“Besh, mukang ang ganda ng gising ni Sir ah!” Inginuso ni Shirley si Lenus na nakasakay sa swing karga-karga si Brielle.
Parang hindi ito nilalagnat kagabi dahil puno na ito ng sigla.
“Dalan mo si Sir nito oh!”
Bumaba ang mata ko sa plato na may pancake at fresh mango juice.
“Bakit ako? Ikaw ang nagprepare niyan. Ikaw na!” susog ko rito.
Pinatirik nito ang mga mata. “Sa tingin mo ba matutuwa si Sir kung ako ang magdadala nito?”
“Oo naman!”
“Pero mas matutuwa siya kung ikaw ‘di ba?”
Tinaasan ko muna ito nang kanang kilay bago ko kinuha ang plato at tumalikod. “Sige na nga!”
“Kunwa-kunwarian pa, gusto naman,” bulong ni Shirley na dinig ko naman.
Napangisi tuloy ako sa panunukso nito.
Nang makita ako ni Lenus ay inalalayan nitong itaas ni Brie ang dalawang kamay nito at ikinaway-kaway.
“Akina si Brie at kumain ka muna.” Inilapag ko ang plato sa sementadong pabilog na table na malapit sa swing. Ibinigay naman sa akin ni Lenus si Brie at umupo na rin sa sementadong upuan. Umupo ako sa katapat nito.
“Musta ka?” tanong nito sa akin at sumubo na ng pancake.
Napabungisngis ako. “Bakit ako ang tinatanong mo? Ikaw ang kamusta?”
Uminom ito ng mango juice. “Feeling much better…. Thank you.”
Nilingon ko ito at nginitian. “Buti naman.”
“Kumain ka na?” kaswal na kaswal na tanong nito.
“Maya na. Busog pa ako.”
Nagkibit balikat ito at hinalo ang maple syrup sa pancake. Nagulat na lamang ako nang bahagya itong tumayo at iniumang sa akin ang pancake. Isinubo ko naman iyon.
“T-Thank you.”
“You’re welcome,” ika nito sabay inom ng juice.
Inalok din nito sa akin ang juice. Napangisi ako nang mapansin ko ang bahid ng mango juice sa ibabaw ng labi nito.
“Why are you laughing?”
Inabot ko ang tisyu at pinalapit siya.
Pinunasan ko ang kaniyang labi.
Napalingon kami nang may tumikhim sa aming tagiliran.
Isang matandang babaeng nakatungkod ang aking nabistahan. Nasa sitenta na siguro ang edad niya. Halos puti na lahat ng buhok nitong nakapusod. May suot na rin itong salaming pangmata.
Kahit nakatungkod ay dama ko ang awtoridad nito. Nanunuot ang titig nito na kinikilatis marahil ako. Para itong mini Miss Minchin. Wala pa ata itong five feet ngunit nakakatakot ang aura nito.
“Manay!” tawag ni Lenus sa matanda. Tumayo ito at nagmano sa matandang may tungkod na. Inalalayan ito ni Lenus.
“Kaya ko, iho! Wag mo akong ituring na embalido!” saway nito kay Lenus. Itinaas pa nito ang tungkod na kunwari’y ipapalo kay Lenus.
Tumawa si Lenus. “Manay naman! Ang aga-aga e, nagsusungit na naman kayo. Maya niyan tumaas na naman ang presyon niyo. Kalma lang.”
“Basta kaya ko!”
Hinayaan na lang ni Lenus na lumakad ang matanda. Umupo ito sa gitna namin ni Lenus. Humawak ito sa dibdib at bumuntong-hininga.
“Kaya raw. Yan at konting lakad lang ay hingal kayo.”
“Lenus!”
Tumikhim si Lenus. “Manay, si Patrice nga po pala at anak niyang si Brie,” pakilala ni Lenus sa amin. “Kaibigan din siya ni Shirley.”
“M-magandang umaga po,” bati ko rin dito.
Pumaling ang ulo ng matanda pakanan at tinitigan ako ng ilang segundo. Tumango lang ito at bumaling na ulit kay Lenus. Dinama ng likod ng palad nito ang noo ni Lenus. “Kamusta ka na? Ang sabi sa akin ni Shirley ay nilagnat ka raw kagabi.”
