“Isusumbong kita kina Kuya Rowan kapag hindi ka tumigil,” pananakot ko sa kaniya pero mukha yatang hindi siya natakot sa sinabi ko.
Nakatingin lamang siya sa akin habang nakapamulsa na para bang nagbibiro ako kanina sa binitawan kong mga salita.
Hindi ba niya alam na kaya kong sabihin iyon kina Kuya Rowan? Hindi naman kasi ako nagbibiro.
Gusto ko lang umuwi pero itong lalaking ’to talaga, pinipigilan ako dahil daw mag-uusap kami pero ngayong hinihintay ko siyang magsalita, ayaw naman niya?
Dahil naaalibadbaran ako sa titig niya sa akin, nagtangis na lang ang aking baga at kaagad na naikuyom ang aking mga kamao.
Sabi niya, mag-uusap kami pero wala naman siyang sinasabi. Hindi ko alam kung tinatarantado lang ako ng lalaking ito o balak niya lamang akong pigilan para makauwi.
Hindi ba niya alam na mahalaga ang oras ko?
“Akala ko ba mag-uusap? Bakit hindi ka nagsasalita? Nakakapikon din talaga ugali mo,” nanggigigil na sambit ko.
Ngunit imbis na sumagot ang binatang nasa harapan ko ay wala. Nakatitig lang ang hinayupak!
“Aalis na ako,” pinal na pahayag ko.
Akmang iikot na sana ako para harapin at buksan ang pinto ng aking sasakyan nang bigla na lang niyang hinawakan ang aking braso para patigilin ako sa paggalaw.
Nanigas na lang ako sa kaniyang ginawa at medyo nahigit ko pa nga ang aking hininga ngunit mabilis ko namang nabawi iyon nang lingunin ko siya.
Gusto ko pa sanang magsalita pero bigla naman siyang nagsalita na mas lalong nagpatigil muli sa akin.
“Nabalitaan kong may nakabanggaan kang lalaki sa hallway at balak ka pa sanang ihatid sa clinic,” lintaya niya.
Napaawang na lamang ang aking labi dahil matagal na iyon nangyari. Hindi ko alam kung bakit ngayon lang niya ito sasabihin sa akin.
Nakita ko pa ang naglalarong galit sa kaniyang mga mata na para bang nakita niya kung ano ang nangyari noong araw na iyon.
“That was nothing,” nanginginig na sumbat ko para matapos na.
Ngunit si David, tinaasan niya lamang ako ng kilay na para bang hindi naniniwala sa aking sinabi.
“Wala kasi ako sa sarili ko no’n at nagmamadali ako dahil malapit na ang first subject ko,” bulong ko sa kaniya.
“You fell, Eisley,” mariing sambit niya.
Bahagya ring gumalaw ang kaniyang panga nang sabihin niya iyon. Hindi ko alam. Basta mahahalata sa kaniyang mukha ang galit niya.
Kumalabog ang aking puso dahil sa aking nasilayan. Alam kong ganito ang reaksyon nila kapag nasasaktan o may nangyari sa akin.
Kaya nga hindi ko sinasabi sa kung sino dahil sa takot ko pero narinig pa rin nila ang balita kahit na medyo matagal na ang pangyayaring iyon.
Wala talaga akong takas. Paniguradong isusumbong niya ako kina Kuya Rowan tapos syempre, masesermonan na naman ako nang wala sa oras kahit na makakarinig na ako ng sermon sa kaniya.
Ito ang mahirap kapag nag-iisang babae ka lamang sa grupo niyong magkakaibigan. Palagi kang babantayan o hindi kaya ay mahigpit silang lahat sa akin.
“Alam mong ayaw na ayaw ka naming nasasaktan—”
“Nagmamadali kasi ako! Kailangan kong humabol sa first class ko dahil hindi naman puwedeng ma-late ako,” paliwanag ko sa kaniya.
Hindi kasi nila iyon maiintindihan. Alam nilang ayaw kong nali-late ako sa isang bagay dahil hindi naman ako ganoong tao.
Ngunit ngayong naririnig ko ang sinasabi niya, may point naman siya. Ayaw talaga nilang nasasaktan ako pero paano iyon? That’s part of our life. Kung hindi ako masasaktan, paano ako matututo?
Saka simpleng pagkatumba lang naman iyon. Patag naman ang semento sa hallway. Hindi naman ako nahulog sa hagdan. Kaya wala namang kaso sa akin.
