Chapter 7

1580 Words
Dapit-hapon na nang magising ako. Kung hindi ko pa narinig ang malakas na pagtawag ni Kuya sa mga alagang manok nina Lola habang pinapakain ay hindi pa ako mabubulabog sa pagtulog. Wala na si Ate Luz sa aking tabi nang idilat ko ang aking mga mata. Mukhang hindi niya rin piniling gisingin ako sa pag-aakalang napagod ako sa aming naging biyahe patungo dito. At saka isa pa ay baka ang lalim ng tulog ko. Matapos maihilamos ang isang palad sa nanlalabong mga mata ay walang imik na akong bumangon. Dere-deretsong lumabas ng pintuan patungo kung nasaan ngayon si Kuya na abala sa kanyang pagpapakain ng mga manok. “Kuya, anong oras ka nagising kanina?” unang pambungad na tanong ko kahit na halatang puffy pa ang kanyang mga mata at magulo ang buhok na halatang kakabangon lang din. Muli akong humikab at sinuklay ng mga daliri ang buhok na hibla ng mahabang buhok. “Bakit hindi mo ako pinagising kay Ate Luz kanina?” Nilingon niya ako na may kakaibang ngiti sa labi. Alam kong may namumuo na namang kalokohan sa kanyang isipan ngayon. Hawak niya ang lalagyan ng pagkain ng mga manok na ipinagiling na mga tinuyong butil ng mais na isa sa mga naaning pananim nina Lola sa bukid. Panaka-nakang hinahagisan niya ang mga manok na nasa kanyang harapan at nagkakagulong makakuha ng mga butil na pagkain. Umarko pa ang isang kilay niya sa akin nang muli pa akong humikab. “Ang lakas ng hilik mo, nakakahiya naman kung iistorbohin kita.” maikling tugon niya na muling bumaling sa mga manok at muling hinagisan sila ng mga pagkain. Doon pa lang ay alam kong malalim nga ang naging pagtulog ko. Tumango-tango lang ako bilang reaction dito. Hindi na muling nagtangka pang magsalita para may masabi lang sa kanya. Patuloy ko siyang pinagmasdan sa kanyang ginagawa. Mukhang ngayon pa lang ay nae-enjoy niya na ang pananatili sa lugar na ito. Maya-maya pa ay ibinaling ko na ang aking paningin sa mga manok. Marami-rami iyon na native na mga manok na nakakulong sa likod ng mansion. Iyong iba ay pinapatay nila pang-tinola o iba pang mga putahe na naisin nina Lola. May nakapalibot sa kanilang net na siyang nagsilbi nilang kulungan. Sa liit ng mga butas noon ay hindi sila makalabas. Doon lamang sila pagala-gala sa loob nito. “Gusto mong subukang pakainin sila, Safiera?” Nabaling ang aking paningin kay Kuya. Ilang minuto pa ang lumipas bago ko na-gets kung ano ang kanyang nais na ipagawa. Lumakad na ako palapit. “Sige.” kasa ko sa hamon niyang sisiw lang kung tutuusin. Ginaya ko lang kung ano ang ginagawa niya kanina. Nasa ganung sitwasyon kami nang umuwi sina Lolo at Lola mula sa bukid kung saan ay nagpapaani ng tanim. May iilang mga tarabahante ang nakasunod sa kanila, ngunit hindi ko iyon alintana. Itinuloy ko lang ang kung anong aking ginagawa. “Tama na ang pagpapakain sa kanila at baka naman ma-overfeed ang mga manok.” biro ni Lolo na humakbang na palapit sa amin ni Kuya, mahina kaming natawa ni Kuya. Batid namin na gutom pa ang mga manok na kanilang alaga dahil hindi pa nila nagagawang ubusin ang inilagay na patuka na kailangang ibigay sa kanila. “Hindi naman po Lolo, hindi pa nga nila nagagawang ubusin itong pagkain nila.” katwiran ko na ikinatawa nang malakas ni Kuya Timothy. Wait nga lang, plano niya ba ito? Ang pasamain ang imahe ko sa kanila? “Hija, tingnan mo naman ang butse nila at kaunti na lang ay sasabog na.” turo pa ni Lolo sa lalagyan ng pagkain ng mga manok sa bandang baba ng leeg. Nilingon ko si Kuya Timothy gamit ang nanlilisik kong mga mata upang mabungaran lang na may kakaibang ngisi sa kanyang labi. I knew it! Binu-bully na naman niya ako sa pamamagitan ng pagpapahamak niya sa kanila! “Bukas mo naman sila pakainin, Safiera.” kuha pa ni Lolo ng lalagyan ng pagkain mula sa akin dahil ayaw ko iyong tigilan sa pagbibigay sa kanila. “S-Sige po, Lolo...” halos bulong kong tugon na hindi makatingin ng deretso. Hanggang dinner ay masama ang loob ko kay Kuya. Pakiramdam ko ay sinasabotahe niya ako at palaging ipinapahamak. Hindi na ako natutuwa! Okay lang naman iyong pag-tripan niya ako, pero huwag niya naman sanang pasamain ang image ko. Nakakainis lang at hindi ako matunawan dito! “Ano bang nangyari at mukhang hindi na naman maipinta iyang mukha mo, Safiera?” usisa ni Ate Luz ng nasa loob na kami ng silid at naghahanda ng matulog. Halata na masama pa rin ang timpla ng mood ko. “Tell me, hija.” Malalim akong bumuntong-hininga. Ayaw na sanang palakihin pa ang isyu sa aming pagitan