“Opo, Manay. Pero maayos na po ang pakiramdam ko ngayon. Inasikaso po ako ni Patrice kagabi.”
Tumaas ang kanang kilay nito. “Ganun ba, iho?”
Pinaglipat-lipat nito ang tingin kay Lenus at sa amin ni Brie.
Wala na naman itong kinomento at inilihis ang usapan. “Tumawag si Lindsay. Hindi ka raw nagrereply. Ipinaalala lang niya ‘yung handaan sa kabila mamya.”
Tumango si Lenus. “Hindi ko po nakakalimutan, Manay.”
“Iyon lang naman ang sasabihin ko. Balik na ako sa loob,” pamamaalam nito.
Tumayo na si Manay at tumitig kay Lenus. Nginitian nito ang binata at hinaplos pa ang baba. Bumaling ito sa akin. Naipit ata ang hininga ko dahil sa titig nito.
“Salamat.”
“W-walang anuman po,” nauutal ko pang sagot dito.
Naglakad na ito palayo.
Napahawak ako sa aking dibdib. “Kinabahan ako.”
Natawa si Lenus. “Hindi ka nag-iisa, Patrice. Lahat naman ay kinakabahan ‘pag nakita ‘yang si Manay.”
“Siguro ay strikta si Manay sa’yo.”
“Si Manay? Hindi!” Lumabi ito. “Pero ‘pag ayaw niya sa isang tao, naku, makakatikim lagi ng salita.”
Napatingin ulit ako sa matanda na malapit na sa may pintuan.
“Wag ka mag-alala. Gusto ka ni Manay.” Kumindat pa sa akin si Lenus.
“Ha? Gusto? Pano ako nagustuhan nun?” komento ko sa isip ko.
*
Pagdating ng alas-dose ay kumatok na si Lenus sa kwarto namin. Nang pumasok ito ay sinalubong ako agad nang napakatamis nitong ngiti. Lumapit ito kay Brie.
“You are sooo pretty, Brie.” Hinalikan nito sa ulo si Brielle at nilagyan ng flower crown ang ulo sa ulo. Sinuotan din nito ng flower bracelet ang kanang kamay nito.
Hawaiian kasi ang theme ng party nila Lindsay.
Tumayo ito at humarap sa akin.
“May I?” tanong nito at inangat nang kaunti ang malaking flower hairclip. Isang piraso lang iyon na violet plumeria.
Tumango ako. “S-sure..”
Humakbang ito palapit at halos dumikit na sa akin. Naamoy ko na naman ang pabango nitong gustong gusto ko. Pinigilan ko ang simbuyo ng damdamin ko na yakapin siya.
Marahan nitong hinaplos ang buhok ko para ilagay ang hairclip. Inipit pa nito ang ibang buhok ko sa magkabilang tainga ko.
“Yan. Mas lalo kang gumanda,” pabulong na komento nito pagkatapos akong bistahan.
Napasinghap ako nang binigyan ako nito ng isang mabilisang halik sa pisngi ko.
He smiled like a shy boy. “Can’t help it. You are just too lovely.”
Napahawak tuloy ako sa dilaw na bulaklaking kwintas na iniabot na nito sa akin kanina. May kapares din iyong bracelet.
“It suits you well. Thank you for accepting my gift.”
“Ako nga dapat ang nagpapasalamat sa’yo.”
Hinaplos nito ang aking pisngi. “You’re always welcome.”
Naglakad na kami papunta sa backdoor. Doon na kami nagshortcut.
“Wait,” pigil sa akin ni Lenus. “Stay here. Kinuha nito si Brie at pinakarga muna sa akin. Inilayo nito ang wheelchair.
“Ano bang ginagawa mo?” nagtatakang tanong ko.
Lumapit ito at inayos ang buhok ni Brie. Ganoon din ang ginawa niya sa akin. Lumayo ito nang kaunti at dinukot sa bulsa ang cellphone nito. Piniktyuran kami pagkatapos ay ngumiti. Ibinulsa ulit nito ang cellphone. Lumapit na ito sa akin at binalik si Brie sa wheelchair.
“Ano ‘yun? Hindi mo man lang ipapakita sa akin ‘yung picture?” Inabot ko ang bulsa nito.
