05

2369 Words
“Anong oras ka babalik sa Villa niyo?” tanong ni Cece, boses niyang banayad pero ramdam ang pag-aalala. Nasa beachfront kaming dalawa, pareho kaming nakaupo sa sunlounger. Ang hangin mula sa dagat ay malamig at maalat, dinadala ang alon ng papalubog na araw. Wala na sina Luther at Drea. Magkasama silang umalis kanina nang biglang may tumawag kay Luther, hindi ko alam kung anong nangyari, pero halatang emergency. Halos hindi na siya nagpaalam. Basta nalang silang nagmamadaling umalis, at naiwan kaming dalawa ni Cecelia. “Mamaya, siguro kapag dumilim na,” sagot ko, pilit na kalmado ang boses habang nakatingin sa dulo ng dagat. Doon, kung saan parang wala kang problema. Kung saan tahimik ang mundo. Sa totoo lang, hindi ako naghihintay ng takipsilim. Naghihintay ako sa anino ni Miller, alam kong darating siya. At kahit sa malayo palang alam na alam ko na ang tindig at anino niya, kilala ko na. Ramdam ng katawan ko ang paglapit niya kahit hindi ko pa siya nakikita. “Gano’n ba?” ani Cece, sabay lingon sa akin. “P’wede mong sabihin kay Miller na sa akin ka na lang muna matutulog, baka—” “Hindi p’wede ‘yon, Cece,” mabilis kong putol. Mas mabilis pa sa hangin. Napalingon siya sa akin, bahagyang gulat, pero hindi niya ako kinontra. Imbes ay isang mahaba at malalim na buntong hininga lang ang kanyang isinagot, bago muling ibinalik ang tingin sa dagat. Tahimik ako, pero sa loob ko ay gumuho na naman ang konting lakas ng loob kong naipon. Alam ko namang imposible. Alam kong kahit anong alok ni Cece, kahit anong tulong pa ang gusto niyang ibigay, hindi ko kayang tanggapin. Dahil alam kong may kapalit iyon. Hindi kay Cece, kundi kay Miller. May multang katumbas ang bawat minuto ng kalayaan ko. I accept it now. I’ve accepted my fate. Ang pagiging kay Miller Ocampo ay hindi ko pinili, pero tinanggap ko na. At kung may natitirang daan pa palayo sa kanya… baka natabunan na ng mga bakas ng takot, ng sugat, at ng mga pangakong kailanman ay hindi niya tinupad. Tuluyan nang lumubog ang araw. Dumilim na ang paligid, at hanggang ngayon ay wala pa rin si Miller. Nag-usap lang kami ni Cecelia tungkol sa mga nagdaang taon, mga alaala, pangarap, at ang pagkakahiwalay namin ng landas. Siyempre, tinakpan ko ang totoo. Lahat ng kwento ko ay pinuno ko ng kasinungalingang masaya, mga pinalamuting alaalang hindi kailanman nangyari. Mga ngiting peke, dahil ang tunay kong buhay ay wala nang puwang para sa saya. Hindi ko na siya hinintay pa. Nagpaalam na ako kay Cece. Ayaw pa niya akong paalisin, pilit niya akong pinapapirmi. Pero hindi ko kayang abutan kami ni Miller na magkasama pa roon. Ayaw kong makita niya akong masaya sa piling ng ibang tao, lalo na’t kasama si Cece, na alam kong hindi niya gusto. Mga Voss na tinuturing niyang kalaban pero hindi ko maintidihan kung bakit gusto niyan dumikit pagdating sa negosyo. “Pupunta ka pa rin mamaya, hindi ba?” tanong niya, halatang umaasa. Pinipilit pa rin niya akong sumama sa party mamaya. “Susubukan ko,” tipid kong sagot. “Baka sabay kami ni Miller na dadalo.” Hindi na siya sumagot. Tumango lang siya habang unti-unting bumibigay ang ngiti sa labi niya. Pagbalik ko sa Villa ay tahimik ang paligid. Wala pa roon si Miller. Napaluwag ang dibdib ko, kahit isang oras lang ng katahimikan, sapat na. Nahiga ako sa kama. Nakatingin sa kisame. Tahimik lang. Hanggang sa biglang tumunog ang teleponong malapit sa kama. Napaangat ako at mabilis na dinampot iyon. Hindi ko alam kung kaba o instinct ang tumulak sa akin. “Is this the Villa of Mr. Ocampo?” malamig at pormal ang boses sa kabilang linya, isang estranghero, lalaki. “Yes, po,” sagot ko, mahina pero malinaw. “Are you Ma’am Seraphine?” “Yes,” muling sagot ko. “The owner of the resort is inviting you to tonight’s event. It will be held at the D’amore Club. Mr. Ocampo is already present and requested that you join him.” Napabuka ang labi ko, sandaling napako sa paghinga. Kaya pala hindi siya umuwi. Hindi man lang niya sinabi sa akin. Basta nalang umalis. At ngayon, pinapatawag niya ako? “Are you coming, Madam?” ulit ng boses. May diin. May pahiwatig ng pagmamadali. Napakagat ako sa labi. “Am I really invited?” tanong ko, medyo nag-aalinlangan. “Yes, I’m inviting you.” Napatigil ako. I’m inviting you. Boses niya iyon—hindi si Luther. Hindi si Miller. Iba. Sino siya? Bakit siya? At anong ibig sabihin ng “owner”? Ilang segundo akong hindi nakasagot. Hindi ko alam kung excitement ba ito, kaba, o takot sa hindi ko maintindihang pagkakataon. Isang tanong ang bumalot sa isipan ko. Anong klaseng gabi ang naghihintay sa akin sa D’amore Club? “I’m coming,” mahina kong tugon, halos bulong. At tuluyan ko nang ibinaba ang telepono. Isang kulay-itim na fitted dress ang suot ko, hapit na hapit sa katawan at bawat galaw ko ay tila nababalot ng panibagong takot at kaba. Pinaris ko ito sa nag-iisang pares ng sandals na dala ko, medyo luma na pero maayos pa rin tingnan. Nang tumayo ako sa harap ng salamin, hindi ko maiwasang titigan ang sarili ko. Maayos naman, sabi ko sa sarili ko. Kaya ko itong isuot. Kailangan kong magmukhang hindi durog sa harap ng ibang tao. Kailangan kong magmukhang buo, kahit basag na basag na ako sa loob. Wala akong ideya kung nasaan ang D’amore Club kaya halos malibot ko na ang kalahati ng resort. Ilang beses akong nagtanong sa mga staff pero puro tango lang ang isinagot nila, parang takot ding magsalita o ayaw lang nila akong tulungan dahil alam nilang hindi ako nababagay sa lugar na ‘to? Nang tuluyan ko iyong makita, saglit akong natigilan. Maganda. Eleganteng tignan. Nasa beachfront siya, maliwanag ang paligid, puno ng mga hanging lights at bulaklak, may halong modernong disenyo at classic charm. Pero sa kabila ng kagandahan ng lugar, may bumabalot na pangambang hindi ko maipaliwanag. “Papasok po kayo, Ma’am? Imbitado po ba kayo ni Sir Vaughn?” Napalingon ako sa guard na nagtanong. Napakunot ang noo ko, hindi pamilyar sa akin ang pangalan na binanggit niya. Sir Vaughn? Magsasalita na sana ako nang biglang may tumabi sa akin at sumagot para sa akin. “She’s with me,” anang malalim at may kumpiyansang boses. Napalingon ako at agad na bumungad si Luther, naka-itim na pang itaas na parang nayakap sa kanyang maskuladong katawan at pantalon na kulay itim din, masyadong gwapo at intimidating sa gabing iyon. Mapupusok ang mata niya, diretso ang titig sa guard at para bang walang makapipigil sa kanya. “Gano’n po ba, Sir. Enjoy the night!” agad na sagot ng guard, biglang naging magalang at halos yumuko pa. Tumango si Luther at marahan akong hinawakan sa palapulsuhan. Mabilis akong napaatras sa gulat, instinct na yata iyon ng katawan ko. Mabilis ding bumitaw si Luther, halatang ramdam ang panginginig ko. Nagtagpo ang