Mc Ashley’s point of view:
Naging nakakapagod ang buong maghapon ngayon sa Hospital. Sunod-sunod ang naging pagpasok ng mga pasyente gano’n rin ang mga operasyon na kailangang isagawa ng aming mga Doktor kaya naman maging kaming mga Nurses ay kailangang ding magsalitan sa pag assist sa kanila sa operation room.
Alas-onse na ng gabi ng tuluyang makaginhawa ang lahat, parehong oras kung saan nagkaroon ang ilan sa amin ng pagkakataon para makakain. Hindi ako makaramdam ng gutom kaya naman bumili na lamang ako ng maiinom na kape at mag-isang tumungo sa rooftop ng Hospital upang makapag pahinga.
May mangilan-ngilang tao ang naratnan ko roon kabilang nga ang nakatulalang si Third habang nakatingin sa mabituing langit.
Tahimik akong tumabi sa kaniya sa isang bench kung saan siya nakaupo. Nanibago pa ako sandali dahil parang hindi manlang niya naramdaman ang paglapit ko. Datirati kase ay malayo pa lamang ako nararamdaman niya na ang presensya ko. Sa mga ganitong pagkakataon dapat ay inaasar na niya ako ngunit ngayon ay nanatili siyang tahimik at hindi lumulingon sa akin kahit pa may ilang minuto na akong nakaupo sa tabi niya.
“Gusto mo kape?” nagaalangan man ay itinanong ko iyon sa kaniya upang makuha ang atensyon niya. Bahagya namang napaangat ang balikat niya sa gulat dahil sa biglaan kong pagsasalita.
“Hi, you’re here.” nag-iwas siya agad ng tingin matapos sabihin iyon. Nangunot naman ang noo ko dahil sa inaasta niya ngayon.
“Hmm...Yah, kanina pa actually.” aniko habang nakatingin pa rin sa kaniya. Hindi niya na ibinalik muli sa akin ang paningin bagkus ay prente niyang tiningnan muli ang kalangitan.
“Ah. Sorry hindi kita napansin,” natatawang aniya. Hindi ko alam ngunit bahagya pa siyang humalakhak subalit tila pagod at lungkot ang narinig ko mula sa mahina niyang pagtawa.
Hindi ko na siya tinugunan pa dahil mas pinili kong isandal ang ulo niya sa balikat ko. Ramdam ko ang gulat sa kaniya dahil sa ginawa ko ngunit nag patianod din naman siya sa huli.
“Nakakapagod?” tanong ko sa kaniya habang nakasandal siya sa balikat ko.
“Sobra.” mahinang sagot niya.
“Kaya pa?” muling tanong ko matapos matawa ng palihim dahil sa sagot niya.
“Kinakaya, kakayanin.” sagot niya. Napangiti naman ako habang tumatango.
Tahimik kaming tumitig sa kalangitan habang nasa gano’ng posisyon. Hinayaan ko siyang makapag pahinga sa balikat ko habang wala pang tawag mula sa baba.
“Ruz?” tawag nito sa akin at mabilis naman akong tumugon.
“Ayoko ng maging Doktor,” mahina ang pagod niyang boses habang sinasabi ito.
“Akala ko ba kakayanin?” ito ang naging tugon ko sa kaniya.
Hindi ko alam kung ano ang pinagdadaanan ngayon ni Third ngunit alam kong hindi siya okay. Ayokong magtanong dahil baka hindi pa siya handang pag usapan 'yon. Hihintayin ko na lamang na magkusa siyang magsabi. Alam kong darating din ang araw na iyon, sa ngayon ang kailangan ko lang munang gawin ay ang manatili sa tabi niya.
“Nakakapagod, nakakapagod pala,” muling aniya. Nakikinig lang ako habang nagsasalita siya.
“Hindi ko na alam gagawin ko. Hindi ko na alam paano haharapin lahat. Masyadong marami, masyadong mabigat.” nawawalan na ako ng ideya tungkol sa mga sinasabi niya. Alam kong hindi na ito tungkol sa trabaho niya.
“Hindi mo naman kailangang harapin lahat ng sabay-sabay. Hindi ka pa nauubusan ng oras. Dalhin mo yung kaya mo lang.” makahulugang tugon ko sa sinabi niya. “higit sa lahat, ‘wag mong dalhin mag-isa. Kase lagi kang may kasama.” nakangiti ako habang sinasabi mga ito kahit pa hindi niya nakikita.
