Isang buwan na ang mabilis na nakalipas. Sapat naman ang binibigay na allowance ng company nila Stellan sa’kin. Wala rin naman akong masyadong ginagastos dahil hatid sundo naman ako ni Lenus. Wala na rin akong problema sa mga gamot at therapy ni Brie, maging sa pang-araw araw naming pangangailangan na mag-ina. Ngunit alam ko namang hindi sasapat ang ipon ko sa mga emergency cases, katulad nga nitong problema ko para sa hospital bill ni Tatay.
Hindi ko nasabi kay Lenus nung Sabado. Umakyat na kasi agad ito sa kwarto nito pagkarating namin. Kahapon naman ay sasabihin ko na sana sa kaniya kaso naman, ayun, halata na ang pagod sa mata nito nang sinabayan ko itong kumain kagabi. Mga alas diyes pasado na rin iyon. Umurong ang dila ko nang humikab ito habang nasa hapag pa kami.
Sumaglit ito sa clinic ngayon. Dala na nito ang kaniyang maleta at didiretso na raw sa airport. Hindi na nga ako sumabay dahil alas-otso pa ang unang klase ko ngayon.
Ayaw ko namang sabihin lang sa kaniya ang problema ko sa telepono.
At masyado namang matagal kung hihintayin kong bumalik siya sa Huwebes.
Kaya ito ako ngayon at nasa kabilang bahay, kausap si Max.
“P-pasensiya na talaga, Max. Wala lang talaga kaming pera para makalabas na ng hospital si Tatay. May naging problema raw kasi sa liver kaya hindi bumababa ang lagnat at suka ng suka si Tatay. Naka apat na araw na si Tatay dun at kung magtatagal ay lalaki lang ng lalaki ang bill namin,” mahabang paliwanag ko kay Max.
“You don’t need to explain, Patring. Hayaan mo’t tatawagan ko maya ‘yung sa billing. Ngayong araw ay makakalabas na ng hospital si Tatay Tanteng,” nakangiting wika ni Max. Ginulo na naman nito ang buhok ko. “Hayy! Ang tatanda na natin, pinapairal mo pa rin ang pagiging mahiyain mo! Kung hindi pa pala kita kinamusta ay hindi mo pa sasabihin sa akin ang problema mo,” may himig-tampong turan pa nito.
“Syempre nakakahiya kaya! May asawa ka na no!”
“Max! Max! Asan ka na ba?” sigaw ni Lindsay na galing sa loob ng bahay.
“I’m here, hon!” malambing na sagot ni Max.
“Yung tatay daw… Patring!”
“Hi, Lindsay!” bati ko rito na nagulat sa presensiya ko.
Lumapit agad ito sa akin. “Is it true? Nasa hospital daw ang tatay mo?”
Tumango ako. “Y-yes..”
“Bakit ngayon mo lang sinabi?”
“Exactly my words earlier, hon!” may papalakpak pang singit ni Max.
“Sa susunod, Patring, don’t hesitate to tell us. We are more than willing to help you, anytime.”
Naipagsalikop ko ang aking mga kamay at saglit na napatungo. “N-nakakahiya naman kasi. W-wala naman kasi akong i-ipambabayad agad,” halos pabulong ko nang sagot.
Narinig ko ang pagbuntong-hininga ni Max. “Kelan pa kita siningil, Patring?”
“Yun na nga, eh.”
Pinitik ako nito sa noo. “Then pay me back when you have the money. Nakalista kaya lahat nang inutang mo sa akin, akala mo ba?”
Agad akong napalingon dito. “T-talaga? M-magkano na ba?”
Humagalpak na ng tawa si Max, maging si Lindsay ay sumabay na rito. Napatawa na rin ako nang marealize kong binibiro lamang ako ng mag-asawa.
“Kuya Lenus?” nakakunot-noong bigkas ni Lindsay habang nakatingin sa may gate ng bahay nila.
Sabay kaming lumingon ni Max.
“Andiyan pa si Lenus?” nagtatakang tanong ni Max, sa akin ito unang tumingin bago kay Lindsay.
“Baka namalikmata ka lang, Lindsay. Kanina pa umalis si Lenus.”
“Talaga ba?”
“Oo.”
Hindi ko alam pero kinabahan ako.
*
Dalawang linggo na ang nakakalipas simula nang makalabas ng hospital si Tatay. Dalawang linggo na rin akong hindi nakakasabay kay Lenus papasok sa school. May mga dinaluhan itong mga seminar sa Visayas at kapag bumabalik naman dito sa Maynila ay halos hindi ko mahagilap.
Ngayon ko lamang nalaman kung gaano kadedicated sa trabaho si Lenus. Totoo ngang halos wala itong pahinga. Naituro na nito sa akin ang private clinic nito. Hindi naman iyon kalayuan sa bahay na tinutuluyan namin. Marahil ay nasa 15-20 minutes drive lamang iyon. Flexible naman ang schedule ni Lenus. May mga araw na nakakauwi ito nang maaga, pero kadalasan, halos inaabot ito ng alas-onse ng gabi.
