THIRD POV
Kinabukasan, maagang nagising si Stefany. Sa unang pagkakataon, wala siyang hawak na wine o cellphone para mag-scroll sa social media. Sa halip, binuksan niya ang closet at hinanap ang isang outfit na hindi niya inaakalang susuotin niya—isang corporate attire.
Isang fitted white blouse, itim na pencil skirt, at blazer ang pinili niya. Pinartneran niya ito ng simpleng high heels at inayos ang buhok sa sleek ponytail. Sa harap ng salamin, tumingin siya sa sarili at ngumiti nang may bahagyang kumpiyansa.
"Let's see kung sino ang tatawa ngayon," bulong niya sa sarili.
Pagbaba niya sa hagdan, naabutan siya ng Yaya Mila na nagwawalis sa sala. Napahinto ito at napatingin sa kanya nang malaki ang mata.
"Stefany? Ikaw ba 'yan?" tanong ng Yaya, hindi makapaniwala sa nakikita.
"Oo naman, Yaya. Sino pa ba?" sagot ni Stefany na may pilit na ngiti habang naglalakad patungo sa dining area.
Sa dining room, naroon ang kanyang mommy at daddy na abala sa pag-uusap tungkol sa problema ng negosyo. Tumigil sila sa pag-uusap nang makita si Stefany na papalapit.
"Good morning," bati niya habang umupo sa mesa, kunwaring walang nangyari.
Halos mahulog ang baso ng kanyang mommy sa pagkabigla. "Stefany, anong nangyari sa'yo? Bakit ka naka-corporate attire?"
Tumikhim si Stefany at tumingin sa kanila nang may kumpiyansa. "Simple lang, Mom. Gusto kong ipakita na kaya ko ring magbago. Kaya ko ring tumulong sa negosyo, hindi lang puro party at gastos."
Tumingin ang kanyang daddy sa kanya, bahagyang nakakunot ang noo. "Stefany, seryoso ka ba rito? Hindi ito laro."
Ngumiti si Stefany nang bahagya. "Seryoso, Dad. Alam kong iniisip niyong wala akong silbi, pero gusto kong patunayan na mali kayo."
Tahimik na nagkatinginan ang mag-asawa. Sa kanilang mga mata, halata ang pag-aalinlangan, pero hindi nila maikakailang nagulat sila sa pagbabago ni Stefany.
Habang kumakain, narinig niya ang usapan ng kanyang mga magulang.
"Sigurado ka bang hindi lang ito isa sa mga kapritso niya?" tanong ng kanyang mommy kay Mr. Santiago.
"Hayaan natin siyang subukan. Baka naman seryoso na siya ngayon," sagot ng kanyang daddy.
Narinig lahat iyon ni Stefany, pero hindi siya nagpahalata. Sa loob-loob niya, alam niyang kailangan niyang magpakitang-gilas. Kahit pa mabigat ang mga mata ng pagdududa na nakatuon sa kanya, decidido siyang gawin ang lahat para magbago ang tingin ng pamilya niya sa kanya.
Hindi na inintindi ni Stefany ang pagkain sa mesa. Kinuha niya ang bag at diretsong tumayo.
"Stefany, hindi ka pa kumakain," tawag ng kanyang mommy, ngunit hindi siya lumingon.
"May kailangan akong gawin, Mom," sagot niya nang matipid bago mabilis na naglakad palabas ng bahay.
Pagdating sa opisina ng kanilang kumpanya, ramdam niya ang tensyon sa paligid. Sa unang pagkakataon, naramdaman niya ang bigat ng responsibilidad na matagal na niyang iniiwasan.
Pagbukas ng elevator, bumungad sa kanya ang mga tingin ng mga empleyado. May bulungan, may irapan, at may halatang pangungutya. Tumuwid siya ng tindig at huminga nang malalim.
"Miss Santiago, ano pong ginagawa niyo rito?" tanong ng receptionist, halatang naguguluhan.
"Dumalo sa board meeting," sagot niya nang walang pag-aalinlangan.