paningin namin. Wala siyang sinabi pero parang binabasa niya ako gamit lang ang mga mata. “Are you sure you want to go inside that club?” tanong niya, malamig ang tono pero may bahid ng pag-aalala. Tumango lang ako, kahit labag iyon sa loob ko. I just need to show up. Magpakita lang ako kay Miller. Paalala na nandoon ako. After that, I’ll disappear. Uuwi agad. Ayaw kong manatili sa lugar na iyon. Sa kabila ng magandang labas ng D’amore Club, ramdam kong mabigat ang hangin sa paligid. Maingay sa loob, masyadong maraming lalaki, masyadong maraming titig na tila sumusukat sa suot ko at sa sarili ko. Lahat ng ito ay parang bitag na pilit kong nilalakad. “Don’t stay too long,” bulong ni Luther habang binuksan niya ang pinto ng club para sa akin. Napatingin ako sa kanya, nag-aalangan kung dapat ba talaga akong pumasok. Ang daming tanong sa isipan ko. Tama ba ‘to? Ano bang ginagawa ko rito? Pero sa puntong ito, parang wala na akong balikan. Kaya kahit mabigat sa dibdib, tuluyan akong pumasok. At sa unang hakbang pa lang, sinalubong na ako ng ingay, tumitibok ang sahig sa lakas ng bass ng musika, halakhakan, sigawan, halimuyak ng alak at pabango. Lahat ay nagsasaya, parang walang problema sa mundo. Pero ako, ako ay tila multo lang sa gitna ng lahat. Parang estrangherang pumasok sa mundo na hindi para sa kanya. Sumunod ako kay Luther, na tila alam na alam kung saan kami papunta. Habang naglalakad kami patungo sa ikalawang palapag, maraming babae ang lumalapit sa kanya, may mga humahawak sa braso niya, may mga nagbubulungan habang sinusundan siya ng tingin. Hindi ko na napansin na nasa hindi kalayuan na si Miller. Nakatayo siya roon at sa mismong saglit na nagtama ang aming mga mata, biglang tumigas ang panga niya, at nagdilim ang kanyang tingin. Umiling siya, mabagal pero matigas, at sinenyasan akong bumaba. Wala siyang sinabing kahit ano, pero ramdam kong galit siya. Napakasakit sa pakiramdam na sa halip na kasiyahan ang maramdaman niya sa presensya ko, ay tila isang malaking kahihiyan ang tingin niya sa akin. Nang makababa kami, dinala niya ako sa isang bahagi ng likuran ng club, madilim, tahimik, malayo sa musika at mga mata ng ibang tao. Doon, sa pagitan ng mga dingding at lamig ng gabi, muli siyang naging siya. Ang taong kinatatakutan ko. “What are you wearing? Really, trying to fish every man inside that club?” singhal niya, iritadong-iritado. Napakagat ako ng labi, pilit hinuhugot ang lakas ng loob ko. “Sabi kasi nila club... gusto ko lang namang maging presentable sana, at—” “You look like a slut, Seraphine. A dirty slut.” Parang may bumagsak na tingga sa dibdib ko. Walang kasing sakit. Walang kasing bigat. Gusto kong lumaban. Gusto kong sumigaw. Pero ang boses ko, nanatiling nakakulong sa lalamunan ko. “May tumawag kasi sa Villa... akala ko ikaw,” mahina kong paliwanag. “Kahit na!” singhal niya muli. “I don’t want you here, especially with a lot of men inside. Kung gusto mong makisaya, fine. But don’t come near me. You were invited by Vaughn, the owner. I can’t throw you out without looking bad. But if you want to stay, stay the hell away from me. Malaki ang club, Seraphine. Huwag mo akong subukan ngayong gabi.” Tahimik akong nakatayo. Takot. Galit. Hiya. Lahat ng iyon sabay-sabay kong naramdaman. At sa wakas, iniwan niya ako roon. Pumasok siyang muli sa loob ng club, parang walang nangyari. Pero