KABANATA 22
“Laki ng ngiti natin uh,” panuksong sabi ni Einna kay Sten isang umaga habang naglalagay ito ng baon sa bag nito.
Nasa kanilang coffee shop siya ngayon. Sumasabay na siya sa kaniyang Mama sa kanilang tindahan tuwing umaga para makapagbalot na rin ng kaniyang baon para sa school. Mas nakakatipid kasi sila kapag may baon siyang pagkain hanggang hapon. Minsan lang siya makapag-juice o ‘di kaya ay tubig na lang. Naglalakad lang sila ng Mama niya patungong tindahan nila sapagkat malapit lang naman ang Coffee Shop nila at hindi naman iyon kalayuan sa mismong bahay nila. Pero kapag nagmamadali sila o siya minsan ay sumasakay na lamang sila ng taxi para mapadale.
“Dahil ba sa nandiyan na ‘yong Prince Charming mo?” tuksong sabi na naman ng Tita Einna niya.
Napaangat naman ng tingin si Sten sa kaniyang Tita at inismiran niya ito saka kumuha ng bottled water sa fridge nila at inilagay iyon sa loob ng kaniyang bag.
“Naku! Ikaw na bata ka huh, ‘wag mo ako madadaan sa ganiyan-ganiyan mo,” galit-galitang sabi ni Einna na nginitian lang siya ni Sten. Nilapitan ni Einna si Sten at siniko pa niya ito.
“Sabihin mo. Anong pinag-usapan niyo ng batang ‘yon? Ay este ng binatang ‘yon kasi lumaki na nga pala ito. Kadarating pa lang nag-date agad kayo!”
Nagtagpo ang kilay ni Sten sa sinabing iyon ng kaniyang Tita Einna. Pinagtakhan pa niya ito.
“Einna?” diing sambit ni Mariare sa pangalan ng kapatid. Pinandilatan niya ng mata ang kapatid nang balingan siya nito ng tingin.
“Ano ba iyang pinagsasabi mo sa pamangkin mo. P'wede ba tigilan mo ‘yan. Wala pang kaalam-alam ang anak ko riyan. Baka mamaya niyan sa ‘yo pa ‘yan matuto!” sabi ni Mariare na hininaan lamang ang pagkasabi.
“Mariare naman...alam mong biro lang. Ito naman oh!” padabog-dabog pang sabi nito habang palakad palayo sa tabi ni Sten. Sinundan lang siya ng tingin ni Mariare.
“Mama, aalis na po ako.”
Lumapit si Sten sa ina at nagmano ito saka tuluyan nang umalis. Nakasunod din pala ng tingin si Einna kay Sten at nasa tabi na ito ni Mariare. Nagulat naman si Mariare nang paglingon niya ay ang mukha agad ni Einna ang kaniyang nabungaran. Tumaas naman bigla ang isang kilay ni Mariare pagkakita niya sa mukha ni Einna. Ngumisi lang si Einna kay Mariare.
“Mariare, kumusta na ba ’yong kaibigan mo, ha, at saka ‘yong anak niyang binatilyo na ngayon? Sayang naman at hindi ko sila nakita lalo na ang Chardee na ‘yan. Matagal din silang nawala uh, tapos ngayon bigla na lamang susulpot. Ano ‘yon, kabote?” may pa-aksyon pang sabi ni Einna sa harap ni Mariare.
“Tumigil ka nga riyan, Einna. Ikaw talaga kahit kailan lagi kang patawa!” turan ni Mariare sa kapatid.
“Ano na nga ba kasi nangyari sa mag-inang ‘yan? Hindi ba sabi mo pumunta siya sa bahay kaya nga hindi mo ako sinipot dito sa Coffee Shop. Pati nga si Sten hindi na nakapunta rito, eh, iyon pala naging busy kayong mag-ina... Buti na lang at hindi naging busy rito,” mahabang litanya ni Einna kay Mariare.
“Hayun na nga, naging abala raw sila, kasi nga inayos ng husband niya ‘yong business nila roon kaya kinakailangan no’ng panahon na iyon na bumalik sila ng Korea. Pero si Chardee ay rito na nag-aaral. Inasikaso kasi nila pagdating dito ang pag-aaral ni Chardee. Pumunta ang batang ‘yon sa bahay pero si Sten ang sumalubong sa kaniya kaya hindi na kami nagtaka pa na hindi sila kaagad pumasok sa loob ng bahay eh ‘yon pala lumabas sila para kumain. Na-miss yata nila ang isa’t isa kaya nag-bonding.”
Napapaisip pa si Einna bago nagkomento sa sinabi ni Mariare.
