"Anak ng pitong tinapay, oo! Ikaw na naman Nicolo?" lalong tinutok ng check point officer ang napakaliwanag na flashlight sa mga tao na nasa loob ng van.
"Chief, kamusta? May atraso ba ako?" kunwa'y inosenteng tanong ng passenger ng van, sabay taas ng kamay matapos tapikin ang driver niya para magtaas din ng kamay.
"Ano sa tingin mo? Baba!" binuksan ng unipormadong pulis ang pintuan ng van, saka kinapkapan si Nicolo matapos nitong hatakin pababa ng sasakyan.
"Hoy, ikaw! Baba rin!" inilawan muli ng flashlight ng pulis ang driver. Lulugo-lugo itong bumaba at gaya ni Nicolo ay nakataas ang kamay na nagpakapkap sa mga pulis na nagpahinto sa kanila.
"Paldo ka na naman, ano?" kinuha ng chief ang wallet na nakapa sa jacket ni Nicolo at kinuha ang libo-libong pera doon.
"P*tsa, sino na naman ang tinira nyo?" sabi ng isa na ang nakuha sa driver ay lumang notebook na kung ano-anong random words ang nakasulat.
"Wala kaming tinitira, chief...kilala nyo naman ako. Hindi ako ganun," kamot sa ulo si Nicolo.
"Wag mo nga kaming pinaglololoko! Alam na namin ang karakas ng bituka mo. Pag dating sa grupo nyo malamang meron na namang palitan ng ilegal na kontrabando? Ano naman this time ha?" isang pulis na may malaking tyan at mas maedad ang lumapit sa kanila. Kinuha nito ang libo-libong pera na hawak ng kasamahang pulis. "Ikaw, buksan mo ang likuran ng van, dali!" binatukan nito ang driver na agad sumunod.
Sa likuran ng van ay tatlong kahon ang nakita ng mga pulis. Isa-isang binaba ng driver ang kahon. Nang buksan ay tumambad ang mga babasaging banga na mukhang galing China.
"Asul, scramble egg, at utot," biglang sabi ng driver nang isa-isang inilabas ng mga pulis ang mamahaling banga.
"Anong sabi mo?!" galit na hinarap ng pulis na mas bata ang driver. Agad namang humarang si Nicolo para awatin ang tila papasugod na pulis.
"Chief, saglit... saglit...alam nyo naman itong bata ko...kilala nyo naman di ba? Wag ganun, you have to be inclusive," pakiusap ni Nicolo.
"Nombre!" sigaw ng pinakamatandang pulis na nagbulsa ng pera ni Nicolo, sabay iling sa tauhan nito.
"Parang nakaka...ano ito...sarhento, eh..."
"Karayom, butiki, ngipin na bungi..." sabi ulit ng driver na sa pulis na galit nakatingin.
"Ez...sige na. Ako na ang bahala dito, balik ka na sa loob," sabi ni Nicolo sa driver na halos itulak pabalik sa unahan ng sasakyan.
"Tata...kalma ka. May pagka-special yung bata nitong si bugoy," sabi ng naunang pulis na nagpahinto sa kanila.
"Kilala nyo sila?" tanong ng pulis na kumalma naman.
"Oo, si Nicolo Kuto, kilalang smuggler dito sa buong Maysilo," ang sarhento nila ang sumagot.
"Chief naman, wala na akong kuto ngayon..." kakamot-kamot ang ulo ni Nicolo. Totoong kilala siya sa buong Mandaluyong, pero mula sa pagiging bahagi ng rugby boys, nagbago na siya sampu ng mga kasamahan niya.
"Pero kriminal pa rin. Naglevel up ka lang ng krimen mo, nakalimutan mo nang para sa akin ikaw pa rin ang uhuging batang palagi kong inaaresto. Sa huli, makikikain ka lang sa presinto.
"Si chief talaga," tatawa-tawang sabi ni Nicolo sabay inilahad ang kamay para kunwa'y kunin ang pera niyang ibinulsa ng matandang pulis.
"Sige, kumpiskahin nyo ang lahat ng iyan!" sigaw ng sarhento na ikinasiya ng baguhang pulis.
"Teka...teka muna!" Walang nagawa si Nicolo nang tuluyang kinuha ng mga pulis ang mga garapon.
"Itatabi lang namin. Aanhin naman namin ito. Puntahan mo bukas sa presinto para tubusin. Ipapa-check lang namin kung anong special sa mga flower vase na ito," muntik pang mabitiwan ng sarhento ang garapon nang buhatin ito. "Putsa! Ang bigat ha!"
Sa huli, walang nagawa si Nicolo kundi panoorin ang mga kahon nang isakay ito sa likuran ng police mobile. "Chief naman..." sumubok pang makiusap ng lalaking, kunwa'y nagmamakaawa ang bilugang mukhang may malapad na ilong.
