LONDON'S POV
Isa ako sa kinuha ni Kapitana na gumawa ng pansamantalang harang sa pagitan ng baryo namin at ng karagatan. Ang mga materyales na aming gagamitin ay mga sako-sakong buhangin at lupa pati mga bakal na yero.
Sampu lahat kami dito na gumagawa, kasama ang aking kumpare na si Krisanto. Bayad ang paggawa namin dito, na trabaho na rin namin bilang tulong na din ni Kapitana sa amin, panggastos sa pamilya.
Tulong-tulong kami magbuhat ng mga mabibigat na sako na may lamang lupa at buhangin. Pagkatapos, binuhat rin namin ang mga yerong bakal na nasa mga bangka.
"Tapos na pala kayo magbuhat, magmeryenda muna kayo. Tinapay at softdrinks bago niyo simulan gawin ang pangharang natin," saad ni Kapitana sa amin. Namamasdan niya kasi kami sa pagtatrabaho.
Nang matapos namin magmeryenda, nagpahinga muna kami ng twenty minutes. Saka inumpisahan na namin gawin. Sa harapan ng dagat ay doon namin nilagay ang mga bakal na yero na aming inilubog sa buhangin ng isla. Sinigurado namin na nakalubog talaga ng maayos at sa likod ng mga bakal na yero doon namin nilagay ang mga sako-sakong buhangin at lupa na pahiga.
"Sige, ipagpatuloy niyo lang ang ginagawa ninyo. Babalik na ako sa opisina dahil nagpunta na naman si Sir Konbarsyon at kakausapin ko lang muna," ang pagpapaalam sa amin ni Kapitana at siya ay umalis na.
Pinagpatuloy lang namin ang aming trabaho at nangangalahati na kami sa paglalagay ng mga bakal na yero at sako-sakong mga buhangin at lupa.
KAPITANA ELLEN'S POV
"Magandang hapon sa inyo, Kapitana! Alam mo naman kung bakit ako naparito sa opisina mo," wika ni Sir Konbarsyon na tumayo sa kaniyang inuupuan pagkapasok ko sa opisina.
Nginitian ko siya at pinaupo ko muna siya sa inupuan niya kanina.
"Sir Konbarsyon, nakapagdesisyon na kami ng mga kababayan ko. Nagbotohan kami at ang may mataas na boto ay pagtanggi sa inaalok mo sa amin na bilhin ang aming lupa sa lugar na ito," mahinahon kong sabi sa kaniya para hindi siya magalit.
"Sigurado ka ba diyan? Sayang ang oportunidad na malaking pera ang mahahawakan ninyo kung sakali. Pero kung ako ang tatanungin, Kapitana Ellen, hindi ka ba papayag sa aking inaalok sa inyo?" ang pagpipilit niya na baguhin ang desisyon.
Napakakulit ni Sir Konbarsyon sa totoo lang. Hindi nakakaunawa at kung pwede ko lang siya ipakaladkad palabas ng baryo namin ay ipapagawa ko. Kaso isa siyang malaking tao na hindi ko kayang tumbasan at baka ako pa mapahamak o madamay ang mga nasasakupan ko.
"Sigurado na kami kahit ako, Sir. Kung napansin niyo sa labas kanina, may mga bakal at sako-sako. Pinapagawa ko na po, Sir, ang pangharang namin para sa pagbaha at sa malakas na alon. Sana maunawaan niyo po, Sir, ang aming pasya bilang paggalang sa aming napagkasunduan," ang malakas kong loob na sinabi sa kaniya.
Hindi na siya nagsalita pa at lumabas na lang kaagad ng aking opisina. Hindi ko nakita ang reaksyon ng mukha niya dahil tumalikod siya.
Alas siyete ng umaga, naglalakad ako papuntang barangay para pumasok. Dala ko ang aking bag at tinapay na pang-almusal ko doon.
Habang naglalakad, nakita ko na kalahati na pala ang harang at hindi na siguro aabutin bukas para matapos. Wala pa doon ang mga gumagawa dahil masyado pang umaga. Mamaya pa silang 10 a.m.
Tinanggal ko na ang aking mga suot na bota sa paa at pumasok na ko sa loob ng barangay hall. Gising na pala ang iba na pansamantalang natutulog dito sa barangay dahil nga sa baha pa sa labas.
"Good morning po sa lahat!" na may ngiti at pagbati ko sa kanila.
"Magandang umaga rin po, Kap!"
"Good morning, Kap!"
"Good morning din, Kap!"
Pagbalik na pagbati nila sa akin at ang iba naman ay magandang ngiti ang binalik sa akin.
Dumiretso na ako sa aking opisina at nagsimula agad akong mag-almusal para maumpisahan ko kaagad ang aking trabaho.
Hindi ko alam kung bakit pero kinakabahan ako. Hindi ko makalimutan ang reaksyon ni Sir Konbarsyon kahapon noong sinabi ko na hindi kami papayag sa alok niya.
May kutob ako na may gagawin siyang masama para mapasakamay niya ang baryo.
Sana mali ako.
LONDON'S POV
Bago ako umalis dito sa loob ng barangay hall para magtrabaho muli ay nag-almusal muna ako kasama ng aking Sweetie (Asawa) at ang aking anak na si Jordan.