pero alam kong hindi ako matatahimik hangga’t hindi ko iyon nagagawang ilabas. Kailangan kong sabihin iyon kay Ate Luz ngayon din. “Si Kuya kasi Ate Luz, parang ipinapahamak niya ako kay Lolo. Hindi ko alam kung biro lang niya ba iyon o intensyon niya talaga. Hindi nakakatuwa.” matulis ang ngusong sumbong ko kay Ate Luz, kailangan kong ilabas iyon para hindi maipon sa aking dibdib. “Sinadya niyang ibigay sa akin ang lalagyan ng pagkain ng manok para ako ang abutan at mapagalitan.” Inilitanya ko pa ang buong pangyayari sa kanya na may kasamang kumpas. “Naku, ang liit na bagay. Huwag mo na lang pansinin ang Kuya mo. Gusto mo bang masira ang bakasyon mo dito nang dahil sa kanya? Sige ka, ikaw din naman ang siyang magdadala noon, hindi siya at lalong hindi ako. Ang mabuting gawin mo ay iwasan mo ang Kuya Timothy mo. Kapag inaya ka niyang kunwari na gawin ang isang bagay, huwag kang papayag. Tanggihan mo. Ganun lang naman iyon, Safiera. Huwag kang magpapauto sa kanya.” Tumango-tango ako. Isinapuso kung anuman ang naging payo ni Ate Luz. Kinabukasan ay sinimulan ko na iyon. Noong inaya niya akong mag-bike palibot ng mga taniman ay tumanggi ako kahit na gustong-gusto ko ng ideyang iyon. Syempre, makakagala ako sa mga taniman na noon ko pa gusto. Iyon nga lang ay hindi ko magiit kina Lola, at ang nakakahanga pa ay isang paalam lang ni Kuya sa kanila ay payag na sila. Walang kung anumang reklamo unlike sa akin kapag nagpapaalam akong mamamasyal sa taniman. “Sigurado kang ayaw mong sumama?” ilang ulit pa ni Kuya na para sa akin ay nakaka-tempt na, iyon nga lang ay mataas ang pride ko kaya papanindigan ko na hindi na ako muling magpapauto sa kanya. “Ikaw din, ang sa taniman pa naman ng mga prutas ang lakad ko. At saka magba-bike naman tayo. Hindi rin kita i-aangkas, marunong ka namang mag-bike.” himok niya pa sa akin. Kung normal lang na araw iyon at hindi niya ako inasar kahapon, siguro ay nagtatalon na ako sa tuwa ngayon. At nauuna pa sa kanyang lumabas. “Ayokong umitim.” “Maganda nga ang sikat ng araw sa ating balat. Anong kaartehan iyan?” Inirapan ko na siya. Wala akong pakialam kung ano ang iisipin niya. “Ayoko nga. Bakit ka ba mapilit? Ipapahamak mo na naman ako eh.” Malakas na siyang humagalpak ng nakakaloko. “Okay. Ba-bye!” Bago pa ako makapagsalita ay mabilis niya ng nilisan ang aking harapan lulan ng kanyang bike. May sarili rin akong bike dito, hindi ko lang madalas na magamit dahil sa wala akong kasama. Hindi rin ako pinapayagan ni Lola. Kung si Ate Luz naman ang isasama ko, tiyak na maiiwanan ko siya dahil hindi naman siya marunong sumakay ng bike. Tinanaw ko si Kuya hanggang sa makalayo. Hindi ko rin kasi batid kung may kalokohan siyang gagawin sa akin, at saka kailangan kong mag-ingat gaya na rin ng paalala sa akin ni Ate. Kilala kong bully si Kuya Timothy, o siguro ay masyado lang akong iyakin. “Oh? Bakit hindi ka sumamang mag-bike sa Kuya Timothy mo, Safiera?” nagtatakang tanong ni Lola na nakabihis na, patungo na naman ng taniman. Sa puntong iyon ay hindi ko maintindihan kung bakit kailangan pa nilang pumunta ni Lolo doon upang personal na makita ang pagpapaani. May mga tauhan naman sila na mapagkakatiwalaan na maaaring gumawa ng mga iyon. Hindi na rin ako nagkaroon ng lakas ng loob na mag-usisa ukol doon. “Mataas na po ang sikat ng araw Lola, ayokong umitim.” alibi ko na lang na alam ko namang hindi niya rin naman papaniwalaan dahil kasinungalingan. “Ang arte mo talagang bata ka, mabilis ka namang pumuti eh. Sulitin mo hanggang bata ka para marami kang alaalang babalikan sa lugar na ito pagtanda mo. Safiera, minsan ka lang maging bata. Lubusin mo iyon, apo.” Ngumiti lang ako at bahagyang lumabi bilang tugon. “Bukas sumama ka sa Kuya Timothy mo mag-bike. Hindi ka naman noon papabayaan. At isa pa, parang bonding niyo na ‘ring magkapatid. Pwede kayong magpaikot-ikot doon sa taniman ng mga mangga para malilim lang.” Kinabukasan noon ay sinadya kong late na gumising para hindi ako mapilit na sumama kay Kuya Timothy. Ilang araw pa ang lumipas na nagagawa kong makalusot na hindi sumama, subalit sa mga sunod na araw ay naubusan na ako ng alibi. Napilitan tuloy akong sumama sa kanya kahit na tinatamad akong mag-bike. Bagay na hanggang ngayon ay hindi ko pinagsisisihan dahil kung hindi ako sumama sa kanya ng araw na iyon, hindi ko muling makikita si Ravin. Ang araw na iyon ang naging simula ng aming pagkakaibigan nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD