"MA—MA,"
Agad na napangiti si Heejhea nang marinig niya ang sinambit ng anak niya.
Binuhat niya ito mula sa walker nito at hinalikan niya ito sa pisngi. Jacob Philippe De Sandiego is her son at magda-dalawang taong gulang na ito sa susunod na buwan.
Nakakatuwa nga dahil isinunod niya ang second name ng asawa niya sa anak niya. Alam niyang hindi matutuwa si Jacob kapag nalaman nitong ginawa niya iyon sa pangalan ni baby Philippe kaya ni minsan ay hindi niya binanggit ang buong pangalan nito.
Sa araw na iniwan siya ni Jacob matapos nitong sabihin na hindi siya nito mahal at napipilitan lang itong pakasalan siya ay sa araw ring iyon nagsimula ang pagkalungkot niya.
Hindi niya inakala na may saya pa pala sa likod niyon dahil sa araw na 'yon, nabuo ang kambal sa sinapupunan niya.
Matapos kasi ang araw na 'yon, wala ng nangyari pa sa kanila ni Jacob, ni hindi na ito lumalapit pa sa kanya. Para siyang palamuti sa mansion na dinadaanan na lang nito.
Pero mas mabuti pa siguro ang isang palamuti dahil alam niyang may halaga iyon sa asawa niya pero siya? Wala.
Nang sabihin naman niya kay Jacob na buntis siya ay mas lalo lang na lumayo ang loob nito sa kanya. At sa mga panahong nagbubuntis siya, umasa pa rin siyang hahagurin nito ang likod niya kapag nagsusuka siya, na bibilhin nito yung mga pagkaing pinaglilihian niya at sasamahan siya sa mga check-ups niya.
Pero umasa na naman siya sa wala dahil wala pa rin itong pakialam, kahit na mamatay pa siguro siya sa harapan nito ay baka makahinga pa ito ng maluwag dahil sa wakas malaya na ito mula sa kanya.
Sa mga araw na hirap na hirap siya sa pagbubuntis niya ay nasa trabaho ito buong magdamag. Kulang na nga lang doon na ito tumira sa opisina nito. Kung umuwi naman ito ay hatinggabi na at may kasama pa itong babae.
Akala yata nito ay tulog na siya pero ang hindi nito alam na nasa isang sulok lang siya at nasasaktang pinapanood ito at ang mga ginagawa nito.
Hindi rin naman kasi siya makakatulog hangga't hindi pa ito umuwi. Alam din naman niya kung hindi ito uuwi dahil ite-text naman siya ng secretary nito.
Sa panahong 'yon, naisipan niyang maghanap ng trabaho para sa mga anak niya, para hindi siya maging palamunin ni Jacob. At sa De Sandiego Hotel siya natanggap bilang isang janitress, kung saan pag-aari ni Sir Zach, ang kakambal ng asawa niya.
Alam ni Sir Zach ang sitwasyon niya sa kapatid nito kaya tinanggap siya nito roon at kagustuhan din niyang janitress ang magiging trabaho niya roon sa hotel para kapag matapos na ang shift niya ay maaga siyang makakauwi.
Ilang beses na rin siyang inalok ni Sir Zach na umalis na sa poder ni Jacob at ito na lang ang bubuhay sa kanila ng mga anak niya na ilang beses na rin niyang tinanggihan.
Hindi naman iyon ang solusyon sa problema niya. She maybe a kept woman but still dala-dala pa rin niya ang pangalan ni Jacob.
Minsan naisip niyang umuwi na lang sa bahay ng Papa niya pero natatakot siya na baka hindi na siya nito tanggapin pa. At isa pa ayaw niyang umalis dahil gusto pa niyang ayusin ang pagsasama nila ni Jacob.
Kahit ilang taon na ang lumipas at wala pa ring progress sa kanilang dalawa pero hindi pa rin naman siya nawalan ng pag-asa.
Martyr na kung martyr pero para sa anak niya ay magpapakatanga siya.
Mahirap pagsabayin ang trabaho niya sa hotel at ang trabaho niya bilang katulong sa pamamahay ng asawa niya, lalong-lalo na no'ng panahong bago pa lang niyan ipinanganak sina baby Philippe at baby Jace.
Mag-isa rin niyang dinala ang sarili sa ospital noon. Akala niya ay mamamatay na siya nang hindi man lang mailuwal ang mga anak. Hindi kasi siya kaagad inasikaso pagdating niya roon sa ospital kahit namimilipit na siya sa sobrang sakit dahil wala siyang perang pang-down payment. Mabuti na lang may nakakita at naawa sa kalagayan niya.
Si Chance Daire Saavedra. Ito ang tumulong sa kanya kaya nailuwal niya si baby Philippe at si baby Jace.
Mariing ipinikit niya ang mga mata nang maalala niya ang araw na iyon.
