ano’ng ganap sa labas? Pinapatawag daw tayo,” kinakabahan na sabi ni Beta.
“Final blockings na kasi para raw alam natin ang pwesto natin at hindi natin masasapawan si Betanni sa pagsayaw,” sabi ni Akira kaya naman nakahinga ako ng maluwag.
Umaga palang kaya tiyak na kung hindi bukas namin ‘to kukunan ay mamayang gabi lalo’t palaging nagmamadali si Direk.
Makikita ko na naman ang hambog na Aillard na ‘yon. Halatang panget ang pag-uugaling meron siya. Actually mga scene palang kung saan pinapakita ang trabaho ni Bettani rito sa bar at talagang wala pa ang scene ni Aillard kung saan mabibighani siya kay Betanni kapag nakita niya itong sumasayaw sa entablado kaya naman hindi pa dapat siya nandito sumabalit sa mga araw na lumipas ay palagi siyang nakabantay kay Betanni kaya naniniwala na akong may relasyon ang dalawang ‘yon.
Halata kasing may gusto si Aillard kay Betanni lalo’t ang ganda ng emosyong naglalaro sa kan’ya mukha kapag kaharap niya si Betanni.
Nasa kalagitnaan kami nang paglalakad papalapit sa entablado nang makita namin ang direktor. Seryoso siyang itinuturo sa mga staffs ang mga pailaw na kakailanganin kapag sasayaw na si Betanni.
Mukhang nasa late 30s palang ang ditektor para sa teleseryeng kinabibidahan ni Betanni. Halatang istrikto rin lalo’t nakakunot ang noo niya palagi at nakasigaw rin kapag may mga palpak na mga scene.
Sa ilang araw naming nakatengga at pinapaasa rito sa loob ng bar ay nasilayan namin kung paano talaga kaabala ang mga tao sa likod ng camera. Mas napabilib pa nila ako kaysa sa mga umaarteng artista sa harapan ng camera.
May mga staffs na panget ang trato sa ‘min subalit mayroon din namang mga staff ang maayos ang pakikitungo sa amin.
“Direk, ito na po ang tatlong babaeng makakasama ni Miss Betanni sa pagsayaw mamayang gabi,” sabi ng staff na nasa harapan namin kaya naman nailipat ang tingin sa amin ng Direktor.
Tinignan niya kaming tatlo isa-isa at mula ulo hanggang paa ang pagtingin niya kaya naman pinagmasdan ko siyang mabuti upang makita kung huhusgahan ba niya kami nila Beta.
“Okay,” sabi niya at tinuro ang mga parte na may ekis sa entablado. “Sino sa inyo si Dean?” biglang tanong niya kaya naman siniko ako ni Beta.
Tulala kasi ako at bumabalik ang isip ko kay Kristina lalo’t nag-aalala ako sa aking nakababatang kapatid.
“A-ako po,” mahinang sabi ko kaya naman tumingin siya sa akin.
“Doon ka sa likod, Dean. Sinabi ng Instructor na ikaw ang nagturo kay Betanni ng sayaw at ikaw ang pinakamagaling sa inyong tatlo. Hindi porke’t nasa likod ka ay hindi ka gagalaw sa naaayon sa gusto mong paggalaw, ano ang sinabi ni Arman sa ‘yo?” tanong niya habang nakakunot ang noo.
Ang Arman na tinutukoy niya ay ang Instructor na nagturo sa amin ng step sa pagsayaw na gagawin namin.
Isa itong mabagal na beat at talagang naka-focus sa erotikang pagkilos ng katawan. Maraming nagsasabi na mas madali ang mabagal na pitik ng katawan sa pagsayaw ngunit para sa akin ay ito ang pinakamahirap. Dahil halatang-halata ang pilit mong pagkilos kapag nagkamali ka lang kahit na sa pinakamaliit na detalye ng pagsayaw mo.
Ilang beses na nagkakamali si Betanni at palaging huli sa beat ng kanta. Doon ako kunakabahan, baka doon kami mag-ulit.
“Ang sabi niya ay kailangan kong liitan ang pagsayaw upang hindi masapawan si Betanni,” mahinang sabi ko kaya naman napatango-tango ang direktor.
“Huwag mo siyang sundin,” seryosong sabi niya dahilan kung bakit natigilan ako.
“Po?”
“Nasa likuran ka, sa inyong tatlo, ikaw ang pinakamagaling sumayaw kaya mas mabuti kung ibibigay mo ang lahat para sa pagsayaw niyo mamaya, huwag mong isipin na masasapawan mo si Betanni lalo’t sa kan’ya naman nakatutok ang karamihan sa camera, ayaw kong pumanget ang pagsayaw niyong apat dahil lang sa hinahayaan niyo lang si Betanni ang maging sentro ng sayaw. Apat kayong kikilos sa sayaw na ‘yon. Iba naman ang suot niyang damit kaya ayos lang,” deretsyong sabi niya kaya naman tumango kami nila Beta.
Narinig ko pang kinausap niya si Beta at Akira dahil silang dalawa ang nasa magkabilang gilid ni Betanni.
Ibig sabihin ay mamayang gabi na kami sasayaw kung saan ang eksenang panonoorin bi Aillard si Betanni.
Ang hambong na ‘yon.
Napahawak na lang ako sa noo ko lalo’t hindi ko alam kung maibibigay ko ba ang best ko para sa eksena namin mamayang gabi.
Naka-maskara naman kami nila Beta. Okay lang siguro. Hindi naman makikita ang mukha ko. Isa pa parehas na kulay pula ang suot namin nila Beta samantalang pinaghalong pula at itim kay Betanni.
Ang pinagdarasal ko lang ay hindi ako magkamali mamaya dahil nakakahiya. Kinabahaan ako kahit pa ba matagal ko nang gawain ‘to at hindi na bago ang maraming matang nakatitig sa akin.
Iba kasi ngayon.
Karamihan sa manonood ay artista at staffs. Hindi mga manyakis na lalaking kulang na lang ay lapitan ka sa entablado para hipuan.
Mas pipiliin ko naman ang mga manonood sa amin mamaya ngunit kinakabahan lang ako kapag magkakamali ako.
Pakiramdam ko ay mas sumakit ang ulo ko.
Kailangan kong paghandaan ang mangyayari mamaya.
Bahala na.