Hindi kami madalas nakakapag-usap pero lagi itong umuuwi na may pasalubong sa aming mag-ina. Minsan pagkain, libro, laruan para kay Brie at kung anu-ano pang naiisipan nito. Hindi ko nga alam kung saan ito nakakakuha ng mga iyon o paano nito naisisingit na mamili pa.
Isa siguro sa love language nito ang giving gifts. He just loves giving.
Katulad ngayon.
May uwi itong mother-baby terno dress. Ipinaabot lamang nito iyon kay Shirley nang dumating ito.
“Ayan na naman si Papi! Hmp!” masungit na wika ni Shirley. “Paasa yan!”
Natatawa na lamang akong tumingin dito. “Sabi ko naman kasi sa’yong magkaibigan lamang kami ni Lenus.”
“Hayy naku girl! Hindi ko talaga maintindihan ‘yang si Sir! Minsan umaakto na parang may gusto sa’yo, pero tignan mo nga’t may kasama na namang babae. Iba ‘yun sa inuwi niya nung isang araw!”
“Eh bakit galit ka?” nangingisi kong tanong.
“Kasi nga, naguguluhan ako!” Lumapit ito sa amin ni Brie. Gumaya sa akin na naka-Indian sit. “Girl, please lang ha, ‘wag na ‘wag ka magpo-fall kay Sir. Haay naku! Napakababaero!”
Humalakhak na ako habang sinusubuan si Brie ng kanin. “Wag ka mag-alala. Wala akong balak makipagrelasyon sa kaniya.”
Natahimik ito at nangalumbaba. “Pero sayang talaga si Sir no? Gwapo, mabait, mayaman…” Pumitik ito sa ere. “Babaero nga lang.”
“Kaya nga tigilan mo nang tuksuhin ako sa kaniya.”
“Basta inis ako. Sana dati pa natin siya nakilala.”
Napataas ang isa kong kilay. “Bakit naman?”
“Wala naman.” Huminto ito at kinuha ang butil ng kanin na nalaglag sa damit ni Brie. “Sabi kasi nila hindi naman babaero si Papi Lenus noon.”
“Talaga? Sinong nila?”
“Sila Mona at Raja.”
Tinutukoy nito ang dalawa pang maid na stay-in.
May panghihinayang akong napangiti. Totoo naman kasi ang sinabi ni Shirley. Hindi ko lang maamin pero naguguluhan din ako sa mga action ni Lenus.
Hindi ko alam saan ako lulugar.
Marami pang itsinismis sa akin si Ley. Nahinto lamang nang makatulog na si Brie.
Nauhaw ako bandang ala una nang madaling araw. Nagulat pa nga ako nang pagbukas ko ng ilaw ay nabungaran ko si Lenus na nakatalungko sa may hapag-kainan. May hawak pa itong shotglass sa isang kamay.
Nilapitan ko ito at tiningnan ang bote ng champagne na iniinom nito. Halos paubos na iyon.
“Lenus?” Marahan ko itong niyugyog.
Nag-inat ito at tumingin sa akin. Ngumisi ito. “Patrice…” Hinawakan nito ang kamay ko at hinila ako. Napaloob ako sa mga bisig at binti nito.
“Bakit ka ba naglalasing? May problema ka ba?”
Inilayo ako nito. “Hindi kashi akoh makhatulog. Pampaantok.”
Kinuha ko ang shotglass maging ang bote ng champagne. Inilagay ko ang mga iyon sa lababo at binalikan ang binata. “Matulog ka na sa kwarto mo,” utos ko rito.
“Come here,” utos ulit nito sa akin. “Nagshushungit ka na naman, ateh.”
Inilayo ko ito at tiningnan nang matalim. “Anong ate?!”
Humalakhak ito sabay yakap ulit sa akin. “Para kha kashing ate kung manermon.”
Pumalatak ako at hinawakan ang mukha niya. Mapungay na ang mga mata nito na pumipikit-pikit. “At para ka namang teenager na ngayon lang natutong uminom. Sa susunod dun ka na sa kwarto mo uminom kung ganiyan ka nang ganiyan.”
“Okay po.” Niyakap na naman ako nito.
“Halika na nga!” Inilagay ko ang kamay nito sa aking balikat. Inalalayan ko itong tumayo.
“Ikaw ha! Saan mo ako dadalhin, pretty kitty?” Pinisil nito ang aking ilong.
“Sa kwarto mo po nang makatulog ka na nang maayos!” sagot ko at hindi na sinakyan ang biro nito.
Nagpabigat ito sa paglalakad. “Tignan mo ‘to. Sha kwarto koh?” may laman nitong wika.
“Lenus ah!” saway ko rito.
“Okay.Okay. Hindi na..hik!”
“Iinom-inom tapos magpapa-alalay,’ reklamo ko.
Huminto ito at inilayo ako nang kaunti. Tumayo ito nang diretso at tumingin sa akin ng seryoso. Iniangat nito ang dalawang kamay at pinisil ang aking mga pisngi. “Ganda mo pa rin kahit nagsusungit ka.”
