Bea Dean's POV
Nakatitig ako sa mukha ko na puno ng kolorete sa mukha. Mula sa gilid ng mga mata ko ay nakita kong tinatanggal na nila Akira ang kolorete sa mukha nila kaya napangiti na lang ako.
Tapos na namin ang trabaho namin.
Hindi ko alam kung ano pa ang magiging papel namin sa pelikula pero hindi ko na muna iisipin 'yon. Ang mahalaga natapos na ang sayaw ngayong gabi.
Ilalapat ko na sana sa mukha ko ang bulak na hawak ko nang bigla na lang may pumasok sa loob ng locker. Isang staff 'yon na humahangos pa na halatang minadali ang pagpunta rito.
"Pinapatanong ni Direk kung sino raw po ang nasa likuran kanina," sabi niya kaya nagkatinginan kami ni Beta.
"Nasa likod na sumasayaw?" tanong ni Akira.
Tahimik lang naman ako at balak nang tanggalin ang koloreteng nasa mukha ko kaso umeksena pa ang staff na 'to. Ano naman kaya ang kailangan nila sa 'kin? Bakit ako lang ang tinatanong?
"Oo, pinapatawag kasi ni Direk," mahinang sabi niya.
Nakita ko na lang na tinuro ako ni Beta at nagtataka rin siya. Nagsalubong ang mga paningin naming dalawa ni Beta.
Tumayo na lang ako at kinuha ang maskara ko kanina. Nakasunod ako sa staff, hindi ko alam kung ano ang kailangan sa akin ng Direktor.
Naglakad kami papunta sa pwesto ng Direkto sa labas ng Bar. May tent kasi siya doon at nakikita niya lang ang eksena sa monitor.
"Direk, nandito na po siya," sabi ng staff kaya nagsalubong ang mga paningin namin ng Direktor. Ngumiti siya sa 'kin kaya kinabahan ako.
"Bea Dean, right?" tanong niya sa 'kin. Nagtataka akong tumango. Tsaka ko lang napansin ang may ari ng bar sa likuran ni Direk. Kinabahan naman ako lalo't hindi ko siya pinagkakatiwalaan. Ipagkakalulo niya ako kahit kanino, gano'n siya karuming makipaglaro sa pera.
"O-opo," mahinang sabi ko bago ko inirapan ang may ari ng Bar. Masakit isipin ang pangalan niya kaya wala akong balak na banggitin 'yon.
“Magaling kang sumayaw,” biglang sabi ni Ditek. Nabunutan naman ako ng kaba dahil baka nagkamali ako kanina.
Napansin kong lumabas ang may ari ng bar kaya muli akong napatingin sa mukha ni Direk.
“Kaya mo bang sumayaw ulit?” tanong niya kaya nanlaki ang mga mata ko.
“P-po?”
“Gano’n pa rin naman, magsusuot ka ng maskara pero may iba kaming ipapasuot sa ‘yo. Kaya mo bang sumayaw ng gawa-gawa mo lang? May suggestion kang musika o beat? Ikaw ang masusunod. Sasayaw ka ng mag-isa sa entablado,” sabi niya kaya napakagat ako sa ibabang labi ko.
Hindi ko alam kung papayag pa ako at nahihiya akong magtanong kung may dagdag sa sagod ko.
“Makukuha mo agad ang sahod mo ngayong gawin, mas malaki, bayad ang gabing ‘to at ang biglaang pagsayaw mo, nasalikuran ka na kanina subalit… ang paggalaw ng katawan mo ang kapansin-pansin.”
Hindi ko alam kung magandang comment ‘yon dahil sa pagsayaw ko kanina.
“M-magkano po?” mahinang tanong ko dahil kailangan na kailangan ko ng pera para kay Kristina.
“Thirty… thirty thousand,” he whispered.
Nanlaki ang mga mata. Tumingin siya sa relo na nasa bisig niya at tumingin sa isang babae sa likuran niya.
“O-okay…”
“Mika! Ayusin mo ‘tong si Bea!” sigaw ni Direk kaya napalunok ako.
Hindi ko alam pero hinayaan kong hilain ako ni Mika at inayusan ako.
Hindi pa rin gumagana ang isip ko dahil hanggang ngayong gulat na gulat ako. Hindi ko alam kung ano ang eksena. Wala sa outline ng kwento ang pagsayaw ng extra.
Extra lang ako rito.
“Sigurado ka bang hindi ka mayaman?” tanong ng nag-aayos sa akin kaya nanlaki ang mga mata ko. Halatang inipit lang ang boses niya.
Bakla siya…
“Ang ganda-ganda mo. May lahi ka ‘no?” nakangiting tanong niya sa ‘kin.
Hindi ako sumagot sa tanong niya kaya naman natawa siya.
Hindi ko alam kung ilang oras akong inayusan ni Mika. Basta ang alam ko na lang ay pinagbibihis na niya ako ng bagong lingerie.
Kulay pula pa rin subalit kumikinang na ito na para bang ako ang main character ng kwento.
Tinitigan ko ang sarili ko sa harapan ng salamin at hindi ko alam pero natuwa ako habang tinititigan ko ang sarili ko sa harapan ng salamin na puno ng ilaw.
‘Ang ganda-ganda ko.’
“‘Di ba?! Mas maganda ka na ngayon!” tumitiling sabi ni Mika.
Hindi ko naisip na kayang kong purihin ang sarili ko. Ang korean style na make up ay bumagay sa hugis puso kong mukha.
Kumikinang ako ngayon.
“Direk! Okay na siya!” sigaw ni Mika. Tumingin ako sa pinto at nakita kong pumasok doon ang ibang staff kasunod ni Direk. Nakita kong nagulat pa siya nang makita ako.
Umiwas naman ako ng tingin.
“Kaya mo ba ng isang take lang? Sasayaw ka lang habang nanonood sila sa ‘yo,” sabi ni Direk kaya tumango na lang ako at dahan-dahan na tumayo.
Binigyan ako ng itim na long sleeved ni Mika at ngumiti sa ‘kin.
Naglalakad kami ni Mika papasok sa bar. Nagtaka ako dahil nakita ko sila Beta na mukhang kasama sa manonood. Kumaway sa ‘kin si Beta.
Umiwas na lang ako ng tingin kay Beta nang tawaging ni Mika ang pangalan ko at mukhang aalalayan niya akong umakyat sa entablado.
Inalalayan nga ako ni Mika at tinuto ang pole.
“Sabi ni Direk gamitin mo ‘tong props sa pagsayaw mo.”
Tumango na lang ako.
Doble ang kabang nararamdaman ko ngayon pero iniisip ko na lang na malaki ang perang maiuuwi ko ngayong gabi.
Ang itatatak ko na lang sa isipan ko habang sumasayaw ay ang mga taong nanonood ay hindi kilalang mga tao sa larangan ng pag-arte.
Iisipin ko na lang na sumasayaw ako sa mga manyak na lalaki na palagi kong ginagawa.
Humarap ako sa pole at napabuntong hininga. Ipinikit ko ang mga mata ko upang palakasin ang loob ko.
‘Kaya mo ‘to, Bea Dean. Sasayaw ka lang ngayong gabi at meron kang maiuuwing pera.’
Nang mapuno nang ingay na nagmumula sa speaker ang buong bar ay unti-unti kong iginiling ang bewang ko at dahan-dahan na humarap sa mga nanonood.
Pinanatili ko ang ngisi sa namumula kong labi at maya-mayang kinakagat ang pang-ibaba kong labi kapag mabagal kong hinahaplos ang aking katawan.
Sinabay ko sa ritmo ng kanta ang katawan ko. Ngunit bigla akong napatigil sa pagsayaw nang makita ko na naman ang umaapow na titig sa akin si Aillard. Hindi ako pwedeng magkamali… ang titig niya ay puno ng pagnanasa.
Paanong hindi ko malalaman ang tingin na ‘yon kung gabi-gabi kapag sumasayaw ako sa entabladong ‘to ay pagnanasang titig ang makikita ko sa mga lalaking laman na ng Bar na ‘to upang pagnasahan ang mga babaeng nandito.
