Bea Dean’s POV
Maaga akong magising lalo’t ako pa ang mag-aasikaso ng mga kakailanganin ng mga kapatid ko bago pumasok sa paaralan. Maaga rin naman akong pinapapasok dahil ngayon na rin ang start ng trabaho ko.
Hindi ko man alam kung ano ang naghihintay sa aking trabaho ay wala na akong pakialam, gusto ko lang talagang kumita ng pera.
Nasa kalagitnaan ako ng pagluluto ng simpleng umagahan nang makita kong pumasok si Dillan sa loob ng kusina. Ngumiti naman agad ako dahil hatalang kakagising palang niya.
Pasimple akong tumingin sa wall clock at nakitang alas singko palang ng madaling araw. Dapat ganitong oras palang ang uwi ko galing sa bar na pinagtra-trabahuan subalit dahil wala nga akong pasok kagabi at maagang nakauwi ay maaga rin akong nakatulog.
“Ano’ng oras ang klase mo?” mahinang tanong ko kay Dillan. Aaminin ko nang magsimulang maunawaan ni Dillan ang trabaho namin ni Mama ay unti-unti nang lumayo ang loob niya sa ‘kin.
Minsan hinihiling ko na lang sana ay hindi na lang lumaki si Dillan, upang sana’y nasalba ko pa ang pagiging malapit naming dalawa.
“Himala at nagluluto ka ngayon,” malamig na sabi ni Dillan sa akin kaya naman napabuntong hininga ako. Alam ko kasing kaya sila maagang nagigising ay dahil siya ang madalas na mag-asikaso sa mga nakababata pa naming kapatid.
“Wala kasing pasok si Ate kagabi,” mahinang sabi ko at nilalabanan ang tampo na nararamdaman ko.
Umaasa na lang ako na mauunawaan niya kung bakit hindi ako makawaka sa gapos ng kapalaran. Kapag bibitawan ko ang trabahong ‘to ay siguradong sa kangkungan kami pupulutin.
Hindi nagsalita si Dillan pero naupo naman siya sa pinagkakainan namin. Sunod na pumasok sa kusina ay si Mea na mukhang bagong gising lang din.
“Ate ano ‘yan?” nakangiting tanong ni Mea kaya natuwa naman ako.
“Itlog lang, sinangag, at tuyo,” mahinang sabi ko.
“Sarap!” malakas na sabi ni Mea kaya natawa ako. Sinilip ko si Dillan at nakita kong malamig siyang nakatingin sa akin.
“Mea pwedeng pakigising na sila Kristina? May pasok pa kayo sa school kaya mas maganda kung lahat kayo ay gumagayak na, mamaya kasi mag-uunahan na naman kayo sa banyo kung sinong unang maliligo,” mahinang sabi ko kaya agad namang tumango si Mea at muling lumabas ng kusina.
Nakita kong aalis na sana si Dillan nang magsalita ako, “Dillan tulungan mo naman si Ate na maghain.”
Nakita kong umirap siya sa hangin pero sinunod naman ang sinabi ko.
Kahit na ano’ng paliwanag ko kay Dillan ay sarado pa ang isip niyang unawain kung bakit kailangan kong gawin ang pagsasayaw. Alam kong nagiging katatawanan na siya sa klase nila dahil alam kung ano ang trabaho namin ni Mama lalo’t isa sa naging customer ni Mama ay ang Ama ng kaklase ni Dillan.
“Nakapili ka na ba ng University na papasukan mo?” tanong ko habang naghahain kami.
Hindi siya sumagot kaya naman napabuntong hininga ako.
“Magsabi ka lang sa akin kapag meron ka nang napupusuan na kurso at kung saan mo gustong magkolehiyo,” mahinang sabi ko.
Ang tapang-tapang ko sa lahat ng bahay namin pero pagdating sa mga kapatid ko, ang hina-hina ko. Sila na lang kasi ang aasahan ko, sila na lang ang meron ako, sila ang pamilya ko kaya naman ang sakit sa loob kapag sila ang unang manghuhusga sa ‘yo.
