Hastrup Finn’s point of view:
Maingay na sa labas nang magising ako kinaumagahan. Marahil ay narito na ang mga taong tutulong para sa kaarawan ng anak ni Kuya Ryan. Kaya naman kumilos na ako upang maligo—halos isang oras din bago ako tuluyang lumabas ng aking silid at hanapin si mommy. Sa sala ay nakasalubong ko si Manang Fe dala ang ilang mga tela.
"Magandang umaga Hijo," bati nito sa akin ng may maliwanag na ngiti sa mga labi.
"Magandang umaga rin ho manang, asa-" hindi ko na natapos pa ang itatanong ko dahil natatawa na itong sumagot.
"Nasa hardin Hijo, tinutulungan niya sina Ryan mag-ayos para sa selebrasyon mamaya," aniya. Napangiti ako sa naging tugon ni Manang Fe. Ngumiti ako at nagpaalam sa kaniya bago masayang tinungo ang hardin.
Sa daan pa lamang papunta ng aming hardin ay kita na ang kumpol ng mga taong masayang nag tutulong-tulong sa pag-aayos ng mga lamesa't mga upuan maging ang mga taong nagsasabit ng mga palamuti at lobo. Nakita ko si mommy kausap si Kuya Ryan na kalong naman ang isang bata. Sa tingin ko ay nasa isang taon pa lamang ang batang lalaki. Nakasuot ito kulay puting polo shirt at itim na short pambaba. Bumagay sa kaniyang maputing balat ang kimbinasyon ng kaniyang suot. Sa malayo pa lamang ay kita na ang ngiti ng bata na napaganda pa ng sinkit niyang mga mata.
"Good morning mom!” bati ko sa aking ina ng tuluyang makalapit sa kanila. Tinanguan ko naman si Kuya Ryan nang bumaling ako sa kaniya at gano’n din naman ang ginawa niya bilang pagbati rin sa akin.
"Good morning young man!" bati ko sa batang dala ni Kuya Ryan at bahagyang pinisil ang matataba nitong pisngi.
"Anak mo kuya?" birong tanong ko kay Kuya Ryan.
"Oo, mas gwapo nga lang sakin," tugon nito sa akin. Natawa naman kami ni mommy. Totoong napaka gwapo ng bata. Sa mura nitong edad ay makikita mo na ang kagandahang lalaki nito. May hawig sila ng kuya nitong si Liam.
"Look! He held my hand!" nanlalaki ang matang sabi ko sa kanila. "cool! he likes me!" nakakatuwa dahil mahigpit ang hawak ng bata sa hintuturo ko.
"I think he do," kibit-balikat na sabi ni Kuya Ryan. Lalo akong napangiti ng bahagyang humalakhak ang bata matapos kong ialog ang kamay kong hawak niya rason upang umindayog rin ang buong braso niya.
"Do you want to hold him?" tanong ni mommy. Gulat akong napalingon sa kaniya.
"No," mabilis na sagot ko. "baka mabali ko ang mga buto niya," natatakot akong baka magkamali ako ng hawak at masaktan ko siya.
“Hindi mo naman siya hahawakan patiwarik," natatawang ani Kuya Ryan.
"Kahit pa, ayoko pa rin. Wala pa akong ipapalit sa kaniya kapag nadisgrasya ko ‘yan," aniko.
"Eh bakit nga ba 'di mo pa regaluhan ng apo si tita?" diretsong tanong niya. Napalunok naman ako dahil don at mabagal na napalingon kay mommy.
"Oo nga, ilang taon ka na ngunit wala ka pang ipinapakilala sa aking nobya, bukod kay Xophea nuong nasa America pa kayo." si mom. Alam nina Mom and Dad ang naging relasyon namin ni Xos nuon. Madalas akong magkwento sakanila kahit pa malayo ako at narito sila.
"Mom, everything has its time," confident na sabi ko sabay kindat pa sa kaniya.
"Yes, and you're running out of time, son." muling ani mom.