hindi ako papayag na magmukhang talunan. Hindi ko hahayaang lamunin ako ng hiya at sakit. Kaya kahit nanghihina, naglakad ako pabalik. At sa gitna ng dami ng tao, nakita ko si Cecelia. “Seraphine!” sigaw niya sabay yakap. Agad niya akong hinila papasok, patungo sa isang lugar na mas tahimik, mas mataas ang antas. May karatula roon: VIP Lounge. Doon niya ako dinala. Hindi ako makapaniwala nang makita ko si Luther sa loob, nakaupo, relaxed, pero may bigat sa mga mata. Kasama niya ang ilang kalalakihang pawang may awra ng kapangyarihan at kayamanan. “Your sister is here, Luther,” sabi ng isa sa kanila. “Who’s with you, Cecelia?” “My friend. Doon na kami sa kabila.” “Are you Seraphine?” tanong ng isa pa, ang lalaking may mga tattoo rin kagaya ni Luther. Magsasalita na sana ako nang sumabat si Cecelia. “She’s Seraphine. Bakit?” “Oh, so you’re the girl I called earlier,” aniya, may ngiting malamig pero may dating. So siya si Vaughn? Siya ang tumawag sa akin? Siya ang may-ari ng resort at club na ito? Nakasuot lamang siya ng simpleng puting t-shirt, pero sa bawat galaw niya ay may awtoridad. May misteryo rin sa mga mata niya, at ang ngiti niya, hindi mo matukoy kung mabuti ba siya o mapanganib. “You came. Enjoy, Seraphine.” Hindi ko na siya nasagot. Hinila na ako ni Cecelia sa kabilang mesa. Kami lang dalawa roon, pero ramdam kong lahat ng mata ay nasa amin pa rin. Nakaupo kami sa sulok pero katabi lamang namin ang lamesa nina Luther. Ang pagkakaayos ng mga mesa, tila may invisible barrier pero konektado pa rin sa isa’t isa. Tumawa ang mga kasama ni Luther, nagsisigawan, nagsasaya. Pero ang atensyon ko, nandoon lang sa isang tao. Sa taong hindi man ako kinakausap ay parang sinusundan ako ng titig. Ilang minuto ang lumipas, tumayo ang mga kasama niya at iniwan siya roon. Nagulat ako nang lumapit siya sa amin. “Kuya naman! May upuan naman kayo! Miss ko na ‘yung bestfriend ko!” reklamo ni Cece. “Run out of drinks. Kumuha ka na,” utos niya. Nagprotesta si Cecelia, pero walang nagawa. Tumayo siya at bago umalis ay tumingin muna sa amin. “Huwag mong paalisin si Seraphine. Kapag may nangyari sa kanya, hindi kita mapapatawad,” aniya. At naiwan kaming dalawa ni Luther. Tahimik. Mabigat. Kakaiba ang tensyon sa pagitan namin. Kumawala ako ng malalim na buntong-hininga, pilit pinapakalma ang sarili. Inayos ko ang buhok ko at ibinalik ang tingin sa kanya, na hindi pala umalis ng tingin sa akin mula kanina. Then he spoke. “Run away with me, Seraphine.” Napahinto ako. Parang tumigil ang musika. Hindi ko alam kung totoo bang narinig ko ‘yon o guni-guni lang. Ano raw? Umangat ang tingin ko sa kanya. Nagtagpo ang aming mga mata. Seryoso siya. Walang biro sa mukha. Umiwas ako ng tingin. Gusto kong iwaksi ang narinig ko, pero bago ko pa tuluyang magawa iyon, naramdaman ko ang kamay niya sa beywang ko. Malambot. Mainit. Hindi ako umiwas. Hindi ko alam kung bakit, pero sa halip na tumayo o magsalita, nanatili lang ako. My body has always been responding whenever someone is touching me, but this time I remained with Luther, who was touching my back to my waist. “Run away with me, Seraphine,” bulong niya muli, sa mas banayad, mas mapang-akit na tinig. “That man is not good for you. After years of looking for you, I finally saw you. Run away with me. Run away with me, baby.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD