Isang linggo na lang ay magsisimula na ang bagong semester. Marami pa akong ipapasang dokumento at lahat ng iyon ay nasa bayan namin.
Isinabay ako ni Lenus sa pag-uwi nito dahil may clinic schedule naman ito roon. Iniwan namin sa Maynila si Brie at Shirley dahil magbabalikan lang daw kami.
Dumiretso na kami sa school para mas maaga naming makumpleto ang mga kailangan ko. Nakipila na ako agad sa registrar’s office.
“Lenus, pwede mo na akong iwan dito. Kaya ko naman na sarili ko,” bulong ko rito na tahimik lang din na nakatayo sa tabi ko. Panaka-naka itong tumitingin sa cellphone, nagcha-chat sa secretary nito.
Nagpumilit din kasi itong sumama sa akin. Hindi ko lang maiwasang mailang dahil pinagtitinginan na naman kami ng mga tao, partikular na ang mga estudyanteng babaeng nakaupo sa mga benches. May iba pa ngang nagkukurutan at nagkikilitian pagkatapos sumilay kay Lenus.
“Ma’am, pakibalikan na lamang po ang mga papers niyo bukas. Hindi pa po kasi ready,” ika ng isa sa mga registrar.
“Ha? Pano po ‘yun? Luluwas na rin kasi kami maya. Ang sabi po sa akin sa school website ay ngayon ko raw po makukuha. Baka naman po pwede ko madaanan kahit mayang hapon? Hahanapin po kasi ako nang maliit kong anak.”
Saglit na nag-isip ang registrar habang nakatingin sa monitor. Malungkot itong nagsalita. “Pasensiya na at sadyang bukas pa matatapos. S-sorry, iha.”
“Sige na po, Ma’am,” pakikisuyo ko.
“Sorry…”
“Patrice? I-ikaw na ba ‘yan?”
Binistahan ko ang babaeng nasa kabilang cubicle. Hindi ko ito nakita kanina. Marahil ay kukuha ng tubig sa water dispenser dahil may dala itong tumbler.
“Katya? Anong ginagawa mo diyan?” balik tanong ko rito.
Lumapad ang ngiti nito. “Ano pa?”
Nanlaki ang mata ko. “You’re working here?”
“Oo nga!” Ngumisi pa ito.
Paano ba naman? Si Katya kasi noon ay super chill na tao. Walang plano sa buhay. ‘Yung tipo ng estudyanteng keri na basta makapasa. Pupusta akong halos puro pasang awa ang grades niya. Pero ngayon, ito na siya, nagtatrabaho sa opisina ng aming Alma Mater. You must be confident enough to be able to work in an institution wherein before “kinakaya-kaya” mo lang.
“Hindi ka makapaniwala noh?” pagpapatuloy nito. Lumabas na rin ito ng opisina.
“S-sorry…”
“Ano ka ba?” Hinampas pa ako nito sa braso. “Okay lang ‘yun. Marami naman talaga nagugulat kapag nakikita nila ako rito.”
“Magtatagal ka ba rito?”
“Here?” She confidently smiled again. “No, actually, mag-aaral ako ulit. Nursing. Pero baka next year pa,” bulong nito. “Eh, ikaw? Musta ka na?” Inginuso nito si Lenus na mataman na nakatingin sa amin.
“Lenus, si Katya nga pala, college friend ko. Katya, si Lenus, f-friend ko,” pakilala ko sa dalawa.
Nagkamayan sila.
“Friend o suitor?” tukso nito sa amin habang pinaglilipat-lipat ang tingin sa aming dalawa.
Sinutsutan ko si Katya.
Umismid ito. “Akala ko pa naman nakamove on ka na kay Kev… aww!”
Nahinto si Katya sa sinasabi nito nang kurutin ko ito.
“Bakit ka nangungurot?” bulong nito sa akin habang nakatingin pa rin kay Lenus na nakamata sa aming dalawa.
Weird ko itong nginitian.
“Uhm, okay, so, pasok ka muna sa loob. Ako na bahala sa mga requirements mo,” seryoso na nitong sabi pagkatapos na maunawaan na pinapahinto ko na ito sa kadaldalan nito.
“Buti pa nga.”
Nginitian ko si Lenus bago ako sumunod kay Katya sa loob ng registrar’s office. Mayamaya lamang ay ibinilin nitong pwede ko nang kunin mayang hapon ang mga dokumento ko.
Ginabi kami sa dami ng inattendang pasyente ni Lenus. Mag-aalas siyete na nang sinundo niya ako sa bahay. Tinulungan ko muna si Nanay dahil siya ang pumalit sa akin sa pagtitinda sa palengke.
“Nay, hinay-hinay lang po sa trabaho ah. Mahirap na kapag napagod kayo,” paalala ko rito habang hawak-hawak ang dalawang kamay nito.
“Tita, pwede naman po kayo magtayo ng sari-sari store dito para hindi na po kayo pumunta pa ng palengke. Pwede ko po kayo pahiramin ng capital,” suhestiyon ni Lenus.
