"NAPAKAKUPAD mo talagang kumilos, Louisiana," naiiling na lang na puna sa kaniya ni Manang Lydia.
Ngunit imbes na pansinin at masamain ay waring sanay na siya na marinig na sinasabi nito iyon. Labas na lang sa kabilang tainga niya. Ang mahalaga, natutuwa siya at nae-excite sa mga nangyayari.
Imbes kasi na si Loren ang isama nito sa paggo-grocery ay siya ang pinasama ni Manang Lydia para magbitbit ng mga bibilhin nila. Masama raw ang pakiramdam nito. Si Didith naman ay naka-day off.
"Kailangan na nating makauwi agad at baka magalit na naman si Sir Rave," paalala pa sa kaniya ng matanda.
Tulak-tulak ni Louisiana ang malaking cart ng mga pinamili nila mula sa department store ng mall. Nasa parking lot na sila at binabagtas ang patungong sasakyan na sinakyan nila papunta roon. Walang available na boy para tulungan sila sa mga pinamiling good for one month na raw ayon kay Manang Lydia. Kahit mabigat, dahil de gulong naman ang cart ay hindi na rin siya masyadong nahihirapan. Ayaw niyang patulunging magtulak ang matanda dahil alam niyang kagagaling lang nito sa rayuma.
Malapit na sila sa sasakyan nang bumaba ang kasama nilang driver na si Mang Toni at tinulungan siya sa pagsakay ng mga plastik bag sa may compartment.
"Iwan mo na 'yan diyan, halika na!" sabi ni Manang Lydia sa kaniya nang akmang isasauli niya ang cart sa loob.
Nagdadalawang-isip man ay sinunod na nga lang ito ni Louisiana na taranta pang sumakay ng lumang kotse.
Habang nasa biyahe ay tahimik lang habang nakatanaw sa bintana si Louisiana. May ngiting mapapansin sa kaniyang mga labi at kislap sa mga mata. Bukod sa masaya siya dahil for the first time ay nakalabas siya sa malakaing bahay at personal na nakabili ng mga gamit niya, kung saan dinaya ni Manang Lydia ang listahan para magkaroon ng sobra para sa kaniya, may ibang bagay pang tumatakbo sa kaniyang isipan.
May darating kasi ngayong araw na bisita sa bahay nina Sir Rave ngayon. ANg narinig niya ay may 'meeting' daw iyon kasama ito at ilang kliyente. At maaaring kasama rin doon si Sir Stanli. Magkasosyo raw sa negosyo ang dalawa kaya pala madalas talagang mapaparoon ang huli.
Alam niyang suntok sa buwan na may lalaking magkakaroon ng interes sa kaniya. Pero napagtanto niya na kahit ganoon, puwede pa rin naman siyang mangarap kahit sa isip niya lang. Wala namang mawawala lalo't siya lang naman ang tanging nakaaalam.
Nagsimula iyon noong gabi ng party, isang linggo na ang nakalilipas. Pagkatapos ng kaniyang mga hugasin ay muli siyang lumabas noon sa may likod upang magbakasakaling naroroon pa at naghihintay sa kaniya si Sir Stanli. Hindi malimutan ang naramdaman nang unang beses na may lalaking humawak sa kaniyang braso at kumausap nang matino sa kaniya. Marahil sa iba ay maliit na bagay lang iyon pero iba ang dating niyon sa kaniya. Napakabait ng awra ni Sir Stanli katulad ng panglabas nitong anyo. Hindi mahirap na mapalapit sa isang kagaya nito na hindi man lang nangingiming lapitan at kausapin siya. At habang may nakikita siyang pagkakataon na mapalapit dito ay gusto niyang samantalahin. Ngunit pagbalik niya sa likod ay wala na ito. Marahil tinotoo nito ang sinabing uuwi na lang dahil wala ang inaasahan nitong taong magpunta.
Bahagya siyang nalungkot noon bagama't may tuwa pa rin. At least, ngayong araw ay magkikita naman sila nito.
Pagdating nila sa bahay, agad na nag-asikaso para magluto. Tumulong lang sa paggagayat ng mga kailangan si Louisiana at nang walang ginagawa ay nanood sa paraan ng pagluluto ni Manang Lydia.
"Bilisan mo na at kailangang maihain na ito sa may dining table saktong alas-dose."
"Opo."
Tumatalilis sa kaniyang kilos si Lousiana. Isa-isa na niyang dinala ang mga plato at kubyertos na gagamitin sa mesa. Apat daw ang bisitang darating.
Iba't ibang klase ng putahe ang niluto ni Manang Lydia. Inilabas din ang fruit salad na kagabi pa nito ginawa. Naging madali ang pagpe-prepara niya dahil wala noon si Sir Rave dahil sinundo raw nito ang mga bisita. Saktong natapos ang pag-aayos nang marinig niya ang tatlong sunod-sunod na busina sa gate.
Akmang lalabas sana si Lousiana upang buksan ang gate ngunit naunahan na siya ni Mang Toni na noo'y abala sa paglilinis ng sasakyan.
Muli siyang bumalik sa loob at palihim na nag-abang sa mga parating sa may gilid ng hagdan. Excited na siyang makasilay sa lalaking pumupuno sa kaniyang isipan nitong mga nakaraang linggo niya rito. Isang linggo na niyang hindi ito nakikita at nananabik na siyang makasilay dito.
But to her surprise, bigla na lang napakunot ng noo si Louisiana dahil hindi ang inaasahang tao ang kaniyang nakita.
Sa halip kasi ay dalawang babae ang kasama ni Rave na kaakbay pa nitong naglalakad sa kalawakan ng living area. Unang sulyap pa lamang ni Louisiana sa mga ito ay nakaramdam agad ang dalaga ng labis na inggit at panliliit sa sarili. Matatangkad ang mga babae, mapuputi at magaganda. Balingkinitan ang katawan ng mga ito at halos lumuwa na ang mga dibdib dahil sa baba ng neckline ng mga suot. Maiikli rin ang suot na mga palda ng mga ito, konting galaw ay masisilip na ang mga panloob. Nakangiti ang mga ito habang nakikipag-usap pa kay Rave. Agad na nagkubli sa ilalim ng hagdanan si Louisiana upang hindi makita ng mga ito.
"Ang ganda nitong bagong bahay mo, Rave. Mas malaki at mas elegant kumpara sa dati mong tirahan," narinig niyang sabi ng isang pulang-pula ang mga labi.
"I told you. Biglang nag-boom ang business namin ni Stanli kaya nakapagpa-renovate ako."
"Speaking of, nasaan na ang mailap mong kaibigang 'yon? I thought he's coming here too," anang isa naman na may pagka-maroon ang kulay ng lipstick.
Umiling-iling si Rave. "He's not coming. Busy pa sa pagsuyo sa girlfriend niya."
"Ganoon ba? Okay."
Napamulagat na lang si Louisiana nang biglang halikan ni Rave ang isa sa mga babae. Napasinghap pa ito nang biglang dakutin ng lalaki ang mayaman nitong mga dibdib. Ngunit imbes na mainis ay tila ligayang-ligaya pa roon ang babae.
Tila nainggit naman ang isa na biglang kinabig ang batok ni Rave para rito naman mabaling ang atensyon nito. Ang babae ang tila sabik na humalik sa mga labi ni Rave habang ang isang naiwan ay humaplos ang mga kamay sa dibdib nito.
Napalunok si Louisiana sabay iwas ng tingin. Ngayon lang siya nakakita ng aktuwal na naghahalikan at naghihipuan ng mga katawan. At gusto niyang mandiri sa mga ito. Lalo na sa amo niyang lalaki. Kahahalik lang nito sa isang babae ay sa ibang babae naman hahalik?
Busy pa sa pagsuyo sa girlfriend niya. Ngunit iyon ang bigla nangibabaw sa isip ni Louisiana. Ibig sabihin ay may nobya na nga si Sir Stanli. Marahil ito ang kausap nito sa telepono noong gabi ng party.
Nalulungkot man siya sa nakompirma ay masaya pa rin. AT least hindi kasama ng mga ito si Stanli. Hindi niya maatim na makita ito sa ganoong tagpo.
"Ops! Mamaya na ladies. Nagpahanda ako ng pagkain sa mga katulong. Sa may dining area muna tayo." Si Rave ang kusang pumutol sa pakikipaghalikan sa isang babae. Ngunit tila walang narinig ang mga ito na animo ahas kung makalinggis dito.
Nang tuluyang makkalayo ang mga ito ay agad na tinalunton ni Louisiana ang daan palabas ng malaking bahay. Sa likod ng bahay siya daraan upang hindi maisip ng mga ito na nakita niya ang mga ito sa ginagawa. Nagtataka pa nang pagbuksan siya ni Manang Lydia ng pinto.
"M-May inutos lang po si Sir Rave," pagsisinungaling niya sa tanong nito kung bakit sa labas siya nanggaling.