Lumayo si Lenus. “Maya na lang at baka hinahanap na tayo sa loob.”
“Ha? Anong hinahanap? Saglit mo lang naman ipapasilip ‘yung picture.”
Tumawa lang si Lenus at mabilis nang itinulak ang wheelchair ni Brie.
“Daya mo!” lakad-takbong habol ko rito.
*
Nasa kalagitnaan ng party ay nagtantrums si Brie kaya napilitan kaming lumabas. Hindi na ako nagpaalam kay Lenus dahil masaya pa itong nakikipag-inuman sa mga pinsan nito. Ako pa naman ang nagpumilit na sumama na siya sa mga pinsang ilang beses na siyang binalikan para ayaing mag-inuman.
Si Max naman ay busy rin sa pag-eestima sa mga bisita nito. Hindi lang naman mga kamag-anakan nila ang naroroon kundi maging ilang kasamahan sa trabaho.
Pumunta kami sa may likuran kung nasaan ang playground nila Lindsay.
Customized ang playground, katulad din kina Lenus. May treehouse sa gitna na may apat na mahahabang slides.
May iilang mga batang naglalaro na saglit lang naming pinanuod ni Brie. Nagpasya na akong bumalik sa bahay nila Lenus dahil hindi humihinto ang pagiging iritable ni Brie. Doon ko na lamang siya papalaruin sa may playground nila Lenus.
Binuhat ko si Brie at umakyat sa treehouse.
Sumandal ako sa isang bahagi noon at tahimik naming pinanuod ni Brie ang mga paruparong pumasok sa loob ng treehouse.
Hindi ko namalayang nakatulog ako. Pagdilat ng aking mata ay nasa tabi ko na rin si Lenus at ito na ngayon ang may karga kay Brie. Hindi ko alam kung paano niya nakuha sa akin si Brie na hindi ako nagigising.
Nakapikit na rin ito at banayad ang paghinga. Sa tabi nito ay may tatlong magkakapatong na styro.
Pinagmasdan ko siyang mabuti. As I look at them, something resonates with me. My heart is telling me that Lenus would be a wonderful father someday.
Dahan-dahan kong inangat ang aking kaliwang kamay at hinaplos ang maalong buhok ni Brie. Para silang mag-ama ni Lenus dahil halos pareho silang may kulot na buhok at mestisuhing kutis.
Umangat pa lalo ang kamay ko upang haplusin naman ang buhok ni Lenus.
Nagmulat ito ng mga mata nang maramdaman ang aking kamay. Napapiksi ito.
“You’re already awake, pretty kitty.” He sweetly smiled.
“Bakit di mo ako ginising? Kanina ka pa?”
“Hindi na kita ginising dahil parang pagod na pagod ka. Napuyat pa kita kagabi.”
Inangat ko ang aking kamay at dinama ang kaniyang noo. “Namumula ka na naman. Are you drunk o may sinat ka?”
“I’m okay. Don’t worry about me. Mabilis lang talaga akong mamula kapag nakakainom.”
I just smiled at him.
“You wanna go inside or you want to eat first?” Inginuso nito ang styro.
“Uwi na tayo.”
“Your wish is my command, pretty kitty.”
Napangiti ako. Dati ay naiinis ako kapag tinatawag niya akong pretty kitty. Pero ngayon, pakiramdam ko ay nakalaan lamang ang nickname na iyon para sa akin, at si Lenus lamang ang tatawag nun sa akin, wala nang iba.
Si Lenus na ang nagbuhat kay Brie dahil baka magising daw ito. Inalalayan din niya ako pababa at hindi na binitiwan pa ang mga kamay namin hanggang makarating kami sa kwarto.
Marahan nitong ibinaba si Brie sa kama at banayad na hinalikan sa noo ang bata.
“Sabayan mo nang matulog si Brie. See you tomorrow.”
He quickly kissed me on my cheeks and just left.
Ilang segundo rin ata akong nakatanga kahit na naisarado na nito ang pintuan.
Gusto kong kastiguhin si Lenus dahil nadadalas na ito nang paghalik sa pisngi ko. Ngunit sa kabilang banda, gusto ko rin naman.
Tinapik ko ang aking noo.
Gaga! Sarili mo ang pagalitan mo, gurl! Arti-arti mo!