“Ay naku! Hindi na, iho! Mamimiss ko lang si Brie at Patrice kung andito lang ako palagi sa bahay. Isa pa, exercise ko na rin ‘yun.”
“Kung gayon po, tatawag na lang po kami palagi sa inyo para lagi niyong nakikita si Brie,” ika ni Lenus.
“Talaga, iho? Salamat naman.”
“Mauna na kami, ‘Nay,” muli kong paalam dito.
Halata na ayaw ni Nanay na pakawalan ang kamay ko. Hinigit pa ako nito at binigyan ng mahigpit na yakap.
Lumapit din ito kay Lenus at niyakap ang binata.
“Salamat talaga, iho,” nangingilid na wika ni Nanay. “Ang laki mong blessing sa buhay namin.”
“Walang anuman po, Tita.” Malugod na ibinalik ni Lenus ang higpit na yakap sa aking ina.
Humarap ulit sa akin si Nanay. “Sigurado ba kayong hindi na kayo rito maghahapunan?”
Matamlay kong nginitian si Nanay. “Hindi na po, ‘Nay. Kikitain pa namin si Katya. Pinagbigyan na namin dahil nga malaki rin ang naitulong nito sa pagproseso sa mga papers ko.”
Tumango ito kasabay ng pagtulo ng luha.
Niyakap ko ulit ito at inalo.
“Nay naman. Pinag-aalala niyo naman ako niyan e.” Pinahid ko ang mga luha nito.
Ginagap muli nito ang aking mga kamay. “Hindi lang ako sanay na umaalis ka. Ngayon ka lang kasi nalayo rito sa lugar natin. Saka, naaalala ko lang si a-ate mo.”
Huminga ako nang malalim at niyakap ito. “Hindi ako mawawala sa inyo, ‘Nay. Mag-aaral lang ako at ipapagamot si Brie sa Maynila.”
“Tita, pwede naman po kayong sumama sa amin. Malaki naman po ang bahay.”
Humugot ito nang malalim na hininga at bumitiw na sa pagkakayakap ko. “Kayo talaga. Sige na at gabi na. Mag-iingat kayo sa biyahe.”
Nilingon-lingon ko si Nanay hanggang makasakay ako sa sasakyan. Tinatanaw ko pa rin siya kahit malayo na ang sasakyan namin.
Ginagap ni Lenus ang aking kamay. “Basta maluwag ang schedule mo, pwede ka sumabay sa akin pauwi rito.”
Napangiti ako. “Hindi na ata ako matatapos magpasalamat sa’yo, Lenus.”
Pinisil-pisil ni Lenus ang aking kamay na hawak nito.
Marami kaming napagkwentuhan ni Katya sa dinner namin. Hindi na nga ako matapos-tapos sa kakatawa sa mga jokes nito. Maging si Lenus ay napapatawa na rin nito sa mga kalokohan nito. May mga ikinuwento rin ito tungkol sa iba naming mga kaklase. Nagpapasalamat na lamang ako dahil hindi naman na nang-ungkat pa ito tungkol sa aking nakaraan.
We exchanged numbers, nangako na hindi na puputulin pa ang ugnayan namin. Magpapadala din daw ito ng friend request sa famebook. According to her, she wanted to make her account private as much as possible. Marami raw kasi nangungulit sa kaniya at mga nanghihingi ng favor kapag nalamang nagtatrabaho siya sa registrar’s office.
“Your friend is funny and may konting, you know, pagkatsismosa rin,” nahihiyang komento ni Lenus.
Paluwas na kami sakay ng kotse ni Lenus. Alas nuwebe na rin kasi.
Nilingon ko ito. “Ganun talaga si Katya, walang pigil bibig nun.”
“Buti nagkasundo kayo?”
Ngumuso ako. “Sabihin na lang nating magaan ang loob ko sa kaniya. Totoong tao kasi siya. Very loud but she is a good listener. Nakakapagsabi ako sa kaniya ng mga problema ko na hindi ako jina-judge. Naputol lang communication namin dahil…” Napalunok ako at parang may bumikig sa lalamunan ko.
“Dahil?”
Huminga ako nang malalim at tumingin sa labas ng daan. “Pwede bang hindi ko muna ikwento? Sa ibang pagkakataon siguro pero ‘wag lang muna ngayon.”
Napahawak ako sa aking noo at napahilot.
Pinisil ni Lenus ang aking kamay na hindi pa rin nito binibitiwan.
“It’s okay. I understand but… can you promise me one thing?”
“Hmm… ano ‘yun?”
Sinilip ako nito. “Na kapag may kailangan ka, kahit ano pa ‘yun, ako ang una mong lalapitan.”
Napangiti ako at napatingin sa kaniya. Seryosong seryoso ang mukha niya. Huminga ako nang malalim dahil naooverwhelm na naman ako. “Sure. We have a deal.”