“Hindi ko alam kung mag-aaral pa ako,” malamig na sabi ni Dillan dahilan kung bakita natigilan ako sa paglalagay ng kutsara sa mesa.
“Ano?” gulat na tanong ko sa kan’ya. Hindi naman ako papayag na hindi siya makakapag-aral. Tama namg ako na lang ang hindi nakapag-aral sa aming magkakapatid. Hindi sila matutulad sa akin na mababa ang pinag-aralan.
“Kaya mo ba ang sustentuhan kung sinabi kong gusto kong lumayo?” malamig na tanong niya sa akin kaya naman naikuyom ko ang kamao ko dahil nagpipigil akong magalit.
Umiwas ako nang tingin upang pakalmahin ang aking sarili.
“Ano? Sabihin mo, kaya mo ba? Gusto kong lumayo rito! Malayong-malayo, ‘yong walang nakakakilala sa ‘yo, kay Mama, at sa akin. Nakakahiya kasi kayo e,” malamig na sabi niya dahilan kung bakit napahawak ako sa sintido ko.
Lumalaki si Dillan na nagiging matigas ang puso niya para sa amin. Hindi ko naman pinangarap na maging ganito, wala lang akong ibang pagpipilian. Wala lang akong pwedeng gawin.
“Dillan naman e, magsasagutan na naman ba tayo?” mahinang tanong ko sa kan’ya kaya naman galit siyang umiwas nang tingin sa akin.
“Ate tama na, huwag mo na lang po akong kakausapin. Mas maganda kung wala ka buong magdamag dito,” malamig na sabi niya at padabog akong iniwan sa kusina.
Tumingala ako ng tingin upang magpigil ng luha sa mga mata lalo’t gustong-gusto kong maiyak sa lahat ng mga salitang binitawan ni Dillan.
Ano pa ba’ng magagawa ko? Sarado pa ang isip niya para sa ‘kin. Hindi niya talaga ako maiintindihan dahil una sa lahat, ayaw niyang ipaintindi ko sa kan’ya ang mga nangyayari at kung bakit kailangang mangyari ‘yon.
Katulad niya ay hindi ko rin naman pinangarap na maging ganito ang malakihan kong buhay.
Hindi ko talaga hinihiling.
- - - -
“Tulala ka yata,” biglang sabi ni Beta sa ‘kin bago iabot ang hawak niyang cup ng kape. Nandito kami sa studio kung saan tuturuan namin si Betanni ng sayaw.
Kanina ay instructor din ang nagturo sa amin ng mga pwesto namin kapag nasa scene na kung saang sasayaw kami nila Betanni sa entablado.
“Si Akira, nasaan?” tanong ko bago ko titigan ang sarili ko sa malaking salamin sa studio. Wala pa si Betanni pero kanina pa kami naghihintay.
“Hindi ko ba alam doon, ang sabi niya sigurado raw siyang maraming artista rito kaya ayon nasa labas at naghahanap ng artista,” sabi ni Beta kaya napailing na lang ako.
Pagkatapos nito ay kailangan pa naming pumunta sa Bar upang tumulong doon dahil may mga gamit pa sa locker na kailangang tanggalin lalo’t kukuhanan ang loob ng kwarto kung saan kami namamamalagi kapag nagpapahinga sa Bar.
Nakita naming humahangos na pumasok si Akira sa studio at nang magtama ang mga paningin namin ay agad siyang lumapit kung nasaan kami ni Beta.
“Dean! Nandiyan na si Betanni! Ang pogi ng kasama siya! Check mo nga ‘yong garter ng panty ko, Beta. Baka kasi nahulog na!” tumitiling sabi ni Akira kaya naman napapatingin sa gawi namin ang mga iilang staff na nandito sa loob ng studio.
“Akira mahiya ka na, nakatingin sila sa ‘tin,” bulong ni Beta kaya naman napairap na lang si Akira at ngumiti sa ‘kin.
Hindi ko alam pero kahit papaano ayos ako sa ganitong asta ni Akira, at least kahit papaano ay hindi niya ako inaaway.
“Grabe! Kilala niyo si Sky!? Sky Aillard Del Bono?! Ang sarap!” sigaw ni Akira kaya naman dahan-dahan kong tinago ang mukha ko sa pamamagitan ng paghawak ko sa noo ko upang hindi ko makita ang pagmumukha ni Akira dahil maging ako ay nahihiya na rin dahil tumitingin nga sa amin ang mga staff tapos magbubulungan sila.
Nakakahiya si Akira na kasama.
“Nakita ko siya! Hinatid niya sa dressing room si Betanni! Totoo yata talaga ang chismis na hindi lang basta love team ang relasyon nila! Sila yata talaga!” sigaw ni Akira.
“Lower down your voice, ladies. Kanina pa kayo nagsisigawan d’yan. Hindi ‘to palengke ah! Huwag niyong idala ang ugali niyo sa loob ng bar dito. Hindi ‘to lugar para lumandi,” rinig naming sigaw ng manager yata ni Betanni.
Basta kanina pa siya rito.
Agad naman kaming nagtinginang tatlo kaya napabuntong hininga ako.
Alam kong pang-iinsulto ang sinabi ng manager ni Betanni sa aming tatlo pero pinagsawalang bahala ko na lang dahil ano naman ang mapapala ko kung makikipagsagutan pa ako? Baka mawalan pa ako ng trabaho.
Ganito kababa ang tingin ng mga tao sa katulad naming nasanay sa paghawak sa apoy ng buhay. Kapit sa patalim pero kahit kailan hindi nila mauunawaan ang buhay na meron kami nila Akira dahil una sa lahat, hindi nila nararanasan ang irap ng mga taong walang ibang pagpipilian kundi yakapin ang siyang bumubuhay sa kanila.
“Hey, Betanni, are you ready? Okay na ba?” tanong bigla ng instructor nang pumasok sa loob ng studio si Betanni.
Nagsalubong ang mga paningin naming dalawa dahil nagawi sa amin ang tingin niya. Umiwas din naman siya agad nang tingin bago ngumiti sa manager niya.
“Start na po, sila ba ang makakasama mo sa pagsasayaw?” tanong ni Betanni at muling tumingin sa amin.
“Oo,” nakangiting sabi ng manager ni Betanni na siyang nang-insulto sa amin kanina.
“Okay! Okay! Magsimula na tayo!” sigaw ng instructor.
Tumingin siya sa banda namin at ngumiti nang magtama ang mga paningin namin.
“Sa tingin ko Betanni siya ang piliin mong magturo sa ‘yo,” sabi ng instructor at tinuro ako.
Nagulat naman ako dahil sa sinabi niya. Nagpasada na kasi kami ng ilang beses kanina. ‘Yon ang ituturo namin kay Betanni.
“Alam niya ang bawat pitik ng kan’yang katawan sa bawat beat ng kanta. Magaling ang batang ‘to, Betanni. Paniguradong pwede pa siyang maging stunt woman mo kung hindi mo kayang masundan ang sayaw na ituturo sa ‘yo,” sabi ng Instructor kaya naman napataas ang kilay ko.
“Nako, ikaw naman Helen! Kaya naman ni Betanni sa sumayaw, mabuti kung nasa likuran itong si Dean…” saglit na tumigil sa pagsasalita ang manager ni Betanni bago tumingin sa akin, “… Dean, right? Mas mabuti kung nasa likuran siya kapag eksena na upang hindi niya masapawan sa pagsayaw si Betanni. Pero don’t worry. Ikaw ang magtuturo ngayon ay tataasan na lang namin ang sahod mo, sasabihin ko kay Direk.”
Hindi naman na ako nagreklamo.
Mataas na sahod e. Wala naman akong pakialam kung saan ako pwe-pwesto.
Tumingin sa akin si Betanni bago ngumiti.
“Huwag mo akong pahirapan ah, Dean.”