“Darating talaga tayo sa pagkakataon na hindi na natin alam kung anong gagawin. Darating tayo sa punto kung saan mauubusan tayo ng pagpipilian, mawawalan tayo ng ganang ipagpatuloy ang pag laban. At okay lang lahat ‘yon Third,” mahabang aniko.
“Okay lang makaramdam at makaranas ng pansamantalang panghihina, kase sa gano’ng paraan lang natin muling nanaising maging malakas." mahinahong sabi ko. Nanatili naman siyang tahimik habang nagsasalita ako.
“Kaya mo, kakayanin mo.” matapos kong sabihin iyon ay tumayo siya sa harap ko at inilihad ang kamay niya.
Hindi ko man alam kung anong gagawin niya ay nakangiti ko iyong tinanggap.
“Let’s go downstairs, I’m hungry.” nakangiti na siya ngayon kaya naman napanatag ako.
Sunod-sunod ang naging pagtango ko at naging hudgat iyon upang hatakin niya ako at patakbo kaming bumaba upang makabili ng makakain. Para kaming mga batang tumatawa habang tumatakbo hanggang sa makarating kami sa kantina sa loob nitong Hospital. Hindi na kami lumabas pa patungo sa paborito naming kainan dahil baka biglang kailanganin si Third.
“What do you want?” tanong niya sa akin nang oorder na kami ng makakain.
“Wala akong dalang pera,” nahihiyang pag-amin ko sa kaniya.
“Eh anong ginagawa mo rito kung wala ka pa lang pera?” nanlaki naman ang mata ko dahil sa tanong niya sa akin.
“Sira ba ulo mo eh hinatak mo’ko rito alam mong di ako nag dadala ng pera kapag nasa duty!” inis na sabi ko sa kaniya.
“Balik ka muna sa loob, kuha ka pera,” sagot niya sa sinabi ko.
“Okay. Babalik na ako sa loob pero di na ako bababalik dito! Bahala ka sa buhay mo!” inis pa ring sabi ko bago nagtangkang iwan si Third ngunit mabilis niyang nahawakan ang kamay ko.
“Binibiro ka lang eh. Nagagalit ka agad!” natatawang aniya, inirapan ko naman siya.
“Ang pangit mo magbiro! Nakakagalit.” sigaw ko sakaniya.
“Sorry na nga eh!” tumatawa pa ring aniya.
“Bakit parang kasalanan ko pang nagsosorry ka ngayon?” nanlalaki ang matang tanong ko sa kaniya. Lalo namang natawa ang loko.
“Pumili ka na gutom na ako,” aniya matapos kumalma sa pagtawa. Pati ang nagbebenta ay tumatawa na rin dahil sa asaran namin ni Third.
“Ikaw ang gutom bakit ako ang kailangan pumili?” hindi ko rin talaga maintindihan minsan ang mga desisyon nito sa buhay.
“Kase nga nakapili na ako kaya ikaw naman. Hindi ako makapag bayad dahil wala ka pang order!” paliwanag niya napatango-tango naman ako.
“Sana kase sinabi mo agad!” aniko.
“Daldal ka ng daldal paano ko masasabi? Isang salita ko ang dami mong nasasabi.” umiiling na aniya.
“Oh bakit ka nakikipag-away?” tanong ko.
“What? Sino? Kanino?” sunod-sunod na tanong niya, natawa naman ako dahil sa reaksyon niya. Napailing naman siya at pinaorder ako.
Naghiwalay kami ni Third matapos naming kumain dahil kinailangan siya Emergency room habang kinailangan ko namang magpalit ng dextrose ng isang pasyente. Hindi man namin napag-usapan ni Third ang tungkol sa problema niya masaya ako dahil muling nanumbalik ang ngiti sa kaniyang mga labi at sigla sa kaniyang mga mata.
Sana lang kahit ano mang klase ng pagsubok ang dumating sa buhay niya o sa buhay ng kahit sino ay lagi nilang panatilihing malakas ang kanilang mga sarili. Lakas na siyang gagamitin nila hindi lamang upang makalabang muli, kung’di lakas rin na kanilang gagamitin upang sumuko. Sumuko para sa mga labang hindi nakatadhana upang maipanalo. Sana’y makita nila ang kagandahan sa likod ng pagkabigo, at iyon ay ang pagkakataong muling makapag simula ng panibago at magkaroon ng pagkakataon upang manalo.