That night, hindi na ako tinatanan ng puso at isip ko. Hindi ko alam kung bakit palagi kong naririnig ang boses ni Nicholas kahit na hindi naman talaga dapat.
Ultimo mukha niya sa tuwing pumipikit ako, lumilitaw!
It’s weird. Fcking weird to the point na hindi ako nakakatulog nang maayos dahil sa kaniya.
Sobrang hate na hate ko ang ganoon but I had no choice. Paano ko ba siya tatanggalin sa isip ko?
“Bakit stress ka na naman?” tanong sa akin ni Mira nang makapasok ako sa aming classroom. “Ilang araw ka nang ganiyan.”
“Mag-iisang linggo na iyan ganiyan,” singit naman bigla ni Linnea.
Kaya naman inirapan ko na lamang siya at hindi napasimangot bago umupo sa bakanteng upuan.
“Ano ba kasing nangyayari sa iyo?” pangungulit sa akin ni Astrid.
Sa katunayan, hindi ko rin alam kung ano ang nangyayari sa akin. Naguguluhan ako sa mga nangyayari at hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko sa tuwing naririnig o nakikita ko si Nicholas.
Nakasalubong ko nga siya kanina ngunit mabilis akong tumakbo palayo sa kaniya lalo na nang makita niya ako.
Akma pa sanang lalapit sa akin kaso hindi ko makayanan ang nangyayari sa aking dibdib. Sobrang lakas ng kalabog at parang kinukuha ang lakas ko.
Kaya naman mabilis ko talaga siyang iniwasan kahit pa magkakilala na kami.
“Eisley,” tawag sa akin ni Kuya Gillean. Kung hindi ako nagkakamali.
Nasa cafeteria ang mga kaibigan ko habang ako naman ay balak kong magpunta sa Coffee Shop.
Inaya ko naman ang mga kaibigan ko pero ang sabi nila ay hindi nila trip ang magkape. Kung tutuusin ay araw-araw akong nagkakape dahil nga iyon ang gusto kong inumin.
Well, maliban naman sa kape ay gusto ko ng chocolate drinks pero sa ngayon, huwag muna. Kape talaga ang gusto ko dahil inaantok rin ang pakiramdam ko lalo na ngayon na ilang araw akong walang maayos na tulog.
Mabuti na lang talaga at marunong akong maglagay ng makeup sa aking mukha. Kaya kahit papaano ay hindi halata.
Ayaw ko rin kasing malaman ng mga kaibigan ko dahil paniguradong pagagalitan ako at paiinumin nang maraming vitamins!
Hate ko pa naman ang vitamins. Maliban pa roon ay gusto nila kumain ako ng mga gulay. Kaya ayaw na ayaw ko talagang malaman nilang napupuyat ako sa lalaki at hindi sa school activities!
“Kuya,” bati ko sa kaniya nang lingunin ko siya.
“Saan ka na naman pupunta? Kada break time or lunch time ay kung saan-saan ka nagpupunta kapag tinatanong ko mga kaibigan mo,” saad ni Kuya Gillean.
Kasama nila sa banda si Kuya Gillean. Sub vocalist siya at siya rin ay nakatoka sa electric guitar.
Ngunit ang madalas mag-electric guitar ay si David. Actually lahat naman sila ay marunong at magaling talaga. Depende lang talaga minsan sa kanila kung sino ang tutugtog ng electric guitar.
“Sa Coffee Shop lang naman, Kuya Gil,” paliwanag ko.
Minsan na nga lang kami magkita pero ang malala pa ay may masesermonan pa ni Kuya Gillean.
Ngayon na nga lang kami magkakausap pero ganitong klaseng usap pa ang mararanasan ko. Hanep!
“Napapadalas ka masyado sa Coffee Shop. Dapat healthy foods ang kinakain mo. Next time nga ay sabihan ko si David na siya ang bumili ng pagkain mo—”
“Huwag!” sigaw ko kay Kuya Gillean.
Kaya natigilan siya sa paglalakad at napatingin sa akin. Nagtataka siya sa inasta ko pero ano pa nga ba ang magagawa ko?
Ayaw kong kasama si David at bibigyan niya ako ng pagkain dahil paniguradong maraming mag-aakala na boyfriend ko siya kahit hindi naman!
At isa pa, sikat din kasi sila Kuya Gillean dahil nga madalas silang tumugtog dito sa campus. Marami rin silang fans kahit na active sila masyado sa musika pero syempre may mga kaniya-kaniya rin silang sports na sinasalihan kapag intramurals.