Oo masakit ang puwet ko noon. Ano pa nga ba ang magagawa ko kung ganoon ang nangyari? Ang mahalaga lang naman sa akin ay hindi ako nasaktan nang malala at hindi ako na-late sa first subject ko.
Mas nauna pa nga akong makapunta roon sa room namin na kung saan ay naghihintay ang mga kaibigan ko.
Kaya balewala talaga ang nangyari sa akin no’n as long as hindi ako late.
Matapos ang naging usapan namin ay dumiretso ako ng bahay para sana makapagpahinga na. Kaso may gig pala sina Kuya Rowan.
Kaya ngayon ay nandito na ako sa bar na kung saan sila nagpunta. Nakapuwesto lamang ako sa pinakagilid at pinakamadilim na parte ng bar.
Alam ko namang mahahanap nila ako kaagad. Ayaw ko rin kasing nasa maliwanag na parte ako dahil paniguradong may titingin na naman sa gawi ko.
Hindi rin ako nagsuot nang revealing na damit dahil hindi naman pagba-bar ang ipinunta ko rito. Gusto ko lang kasing suportahan ang mga kaibigan ko.
Alam ko rin namang balak magpunta ng iba naming kaibigan sa mga gig nila para suportahan pero sadyang may mga assignment at project din sila.
Hindi naman kasi sila same ng mga course. Kaya naiintindihan nila ito at hindi rin naman sila namimilit na magpunta kami.
Sadyang ako lang talaga ang makulit kahit na may assignment o homework pa ako ay pinipili ko pa ring magpunta sa gig nila.
Minsan nga ay kinukuha ko pa ang mga assignment ko para lang gawin dito. Kahit na alam ko namang maingay at magulo.
Nagsimula silang tumugtog. Kaya naman mas lalong umingay ang paligid dahil magsisimula na ang kanilang mini concert.
They love music. Alam na alam ko iyan dahil magmula nang bata kami, sinimulan na nilang mag-aral tumugtog hanggang sa nagulat kami ay madalas na silang sumali sa musical club.
Kaya hindi talaga nakakapagtaka na iba ang balak nilang tahakin. Kung tutuusin kasi ay may pakinabang naman sila sa talent nila. Kaya bakit hindi nila susundin ang kanilang pangarap, hindi ba?
Minsan ka lang mabuhay sa mundo. Kaya dapat gawin mo ang mga bagay na gusto mong gawin kaysa iyong magsisisi ka sa huli.
Nagulat ako nang biglang may lumitaw sa aking harapan at nakiupo sa aking table. Medyo nangunot pa nga ang aking noo dahil nakuha niya ang aking atensyon at sa harap ko pa talaga siya pumuwesto.
“So you’re here, huh?” wika niya.
Mas lalong nalukot ang aking mukha dahil sa kaniyang sinabi. Hindi ko alam kung bakit pakiramdam ko ay pamilyar ang kaniyang boses o nagkamali lang ako?
Hindi ako sigurado pero sinubukan kong huminga nang malalim at hindi na lang pinansin ang binata na nagsalita sa aking harapan.
Iba ang ipinunta ko rito at hindi ang pakikipag-usap sa kung sino. Kaya bahala na kung magsalita nang magsalita ang lalaking ito.
Nagsimula na ring lumakas ang tugtog ng electric guitar. Kaya medyo napangiwi ako. Malakas kasi masyado ang speaker pero understandable naman dahil nga nasa bar kami at talagang ganito ang maganda.
“Hindi ko alam na snob ka pala, Coffee Girl,” pasigaw na pahayag ng lalaki na nasa aking harapan.
Kaya mas lalong lumalim ang aking noo dahil sa kaniyang sinabi at hindi inaasahan ang pagtawag niya sa akin ng Coffee Girl.
Aminado naman akong mahilig akong magkape pero nakapagtataka kasi talaga kung paano niya iyon alam.
“Who are you?” pasigaw na tanong ko sa kaniya.
Napailing na lamang siya sa akin hanggang natamaan siya ng kulay asul na ilaw na nanggagaling sa party lights ngunit mabilis din namang nawala sa kaniya ang ilaw na iyon.
Doon ko lamang napansin na nasa leeg pala niya ng kaniyang headphone habang nakatingin sa akin.
“I’m Nicholas Tyler Zapanta.”