Pagpasok niya sa conference room, tumigil ang usapan ng mga board members. Napalingon silang lahat kay Stefany. Sa mga mata nila, halata ang pagkadismaya at pagdududa.
"Ano naman ang ginagawa ng prinsesa rito?" sarkastikong sabi ng isa sa mga matandang miyembro.
"Siguro nagkamali ng pinto. Hindi ba dapat nasa bar ka ngayon?" dagdag pa ng isa, sabay tawanan ang iba.
Pinilit ni Stefany na huwag patulan ang mga mapanlait na komento. Umupo siya sa dulo ng mesa, pinapanatili ang kumpiyansa kahit ramdam niyang gusto na niyang lumabas.
"Narito ako dahil gusto kong tumulong," sagot niya nang matatag.
Tumikhim ang chairman ng board, na halatang hindi impressed. "Miss Santiago, alam naming mahal mo ang pamilya mo, pero ang kumpanya ay hindi laruan. Hindi ito basta-basta napapamahalaan ng isang spoiled brat."
Masakit ang mga salita, pero hindi niya ito ipinakita. "Hindi ako narito para maglaro. Gusto kong patunayan na kaya ko ring magbago. Hindi niyo kailangang maniwala sa akin ngayon, pero hayaan niyo akong subukan."
Tahimik ang lahat. Ramdam niya ang bigat ng bawat tingin na nakatuon sa kanya. Alam niyang hindi magiging madali ito, pero determinado siyang ipakita na hindi na siya ang dating Stefany na kilala nila.
"This is just the beginning," bulong niya sa sarili habang pinapanood ang pag-ikot ng kanilang usapan pabalik sa negosyo.
Akala ni Stefany ay magiging madali ang lahat. Nakangiti pa siya habang nakikinig sa usapan ng mga board members, na parang kampante na sa wakas ay makakabawi siya sa mga mapanlait na tingin nila. Ngunit ang sumunod na tanong ay parang bombang sumabog sa kanyang harapan.
"Miss Santiago," sabi ng isa sa mga board members, si Mr. Alvarez, na kilalang prangka at walang kinikilingan. "Kung sakaling hindi ka sa opisina magtatrabaho, sa bahay ka ba magiging kapaki-pakinabang? May alam ka ba sa gawaing bahay?"
Natigilan si Stefany. Hindi niya inaasahan ang ganitong tanong.
"Uh..." Halos mawala ang kanyang boses habang naghahanap ng sagot. "Hindi naman siguro kailangan... iyon..."
Nagkatinginan ang mga board members. Si Mr. Alvarez ay tila hindi pa tapos.
"Kung hindi mo kaya sa opisina, baka naman sa bahay. Halimbawa, anong alam mong lutuin? Paano ka makakatulong kung hindi ka marunong niyan?"
Tumawa nang mahina ang isa sa mga miyembro. Ang iba naman ay napangisi. Ramdam ni Stefany ang pag-iinit ng kanyang pisngi sa hiya.
"Well... Hindi ko naman kailangan magluto, di ba? May mga chef naman kami sa bahay," sagot niya, pilit na pinapanatili ang kanyang composure.
"Exactly," sagot ni Mr. Alvarez, halatang hindi impressed. "Paano ka magiging handa sa responsibilidad kung hindi mo kayang gawin ang simpleng bagay tulad ng pagluluto o gawaing bahay? Ang negosyo ay hindi puro luxury. Kailangan dito ng disiplina."
Parang sinampal si Stefany ng kanyang mga salita. Ramdam niya ang pagbagsak ng kanyang kumpiyansa. Alam niyang tama sila, pero hindi niya matanggap na napahiya siya sa harap ng lahat.
Hindi siya umimik. Napayuko na lamang siya habang patuloy ang diskusyon sa mesa. Sa kabila ng lahat, ramdam niyang kailangan niyang gumawa ng paraan para bumawi.
"Hindi pwedeng dito na lang matapos," bulong niya sa sarili habang pinipilit pigilan ang pagluha. "Kailangan kong patunayan na mali sila."
Matapos ang mahabang meeting, halatang wala na sa sarili si Stefany. Para siyang lantang gulay na halos hindi na makasabay sa mga nagaganap sa paligid. Tahimik siyang nakaupo sa kanyang upuan, nakatitig lamang sa blangkong papel sa harap niya.
Napansin ito ng mga board members, at ang ilan ay hindi naiwasang magbulungan.
"Akala ko ba may ibubuga siya? Parang wala naman siyang alam," bulong ng isa.
"Sayang ang oras. Dapat hindi na siya pinapasok dito," sagot naman ng isa pa, habang palihim na tumatawa.
Ang iba naman ay tumingin lang sa kanya nang may awa. Kitang-kita ang pagkapahiya ni Stefany mula sa kanyang malamlam na mata at hindi mapakaling kilos.
Habang nag-aayos na ang lahat ng gamit at nagsisimula nang maglakad palabas ng silid, nanatili si Stefany sa kanyang upuan.
"Miss Santiago, tapos na ang meeting," sabi ng assistant ng chairman, bahagyang nag-aalala sa kalagayan niya.
Ngunit hindi siya sumagot. Halos wala siyang narinig. Tuluyan na siyang nawala sa focus, at ang tanging gumugulo sa isip niya ay ang paulit-ulit na mga tanong at komento na bumatikos sa kanya kanina.
"Tama ba ang ginawa ko? Ano bang naisip ko at nagpunta pa ako rito?" tanong niya sa sarili habang pilit na nilalabanan ang init ng kanyang mga mata.
Nang sa wakas ay tumayo siya, halata sa kanyang kilos ang bigat ng nararamdaman. Ang dating confident at spoiled na Stefany Santiago ay mukhang nawalan ng direksyon. Habang naglalakad palabas, iniwasan niyang tumingin sa mga tao, pero hindi niya naiwasang marinig ang mga bulungan sa paligid.
"Baka sumuko na agad," sabi ng isa.
"Hindi bagay sa kanya ang negosyo," dagdag pa ng iba.
Sa pagkakataong iyon, naramdaman ni Stefany ang pinakamasakit na kabiguan sa kanyang buhay. Lumabas siya ng opisina nang parang walang malay, hindi alintana ang tingin ng iba. Sa loob niya, alam niyang ito na ang simula ng pinakamalaking hamon ng kanyang buhay.
Pagdating ni Stefany sa mansyon, agad siyang sinalubong ng malamig na mga titig ng kanyang ina. Si Mrs. Santiago ay nakatayo sa gitna ng sala, nakapamewang, habang si Mr. Santiago naman ay nakaupo sa sofa, tahimik ngunit halata ang inis sa mukha.
"Anong akala mo sa ginawa mo kanina, Stefany?" bungad ng kanyang ina, ang boses puno ng galit at pagkadismaya. "Pinahiya mo ang sarili mo! Pinahiya mo kami!"
Napabuntong-hininga si Stefany, alam niyang wala siyang kawala sa sermon na ito. Hindi pa siya nakakasagot nang sumingit ang kanyang ama.
"Akala ko ba gusto mong patunayan na kaya mo? Pero ano ang pinakita mo sa meeting? Wala kang alam, Stefany! Lahat ng board members ay nadismaya sa'yo!"
"Hindi ko naman kasalanan kung hindi ko alam ang mga bagay na 'yan!" sigaw ni Stefany, pilit na ipinagtatanggol ang sarili. "Hindi naman ako tinuruan para gawin ang mga bagay na 'yan, di ba? Kayo ang may kasalanan kung bakit ganito ako!"
Nagkatinginan ang mag-asawa. Halata ang gulat at galit sa kanilang mga mukha.
"Stefany, huwag mong ibaling sa amin ang lahat ng sisi!" sagot ng kanyang ina, mas lalong tumataas ang boses. "Ginawa namin ang lahat para mabigyan ka ng magandang buhay! Pero ano? Wala kang ginawa kundi ang magpakasaya at bigyan kami ng sakit ng ulo!"
"Magandang buhay?!" balik ni Stefany, nanghihinang tumawa. "Oo, binigyan niyo ako ng lahat ng materyal na bagay. Pero kailan niyo ako binigyan ng oras? Kailan niyo ako sinamahan sa school? Kailan niyo ako tinuruan ng mga bagay na gusto niyo ngayong gawin ko?"