"Kumusta ang mga anak ko? Nurse, iyong mga baby ko po?" tanong niya sa nurse na nag-aasikaso sa kanya nang magising siya.
"I'm sorry Ma'am, pero hindi niyo pa siya puwedeng makita sa ngayon dahil nasa loob siya ng incubator. Kailangan kasi niyang manatili roon ng ilang araw dahil kulang sa buwan ang anak niyo."
Agad siyang napaiyak sa sinapit ng mga anak niya.
"Silang dalawa ba ang nandoon?" tanong niya ulit. Pero nakita niya ang biglaang pagkalungkot ng mukha ng nurse. At sa hitsura nitong iyon ay alam niyang may masamang nangyari sa isa pang anak niya.
"I'm sorry, Ma'am. Pero hindi po kinaya ng isang baby niyo. Nasa morgue na po siya at inasikaso na ng kaibigan niyo." Malungkot na sabi ng nurse sa kanya. And there, she broke down.
Araw-araw niyang sinisisi ang sarili kung bakit hindi niya inalagaan ng mabuti ang mga anak niya. Halos araw-araw din siyang nagdarasal na sana mabuhay si baby Philippe dahil hindi na talaga niya kakayanin kapag mawala rin ito sa kanya. Wala ring araw na hindi siya nagpunta sa libingan ng kanyang anak at umiyak.
Nang araw na iyon ay halos ikabaliw niya ang nangyari kay baby Jace, at nagpapasalamat siya kina Chance at Sir Zach dahil ang mga ito ang sumalo sa lahat ng gastusin, mula sa pagpapalibing hanggang sa mga gastusin niya sa ospital at magpahanggang ngayon ay tinutulungan pa rin siya ng dalawa.
Sa bahay rin ni Chance iniiwan niya ang anak niya kapag nagtatrabaho na siya. Kumuha din ito ng taga-bantay sa anak niya at kukunin na lang niya kapag nakauwi na siya galing sa trabaho.
"Hi, baby ko, good morning,"
Ibinalik niya ito sa walker nito at naupo siya sa sahig katabi ng walker at pinaghahalikan niya ang buong mukha ng anak.
Napahagikhik na naman ito. Makikita niya lang ang anak na masaya at malusog ay masaya na rin siya. Matagal niya ng tinanggap sa sarili na wala na talaga silang halaga sa buhay ni Jacob at hindi na siya dapat pang umaasa rito.
Gustuhin man niyang makipaghiwalay na rito pero hindi niya kayang lumaki ang anak na hindi minahal ng ama, kagaya niya.
Pero kung wala lang siyang anak na inaaalala na lumaking walang ama ay matagal na siguro siyang nagmakaawa sa Papa niya na payagan na silang maghiwalay ni Jacob.
"Baby, malapit na ang birthday mo," nangingiting kausap niya sa anak. "Dadalaw tayo sa kakambal mo, ha? Doon tayo magse-celebrate ng birthday mo."
Mas lalo siyang napangiti nang ngumiti ang anak niya at lumabas ang dalawang ngipin nitong nasa gitna sa ibabang bahagi.
Siguro kung buhay lang si Jace ay ganito na rin ito kalaki at magkamukha pa. Pero tinanggap na niya na hindi para sa kanila si baby Jace.
Pinagpapasalamat na lang niya na may naiwan pa sa kanya, kahit hirap na hirap si baby Philippe noon sa paghinga dahil hindi pa fully develop ang baga nito at dumating pa sa puntong nag-flatline ito pero bumalik ito. Pinili nitong mabuhay para sa kanya.
Habang nilalaro niya ang anak ay nakita naman niyang bumaba ng hagdanan si Jacob. Pero walang emosyong nilagpasan lang sila nito at pumasok sa dining area.
Iniwan niya muna ang anak sa walker nito at dali-daling sinundan ang asawa para ipaghain ito.
Araw-araw na ginagawa niya iyon, gigising ng maaga para magluto ng almusal nila. Gano’n din sa gabi, uuwi siya ng maaga galing sa trabaho para mapaghandaan niya ito ng pagkain.
Bumuntonghininga siya at iniisip na kung sana nandoon ito sa mga panahong naghihirap siya sa pagbubuntis niya at noong manganak siya, sana buhay si baby Jace.
Pero hindi naman niya puwedeng isisi kay Jacob ang lahat dahil nagpabaya rin naman siya.
Kung inalagaan lang niya ng mabuti ang pagbubuntis niya noon, sana buhay pa ang isa pang baby niya. Pero ayaw na niyang maghanap ng masisisi pa, tama ng ang sarili na lang niya ang sisisihin niya.
But I wish life had a rewind button. She thought, full of regrets.
Dahil kung meron ay gagawin niya ang lahat ng makakaya niya para lang maging healthy siya.