“Eh ‘yong binatilyong si Chardee. Kumusta naman ang batang ‘yon?” ulit na tanong ni Einna kay Mariare.
“Ayos naman...malaki na ang pinagbago ng batang ‘yon. Iba pala talaga kapag sa ibang lugar ka nakatira dahil madaling mag-mature ang mga tao roon ‘no?” ani ni Mariare sa kapatid.
“Bakit mo naman nasabi ‘yan? Tumanda ba agad ang Chardee’ng ‘yon!” tanong pa ni Einna na may patakip pa sa kaniyang bunganga.
“Ano ka ba naman! Hindi sa gano’n...magka-edad lang sila ni Sten pero parang napakabinatilyo na niyang talaga,” seryosong sagot ni Mariare.
“Eh, ano nga? Kanina ka pa pa-suspense, ano na bang itsura ng batang ‘yon? Mataba pa rin ba? Tumangkad na ba kasi napakaguwapo ng batang ‘yon kaya lang ay may pagka-chubby,” sunod-sunod na tanong ni Einna. Pinaliwanag pa talaga niya para maintindihan siya ni Mariare.
“Syempre naman hindi mawawala ang pagkaguwapo ng batang ‘yon lalo pa ngayon na subrang guwapo na ito. Nagmana talaga iyon sa lahi nila. May dugong Koreano kasi ang batang ‘yon at maputi pang talaga saka napakakinis ng balat,” paglalarawan ni Mariare.
“Tapos?” ani Einna na parang nabitin sa sinabi ni Mariare. Pailing-iling naman si Mariare sa kapatid.
“Gano’n pa rin siya, napakagalang at napakabuting binatilyo na. Hindi nagbago ang tratar nito sa ‘ting mahirap lang,” dugtong pa ni Mariare sa kaniyang sinabi.
“Kung sabagay hindi na ako magtataka pa...napakalaking himala na nga dahil sa dinami-dami ng tao sa mundong ‘to ay kayo pa talagang mag-ina ang naging malapit sa pamilyang iyan. Naku, Mariare! Kapag nagkataon at iyan ang mapangasawa ni Sten, napakasuwerti natin dahil tiba-tiba tayo sa kayamanan ng mga ‘yan,” sabi ni Einna na hinampas ng kamay niya ang mesang nasa gilid niya.
Nagulat naman si Mariare sa naging pahayag na ‘yon ni Einna sa kaniya. Mabuti na lamang at wala pa silang naging costumer nang umagang ito dahil napalakas pa ni Einna ang kaniyang pagkasabi.
“Einna! Tumigil ka nga riyan! Alam mo ba talaga iyang pinagsasabi mo, huh? Hindi tayo gan’yang klaseng tao, alam mo ‘yan!,” bulyaw ni Mariare sa kapatid na pagalit pa ang boses. Itinaas naman ni Einna ang kaniyang dal’wang kamay bilang pagsuko rito.
“T-teka lang...ano ba? Galit agad? Nagbibiro lang naman ako. Wala namang katotohana ‘yon kun’di suhestiyon lang,” paliwanag pa niya. Napakagat-labi na lang si Mariare na tipong pinipigilan ang magalit ng tuluyan sa kapatid.
“Ikaw, magtigil-tigil ka sa mga iniisip mong ‘yan, ha. Sinasabi ko na sa ‘yo,naku...” huling naibulalas na lang ni Mariare sa kapatid at iniwan na niya itong nanlaki pa ang mga mata.
Nagtatanong pa ang itsura ni Einna sa ginawi sa kaniya ng kapatid na si Mariare. Kaya nagkibit-balikat na lang siya.
Habang sa eskuwelahan naman si Sten Marie Amsedel ay abala naman siya sa pag-aaral pati na ang ibang mga istudyante. Naging busy rin sila dahil sa ginagawa nilang pagpa-praktis para sa nalalapit na pagtatapos ng kanilang 6th grade. May hinahabol pa silang huling pagsusulit sa darating na araw ng biyernes. Nagpupursige rin si Sten dahil gusto niyang makatapos na makakuha ng Valedictorian. Ngunit sa kabilang banda naman ay natutuwa siya dahil ang pagbalik din ng kaniyang matalik na kaibigan na nawalay ng matagal. Hindi man ito tumupad sa ipinangako nitong kukuntakin siya kahit malayo ito ay binalewala na lang niya iyon sapagkat magkaibigan silang tunay at sumumpa sila sa isa’t isa na kahit na anong mangyari ay mananatili pa rin silang magkaibigan. Bigla man itong lumitaw ngunit ang mahalaga ay nandito na ang kaibigan niya at hinding-hindi na sila magkakahiwalay pa.