Sina Kuya Gillean at Kuya Rowan ay madalas na sa volleyball habang sina David at Russel naman ay basketball.
Sina Archer naman ay basketball din talaga. Kaya nga marami silang fans sa campus dahil bukod sa achievers din sila, guwapo rin at maraming talent.
Ako lang ang naiiba dahil napipikon ako sa mga atensyon. Ayaw na ayaw ko kasing may mga nakatingin sa akin.
Kagaya na lang ngayon, nakilala yata nila si Kuya Gillean. Kaya mga may mga nakatingin sa amin.
Dapat lang talaga na tanggihan ko ang sinasabi ni Kuya Gillean dahil hindi lang naman ako ang mapapahamak rito. Baka pati na rin ang career nila.
“No need, Kuya Gil. Ayos lang sa akin. I mean, kakain na lang ako sa bahay ng mga gulay. Sakto ay nagki-crave rin ako ng lumpiang gulay,” paliwanag ko sa kaniya. Kaya sana lang ay kagatin niya ang aking sinabi dahil kung ipagpipilitan niya si David, baka gyera na ang mangyari.
Ngumiti ako sa kaniya at sinubukang huwag ipakita ang kung anong takot sa aking mukha dahil ayaw kong sabihin niyang sinungaling ako.
Totoo naman kasing nagki-crave ako ng lumpiang gulay tapos saktong isasawsaw aa manamis-namis na suka na may sibuyas at paminta.
Solve na iyon! Sana lang ay kagatin niya. Ayaw kong pakialaman ako ng fans nila at halungkatin ang buhay ko.
Hindi kasi alam ng mga kaibigan ko pa sa ngayon na sobrang yaman ng angkan ko. Baka kasi kung ano pa ang isipin nila sa akin at aakalain pang maarte ako kahit hindi naman.
Iyong ibinigay na sasakyan nga ni Daddy ay iyong hindi mamahalin dahil sinabi ko sa kaniyang ayaw kong gumastos nang pagka-laki-laki para lang sa sasakyan.
Balak kasi ni Daddy ay sports car talaga ang ibigay sa akin. Kaso hindi ko naman hilig ang mga ganoong bagay. Kaya ayos na sa akin ang SUV car.
“Siguraduhin mo lang, Eisley,” pananakot sa akin ni Kuya. “Kasi kapag hindi mo ginawa—”
“Kuya naman! Wala ka bang tiwala sa akin?“ nakangiti kong paglalambing sa kaniya.
Umirap lang siya sa akin at napailing bago magpatuloy sa paglalakad. Iniwan niya akong nakangiti hanggang sa napasimangot na lang ako sa nangyari dahil sinungaling na yata ang akala niya sa akin.
“Hey,” malalim na boses na wika ng kung sino sa aking tabi.
Kaya napakunot ang noo ko at napalingon sa kaniya pero hindi ko inaasahan na si Nicholas pala iyon.
Naamoy ko rin ang pamilyar niyang pabango at ang malala pa ay nakita ko rin kung gaano na naman kagulo ang kaniyang buhok.
Kagaya ng dati, may headphone na naman na nakasabit sa kaniyang leeg at magulo na naman ang kuwelyo ng kaniyang uniform. Ang nakakamangha pa ay hindi man lang nagbago ang kaniyang kaguwapuhan!
Narinig kong kumalabog na naman ang puso ko at nanuyo ang aking lalamunan sa hindi malamang dahilan. Hindi ako sigurado kung bakit ganito na lamang ang nararamdaman ko sa tuwing nasa paligid ko siya.
Ngunit isa lang ang sigurado ko, posibleng nagkakagusto na ako sa kaniya.
“Saan ka pupunta?“ tanong niya sa akin.
Hanep na buhay! Parang musika sa tainga ko ang boses niya, ha? Nababaliw na yata ako.
“Sa ano lang,” kinakabahan kong saad.
“Sa?“ pag-uulit niya sa aking sinabi.
Kinagat ko naman ang aking ibabang labi dahil sa aking katangahan. Nasagot ko naman kasi si Kuya Gillean kanina pero bakit kapag si Nicholas ang magtatanong ay hindi ko alam ang gagawin ko?
“Coffee Shop,” mabilis kong sagot sa kaniya
“Sabay na tayo. Papunta rin naman ako roon,” saad niya bago ngumiti at nagsimulang maglakad patungo sa guwapong itim na sports car.