"Tatay, nagtatrabaho ka ulit sa labas?" Tanong sa akin ng anak ko.
"Katulad kahapon ay nagtatrabaho ulit ako, Jordan. Nandiyan naman ang mama mo.." saad ko sa kaniya.
Tumingin si Jordan malayo sa bintana para silipin ang labas. Kita ko sa kaniyang mga mata na gusto niyang lumabas para siguro makita, makabalik sa bahay namin at makalaro.
Tinapik ko siya sa balikat at sinabi ko sa kaniya "Anak, alam ko gusto mo nang makalabas dito sa tinutuloyan natin na pansamantala para makapaglaro at makauwi. Hayaan mo, malapit na din matapos ang ginagawa namin at sigurado makakabalik tayo sa bahay."
"Talaga, 'Tay, malapit na po tayo umuwi!" ang bakas ng kaniyang lungkot ay napalitan ng saya.
Tumango at ngumiti ako sa kaniya, masaya ako na makita na naging masaya ang anak ko. Napatingin ako sa orasan na nakadikit sa pader at may 20 minutes pa bago ako magtrabaho. Pumunta ako sa Cr namin dito para makapaghanda na sa trabaho ko.
Naligo ako doon at sinuot ang aming uniform na long sleeve, pants, at gloves.
Matapos ko mag-asikaso, lumabas na ako para magtrabaho na. Muli naming ginawa at pinagpatuloy ang aming sinimulan kahapon na harang.
Isang oras ang makalipas, may natatanaw kaming mga tao na paparating sa aming baryo sila ay mga nakasakay sa bangka.
"Pare, bakit may mga parating dito? Ang dami nila. May dalang mga armas, delikado sila," sabi ni Krisanto sa akin at narinig ng aming mga kasamahan.
Nagulat na lang kami sa aming nakita na may paparating at tanaw namin na tatlong bangka at may dala silang mga armas.
"Baka mga pulis o sundalo lang," sambit ko.
"Anong ginagawa nila dito at bakit may mga hawak silang baril na malalaki? Hindi maganda ang kutob ko sa kanila mga brod," wika ng isa sa amin dito na kasama namin sa pagtatrabaho.
Napaisip ako sa kaniyang sinabi bigla akong kinabahan sa kung anong mangyayari at baka may dala silang kapahamakan sa aming baryo lalo na sila ay mga dayuhan dahil hindi namin sila kilala.
"Saglit, pupuntahan ko lang si Kapitana at ipapaalam sa kaniya na may mga dayuhan na parating."
Dali-dali akong tumakbo para mapuntahan si Kapitana sa kaniyang opisina. Hiningal ako sa pagtakbo ko dahil hindi ako sanay na tumakbo ng ganito.
"Nasaan si Kapitana Ellen? May kailangan akong sabihin sa kaniya ngayon," hingal kong sabi sa isang tanod sa labas ng opisina ni Kapitana.
"Bakit hingal na hingal ka? May nangyari po ba?" tanong nito sa akin.
Hindi ko na siya pinansin pa dahil wala nang oras para kausapin ko siya. Kumatok ako sa opisina ni Kapitana ng tatlong katok na magkakasunod.
"Kapitana! Kapitana.." pagtawag at pagkatok ko sa pintuan.
Bigla na lamang may malakas na putok ng baril mula sa labas ang aking narinig. Rinig ko ang sigawan ng mga naririto sa barangay na takot na takot. Agad kong binuksan ang pintuan ng opisina.
Nakita ko si Kapitana na takot na takot at nakayakap sa sarili, nakayuko sa ilalim ng mesa.
Lumapit ako sa kaniya at hinawakan siya. "Kapitana, nandito na ako. Lumabas muna po kayo dito sa inyong opisina. Halika na po, tumayo na kayo."
May dumating na dalawang tanod at inalalayan siya palabas.
Lumabas na ako sa opisina. Kita ko ang takot sa mga mata ng mga tao. Kahit ako ay natatakot na rin pero kailangan kong maging matatag ngayong may nangyayari.
Sunod-sunod ang malalakas na putok ng baril na nanggagaling sa labas.
Pinuntahan ko agad ang aking asawa at anak. Umiiyak na si Jordan at pinapatahan ng aking asawa kahit may luha na rin siya sa mga mata na pinunasan niya.
Niyakap ko silang dalawa na magkasama para protektahan at hindi muna ako umalis dahil mas kailangan nila ako ngayon sa tabi nila.
Habang kayakap ko ang aking pamilya, nakita ko na dumating si Krisanto at dali-daling pinuntahan ang kaniyang asawa at dalawang anak. Niyakap din niya ang kaniyang pamilya dahil natatakot kagaya sa akin.
Ang mga sanggol ay walang tigil na pag-iyak dahil sa mga nangyayari.
Nakita ko ang aming Kapitana na hindi mapakali. Pinilit niyang huminga ng malalim para pakalmahin ang sarili.
Kahit ako ay nauunawaan ko siya dahil biglaan at hindi inaasahan ang nangyayaring ito. Naaawa ako sa kalagayan naming lahat ngayon dahil lahat kami ay natatakot at hindi pa alam ang gagawin.
Sa ngayon, hindi ko alam kung sino ang mga armadong dayuhan at kung ano ang kanilang pakay. Ang mahalaga ay protektahan ko ang aking pamilya.