Nasa kaniyang upoan siya ngayon at tinatapos na lamang ang kaniyang mga sulatin nang maulinigan niya ang mga kaklase niyang nagtitilihan. Parang kinikilig ang mga ito base na rin sa kanilang boses. Ano kaya ang nasa labas at gano'n pumalahaw ang mga kaklase niya? Tanong niya pa sa knaiyang isip habang abala pa siya sa kaniyang ginagawa. Nagsitayuan kasi ang mga ito at nakatingin sa labas ng kanilang bintana.
Ang mga istudyanteng nasa 6th grade ay nasa ground floor lamang ang kanilang classroom building. 12 sections ito at nahahati sa Section A, Section B, Section C, at ang sumunod ay nasa Normal Class na lang. Ibig sabihin lang no’n ay nababase sa Average Grade o marka ng mga istudyanteng ito kung saang klase sila napabilang. Napanatili ni Sten ang kaniyang marka simula noong nasa 1st grade pa siya kaya nasa Section A siya ngayon na klase napabilang.
Nang matapos na niya ang kaniyang sinusulat ay iniligpit na niya ito at inilagay sa loob ng kaniyang bag. Napatingin na lang siya sa mga kaklase niyang nanatiling nakatayo sa mga bintana ng kanilang classroom at sa may pintuan. Nagbulong-bulongan pa ang mga ito. Hindi man niya masyadong naiintindihan ang mga pinagsasabi ng kaniyang mga kaklase ay napabuntong-hininga na lang siyang tumayo at isinuot ang ‘di gaanong kalakihang backbag niya. Agad naman siyang nilapitan ni Lauryn o Sweetheart kung kaniyang tawagin. Napatingin siya rito.
“Loves! Aalis ka na?” tanong ni Lauryn sa kaniya.
“Oo, bakit? Mamaya ka pa ba?” balik niyang tanong kay Lauryn.
“Huwag ka na muna aalis. Hali ka! Tingnan na muna natin itong bisita natin,” sabi pa ni Lauryn sa kaniya. Kumunot naman ang kaniyang noo. Sinong bisita? Ah, baka 'yong pinagtitingnan siguro ng mga kaklase niya sa labas. Anang kaniyang isip. Pati ba naman ang bestfriend niya ay naging interesado.
“Sabi-sabi eh, dati raw ‘yan dito nag-aral. Hayun nga at kausap ng isa sa mga guro na nasa labas ng room natin. Akalain mo ‘yon Loves at dito pa siya pumuwesto sa labas ng classroom natin,” sabi pa ni Lauryn na isa rin ‘ata sa mga kinikilig.
Napataas na lang ang isang kilay niya. Ano ba kasing meron at nagkakaganiyan sila? Tanong ng kaniyang isip. Kaya nagpaalam na siya kay Lauryn na mauuna na siyang aalis, pilit pa ang pagpigil nito sa kaniya subalit wala na siyang magagawa dahil may usapan sila ng kaibigan niyang pupuntahan siya nito sa kanila. Kaya naman nagmamadali na siyang lumabas at isinisiksik ang sarili sa mga kaklase niyang nagkukumpulan pa rin sa pintuan ng kanilang classroom. Naiipit pa ang payat niyang katawan sa mga ito. Hindi man lang nagbigay ng puwang para makalabas siya ng maayos. Pintuan kaya 'yan na dinadaanan ng paglabas-pasok. Kahit kailan talaga, ang mga taong matalino ay naging brainless din pala. Sabi na naman ng kaniyang isip.
Nang makalabas na siya sa kanilang classroom ay parang lumuwag bigla ang kaniyang pakiramdam. Nakalanghap agad siya ng sariwang hangin. Pagharap niya ay bigla siyang natigilan nang makita agad ng kaniyang paningin sa kung sino ang nakatayo sa hindi kalayuan sa harap ng kanilang classroom. Kausap nito ang isa sa mga guro. Nakasuot pa ito ng uniporme pero wala ng dalang bag. Nang makita siya nito ay ngumiti ito nang malawak at kumaway pa sa kaniya. Natuod tuloy siya sa kaniyang kinatatayuan, hindi makakilos at napakabilis ng t***k ng kaniyang puso. Lalong nagsisigawan ang mga kaklase niyang nasa kaniyang likuran maging ang ibang istudyanteng dumadaan ay napahinto. Tumingin lang ‘yong ibang kabataan na nasa mababang grade pa. Tinitingnan din kasi nila ang ang nasa 6th grade na nakalinyang classroom dahil nagtitili ang mga ito kaya gano’n na rin ang pagtataka ng mga batang nasa 4th grade hanggang sa 1st grade. Nakita pa rin niyang nagpaalam na si Chardee sa kausap nito na guro at sinimulan na nitong ihakbang ang mga paa palapit sa kaniya.
Para naman nag-slow motion ang lahat at ang tanging nakikita niya lang ay ang kaniyang kababata na nakatuon lang ang paningin sa kaniya na seryoso na ang mukha at hindi na ito nakangiti. Nang makalapit na ito sa kaniya ay bigla pa siyang natauhan nang yakapin siya nito kaya bigla’y naitulak niya ito. Nagulat naman si Chardee kaya kinuha nito ang isang kamay niya at hinila na siya nito paalis. Lalong lumakas ang sigawan nang mga istudyanteng nasa 6th grade na nakakita sa eksena nila at naiwan ang mga itong gulat pa rin sa kanilang nasaksikan. Nagbulong-bulongan din ang mga ito.
Nang medyo nakalayo na sila sa classroom building ng 6th grade ay agad kinuha ni Sten ang kaniyang kamay na hilang-hila pa rin ni Chardee. Hindi man lang siya nilingon nito at ni sabi ay wala.
“T-teka nga lang!” sigaw niyang sabi rito.
Huminto siya’t humarap naman si Chardee sa kaniya na nakapameywang pa. Tinaasan naman niya ito ng kilay.
“B-bakit ka ganiyan makatingin?” tanong niya rito. Nabulol pa siya. Seryoso ang mukha nitong nakatitig sa kaniya.
“Ang tagal mong lumabas ng room niyo at-” hindi na ni nito itinuloy ang sasabihin bagamat sinusuri nito ang kabuuan ni Sten.
Pinamulahan naman ng mukha si Sten.
“It’s nothing... By the way, rito na ako dumiretso at sinusundo na kita kaya hali ka na,” anyaya ni Chardee sa kaniya at tumalikod na ito at una nang lumakad sa kaniya.
Bigla naman siya natigilan. Iyon na 'yon? Tanong ng kaniyang isip pagkatapos ay patakbo na rin siyang sumunod dito.
Nang nakalabas na sila ng gate ay nadatnan niyang may isang kotse sa kinatatayuan ni Chardee. Napahinto rin siya. Napatingin siya kay Chardee na tila nagtatanong. Sininyasan naman siya ni Chardee na sumakay na. Kumunot lang ang kaniyang noo. Pagkatapos ay bumaba ang bintana sa may driver seat. Bumungad sa kaniya si butler Jaymi na nakangiti habang may suot na salamin. Nanlaki naman ang kaniyang mga mata at lumapit sa bintana ng driver seat. Sinundan naman siya ng tingin ni Chardee dahil muntikan pa ni Sten banggain si Chardee dahil sa kasabikang nakita ni Sten.
“Kuya Jaymi! Kuya Jaymi, ikaw na po ba ‘yan?” tanong ni Sten sa siglang boses.
“Oo, naman senyorita. Sino pa nga ba?” sagot naman ni butler Jaymi na nakangiti kay Sten.
“Ang buong akala ko po talaga ay wala kayo. Hindi ko po kasi kayo nakita, eh, at hindi ka rin pumunta sa aming bahay Kuya Jaymi,” sabik na sabi ni Sten habang nakatayo pa sa bintana ng kotse.
“Pasensiya na Senyorita, wala lang talaga ako no’n pero nandito na ako ulit,” tugon muli ni butler Jaymi.
“Na-miss ko po kayo Kuya Jaymi!” pagtatapat ni Sten na nilawak pa ang pagkangiti.
“Ako rin Senyorita, na-miss rin kita,” sagot naman ni butler Jaymi kay Sten.
Umarko naman ang kilay ni Chardee pagkarinig niyon kaya naman hinila niya ang bag ni Sten na nakasuot pa sa katawan nito palayo sa bintana ng kotse.
“Puwede ba sa loob na lang mag-usap. Get in,” sarkastikong sabi ni Chardee.
Tumalima naman si Sten, sumakay siya sa back seat ng kotse na binuksan ni Chardee at sumunod naman si Chardee.
Agad naman pinaandar ni butler Jaymi ang kotse palayo sa eskuwelahan habang ang mga istudyanteng nakakita ay hindi pa rin inaalis ang pagkakatingin sa kanila. Pinag-uusapan pa rin sila maging ang mga gurong nakakita. Kilala kasi ng lahat si Chardee Lasner kahit na pumunta pa ito ng ibang bansa. Kilala kasi ang pamilya nila na isa sa pinakamayaman kaya ang lahat ng balita ay tampok sa kanila.