Natigilan ang kanyang ama. Ngunit saglit lang iyon bago niya muling pinilit maging matatag.
"Hindi na mahalaga ang nakaraan, Stefany. Ang mahalaga ngayon, kailangan mong magbago. Kung hindi mo kayang magbago dito, ipapadala kita sa probinsya. Doon ka matututo!"
Nanlaki ang mga mata ni Stefany. "Ano?! Probinsya? Hindi niyo pwedeng gawin 'yan sa akin!"
"Tingnan natin," malamig na sagot ng kanyang ama. "Kung hindi mo kayang ayusin ang sarili mo dito, wala kaming choice."
Hindi na nakapagpigil si Stefany. Tumakbo siya paakyat sa kanyang kwarto, humahagulhol, habang ang mga salita ng kanyang mga magulang ay patuloy na umaalingawngaw sa kanyang isipan. Sa pagkakataong ito, ramdam niyang unti-unti nang nagbabago ang mundo niya—at hindi niya alam kung paano ito haharapin.
Matapos ang mainit na diskusyon sa mansyon, nag-usap ang mag-asawang Santiago sa kanilang silid. Napagod na sila sa patuloy na pagkakamali ni Stefany, at ang kanilang inisyatibo ngayon ay makahanap ng solusyon na maaaring magtama ng landas ng kanilang anak.
"Siguro, oras na para magdesisyon tayo ng mas matibay," ani Mr. Santiago habang seryosong nakatingin sa kanyang asawa. "Kung hindi siya matututo sa sariling paraan, baka kailangan na nating ipakasal siya sa isa sa mga anak ng board. Baka sakaling may magtino sa kanya."
Natigilan si Mrs. Santiago. "Handa ka bang gawin 'yan? Alam mong magagalit si Stefany kapag nalaman niya."
"Hindi na ito tungkol sa gusto niya," mariing sagot ni Mr. Santiago. "Ito na ang ikabubuti niya. Isa sa mga anak ng board members ang makakatulong sa kanya para magbago at matutong humawak ng responsibilidad."
---
STEFANY POV
Nasa kwarto ako nang marinig ko ang pag-uusap ng mga magulang ko sa labas ng pinto. Napakunot ang noo ko habang pilit na inuunawa ang kanilang sinasabi.
"Ipakasal?" bulong ko sa sarili ko, halos hindi makapaniwala. Biglang bumilis ang t***k ng puso ko. Ano 'to, sinauna? Akala ba nila, maaayos ang buhay ko sa ganitong paraan?
Naramdaman ko ang pagsiklab ng galit sa loob ko. Binuksan ko ang pinto at walang pasabing bumaba sa sala, kung saan nagkukwentuhan na ang mga magulang ko.
"Hindi niyo pwedeng gawin 'yan sa akin!" sigaw ko, hindi na nag-abalang itago ang galit.
Napatingin silang dalawa sa akin. Ang nanay ko, bahagyang nagulat, ngunit si Papa ay nanatiling seryoso.
"Stefany, ito ang para sa ikabubuti mo," sagot ni Papa nang may matigas na tono. "Hindi mo kayang mag-ayos sa sarili mong paraan, kaya kami na ang gagawa ng paraan."
"Para sa ikabubuti ko?" tumaas ang boses ko. "Kailan niyo ba ako tinanong kung ano ang gusto ko? Lahat na lang kayo ang nagdedesisyon para sa akin! Hindi niyo ba naiisip na may sarili akong buhay?!"
Tumayo ang Mama ko at nilapitan ako. "Stefany, anak, alam naming mahirap ito para sa'yo, pero ito na ang huling paraan namin. Isa sa mga anak ng board members ang magiging asawa mo. Isa siyang mabuting tao, at alam naming matutulungan ka niya."
Napailing ako, napapikit para pigilan ang pag-agos ng luha. "Hindi ko kailangan ng asawa! Kailangan ko ng mga magulang na susuporta sa akin, hindi yung itutulak ako sa kung sino-sinong tao!"