"Sensya na, Kutz...natimbrehan kayo eh. May sakay daw kayong nakaw at naipuslit ng walang tax dito sa Pinas. Bukas, bayaran mo ang tax, ibabalik namin ito sa iyo ng walang gasgas," natatawang sabi ng sarhento, sabay palo sa sasakyan para sabihan ang driver na pwede na silang makaalis.
Lulugo-lugo namang sumakay sa passenger seat ang lalaking hirap agad makaakyat dahil sa laki ng tiyan.
"Tropa, ulit, at burger," sabi ng driver na nakakunot ang noo, bago pinaandar ang van. Ilang kanto makalampas ng check-point ay huminto ito sa gilid ng kalsada na madilim at saka kinuha ang flashlight na nasa dashboard. Dalawa sila ni Nicolo na binuksan ang likuran ng van at hinalughog ang mga naiwang boxes.
"Tex, katre, at tuhod," sabi ng driver na nakangiti kay Nicolo.
"Kumpleto, boss?" tuwang-tuwang tanong ng sidekick ni Israel.
"Labi, bote, at mansanas," hawak ni Israel ang lumang parchment na nakahalo sa mga gusot na papel na kunwa'y pumoprotekta sa mga garapon para wag itong mabasag.
"Yes!" Kahit hindi maintindihan ni Nicolo ang amo ay sanay na siya dito. Limpak-limpak na pera na naman ang kinita nila. "Ez... wala ka talagang kupas!" Yun lang at muling sumakay ang dalawa sa van para umuwi na.
Ilang saglit ay nakasuot na si Ez ng mamahaling amerikana at nasa isang exclusive hotel sa Alabang para makipag-kita sa kanyang client. Si Nicolo naman na nakabihis din at hindi na mukhang kutuhin ang humarang sa pinto ng suite kung saan makikipag-meeting si Ez.
Sa loob ng silid ay dalawang Singaporean ang naghihintay sa binata. Ilang saglit ay ipinakita ni Ez ang mga parchments na may ancient scribble sa ka-meeting niya.
"Haligi. Tandahan. Matanda." sabi ni Ez sa seryosong salita. Nakatulala naman ang mga Singaporean sa dala-dala ni Ez na ilang pirasong lumang parchment papers na mukhang pang-museum ang itsura.
"Amazing!" sabi ng isa, saka nakipag-usap sa kasama nito sa wikang hindi maintindihan ni Ez. Alerto siya, pero ramdam rin niyang walang masamang balak ang mga kaharap. Lehitimo ang mga itong katransaksyon dahil never naman siyang nakipag-kasundo sa mga kriminal na halang ang bituka. Base sa research niya, likas na collector lamang ang dalawa ng mga historical letters na daang libo ang edad. Dahil Indian ang race ng mga kaharap na Singaporean, alam niyang importante ang mga parchments na dala niya dahil lumang policy ito na isinulat ng kilalang tribal leader mula sa maliit na tribo sa India na nasa border line ng Pakistan. Para kay Ez, walang halaga sa kanya ang parchment, pero para sa dalawa, milyon ang kikitain niya.
Ilang saglit ay hindi nabigo si Ez. Sa madilim niyang opisina ay nakatambak ang mga salaping nakabalot sa dyaryo. Matapos bahagihan ang mga tauhan ay nagsi-alisan na rin ang mga ito, maliban kay Nicolo na kababata niya. Kasama sa grupo ng mga rugby boys na naging pamilya na niya.
"Ez..." sabi ni Nicolo na nakatingin sa lalaking tahimik na nakaupo sa lazy boy nito habang may hawak na bote ng beer.
"Kulot, uhog, kutsinta," sabi lang nito na sa bundle ng pera nakatingin.
Bumuntong hininga si Nicolo. Sa tagal nilang magkakaibigan, walang kwenta sa kanya ang mga salita ni Ez. Ang masakit sa kanya ay ang mood nito. Naintidihan naman niyang gusto lang nitong mapag-isa. Tahimik na lumabas si Nicolo, nakakalungkot pa rin na marami silang pera pero mahirap maging masaya.
Tinungga ni Ez ang bote ng beer. Nang mag-isa na lamang siya ay saka pumatak ang luha sa kanyang mga mata. Agad naman niyang pinigilan ang pag-iyak at saka suminghot bago tumungga ulit ng alak. Noon niya narinig ang usapan sa police radio -- kulot, uhog, kutsinta. Nanlaki ang mga mata ni Ez saka nilakasan ang volume para marinig niyang mabuti ang usapan ng mga pulis.
"Yung babaeng naka-traje de boda na isinugod sa ospital. Halos isang buwan na palang nawawala iyun. Ang balita eh habang nasa operating room paulit-ulit na sinasabi nito ang kulot, uhog, kutsinta."
"Anong ibig sabihin nun?"
"Yun na nga, kaya tinimbre sa atin... hanapan daw natin ng meaning para makakuha ng break sa kaso..."
"Kulot. Uhog. Kutsinta!" tumayo si Ez dahil kapatid niya ang pinag-uusapan nila at ito ang gusto niyang isigaw sa mga pulis.