Nagtawanan sila ni Kuya Ryan matapos sabihin iyon. Hindi ko alam kung anong isasagot sa kanila pag dating sa ganitong usapan. Nuong mga nakaraang araw ay madalas akong tinutukso ng mga ito pag dating sa relasyon. Nakakatawa dahil talagang lahat sila ay nag bibigay ng payo sa kung paano ako dapat humawak ng isang relasyon. Wala pa man akong nobya pakiramdam ko ay marami akong mahihingan ng payo pag dating ng araw dahil sa kanila.
Saglit pa kaming nag asaran ni Kuya Ryan nang bigla ay iabot sa akin ni mommy ang isang maliit na sobre. Taka kong binuksan iyon at muling tumingin kay mommy.
"You need to buy everything written in there," si mom.
"M-mom?" alanganing tawag ko sa kaniya nang makita ang mahabang listahan kasama ng pera na nasa loob ng sobre.
"What?" balik na tanong nito sa akin. Nilingon ko naman si Kuya Ryan ng hindi sinasagot si mommy.
"I can't go with you brother," mabilis na sabi ni Kuya Ryan kasabay ng pagtaas sa batang dala niya. Tila ba sinasabi nitong hindi niya maaring ipahawak sa iba ang anak.
"Mom, I need someone to accomp-" hindi ko na naituloy pa ang sasabihin dahil may biglang nagsalita salita sa likod ko.
"That's why i'm here," para akong nabato nang marinig ang pamilyar na boses. "i'll go with you," si Ash.
"Of course son i know, you can't do it alone," natatawang ani mommy, nakaramdam naman ako ng hiya dahil sa katotohanang iyon. "that's why I asked Ashley to accompany you," nakatingin na ito kay Ashley ngayon at binati naman siya nito matapos bumati kay Kuya Ryan.
"Don't let your fear and doubt stop you from doing something new," muling ani Ashley bago tapikin nito ang balikat ko at natatawa lumapit sa baby at nilaro ito.
"Anong pangalan niya Kuya?" tanong niya kay Kuya Ryan.
"Rein," tugon nito sa kaniya. Nakalimutan kong itanong kanina kung anong pangalan ng bata. Mabuti na lamang at itinanong ni Ash dahil kung hindi ay baka hanggang ngayon hindi ko pa rin alam ang itatawag sa bata.
"Hi Rein!" masayang bati ni Ash sa bata. "pwede ko ba siyang kargahin?" maingat na ibinigay ni Kuya Ryan ang anak. Sa paningin ko ay tila bumagal ang kanilang pagkilos at namangha ako sa galing ni Ashley pagdating sa paghahawak ng bata.
Nang mahawakan si Baby Rein ay nilaro siya ni Ash dahilan upang marinig ang malalakas na halakhak ng bata. Nakakatuwa sila panoorin, makikita rin kay Ash ang pag-iingat nito sa bata habang kalong niya ito.
"Mukhang mahilig ka sa bata Hija," si mom habang nakatingin rin kina Ash.
"Mukha ring sanay na sanay kang humawak ng bata," si Kuya Ryan naman. Nagulat pa ako ng makitang nakangisi ito sa akin matapos sabihin iyon.
"May mga pagkakataon po kasing kasama ako sa mga Nurses na nag aassist sa Delivery Room kaya po nasanay na rin ako sa mga baby," paliwanag nito. Napatango naman kaming lahat. Oo nga pala, isa siyang Nurse.
Ilang minuto pang nag-usap sina mom hanggang sa magpasya kaming umalis upang makapamalengke. Kailangan naming mag madali dahil ang ilan sa aming mga bibilhin ay gagamitin para sa mga ihahandang pagkain. Sa pinaka malapit na palengke na kami nag punta dahil kung pupunta pa kami sa ibang bayan ay baka gahulin na kami sa oras.
"Ano-anong mga bibilhin?" tanong ni Ashley nang makarating kami sa palengke. Kasalukuyan kaming naglalakad ngayon papasok sa pamilihan.