Hindi ko alam na matagal pala akong nakatayo lang sa entablado at hindi pinutol ang tingin kay Aillard.
Magkasalubong ang paningin naming dalawa dahilan kung bakit hindi tumigil ang pagtibok ng mabilis ang puso ko.
“Cut!” sigaw ni Direk at doon lang ako natigilan at bumalik sa realidad.
Nahiya naman ako nang makita kong nagbulungan ang mga nanonood sa ‘kin.
Nakita kong tumayo si Aillard at lumabas sa Bar.
Nahiya naman ako bigla dahil pakiramdam ko ay kailangan kong ulitin ang pagsayaw ko. Nang makita kong pumasok si Direk ay kinabahan akong bumaba sa entablado.
“Ano’ng nangyari Dean?” tanong ni Beta nang makalapit siya sa ‘kin.
Hindi naman ako sumagot dahil hindi ko rin alam kung bakit natigilan ako sa pagsayaw. Hindi naman ako gano’n kapag sumasayaw.
Lumapit sa ‘kin si Direk pero nakangiti siya.
“Sorry po,” mahinang sabi ko.
“No… it’s fine. Ang usapan ay usapan. Naibigay ko na ang bayad sa amo mo. Pwede na kayong magpahinga, okay na ang eksenang ‘yon,” sabi ni Direk bago humarap sa mga camera man.
Nakahinga naman ako ng maluwag bago namin tinungo ang locker dahil kailangan kong magbihis.
“Grabe! Sobrang kinang mo naman!” sigaw ni Beta at hinawakan ang mala-alon kong buhok.
Hindi naman nagsasalita si Akira kaya hindi ko alam kung galit na naman siya.
Kailangan kong isauli ang damit na ‘to kila Mika dahil hindi naman ‘to sa ‘kin.
Kalalabas ko lang sa banyo at kakatapos na magbihis ay biglang nasa harapan ko na si Beta.
“Dean! Pinapatawag ka ni Boss,” sabi ni Beta kaya naman tumango na lang ako at saglit na binaba ang lingerie na suot ko kanina at lumabas sa locker.
Nakita kong inaayos na ang mga wires at props kaya mukhang tapos na ang shooting ngayong gabi.
Kumatok ako sa opisina ng may ari ng bar ng tatlong beses bago ako pumasok.
Nakita kong nakangiti ang boss namin habang nakatingin sa ‘kin.
“Iba ka talaga, Dean.”
Nagtaka ako sa sinabi niya pero lumapit ako sa kan’ya. Nakita kong may sobre doon na busog na busog. Walang modo kong kinuha ang sobra at inilabas ang perang nandoon.
“Sa ‘kin ‘to, ‘di ba?” malamig na tanong ko.
Binilang ko sa harapan niya ang pera pero titig na titig siya sa ‘kin.
Pinapakita ko lang na ayos ako pero hindi ko makalimutan ang tingin ni Aillard. Hindi ako makapaniwalang makakaramdam siya ng pagnanasa sa inaakusahan niyanh bayaran.
“Merong nag-offer sa ‘kin ng malaki para sa isang gabi mo,” mahinang sabi niya sa ‘kin dahilan kung bakit natigilan ako sa pagbilang ng tag-iisang libo na hawak ko.
Maya-maya lang ay tinuloy ko ang pagbibilang.
“Hindi ako intresado,” malamig na sabi ko.
Baka hindi na ako mapatawad ng kapatid ko kapag ginaya ko pa si Mama.
“Hindi mo ba tatanungin kung sino?” tanong niya bago tumawa. “Oh kaya naman hindi mo ba itatanong kung magkano?”
Napapikit ako ng madiin dahil sa tanong niya sa ‘kin.
Nang mabilang ko na ang pera ay tumalikod na ako sa kan’ya. Wala akong panahon sa pagbubugaw niya sa ‘kin.
“Si Sir Aillard ang nais magbayad ng isang gabi mo…”
Natigilan ako sa paglalakad dahil sa gulat.
“Isang daang libo… para sa sayaw mo.”