"Stefany, hindi ito usapan na may negosasyon," malamig na sabi ni Papa. "Kung gusto mong manatili sa mansyon na ito, susundin mo ang gusto namin."
Natulala ako sa sinabi niya. Para bang unti-unti nang nawawala ang kontrol ko sa sarili kong buhay. Wala akong ibang nagawa kundi tumakbo pabalik sa kwarto ko, dala ang bigat ng desisyong ipinataw nila sa akin.
Sa gitna ng gabi, tahimik ang buong mansyon. Ang mga ilaw sa pasilyo ay patay na, at tanging ang liwanag ng buwan mula sa bintana ang nagbibigay ng kaunting liwanag. Sa loob ng kwarto ni Stefany, halatang puno siya ng galit at pagkabigo habang nakaupo sa gilid ng kama.
"Hindi na talaga ako pwedeng manatili dito," bulong niya sa sarili, hinigpitan ang kapit sa maliit na bag na nilagyan niya ng kaunting gamit. "Wala silang karapatan na kontrolin ang buhay ko."
Dahan-dahan siyang tumayo at binuksan ang closet para kumuha ng jacket. Nang masiguradong wala siyang nakalimutan, naglakad siya papunta sa pintuan. Huminga siya nang malalim bago ito dahan-dahang binuksan upang hindi makalikha ng ingay.
Habang naglalakad sa pasilyo, parang tumitibok nang malakas ang puso niya sa kaba. Alam niyang malaking gulo ang mangyayari kapag nahuli siya, pero sa isip niya, ito lang ang paraan para makawala sa mga bagay na hindi niya gusto.
Nang makarating siya sa pinto ng mansyon, inihanda na niya ang sarili. Subalit bago pa man siya makalabas, biglang bumukas ang ilaw sa sala.
"Stefany," malamig na boses ang pumuno sa paligid.
Napalunok siya at dahan-dahang lumingon. Ang ama niya, si Mr. Santiago, ay nakatayo malapit sa hagdan, nakasandal ang isang kamay sa poste. Ang mga mata nito ay puno ng galit at dismaya.
"Saan ka pupunta sa ganitong oras?" tanong nito, halos pabulong pero ramdam ang bigat ng tono.
"Hindi na ako masaya dito," sagot ni Stefany, pilit na pinatatatag ang sarili. "Ayoko na sa mga desisyon niyo para sa akin. Gusto kong mamuhay nang mag-isa."
Lumapit si Mr. Santiago, dahan-dahan pero mariin ang hakbang. "Mamuhay nang mag-isa? Alam mo ba ang sinasabi mo, Stefany? Alam mo ba kung gaano kahirap ang buhay sa labas ng mundong kinalakihan mo?"
"Hindi mo ako naiintindihan, Papa!" sigaw ni Stefany, nagpipigil ng luha. "Wala kayong ginawa kundi husgahan ako. Hindi niyo man lang tinanong kung ano ang nararamdaman ko o kung ano ang gusto ko!"
Tumigil si Mr. Santiago sa harap niya, pinapanood ang kanyang anak na tila nawawala sa direksyon. "Anak, ginagawa namin ito dahil mahal ka namin. Pero kung talagang gusto mong patunayan ang sarili mo, ipakita mo sa amin dito, sa pamamahay na ito, na kaya mong magbago. Hindi sa pagtakas."
Nanatili siyang tahimik. Sa loob-loob niya, gusto niyang sumigaw, gusto niyang tumakbo. Pero ang mga salitang binitiwan ng ama niya ay tila sumuntok sa puso niya. Alam niyang may punto ito, pero hirap siyang tanggapin.
"Kung aalis ka ngayon, Stefany, huwag ka nang bumalik," dagdag ni Mr. Santiago, puno ng bigat ang boses.
Napayuko si Stefany. Sa unang pagkakataon, hindi niya alam ang gagawin. Tumalikod siya at dahan-dahang umakyat pabalik sa kwarto, dala ang bigat ng kanyang mga desisyon at ang kawalang kasiguraduhan kung saan patungo ang kanyang buhay.