"May listahang binigay si mom, lahat daw 'to bibilhin," iwinagay-way ko pa sa harap niya ang papel na ibinigay ni mommy kanina.
"Handang-handa ah," natatawang komento nito. Sabay naming binasa ang nakasulat sa aming listahan bago kami tumungo sa unang tindahan.
Nasa tindahan kami ngayon ng mga isda. Iba't-ibang uri ng isda ang makikita rito, may mga pamilyar at mayroon din namang ngayon ko lamang nakita. Kabi-kabilaan ang malalaking banyerang naglalaman ng mga buhay na isda. Sa tuwing gumagalaw at nagpupumiglas ang mga ito ay tumatalsik ang mga tubig ng banyerang kinalalagyan nila. Hindi ko naman alam kung paanong pag-iwas ang gagawin ko sa tuwing mangyayari iyon. Ayokong mabasa dahil marami-rami pa kaming pupuntahan.
"Huwag kang malikot baka madulas ka," maya-maya ay sabi ni Ashley ng subukan kong iwasan ang tubig mula sa banyerang naglalaman ng mga Hito. Nilingon ko siya dahil sa sinabi niya at nakitang natatawa ito habang umiiling.
Nagpatuloy siya sa paglalakad kaya sumunod na lamang ako sa kaniya.
Maya-maya ay huminto ito sa tapat ng isang tindahan.
"Tanungin mo kung magkano benta nila," bulong sa akin ni Ash. Napalunok naman ako dahil sa utos niya.
"Bibili ba tayo?" tanong ko sa kaniya. Nakakahiya kasing magtanong kung hindi rin naman bibili.
"Hindi, gusto ko lang marinig boses ni kuya," sagot niya. Kunot-noo naman akong napatingin sa mukha niya.
"What?" hindi makapaniwalang tanong ko. Seryoso ba siya?
"Malamang bibili tayo! Kaya ka nga mag tatanong eh," anito matapos mahinang tumawa. Siniringan ko naman muna siya bago siya hilahin papunta sa katabing tindahan ng isda.
"Oh bakit tayo lumipat?" natatawang tanong niya. Hindi ko siya sinagot at lumapit na lamang sa Aleng nag titinda ng parehong isda na pinapatanong niya kanina.
"Magkano ho ang kilo niyo nito?" turo ko sa malalaking Bangus na Benta niya.
"160 Hijo," sagot nito sa akin. "Sige ho lima-" palihim na hinila ni Ash ang braso ko kaya napalingon ako sa kaniya at nahinto sa sinasabi.
"Wala na ho bang bawas? Marami ho kaming bibilhin," tanong niya sa Ale.
"Sige kuha na kayo 150 isang kilo," pagpapababa nito sa presyo.
Kinindatan naman ako ni Ashley kaya napailing nalang ako matapos ay sinabi sa nag bibenta kung ilang kilo ang bibilhin namin bago iabot ang bayad.
"Mukha namang mayaman si ate tapos ang mahal pa ng benta. Dapat tumatawad ka sa mga gano'ng tindera," pangaral nito sa akin nang makalayo na kami sa nag bibenta.
"Hindi ko alam tumawad," pag aamin ko. Napahinto naman ito sa paglalakad at tumawa. Totoo ang sinasabi ko, kung anong presyo ang sinabi sa akin ay 'yon ang binabayaran ko kaya naman hindi ko alam kung paano ang sistema ng pag tawad.
Nagpatuloy kami sa pamamalengke. Pinangunahan ni Ash ang bawat daan na kailangan naming lakaran upang marating namin ang bawat tindhan ng mga bibilhin namin. Sa tuwing makakarating sa aming bibilhan ay ako ang inuutusan niyang mag tanong ng mga presyo. Nilalakihan naman niya ako ng mga mata sa tuwing gusto nitong tumawad ako sa presyong sinasabi sa akin. Nahihiya man ay sinusubukan ko ang tumawad. Nuong una ay namumutawi pa ang hiya sa akin ngunit dahil na rin sa tulong ni Ash ay unti-unting naging galak ang nararamdaman ko.