Hinampas ko ang kamay nito. “Aray ha! Masakit!” Inilagay ko na ulit ang isang braso nito sa aking balikat. “Sarap mong kutusan!”
He chuckled sabay hila sa akin at mahigpit akong niyakap patagilid. “Apakasungit mo talaga.”
Tinampal ko muli ang braso nito. “Paanong hindi magsusungit? Mabigat ka kaya!”
Tumawa na naman ito bago humakbang ulit.
Para kaming nagsasayaw maglakad dahil sa pagewang-gewang kami. Matagal bago kami nakarating sa third floor dahil nga may ilang beses din kaming humihinto. Kung hindi lamang ito lasing ay masasabi kong nagpapabigat lang talaga ito para pahirapan ako.
“Sa susunod, dito ka na sa kwarto mo uminom kung magpapakalasing ka. Bigat mo e!” reklamo ko rito pagkatapos na maibaba ko siya sa kama. Nagstretching pa ako dahil nangalay ako sa pag-alalay.
Umupo ito at pinilit na tanggalin ang sapatos nito. “Patrice?”
“O!”
“Patanggal naman,” pangisi nitong pasuyo. “Nahihilo akoh.”
“Yannnn! Ituloy mo lang ang ganiyang gawain!” patuloy kong panenermon habang inaalis ang sapatos at medyas nito.
Isinandal ko pa ang ulo nito sa headrest.
Pagtayo ko ay seryoso itong nakatitig sa akin. Naasiwa ako. “May kailangan ka pa?”
Hindi ito kumibo at patuloy lamang akong tinitigan. Hindi ko mabasa ang sari-saring emosyon na gumuhit sa mga mata nito. May lungkot, sakit, pagsuyo?
“Lenus? May kailangan ka pa?” ulit ko sa aking tanong.
Sa halip na sumagot ay iniunat nito ang mga kamay at nagsenyas na lumapit ako.
“Para kang bata,” I uttered pero lumapit pa rin naman dito.
Dahan-dahan nitong ibinalot ang mga bisig nito sa aking bewang at idinikit ang mukha sa aking tiyan.
Hinaplos ko ang likuran nito. “Aalis na ako kung… Lenus!”
Napasigaw ako nang hinatak nito ang aking kamay. Napaupo ako sa kandungan nito.
“Patrice?”
Papagalitan ko pa sana ito ngunit naudlot iyon nang tawagin nito ang pangalan ko sa napakalumanay na paraan.
Tinitigan ko ang mukha nito, nakapikit na pero alam kong gising pa rin. Banayad na ang pagkakadaiti ng braso nito sa aking kandungan, na parang nagsasabi sa aking pwede ko naman na siyang iwanan.
“Lenus? May problema ka ba?”
Dahan-dahan nitong idinilat ang mga namumungay pang mga mata. “Bakit, Patrice?”
“H-ha? Anong bakit?”
Ginagap nito ang aking mga kamay. “You promished mhe you will thell me first your problem, right?”
Tumango ito. “Yes.. naaalala ko…”
Tinitigan ako nito, bakas sa mukha ang pagdaramdam. “Why did you not tell me about Tito? B-bakit shi…hik… Max na naman ang shinabihan mho? A-andito na akoh tabi mo..hik...p-pero iba pa rin n-nilapitan mo…”
“P-paano mo nalaman?” I guiltily asked.
“I whas there… I heard you..”
“Lenus…” I pouted.
Naalala ko ang pagtawag ni Lindsay dito. Totoo ngang andoon siya.
“Nakakatampo ka…” muli nitong usal.
“I-I’m sorry, Lenus… H-hindi ko masabi sa’yo kasi n-nahihiya na ako nang sobra.. I tried, really!” Nanumpa pa ako gamit ang aking kanang kamay. “Pero di ko nagawa kasi parang hindi tama.. Ako lang ang tanggap nang tanggap, tapos ikaw lang ang bigay nang bigay.”
“But still, Patrice..”
“Hiyang-hiya na kasi ako sa’yo, Lenus. Paano ako makakabayad sa’yo? I don’t even have a job right now! H-hindi ako sanay na umaasa sa iba. Tapos dito sa bahay, pinagbabawalan mo pa akong magtrabaho. Ni ayaw mo akong maglaba o magligpit man lang ng mga pinggan! You are treating me like a princess, but I am far from it!”
“Anong problema dun? Hindi ba ‘yun ang gusto ninyong mga babae? We treat you as princesses and queens?” nadiretso nang wika nito. Mukhang natauhan ito sa galit na ipinapakita ko.
“Pwede siguro kung sa asawa o sa girlfriend mo, pwede rin sa mga anak mo. Hindi tayo ganun, Lenus.” Yumuko ako. “Ni hindi mo nga ako nililigawan e,” halos pabulong na lamang ang huling mga salita.
“Then, let me court you.”
“H-ha?”
Lumunok si Lenus. “Let me court you. No, I’ll court you,” desidido nitong pahayag.
“No!” Padaskol akong tumayo galing sa kaniyang kandungan. “Hindi mo gagawin ‘yan, Lenus!”